Lesson 40
Marcos 9:30–50
Pambungad
Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang nalalapit Niyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli at itinuro sa kanila kung sino ang magiging pinakadakila sa kaharian ng Diyos. Nagbabala Siya tungkol sa ibubunga ng pang-uudyok na magkasala ang iba at itinuro sa Kanyang mga disipulo na lumayo sa mga impluwensyang mag-uudyok sa kanila na magkasala.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Marcos 9:30–37
Ibinadya ni Jesus ang Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli at itinuro kung sino ang magiging pinakadakila sa kaharian ng Diyos
Magdala sa klase ng isang bagay na may matapang na amoy o aroma na matutukoy ng mga estudyante (tulad ng isang bagong hiwang dalandan o sibuyas, o bagong lutong tinapay). Bago magklase, ilagay ito sa bahagi ng silid-aralan na hindi nakikita ng mga estudyante.
Simulan ang lesson sa pagtatanong sa mga estudyante kung may naamoy sila pagpasok nila sa klase.
-
Ano, kung mayroon man, ang ipinapaisip o ipinapagawa sa inyo ng matapang na amoy na ito sa sandaling matukoy ninyo kung ano ito?
Ipaliwanag na katulad ng maaaring maging impluwensya ng matapang na amoy, maaari din nating maimpluwensyahan ang isipan at kilos ng iba. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga katotohanan sa Marcos 9:30–50 na makatutulong sa kanila na pag-isipan ang impluwensya nila sa pagsisikap ng iba na sundin ang Tagapagligtas at gayon din ang impluwensya ng iba sa kanila.
Ipaliwanag na pagkatapos magpaalis ng masamang espiritu mula sa isang batang lalaki (tingnan sa Marcos 9:17–29), ang Tagapagligtas ay naglakbay sa Galilea kasama ang Kanyang mga disipulo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 9:31–32. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga pangyayaring ipinropesiya ng Tagapagligtas.
-
Anong mga pangyayari ang ipinropesiya ng Tagapagligtas?
Ibuod ang Marcos 9:33–37 na ipinapaliwang na nang dumating si Jesus sa Capernaum, itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo kung sino ang magiging pinakadakila sa kaharian ng Diyos. Itinuro rin Niya sa kanila na tanggapin sa Simbahan ang mga taong nagpakumbaba ng kanilang sarili tulad ng maliliit na bata at yaong mga tumanggap sa Kanya (tingnan sa Joseph Smith Translation, Mark 9:34–35. (Paalala: Ang mga turong ito ay matatalakay nang husto sa lesson para sa Marcos 10.)
Marcos 9:38–50
Si Jesus ay nagbabala sa mga nang-iimpluwensya sa iba na magkasala at sa mga hindi lumalayo sa masasamang impluwensya
Ipabasa sa isang estudyante ang Marcos 9:38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang pangyayaring ibinalita ni Apostol Juan sa Tagapagligtas.
-
Ano ang ibinalita ni Juan sa Panginoon?
Ipaliwanag na pinagbawalan ng mga Apostol ang lalaking ito na magpaalis ng mga demonyo dahil hindi siya kasama sa paglalakbay ng Labindalawang Apostol. Gayunman, sinabi ng Tagapagligtas sa kanila na huwag pagbawalan ang lalaki (na nagpapahiwatig na ang lalaking ito ay mabuting tao at may awtoridad) at itinuro na ang mga taong tumutulong sa Kanyang mga kinatawan ay mabibiyayaan (tingnan sa Marcos 9:39–41).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 9:42. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa na inaalam ang babala ng Tagapagligtas. Ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng salitang ikatitisod ay pang-iimpluwensya sa iba na magkamali, malihis ang landas o magkasala o talikuran ang kanilang pananampalataya.
-
Anong grupo ng mga tao ang sinasabi ng Tagapagligtas na huwag impluwensyahang magkasala? (Maaari mong ipaliwanag na ang “maliliit na ito na sumasampalataya [kay Jesus]” ay kinabibilangan ng mga bago pa sa Simbahan at wala pang gaanong alam sa ebanghelyo, tulad ng mga kabataan at bagong binyag, gayon din ang Kanyang mga mapagkumbaba at nananalig na mga disipulo anuman ang edad nila.)
