Library
Pambungad sa Ebanghelyo Ayon kay Lucas


Pambungad sa Ebanghelyo Ayon kay Lucas

Bakit pag-aaralan ang aklat na ito?

Ang aklat ni Lucas ay nagbibigay ng karagdagang patotoo sa maraming katotohanang itinala nina Mateo at Marcos at mayroon ding mga natatanging nilalaman. Ang Ebanghelyo Ayon kay Lucas ay magpapalalim ng pang-unawa ng mga estudyante tungkol sa mga turo ni Jesucristo at makatutulong sa kanila na mas lubos na mapahalagahan ang Kanyang pagmamahal at habag para sa buong sangkatauhan, na nakita sa Kanyang ministeryo sa buhay na ito at sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala.

Sino ang sumulat ng aklat na ito?

Si Lucas ang may-akda ng Ebanghelyong ito. Siya ay isang manggagamot (tingnan sa Mga Taga Colosas 4:14) at “isang sugo ni Jesucristo” (Joseph Smith Translation, Luke 1:1). Si Lucas ay isa sa “mga kamanggagawa” ni Pablo (Kay Filemon 1:24) at ang kasama ni Pablo sa ministeryo (tingnan sa II Kay Timoteo 4:11). Si Lucas din ang sumulat ng aklat ng Mga Gawa (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Lucas”).

Kailan at saan ito isinulat?

Bagama’t hindi alam kung kailan talaga isinulat ni Lucas ang kanyang Ebanghelyo, ito ay malamang na isinulat sa huling kalahati ng unang siglo A.D. Ang mga pinagkunan ng tala ni Lucas ay ang mga taong “buhat sa pasimula ay mga saksing nangakakakita” (Lucas 1:2) sa ministeryo sa buhay na ito at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. Hindi natin alam kung saan isinulat ang Ebanghelyo Ayon kay Lucas.

Para kanino ito isinulat at bakit?

Layunin ni Lucas na mabasa ang kanyang Ebanghelyo ng mga Gentil, at ipinakilala niya si Jesucristo bilang Tagapagligtas kapwa ng mga Judio at mga Gentil. Inilahad ni Lucas ang kanyang ebanghelyo kay “Teofilo” (Lucas 1:3), na ang ibig sabihin sa Griyego ay “kaibigan ng Diyos” o “minamahal ng Diyos.” Malinaw na si Teofilo ay naturuan na noon tungkol sa buhay at mga turo ni Jesucristo (tingnan sa Lucas 1:4). Nais ni Lucas magturo pa sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang sistematikong tala tungkol sa misyon at ministeryo ng Tagapagligtas. Gusto niya na “mapagkilala” ng babasa ng kanyang patotoo ang “katunayan” (Lucas 1:4) tungkol sa Anak ng Diyos—ang Kanyang pagkahabag, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli.

Ano ang ilan sa mga natatanging katangian ng aklat na ito?

Ang Lucas ang pinakamahaba sa apat na Ebanghelyo at ang pinakamahabang aklat sa Bagong Tipan. Ilan sa pinakakilalang kuwento ng mga bansang Kristiyano ay natatangi o makikita lamang sa Ebanghelyo Ayon kay Lucas: ang kalagayan ng pagsilang ni Juan Bautista (tingnan sa Lucas 1:5–25, 57–80); ang tradisyonal na kuwento ng Pasko (tingnan sa Lucas 2:1–20); ang kuwento tungkol kay Jesus noong siya ay 12 taong gulang (tingnan sa Lucas 2:41–52); mga talinghaga tulad ng mabuting Samaritano (tingnan sa Lucas 10:30–37), ang alibughang anak (tingnan sa Lucas 15:11–32), at ang mayamang lalaki at si Lazaro (tingnan sa Lucas 16:19–31); ang kuwento tungkol sa sampung ketongin (tingnan sa Lucas 17:11–19); at ang tala tungkol sa nabuhay na muling Panginoon na nakisabay sa paglalakad sa Kanyang mga disipulo sa daan papuntang Emaus (tingnan sa Lucas 24:13–32).

