Library
Lesson 136: Sa Mga Hebreo 5–6


Lesson 136

Sa Mga Hebreo 5–6

Pambungad

Itinuro ni Pablo na ang mga tumatanggap ng priesthood ay dapat na tinawag ng Diyos at na si Jesucristo ay “pinangalanan [tinawag] ng Diyos [para maging] dakilang saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Mequisedec” (Sa Mga Hebreo 5:10). Hinikayat ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan na magsumigasig, manampalataya, magtiyaga, at umasang matamo ang mga pangako ng Diyos.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Sa Mga Hebreo 5

Itinuro ni Pablo na ang mga tumatanggap ng priesthood ay dapat na tinawag ng Diyos

Bago magklase, isulat ang bawat titulo sa magkakahiwalay na papel: Doktor at Pulis. Papuntahin ang dalawang estudyante sa harapan ng silid, at ibigay sa kanila ang tig-isang papel. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Kahit hawak ng mga estudyante ang mga papel na nagpapakita ng wastong titulo, ano ang ipag-aalala ninyo kung si [sabihin ang pangalan ng estudyanteng may hawak ng papel na may nakasulat na “Doktor”] ang mag-oopera sa inyo kapag naaksidente kayo?

  • Ano ang magiging reaksyon ninyo kung bigyan kayo ni [sabihin ang pangalan ng estudyanteng may hawak na “Pulis”] ng ticket?

  • Bakit mag-aatubili kayong payagan ang mga estudyanteng ito na gawin sa inyo ang mga bagay na may kinalaman sa mga titulong nakasulat sa papel nila? (Ang mga estudyanteng ito ay walang awtoridad at kakayahang isagawa ang mga iyon.)

Ipaliwanag na tulad ng lipunan na nagtakda ng mga kinakailangang kwalipikasyon at paraan para magkaroon ng awtoridad na magsagawa ng ilang tungkulin, ang Diyos ay nagtakda rin ng mga kinakailangang kwalipikasyon (tulad ng katapatan at pagiging karapat-dapat) at mga paraan para magkaroon ng awtoridad na magsagawa ng ilang responsibilidad sa Kanyang Simbahan. Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Sa Mga Hebreo 5 ang huwaran na itinakda ng Diyos para matamo ang awtoridad na ito.

Ipaalala sa mga estudyante na, tulad ng nakatala sa Sa Mga Hebreo 4:14–16, inilarawan ni Pablo ang Tagapagligtas bilang “dakilang saserdote” (talata 14). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 5:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa papel ng mataas o dakilang saserdote sa mga Israelita.

  • Ano ang ginagampanan ng mataas na saserdote sa mga Israelita?

Ipaliwanag na ang katungkulan ng mataas na saserdote na tinukoy sa mga talatang ito, sa ilalim ng batas ni Moises, ay pamunuan ang Aaronic Priesthood. Si Aaron, kapatid ni Moises, ay tinawag na “unang mataas na saserdote ng orden ng Aaron.” Minamana ang tungkulin; matapos ang panahon ni Aaron, ang mataas na saserdote ay pinipili sa panganay sa mag-anak ni Aaron at ng kanyang mga anak. Ang mataas na saserdote ay karaniwang naglilingkod hanggang sa mga nalalabing panahon ng kanyang buhay, ngunit kalaunan kinontrol ng masasamang tao ang katungkulang ito. “Ang Matataas na saserdote ay hinihirang nang di wasto at tinatanggal sa sandaling naisin ni Herodes at ng mga Romano. Ang katungkulan ay pinunan ng 28 iba’t ibang kalalakihan sa pagitan ng 37 B.C. at A.D. 68” (Bible Dictionary, “High priest”).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 5:4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano pinipili ang mataas na saserdote.

  • Paano pinipili ang mataas na saserdote?

Para maipaunawa sa mga estudyante kung paano “[tinawag] ng Dios” si Aaron (talata 4), ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Exodo 28:1. Bago basahin ng estudyante ang talatang ito, ipaliwanag na naganap ang pangyayaring ito sa pagitan ng Diyos at ni Moises sa Bundok ng Sinai.

  • Paano tinawag ng Diyos si Aaron para maorden sa priesthood?

  • Bakit mahalagang itagubilin ito ng Panginoon kay Moises sa halip na sa iba? (Si Moises ang propeta at samakatwid ay siya ang awtorisadong tumanggap ng gayong paghahayag at mamahala sa paggamit ng priesthood na iyan sa mundo.)

