Unit 13: Day 3
Juan 4
Pambungad
Habang naglalakbay patungong Galilea, dumaan si Jesus sa Samaria at nagturo sa isang babae sa tabi ng isang balon. Ang babae ay nagpatotoo sa iba na si Jesus ang Cristo. Kalaunan, pinagaling ni Jesus ang anak ng isang maharlika.
Juan 4:1–42
Tinuruan ni Jesus ang isang Samaritana
Isipin ang sumusunod na tanong: Ano ang pinakamahalagang likas na yaman sa mundo? Habang iniisip mo ang iyong isasagot, isipin ang mga likas na yaman tulad ng lupa, bakal, karbon, langis, ginto, at mga diyamante.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Marahil ang una nating maiisip na pinakamahalaga ay ginto, langis, o mga diyamante. Ngunit sa lahat ng mga mineral, bakal, hiyas, at mga likidong matatagpuan sa ibabaw at ilalim ng lupa, ang pinakamahalaga ay tubig.
“Ang tubig ay buhay. Tubig ang nagbibigay-buhay. Sa pamamagitan ng tubig naisasagawa ang iba’t ibang gawain na may kaugnayan sa lahat ng uri ng nilalang. Ang ating katawan ay mayroong mga dalawang-katlong tubig. Bagama’t mabubuhay ang isang tao nang maraming araw o linggo nang walang pagkain, karaniwan namang namamatay ang isang tao sa loob lamang ng tatlo o apat na araw nang walang tubig. Ang karamihan sa malalaking sentro ng populasyon sa mundo ay matatagpuan malapit sa pinagmumulan ng malinis na tubig. Sa madaling salita, walang mabubuhay kung walang pagkukuhanan ng sapat na suplay ng malinis na tubig” (“A Reservoir of Living Water,” [Church Educational System fireside para sa mga young adults, Peb. 4, 2007], 1; lds.org/broadcasts).
Sa pag-aaral mo ng Juan 4, alamin ang uri ng tubig na mahalaga sa iyong espiritu at kung saan mo mahahanap ang mahalagang likas na yamang ito.
Sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 4:1–4 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), malalaman natin na nagbinyag si Jesus at ang mga disipulo Niya.
Umalis si Jesus sa Judea at naglakbay patungong Galilea. Basahin ang Juan 4:4, na inaalam ang dinaanan Niyang lugar patungong Galilea.
Tingnan sa Mga Mapa sa Biblia, blg. 11 “Ang Banal na Lupain Noong Panahon ng Bagong Tipan,” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at hanapin ang Judea, Samaria, at Galilea.
Ang mga Judio ay karaniwang naglalakbay paikot ng Samaria sa halip na dumaan dito dahil sa pagkapoot na nadarama ng mga Judio at mga Samaritano sa isa’t isa (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Samaritano, Mga”). Pinili ni Jesus na dumaan sa Samaria sa halip na umikot dito.
Basahin ang Juan 4:5–9, na inaalam ang nangyari nang tumigil si Jesus sa isang balon malapit sa lungsod ng Sicar sa Samaria. (Ang ibig sabihin ng mga katagang “magiikaanim na nga ang oras” sa talata 6 ay mga bandang katanghalian.) Pansinin ang pagkagulat ng babae nang humingi si Jesus ng maiinom sa kanya.
Basahin ang Juan 4:10–12, na inaalam ang sagot ni Jesus sa tanong ng babae.
Ano ang inialok Niya sa kanya?
Nang ginamit ng Tagapagligtas ang mga katagang “kaloob ng Dios” sa talata 10, tinutukoy Niya ang Kanyang Sarili bilang ang Tagapagligtas ng mundo at ang pinagmumulan ng tubig na buhay.
Basahin ang Juan 4:13–14, na inaalam ang sinabi ni Jesus tungkol sa tubig na inaalok Niya.