-
Ano ang babala ng Tagapagligtas sa mga mag-iimpluwensya sa Kanyang mga disipulo na magkasala? (Sinabi Niya na mas mabuti pang mamatay sila kaysa dumanas ng matinding pagdurusa at pagkawalay sa Diyos na daranasin natin kung iimpluwensyahan natin ang iba na magkasala.)
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa babala ng Tagapagligtas sa talata 42? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung iimpluwensyahan natin na magkasala ang mga taong naniniwala kay Jesucristo, mananagot tayo sa harapan ng Diyos.)
-
Sa anong mga paraan maaaring maimpluwensyahan ng isang tao na magkasala ang mga naniniwala kay Jesucristo?
Ipaalala sa mga estudyante ang tungkol sa matapang na amoy sa loob ng klase at ang katotohanan na gaya ng isang matapang na amoy, may positibo o negatibong impluwensya tayo sa iba. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang impluwensya nila sa mga taong naniniwala kay Jesucristo.
Para maihanda ang mga estudyante na matukoy ang isa pang alituntuning itinuro ng Tagapagligtas, hilingin sa isang volunteer na nakasuot ng sapatos na may sintas na pumunta sa harap ng klase. Sabihin sa estudyante na alisin ang pagkakatali ng sintas ng kanyang sapatos at muli itong isintas gamit lamang ang isang kamay. Habang sinisikap ng estudyante na magawa ito, itanong sa klase:
-
Anong mga hamon ang mararanasan ninyo kung mawalan kayo ng isang kamay?
-
Anong mga bagay, kung mayroon man, ang karapat-dapat na dahilan para putulin ninyo ang inyong kamay?
Ipaliwanag na ang sadyang pagputol ng isang bahagi ng katawan ay tinatawag na amputation at maaaring gawin kapag ang isang bahagi ng katawan ay napinsala nang husto, naimpeksyon, o may diperensya na. Bagama’t ang amputation at kasunod na pagpapagaling ay maaaring maging masakit at sobrang nakapanlulumo, maaaring makapigil ang prosesong ito sa pagkalat ng impeksyon sa iba pang bahagi ng katawan at sa iba pang pinsala o kamatayan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 9:43. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa kung kailan mas makabubuting maputol ang isang kamay kaysa panatilihin ang dalawang kamay.
-
Kailan mas makabubuting maputol ang isang kamay kaysa panatilihin ang dalawang kamay?
-
Sa inyong palagay, dapat ba nating literal na sundin ang turong ito at putulin ang isang kamay na “[nakapag]patisod” sa atin, o nakaimpluwensya sa atin na magkasala? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na hindi sinasabi ng Tagapagligtas na kailangang literal na putulin ng mga tao ang kanilang mga kamay. Sa halip, Siya ay gumamit ng talinghaga para bigyang-diin ang kahalagahan ng itinuturo Niya.)
Sabihin sa isang estudyante na magdrowing sa pisara ng imahe ng isang tao. Habang nagdodrowing ang estudyante, ipaliwanag na ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Marcos 9:43–48 ay magdaragdag sa pag-unawa natin sa mga turo ng Tagapagligtas sa talatang ito. Sa mga talatang ito, nalaman natin na ginamit ng Tagapagligtas ang kamay, paa, at mata upang isimbolo ang mga impluwensya sa ating buhay na nag-uudyok sa atin na magkasala. Sabihin sa estudyanteng nagdodrowing sa pisara na bilugan ang isang kamay, paa, at mata ng kanyang idinrowing. Pagkatapos ay paupuin na ang estudyante.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Pagsasalin ni Joseph Smith, Marcos 9:40–48 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung saan inihalintulad ng Tagapagligtas ang isang kamay, paa, at mata na “makapagpapatisod” sa isang tao, o makakaimpluwensya sa iba na magkasala. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang salitang buhay sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Marcos 9:40–41, 43 ay tumutukoy sa buhay na walang hanggan.