  • Ano ang dapat mangyari upang maordenan ang isang tao sa priesthood? (Ang mga estudyante ay maaaring gumamit ng iba-ibang salita, ngunit siguraduhin na matukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang mga inorden sa priesthood ay dapat tawagin ng Diyos sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang mga awtorisadong lingkod. Maaari mong ipaliwanag na sa Simbahan ngayon, ang mga awtorisadong lider ng priesthood ay dapat interbyuhin ang bawat kandidato para sa ordenasyon at hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo para malaman ang kahandaan at pagiging karapat-dapat ng kandidatong ioorden sa priesthood. Tingnan din sa Juan 15:16.)

  • Paano nauugnay ang katotohanang ito sa pagtawag ng mga taong maglilingkod sa Simbahan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang ikalimang saligan ng pananampalataya. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano naipahiwatig sa ikalimang saligan ng pananampalataya ang katotohanang natukoy nila sa Sa Mga Hebreo 5:4. Ipaliwanag na ang propesiya ay tumutukoy sa paghahayag.

  • Ayon sa saligang ito ng pananampalataya, ano ang dapat pang mangyari upang mabigyan ng awtoridad ang isang tao na “ipangaral ang Ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa [nito]”?

Ibinigay ni Moises ang Priesthood kay Aaron

Idispley ang larawang Ibinigay ni Moises ang Priesthood kay Aaron (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 15; tingnan din sa LDS.org). Ipaliwanag na parehong nakatala sa Luma at Bagong Tipan na natanggap ng mga propeta, mga mayhawak ng priesthood, at mga guro ng ebanghelyo ang kanilang mga tungkulin sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng awtorisadong mayhawak ng priesthood (tingnan sa Mga Bilang 27:18–23; Mga Gawa 6:6; 13:2–3; I Kay Timoteo 4:14).

  • Paano naipapakita sa pagtawag ng mga tao para sa mga tungkulin sa Simbahan ngayon ang huwarang itinakda sa mga banal na kasulatan?

  • Bakit mahalagang malaman na ang awtoridad ng priesthood ay matatanggap lamang sa ganitong paraan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 5:5–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ang nagbigay sa Tagapagligtas ng Kanyang awtoridad. Ipaliwanag na binanggit sa talata 5 ang Awit 2:7 at binanggit sa talata 6 ang Awit 110:4.

  • Sino ang nagbigay sa Tagapagligtas ng Kanyang awtoridad? (Ang Ama sa Langit.)

  • Anong priesthood ang taglay ni Jesucristo? (Ang Melchizedek Priesthood. Ipaliwanag na ang priesthood na ito ay orihinal na ipinangalan sa Tagapagligtas [tingnan sa D at T 107:2–4].)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 5:7–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang kinahinatnan ni Jesucristo. Ipaliwanag na ang tinutukoy sa Sa Mga Hebreo 5:7–8 ay si Melquisedec, na propeta at hari na nabuhay noong panahon ni Abraham. Gayunman, dahil si Melquisedec ay halimbawa ni Cristo, ang mga talatang ito ay nauugnay rin sa Tagapagligtas (tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:157).

  • Ayon sa Sa Mga Hebreo 5:9, ano ang kinahinatnan ng Tagapagligtas?

  • Paanong si Jesucristo ang “gumawa ng walang hanggang kaligtasan” para sa lahat ng mga sumusunod sa Kanya?

Ibuod ang Sa Mga Hebreo 5:11–14 na ipinapaliwanag na ipinahayag ni Pablo na nais pa niyang magturo pa tungkol sa paksang ito ngunit ang mga tao ay kulang sa espirituwal na pag-unawa at kahustuhan ng isipan upang makaunawa ng mas malalim na turo.

Sa Mga Hebreo 6

Hinikayat ang mga Banal na maging masigasig, manampalataya, magtiyaga, at umasang matamo ang mga pangako ng Diyos

  • Ano ang mga halimbawa ng mga pagpapala o biyayang ipinangako ng Diyos sa Kanyang mga anak? (Kabilang sa mga posibleng sagot ang kapayapaan, kaligayahan, pagpapatawad, mga sagot sa panalangin, mga basbas na binanggit sa patriarchal blessing, pagkabuhay na mag-uli, at buhay na walang hanggan. Ipaliwanag na may mga pagpapala na ibinibigay depende sa mga pagpili natin.)