Upang mas maunawaan ang sinasagisag ng tubig na buhay, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Bednar: “Ang tubig na buhay na tinutukoy sa talatang ito ay sumasagisag sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. At tulad ng tubig na mahalaga para mabuhay, gayon din ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga doktrina, alituntunin, at ordenansa ay mahalaga para sa buhay na walang hanggan. Kailangan natin ang Kanyang tubig na buhay araw-araw at ang sapat na suplay nito na tutulong sa patuloy na espirituwal na paglakas at pag-unlad natin” (“A Reservoir of Living Water,” 2).
-
Sa iyong scripture study journal, magdrowing ng isang basong tubig at pangalanan itong: Ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo. Pagkatapos, isulat kung bakit ang tubig ay angkop na simbolo ng Tagapagligtas at ng Kanyang ebanghelyo.
Habang iniisip ang simbolismong ito, basahin muli ang Juan 4:14, at isipin ang alituntuning malalaman natin tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.
Isang alituntuning matutukoy natin mula sa talatang ito ay kung tayo ay lalapit kay Jesucristo at tapat na makikibahagi sa Kanyang ebanghelyo, tayo ay makatatanggap ng buhay na walang hanggan. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa margin ng mga banal na kasulatan mo.
Basahin ang Juan 4:15–18, na inaalam ang hiniling ng babae kay Jesus at kung paano tumugon ang Tagapagligtas. Isipin kung gaano kailangan ng babaeng ito ang tubig na inalok ng Tagapagligtas.
Ipinapahiwatig ng sagot ni Jesus na alam Niya ang kalagayan ng babaeng ito.
Ano kaya ang naisip o naramdaman ng babaeng ito nang ihayag ni Jesus ang mga detalye tungkol sa kanya na hindi maaaring malaman ng isang karaniwang estranghero?
Isang katotohanang malalaman natin mula sa mga talatang ito ay alam ni Jesus ang ating mga kasalanan at inaalok sa atin ang Kanyang ebanghelyo upang matulungan tayong madaig ang mga ito. Bakit mahalagang malaman at maunawaan ang katotohanang ito?
Basahin ang Juan 4:19–20, na inaalam ang sinabi ng babae kay Jesus na nagpakita na nagbabago ang pananaw niya tungkol sa Kanya.
May bundok sa Samaria na pinangalanang Bundok Gerizim. Ilang siglo bago ang mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, nagtayo ang mga Samaritano ng templo roon bilang isang lugar ng pagsamba. Hindi tulad ng mga Judio, ang mga Samaritano ay walang awtoridad ng priesthood upang magsagawa ng mga ordenansa, at hindi nila tinanggap ang marami sa mga turo ng mga propeta ng Diyos.
Basahin ang Juan 4:21–24 at ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 4:26 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), na inaalam ang itinuro ni Jesus sa babae tungkol sa pagsamba sa Diyos.
Ayon sa Pagsasalin ni Joseph Smith, anong pagpapala ang darating sa kanila na sumasamba sa Diyos “sa espiritu at sa katotohanan”?
Nalaman natin sa mga talatang ito na kung sasambahin natin ang Ama sa espiritu at sa katotohanan, pagpapalain Niya tayo ng Kanyang Espiritu.
Habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol, alamin at markahan ang ibig sabihin ng sambahin ang Ama sa espiritu at sa katotohanan:
“Ang layunin natin ay sambahin ang tunay at buhay na Diyos at gawin ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu at sa paraan na inorden niya. Ang pinahintulutang pagsamba sa tunay na Diyos ay aakay patungong kaligtasan; ang debosyon na ibinibigay sa mga huwad na diyos at hindi nakatatag sa walang hanggang katotohanan ay walang katiyakan.
