Home-Study Lesson
Mga Taga Roma 8–I Mga Taga Corinto 6 (Unit 21)
Pambungad
Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano iwasan ang kasalanan kapag napapalibutan sila nito. Dagdag pa rito, matututuhan nila kung bakit mahalaga na panatilihing dalisay ang mga katawan nila.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
I Mga Taga Corinto 6
Itinuro ni Pablo sa mga Banal ang tungkol sa pagkakaisa at ang batas ng kalinisang-puri
Magdrowing sa pisara ng isang larawan ng isang mangkok ng bulok ng prutas na may isang sariwang prutas na nakahalo rito. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung naisip na nila kung paano iwasan ang kasalanan kapag napapalibutan sila nito.
Sa pag-aaral ng mga estudyante ng I Mga Taga Corinto 6, sabihin sa kanila na alamin ang mga katotohanang itinuro ni Apostol Pablo na makatutulong sa kanila na mamuhay nang matwid kahit napapalibutan sila ng masasamang impluwensya.
Ibuod ang I Mga Taga Corinto 6:1–8 na ipinapaliwanag na pinayuhan ni Pablo ang mga Banal sa Corinto na matwid na lutasin ang mga pagtatalo sa kanila sa halip na kaagad na dumulog sa mga hukumang-sibil.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 6:9–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang masasamang gawain sa Corinto na itinuro ni Pablo na iwasan.
-
Anong mga uri ng masasamang gawain ang itinuro ni Pablo na iwasan ng mga miyembro ng Simbahan?
-
Ayon sa I Mga Taga Corinto 6:11, ano ang ipinaalala ni Pablo sa mga Banal na ito tungkol sa kanilang sarili? (Maraming nagbalik-loob o converts mula sa Corinto ang nakibahagi sa masasamang gawaing ito bago sumapi sa Simbahan, pero nagsisi sila at naging malinis mula sa kanilang mga kasalanan.)
Ipaliwanag na ang sinaunang Corinto ay kilala sa gawaing imoral, at maraming taga-Corinto ang nagpapalaganap ng ideya na ang ating mga katawan ay nilikha para bigyang-kasiyahan. Ibuod ang Joseph Smith Translation ng 1 Corinthians 6:12 na ipinapaliwanag na nagturo si Pablo laban sa pilosopiya na walang tama o mali.
-
Paano natutulad ang mga ideya at ginagawa sa Corinto sa mga bagay na nakikita natin sa mundo sa panahong ito?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 6:13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa layunin ng ating mga katawan.
-
Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa ating mga katawan? (Bagama’t tila maraming mga taga-Corinto ang naniniwala na ang katawan ay nilikha para bigyang-kasiyahan ito, iwinasto ni Pablo ang pananaw na ito sa pagtuturo na ang ating mga katawan ay nilikha para maisakatuparan ang mga layunin ng Panginoon.)
Ibuod ang I Mga Taga Corinto 6:14–17 na ipinapaliwanag na ang mga sumapi sa Simbahan ay nagiging kaisa si Cristo bilang espirituwal na “mga miyembro” ng Kanyang katawan. Ipinaliwanag din ni Pablo na ang seksuwal na imoralidad ay hindi akma sa espirituwal na pakikipag-ugnayan kay Jesucristo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 6:18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Corinto. (Maaari mong ipaliwanag na binago ng Joseph Smith Translation ng 1 Corinthians 6:18 ang mga katagang “nangasa labas ng katawan” sa “laban sa katawan ni Cristo.”)
-
Ano ang itinuro ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Corinto?
-
Anong katotohanan ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga taong nagkasala ng pakikiapid? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita sa talata 18 na nagtuturo ng sumusunod na katotohanan: Ang mga nagkakasala ng pakikiapid ay nagkakasala sa sarili nilang katawan.)
Ipaliwanag na sumunod na itinuro ni Pablo kung bakit ang pakikiapid, o seksuwal na imoralidad, ay isang kasalanan “laban sa sariling katawan [ng taong iyon].”
Ipaalala sa mga estudyante na ang I Mga Taga Corinto 6:19–20 ay isang scripture mastery passage. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 6:19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung saan inihambing ni Pablo ang ating mga katawan.
-
Saan inihambing ni Pablo ang ating mga katawan?
Magdispley ng larawan ng templo.
-
Ano ang pagkakaiba ng templo sa iba pang mga gusali?
-
Paano ninyo ibubuod ang katotohanan na itinuro ni Pablo sa talata 19? (Maaaring iba’t iba ang isagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang ating mga katawan ay mga templo ng Diyos kung saan maaaring manahan ang Espiritu.)
-
Paano makaiimpluwensiya ang pag-unawa na ang ating mga katawan ay mga templo sa paraan ng pagtrato natin sa ating katawan at sa mga katawan ng iba?
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na makinig para sa mga karagdagang kaalaman tungkol sa kung paano nakaiimpluwensiya ang ating pag-unawa na ang ating mga katawan ay mga templo sa pagtrato natin sa ating mga sarili at sa iba.
“Tinatanggap ang mga katotohanang ito [mula sa I Mga Taga Corinto 6:19–20] … , tiyak na hindi natin papapangitin ang ating katawan sa pagpapatato, o pahihinain ito sa paggamit ng mga droga, o dumihan ito sa pangangalunya, pakikiapid, o kahalayan. … Dahil ito ang katawan ng ating espiritu, napakahalagang pangalagaan natin ito sa abot ng ating makakaya. Dapat nating ilaan ang lakas at mga kakayahan nito upang makapaglingkod at maipalaganap ang gawain ni Cristo” (“Larawan ng Isang Buhay na Inilaan,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 17).
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mga katagang “hindi kayo sa inyong sarili” sa I Mga Taga Corinto 6:19?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 6:20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit hindi sa ating sarili ang ating mga katawan.
-
Anong mga kataga ang nagpapahiwatig kung bakit hindi sa atin ang ating mga katawan? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “binili sa halaga” ay matubos o mabili muli sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.)
-
Paano ninyo ibubuod ang katotohanan mula sa mga talata 19–20? (Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, tulungan sila na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Dahil nabili na tayo nang may halaga sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, hindi na sa atin ang ating mga katawan.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Mangyaring huwag sabihin na: ‘Sino ang sinasaktan nito? Bakit hindi maaari ang kaunting kalayaan? Maaari akong lumabag ngayon at magsisi kalaunan.’ Mangyaring huwag maging hangal at walang habag. Hindi mo ‘maipapakong muli si Cristo’ [tingnan sa Sa Mga Hebreo 6:6] nang hindi ka napaparusahan. ‘Magsitakas kayo sa pakikiapid’ [1 Mga Taga Corinto 6:18], ang sabi ni Pablo, at tumakas sa ‘anumang bagay tulad nito’ [D at T 59:6; idinagdag ang pagbibigay-diin], ang idinagdag ng Doktrina at mga Tipan. Bakit? Ang isang dahilan ay ang di-mapapalitang paghihirap sa katawan at espiritu na tiniis ng Tagapaglgitas ng mundo upang tayo ay makatakas [tingnan lalo na sa Doktrina at mga Tipan 19:15–20]. Utang natin iyon sa Kanya. Samakatwid, utang natin sa Kanya ang lahat para diyan” (“Personal Purity,” Ensign, Nob. 1998, 76).
-
Paano makaiimpluwensiya ang pag-alaala na hindi sa atin ang ating mga katawan sa mga pagpili o pagpapasiyang gagawin natin para sa ating mga katawan?
Ibalik ang atensyon ng mga estudyante sa larawan ng isang sariwang prutas na nakadrowing sa pisara na napalilibutan ng mga bulok na prutas.
-
Paano makatutulong sa atin ang pag-unawa sa mga katotohanang ito tungkol sa ating mga katawan na manatiling dalisay kahit napapalibutan tayo ng kasamaan?
Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay mo. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga impresyon o pahiwatig na maaaring natanggap nila habang itinuturo ang lesson at sumunod sa mga pahiwatig na iyon.
Susunod na Unit (I Mga Taga Corinto 7–14)
Ipaliwanag sa mga estudyante na bawat isa sa kanila ay binigyan ng isa o higit pang espirituwal na kaloob mula sa Ama sa Langit. Sabihin sa kanila na pag-aralan ang susunod na unit na inaalam ang ilan sa mga espirituwal na kaloob na ibinibigay ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak. Sabihin sa kanila na itinuro ni Pablo na kahit na ibigay niya ang lahat ng kanyang ari-arian para mapakain ang mahihirap at ibigay ang kanyang katawan upang sunugin, kung wala siya ng isang partikular na espirituwal na kaloob, wala siyang kabuluhan. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga kaloob na ibinigay sa kanila.