Ang iba pang mga kakaibang katangian ay ang paglalakip ni Lucas ng mga turo ni Juan Bautista na hindi matatagpuan sa ibang mga Ebanghelyo (tingnan sa Lucas 3:10–14); ang pagbibigay-diin niya sa pagiging madasalin ni Jesucristo (tingnan sa Lucas 3:21; 5:16; 9:18, 28–29; 11:1); at ang paglalakip niya sa pagtawag, pagsasanay, at gawaing misyonero ng Pitumpu (tingnan sa Lucas 10:1–22). Bukod pa riyan, si Lucas lamang ang tanging manunulat ng Ebanghelyo na nagtala na ang pawis ng Tagapagligtas ay gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsitulo sa Getsemani at na isang anghel ang naglingkod sa Kanya (tingnan sa Lucas 22:43–44).

Dahil ang Ebanghelyo Ayon kay Lucas ay nagsimula at nagtapos sa templo, nagpapahiwatig din ito ng kahalagahan ng templo bilang pangunahing lugar kung saan nakikipag-ugnayan ang Diyos sa sangkatauhan (tingnan sa Lucas 1:9; 24:53).

Outline

Lucas 1–3 Ang pagsilang at misyon ni Juan Bautista at ibinadya ang pagsilang ni Jesucristo. Nagpatotoo ang mga nakakita na ang sanggol na si Jesus ay ang Mesiyas. Sa edad na 12, nagturo si Jesucristo sa templo. Nangaral ng pagsisisi si Juan Bautista at bininyagan si Jesucristo. Itinala ni Lucas ang talaangkanan ni Jesucristo.

Lucas 4–8 Tinukso si Jesucristo sa ilang. Inihayag Niya sa Nazaret na Siya ang Mesiyas at hindi Siya tinanggap. Pumili ng Labindalawang Apostol si Jesucristo at nagturo sa Kanyang mga disipulo. Siya ay nagpatawad ng mga kasalanan at nagsagawa ng maraming himala.

Lucas 9–14 Ang Labindalawang Apostol ay isinugo upang mangaral at magpagaling. Pinakain ni Jesucristo ang limang libo at nagbagong-anyo sa isang bundok. Tumawag Siya ng Pitumpu at isinugo sila upang mangaral. Si Jesucristo ay nagturo tungkol sa pagkadisipulo, pagpapaimbabaw, at paghatol. Itinuro Niya ang talinghaga ng mabuting Samaritano

Lucas 15–17 Nagturo si Jesus sa pamamagitan ng mga talinghaga. Nagturo Siya tungkol sa kasalanan, pananampalataya, at pagpapatawad. Siya ay nagpagaling ng sampung ketongin at nagturo tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

Lucas 18–22 Patuloy na nagturo si Jesucristo sa pamamagitan ng mga talinghaga. Pinagaling Niya ang isang lalaking bulag at tinuruan si Zaqueo. Siya ay matagumpay na pumasok sa Jerusalem sakay ng asno, nanangis para sa lungsod, at nilinis ang templo. Ibinadya ni Cristo ang pagkawasak ng Jerusalem at binanggit ang mga tanda na magaganap bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito. Pinasimulan Niya ang sakramento, tinuruan ang Kanyang mga Apostol, at nagdusa sa Getsemani. Siya ay ipinagkanulo, dinakip, kinutya, pinahirapan, at nilitis.

Lucas 23–24 Si Jesucristo ay nilitis sa harap nina Pilato at Herodes, ipinako sa krus, at inilibing. Ang mga anghel sa libingan at ang dalawang disipulo sa daan patungong Emaus ay nagpatotoo na si Jesucristo ay nabuhay na muli. Nagpakita ang Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo sa Jerusalem, nangako sa Kanyang mga Apostol na ipagkakaloob sa kanila ang kapangyarihang mula sa Diyos, at umakyat sa langit.