“Ang kaalaman tungkol sa katotohanan ay mahalaga sa tunay na pagsamba. …
“… Ang tunay at ganap na pagsamba ay binubuo ng pagsunod sa mga yapak ng Anak ng Diyos; ito ay binubuo ng pagsunod sa mga kautusan at pagsunod sa nais ng Ama sa paraang tayo ay umuunlad nang biyaya sa biyaya hanggang tayo ay maluwalhati kay Cristo tulad niya na niluwalhati sa kanyang Ama. Higit pa ito sa panalangin at pangangaral at pagkanta. Ito ay pamumuhay at paggawa at pagsunod. Ito ay pagtulad sa buhay ng dakilang Huwaran [na si Jesucristo]” (How to Worship,” Ensign, Dis. 1971, 129,–30).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Kailan naanyayahan ng pagsamba mo sa Ama sa Langit ang Espiritu upang tulungan ka sa iyong buhay?
-
Ayon sa pahayag ni Elder McConkie, ano ang magagawa mo upang mas masamba ang Ama sa espiritu at sa katotohanan? (Magsulat ng isang mithiin para sa isang bagay na mapagbubuti mo pa.)
-
Basahin ang Juan 4:25–26, na inaalam ang inihayag ni Jesus sa babae tungkol sa Kanyang Sarili.
Basahin ang Juan 4:27–30, na inaalam ang ginawa ng babae matapos makipag-usap sa Tagapagligtas.
Ano ang sinabi niya na nagpapakita na nagkaroon siya ng patotoo kay Jesucristo?
Malalaman natin mula sa talang ito na kapag nagkaroon tayo ng patotoo kay Jesucristo, tayo ay napupuno ng matinding hangaring ibahagi ito sa iba.
Nabasa natin sa Juan 4:31–37 na bumalik ang mga disipulo ni Jesus na may dalang pagkain. Nang yayain Siya ng mga disipulo na kumain, itinuro Niya sa kanila na Siya ay nabubusog hindi dahil sa pagkain kundi dahil sa paggawa ng nais ng Kanyang Ama. Pagkatapos ay sinabi Niya sa kanila na makita na napakaraming pagkakataon na maipangaral ang ebanghelyo.
Basahin ang Juan 4:39–42, na inaalam ang epekto ng patotoo ng babae sa mga tao sa kanyang lungsod.
Ayon sa Juan 4:42, ano ang sinabi ng mga tao sa babae?
Juan 4:43–54
Pinagaling ni Jesus ang anak ng isang maharlika
Nakatala sa Juan 4:43–45 na nilisan ni Jesus ang Samaria at pumasok sa Galilea. Basahin ang Juan 4:46–54, na inaalam kung sino ang nakatagpo ni Jesus at ano ang pagpapalang ninais niya mula kay Jesus.
Ayon sa sinabi ni Jesus sa talata 48, bakit hindi Niya agad ibinigay ang hinihinging tulong ng lalaking ito? Paano ipinakita ng lalaking ito na hindi niya kailangan ng palatandaan upang maniwala?
Matututuhan natin mula sa talang ito na kapag naniniwala tayo kay Jesucristo nang hindi nangangailangan ng mga palatandaan, pagtitibayin ng Panginoon ang ating paniniwala.
Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ang kahalagahan ng pagpapagaling sa anak ng maharlika: “Ito ang unang himala sa pagpapagaling na inilahad nang detalyado sa mga Ebanghelyo. Ang mga himalang ginawa sa Kapistahan ng Paskua at sa buong Judea ay hindi inilarawan o ipinaliwanag. Ang himalang ito—ang pangalawang ginawa sa Cana—ay nagdagdag ng isang bagong aspeto sa ministeryo ni Jesus na hindi pa natin nakikita hanggang sa puntong ito. Ito sa katunayan ay dalawang magkaibang himala: isang pagpapagaling sa katawan ng anak na wala roon, at ang isa ay pagpapagaling sa kawalang-paniniwala at pagtatanim ng pananampalataya sa puso ng naroroong ama” (The Mortal Messiah, From Bethlehem to Calvary, 4 na tomo [1979–81], 2:12).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Bakit mahalaga na maniwala tayo kay Jesucristo nang hindi nangangailangan ng mga palatandaan?
-
Paano pinagtitibay ng Panginoon ang ating paniniwala kapag tapat tayong naniniwala sa Kanya?
-
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Juan 4 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: