Library
Home-Study Lesson: Mga Gawa 1–5 (Unit 17)


Home-Study Lesson

Mga Gawa 1–5 (Unit 17)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 1–5 (unit 17) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong itinuturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Mga Gawa 1:1–8)

Nagsimula ang mga estudyante sa pag-aaral ng aklat ng Mga Gawa at natutuhan nila na pinamamahalaan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag ng Kanyang kalooban sa Kanyang mga Apostol sa pamamagitan ng Espiritu Santo at na ang mga Apostol ay mga saksi ni Jesucristo at nagpapatotoo sa Kanya sa buong mundo. Pagkatapos ay natutuhan ng mga estudyante na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, maaari din tayong maging mga saksi ni Jesucristo. Ang materyal sa lesson na ito ay nagbigay rin sa mga estudyante ng buod para sa pangalawang bahagi ng Bagong Tipan.

Day 2 (Mga Gawa 1:9–26)

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng tala tungkol sa Pag-akyat sa Langit ni Jesucristo, nalaman nila na sa Kanyang Ikalawang Pagparito, ang Tagapagligtas ay bababa mula sa langit sa kaluwalhatian. Sa pagbasa nila kung paano pinili ng mga Apostol ang kapalit ni Judas, nalaman ng mga estudyante na ang mga Apostol ni Jesucristo ay tinawag ng Diyos sa pamamagitan ng paghahayag.

Day 3 (Mga Gawa 2)

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng mga pangyayari sa araw ng Pentecostes, natuklasan nila ang mga sumusunod na katotohanan: Kapag tayo ay napuspos ng Espiritu Santo, tutulungan Niya tayong magturo at magpatotoo sa iba. Kapag natanggap natin ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang ating puso ay magbabago at magbabalik-loob tayo kay Jesucristo. Kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, nagsisi, at nagpabinyag, handa na tayong tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo.

Day 4 (Mga Gawa 3–5)

Nang pagalingin nina Pedro at Juan ang isang lalaking pilay sa templo, natutuhan ng mga estudyante na maaaring hindi sagutin ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin sa mga paraang gusto natin o inaasahan natin mula sa Kanya, ngunit ang Kanyang mga sagot ay palaging para sa ating higit na ikabubuti. Kabilang sa iba pang mga alituntuning natutuhan sa lesson na ito ay ang sumusunod: Ang mga tagapaglingkod ni Jesucristo ay makagagawa ng mga himala sa pamamagitan ng Kanyang pangalan. Ipinropesiya ng mga propeta sa lahat ng panahon ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw. Kung nagsinungaling tayo sa mga tagapaglingkod ng Diyos, nagsinungaling din tayo sa Kanya.

Pambungad

Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na malaman kung paano sila sasagot nang buong tapang kapag nagkaroon sila ng pagkakataong ibahagi o ipagtanggol ang ebanghelyo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Gawa 4:1–31

Inutusan ng mga miyembro ng Sanedrin sina Pedro at Juan na itigil ang pagtuturo sa pangalan ni Jesus

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang gagawin nila sa mga sumusunod na sitwasyon (maaari mong isulat sa pisara ang mga sitwasyong ito bago magklase):

  1. Isang kaibigan ang nag-post sa social media ng isang bagay na hindi totoo tungkol sa Simbahan.

  2. Isang coach ang nag-schedule ng torneo kaya kailangang maglaro ng team ninyo sa araw ng Linggo.

  3. Tinanong ng mga kaibigan ninyo ang inyong opinyon tungkol sa usaping panlipunan na karaniwang popular at sinusuportahan pero salungat sa mga turo ng Simbahan.

Matapos bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na mag-isip, itanong:

  • Ano ang ilan pang ibang mga sitwasyon na maaaring kailanganin nating ibahagi o ipagtanggol ang ating relihiyon?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 4–5 na gagabay sa kanila sa ganitong mga uri ng sitwasyon.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Mga Gawa 4, ipabuod sa mga estudyante ang naaalala nila tungkol sa mga pangyayari at mga turo sa Mga Gawa 3. (Sa templo, pinagaling nina Pedro at Juan ang isang lalaking isinilang na pilay at nagturo sila tungkol kay Jesus.)

Ibuod ang Mga Gawa 4:1–6 na ipinapaliwanag na dinakip sina Pedro at Juan dahil dito at dinala sa Sanedrin, ang namamahalang konseho ng mga Judio. Ipaalala sa mga estudyante na sangkot ang maraming miyembro ng Sanedrin sa pagpapadakip at Pagpapako sa Krus sa Tagapagligtas.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 4:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinanong ng mga pinunong Judio kina Pedro at Juan.

  • Ano ang itinanong ng mga pinunong Judio kina Pedro at Juan?

  • Ano ang mangyayari kina Pedro at Juan kung sasabihin nilang mga tagasunod sila ni Jesucristo?

Itanong sa mga estudyante kung ano ang madarama nila kung sila ang nasa katayuan ni Pedro o Juan at ano ang sasabihin nila sa konseho.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 4:8–21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinahayag ni Pedro sa konseho.

video iconSa halip na ipabasa sa mga estudyante ang Mga Gawa 4:8–21, maaari mong ipalabas ang video na “Peter and John Are Judged” (2:51) mula sa The Life of Jesus Christ Bible Videos. Makikita sa video na ito ang mga nangyari sa Mga Gawa 4:8–21. Ito ay makukuha sa LDS.org.

  • Ayon sa Mga Gawa 4:13, bakit nangagtaka ang konseho kina Pedro at Juan?

Sabihin sa mga estudyante na muling pag-aralan nang tahimik ang Mga Gawa 4:8, na inaalam kung ano ang nag-impluwensya kay Pedro at ang tumulong sa kanya na makapagsalita nang buong tapang sa konseho.

  • Sa inyong palagay, paano nakaimpluwensya ang pagkapuspos ni Pedro ng Espiritu Santo sa kakayahan niyang ituro nang buong tapang ang ebanghelyo?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Pedro na nakatala sa mga talata 8 at 13? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag tayo ay napuspos ng Espiritu Santo, maibabahagi natin nang buong tapang ang ebanghelyo. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Ayon sa Mga Gawa 4:18, ano ang inutos ng konseho kina Pedro at Juan?

  • Ayon sa mga talata 19–20, paano tumugon sina Pedro at Juan sa utos ng konseho?

Ibuod ang Mga Gawa 4:23–30 na ipinapaliwanag na matapos palayain sina Pedro at Juan, nakipagtipon sila kasama ang iba pang mga naniniwala at nanalangin kasama nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 4:31. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari pagkatapos nilang manalangin.

  • Ano ang nangyari matapos manalangin ang mga tao?

  • Mula sa nalaman natin sa talatang ito, ano ang maaari nating gawin upang maanyayahan ang Espiritu Santo na tulungan tayo na maipahayag ang mga salita ng Diyos nang buong tapang?

Tukuyin ang ilan sa mga sitwasyon na nabanggit sa simula ng lesson.

  • Sa paanong mga paraan natin maibabahagi nang buong tapang ang ebanghelyo sa mga sitwasyong tulad nito nang mayroon pa ring paggalang at kahinahunan? (Tingnan ang Alma 38:12; maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng maging matapang sa pagbabahagi ng ebanghelyo ay buong tiwala nating naibabahagi ang alam nating totoo, ngunit ginagawa natin ito nang may pagpapakumbaba at paggalang sa mga tao na maaaring naiiba ang pananaw o nadarama.)

  • Kailan kayo natulungan ng Espiritu Santo na maipahayag ang salita ng Diyos nang buong tapang?

  • Paano ninyo nalaman na ang Espiritu Santo ang tumulong sa inyo?

Mga Gawa 5:12–42

Ang mga Apostol ay ibinilanggo dahil sa pagpapagaling sa pangalan ni Jesucristo

Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na nabuhay sila sa panahon nina Pedro at Juan at mga reporter sila ng Jerusalem Times. Ipaliwanag na pag-aaralan nila ang mga bahagi ng Mga Gawa 5:12–32 at pagkatapos ay magsusulat ng news headline na ibinubuod ang nangyari. (Upang makapagbigay ng konteksto para sa mga talatang ito, ipaalala sa mga estudyante na inutos ng Sanedrin kina Pedro at Juan na tumigil sa pagsasalita sa pangalan ni Jesucristo.) Sundin ang mga instruksyong ibinigay sa bawat block ng mga talata.

  1. Mga Gawa 5:12–16 (Basahin ang talatang ito bilang buong klase, at magkakasamang magsulat ng headline para dito.)

  2. Mga Gawa 5:17–23 (Ipabasa sa mga estudyante ang talatang ito kasama ang kanilang kapartner at magpasulat ng headline. Sabihin sa ilang magkakapartner na ibahagi ang kanilang mga headline sa klase.)

  3. Mga Gawa 5:24–32 (Sabihin sa mga estudyante na magkani-kanyang basa sila at sumulat ng headline. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang headline sa klase.)

Matapos ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga headline, itanong:

  • Ayon sa Mga Gawa 5:29, bakit sinabi nina Pedro at ng iba pang mga Apostol na patuloy silang nangaral sa pangalan ni Jesus kahit nag-utos ang konseho na itigil ito?

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung pipiliin nating sundin ang Diyos sa halip na ang tao, …

  • Mula sa nabasa ninyo sa Mga Gawa 4–5, paano natin makukumpleto ang pahayag na ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag na nasa pisara tulad ng sumusunod: Kung pipiliin nating sundin ang Diyos sa halip na ang tao, sasamahan Niya tayo.)

  • Sa paanong mga paraan sinamahan ng Diyos si Pedro at ang iba pang mga Apostol dahil sa pagsunod nila sa Kanya at hindi sa konseho? (Sila ay pinuspos ng Diyos ng Espiritu Santo [tingnan sa Mga Gawa 4:8, 31], binigyan sila ng kapangyarihang gumawa ng mga himala [tingnan sa Mga Gawa 5:12–16], at nagsugo ng Kanyang anghel upang iligtas sila mula sa bilangguan [tingnan sa Mga Gawa 5:17–20].)

  • Kailan ninyo o ng isang kakilala ninyo pinili na sundin ang Diyos sa halip na ang mga tao? Paano ipinakita ng Diyos na sinamahan Niya kayo o ang taong ito?

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 5:33–42. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang mga karagdagang halimbawa kung paano sinamahan ng Panginoon si Pedro at ang iba pang mga Apostol.

video iconSa halip na ipabasa sa mga estudyante ang Mga Gawa 5:33–42, maaari mong rebyuhin at ibuod ang nilalaman ng Mga Gawa 5:12–42 sa pagpapalabas ng video na “Peter and John Continue Preaching the Gospel” (5:38). Ang video na ito ay makukuha sa LDS.org.

Ipaliwanag na nalaman natin mula sa Mga Gawa 5:33 na hinangad ng konseho na ipapatay sina Pedro at Juan.

  • Ayon sa mga talata 41–42, paano nanatiling tapat sa Panginoon ang mga Apostol sa kabila ng mga pagbabantang ito? Paano sila sinamahan ng Panginoon sa panahong ito?

  • Paano makatutulong sa atin ang mga katotohanang natukoy natin sa lesson na ito kapag ipinamuhay natin ang ebanghelyo at ibinahagi ito sa mga nakapaligid sa atin?

Ibahagi ang iyong patotoo sa mga katotohanang itinuro sa araw na ito, at anyayahan ang mga estudyante na ipamuhay ang mga katotohanang ito.

Susunod na Unit (Mga Gawa 6–12)

Itanong sa mga estudyante kung gaano karaming tao sa palagay nila ang namatay para sa ebanghelyo. Ipaliwanag na sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 6–12 sa susunod na linggo, malalaman nila ang tungkol sa dalawang magigiting na namatay dahil kay Jesucristo: ang isa ay miyembro ng Pitumpu, at ang isa ay Apostol. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: Bakit napakahalaga sa Simbahan ng pangitain ni Pedro tungkol kay Cornelio? Ano ang nangyari kay Saulo (kilala rin bilang Pablo) na nagpabago sa kanyang buhay? Paano siya nabulag, at sino ang sinabi ng Panginoon na magbabalik ng kanyang paningin?