  • Ano ang mga halimbawa ng mga sitwasyon kung saan iniisip natin kung matatanggap ba natin ang isang ipinangakong pagpapala?

Sabihin sa mga estudyante na magsulat sila sa kanilang scripture study journal o notebook ng isang ipinangakong pagpapalang inaasam nilang matanggap. Sabihin sa kanila na alamin ang mga katotohanan sa Sa Mga Hebreo 6 na makatutulong sa kanila na matanggap ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 6:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Pablo na pagsikapang gawin ng mga Banal. Ituro na sinasabi sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Sa Mga Hebreo 6:1 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) na, “Kaya nga, hindi iniiwan ang mga alituntunin ng doktrina ni Cristo” (idinagdag ang pagbibigay-diin), at sinasabi sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Sa Mga Hebreo 6:3 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) na, “At tayo ay magpapatuloy tungo sa pagiging ganap kung ipahihintululot ng Diyos.”

  • Ayon sa talata 1, ano ang itinuro ni Pablo na pagsikapang gawin ng mga Banal? (Ipaliwanag na ang pagiging ganap ay pagiging “husto, buo, o lubos na umunlad. … Ang mga tunay na tagasunod ni Cristo ay maaaring maging ganap sa pamamagitan ng Kanyang biyaya at Pagbabayad-sala” [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ganap,” scriptures.lds.org]).

  • Anong mga doktrina na binanggit sa mga talatang ito ang huhubog sa pundasyong dapat nating itayo habang nagsisikap tayong maging ganap?

Ibuod ang Sa Mga Hebreo 6:4–8 na ipinapaliwanag na inilarawan ni Pablo ang mga anak na lalaki ng kapahamakan bilang mga nilalang na may ganap na kaalaman sa Diyos at pagkatapos ay tumalikod sa katotohanang ito, at naghimagsik laban sa Tagapagligtas, at tumangging magsisi (tingnan din sa D at T 29:44–45; 76: 31–38). Ikinumpara ni Pablo ang mga taong ito sa matatapat na Banal na kanyang kinakausap sa sulat na ito.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Sa Mga Hebreo 6:9–10, na inaalam kung ano ang pinuri ni Pablo sa mga Banal na Hebreo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Sa Mga Hebreo 6:11–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nais ni Pablo na gawin ng mga Banal.

  • Ano ang nais ni Pablo na gawin ng mga Banal?

Ipaliwanag na ang mga katagang “magpakita ng gayon ding sikap sa ikalulubos ng pagasa” (talata 11) ay tumutukoy sa pagiging masigasig hanggang sa matanggap ang mga pagpapala ng Diyos.

  • Paano naging halimbawa si Abraham ng sigasig, pananampalataya, at tiyaga sa pagtamo ng mga ipinangakong pagpapala ng Diyos?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa dapat nating gawin upang mamana ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos? (Maaaring gumamit ng iba-ibang salita ang mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Sa pamamagitan ng kasigasigan hanggang wakas, pananampalataya kay Jesucristo, at pagtitiyaga, maaari nating manahin ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Salungguhitan ang mga salitang pagsamba at pagtitiyaga sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na ibigay ang kahulugan ng mga salitang ito sa kanilang mga notebook o scripture study journal. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang isinulat nila.

  • Bakit maaaring maging mahirap na ipakita ang mga katangiang ito?

  • Sa inyong palagay, bakit kailangan natin ang mga katangiang ito para “mangagpatuloy sa kasakdalan”? (Sa Mga Hebreo 6:1).

  • Kailan kayo tumanggap ng ipinangakong pagpapala sa pamamagitan ng pagsusumigasig, pananampalataya kay Jesucristo, at pagtitiyaga?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 6:16–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa pag-asa at mga pagpapala ng Diyos.

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin sa mga itinuro ni Pablo tungkol sa pag-asa? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang ating pag-asa sa mga ipinangako ng Diyos ay espirituwal na angkla sa ating mga kaluluwa. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Ipaliwanag na ayon sa paggamit ng mga banal na kasulatan, ang ibig sabihin ng pag-asa ay “tiwalang pag-asa ng at pananabik sa mga ipinangakong biyaya ng kabutihan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pag-asa,” scriptures.lds.org).

  • Batay sa mga turo ni Pablo tungkol sa Diyos sa mga talata 17–18, bakit tiwala tayong makakaasa sa mga pangako ng Diyos?

  • Paano tayo matutulungan ng ating pag-asa sa mga pangako ng Diyos na maging masigasig at matiyaga at manampalataya, lalo na kapag dumaranas tayo ng mga hamon sa buhay?

drowing, angkla

Sabihin sa isang estudyante na magdrowing sa pisara ng isang angkla.

  • Ano ang gamit ng angkla sa barko?

  • Paano naging espirituwal na angkla para sa inyo ang pag-asa ninyo sa mga pangako ng Diyos?

Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng mitihiin na mas ganap pang pag-ibayuhin ang sigasig, pananampalataya, tiyaga, at pag-asa. Maaari mo silang hikayatin na simulan ito sa pagsulat ng planong pag-iibayuhin ang mga katangiang ito at pagkatapos ay dagdagan pa ito ng isa pang katangian. Hikayatin sila na ipamuhay ang isinulat nila.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Sa Mga Hebreo 5:4. Pagtanggap ng priesthood

Itinuro ni Propetang Joseph Smith:

“Naniniwala kami na walang taong makapangangasiwa sa kaligtasan sa pamamagitan ng ebanghelyo, sa mga kaluluwa ng tao, sa pangalan ni Jesucristo, maliban kung siya ay binigyang-karapatan ng Diyos, sa pamamagitan ng paghahayag, o naorden ng isang taong isinugo ng Diyos sa pamamagitan ng paghahayag. … Sa Sa Mga Hebreo 5:4 [sinasabi], ‘At sinoman ay hindi tumatanggap sa kaniyang sarili ng karangalang ito, liban na kung tawagin siya ng Dios, na gaya ni Aaron’—At itatanong ko, paano pang tinawag si Aaron, kundi sa pamamagitan ng paghahayag?” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 128; tingnan din sa D at T 42:11).

Sa Mga Hebreo 5:7–8. Si Jesucristo at si Melquisedec

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“[Ang Sa Mga Hebreo, kabanata 5,] mga talata 7 at 8 ay kapwa tumutukoy kay Melquisedec at kay Cristo, dahil si Melquisedec ay halimbawa ni Cristo at ang ministeryo ng propetang iyan ay inihalimbawa at ipinahiwatig ang ministeryo ng ating Panginoon tulad din ng ginawa ng ministeryo ni Moises. (Deut. 18:15–19; Mga Gawa 3:22–23; [3 Nephi 20:23; Joseph Smith—Kasaysayan 1:40].) Bagama’t ang mga salita sa mga talatang ito, lalo na sa ika-7 talata ay orihinal na iniukol kay Mequisedec, ang mga ito ay nauukol din at marahil higit pa sa buhay at ministeryo niya na siyang tumupad ng lahat ng mga pagpalang ipinangako kay Melquisedec” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:157).

Sa Mga Hebreo 6:4–8. “Kanilang ipinapapakong muli sa ganang kanilang sarili ang Anak ng Dios”

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang paggawa ng walang kapatawarang kasalanan ay ang ipakong muli ang Anak ng Diyos ng taong nagkasala at ilagay Siya sa hayag na kahihiyan. (Heb. 6:4–8; D at T 76:34–35.) Para magawa ang walang kapatawarang kasalanang ito, dapat matanggap ng isang tao ang ebanghelyo, magtamo ng ganap na kaalaman tungkol sa kabanalan ni Jesucristo mula sa paghahayag ng Espiritu Santo, at pagkatapos ay itatwa ‘ang bago at walang hanggang tipan kung saan siya pinabanal, tawagin itong hindi banal, at kamuhian ang Espiritu ng biyaya.’ [Joseph Smith, sa History of the Church, 3:232.] Sa gayon ay nagkasala siya ng pagpatay sa pag-ayon sa kamatayan ng Panginoon, dahil sa kabila ng ganap na kaalaman sa katotohanan ay hayagan siyang naghimagsik na parang ipinapako niya si Cristo gayong lubos niyang nalalaman na Siya ay Anak ng Diyos. Kaya nga si Cristo ay tila ipinakong muli at inilagay sa hayag na kahihiyan. (D at T 132:27.)” (Mormon Doctrine, ika-2 ed. [1966], 816–17).