-
Ayon sa pagsasaling ito, ano ang isinisimbolo ng kamay, paa, at mata? (Ang kamay ay simbolo ng ating mga kapamilya at kaibigan, ang paa ay simbolo ng mga taong tinutularan natin kung paano mag-isip at kumilos, at ang mata ay simbolo ng ating mga lider.)
Lagyan ng label ang mga parteng ito, na kasama ang kanilang interpretasyon, sa larawang idinrowing ng estudyante sa pisara.
-
Ano ang itinuro ng Tagapagligtas na dapat nating gawin sa masasamang impluwensya o mga impluwensyang nag-uudyok sa ating magkasala?
-
Sa paanong paraan maaaring itulad sa pagputol ng isang kamay o paa ang paglayo natin sa masasamang impluwensya?
-
Ano ang maaaring mangyari kung hindi tayo lalayo sa masasamang impluwensya? Bakit?
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin sa mga itinuro ng Tagapagligtas sa mga talatang ito? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Mas mabuting lumayo tayo sa masasamang impluwensya kaysa mahiwalay tayo sa Diyos. (Gamit ang mga salitang isinagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Walter F. González ng Pitumpu. Sabihin sa klase na pakinggan ang iba pang mga impluwensyang dapat nating layuan.
“Nangangahulugan din na ang pagputol na iyon ay hindi lamang tumutukoy sa mga kaibigan kundi sa lahat ng masasamang impluwensya, tulad ng mga hindi angkop na palabas sa telebisyon, Internet site, pelikula, babasahin, laro, o musika. Ang pagsulat sa ating kaluluwa ng alituntuning ito ay tutulong sa atin na mapaglabanan ang tukso na magpadala sa anumang masasamang impluwensya” (“Ngayon ang Panahon,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 55).
-
Anong mga hamon ang maaaring maranasan natin kapag lumayo tayo sa masasamang impluwensya?
-
Paano natin malalaman ang tamang paraan para mailayo ang ating mga sarili sa masasamang impluwensya?
Ipaliwanag na ang paglayo sa masasamang impluwensya ay hindi nangangahulugang pakikitunguhan natin nang hindi mabuti ang iba, magsasalita nang hindi maganda sa iba, o hindi makikihalubilo sa mga miyembrong hindi aktibo o tapat sa Simbahan. Sa halip, dapat tayong lumayo, o umiwas sa pakikihalubilo sa mga taong mag-uudyok sa ating magkasala. Bagama’t hindi natin maaalis o maiiwasan ang lahat ng impluwensya na maaaring mag-udyok sa atin na magkasala, tayo ay pagpapalain ng Panginoon kapag ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya para makalayo sa anumang masamang impluwensya at kapag sinikap nating magkaroon ng disiplina sa sarili para maiwasan ang impluwensyang hindi natin lubusang maalis.
Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan pa ang katotohanang ito, sabihin sa dalawang estudyante na pumunta sa harap ng klase. Sabihin sa bawat estudyante na basahin nang malakas ang isa sa sumusunod na mga sitwasyon at itanong sa klase ang mga tanong na may kaugnayan dito. Sabihin sa klase na sagutin ang mga tanong batay sa mga katotohanang tinukoy sa Marcos 9:43–48.
Sitwasyon 1. May mga kaibigan ako na madalas akong inuudyukan na sumali sa mga aktibidad na lumalabag sa mga utos ng Diyos. Gayunman, sa palagay ko ay maaari akong maging mabuting impluwensya sa kanila kung patuloy ko silang sasamahan.
-
Hindi ko na ba maiimpluwensyahan sa kabutihan ang mga kaibigan kong ito kung lalayuan ko sila? Anong uri ng ugnayan ang dapat mayroon sa amin?
-
Ano ang dapat kong sabihin at gawin para maayos akong makalayo sa mga kaibigang ito?
Sitwasyon 2. Ilang taon na akong tagahanga ng isang popular na banda. Sa ilan sa kanilang huling musika at interbyu, naghihikayat sila ng mga pag-uugali at ideyang salungat sa mga pamantayan at mga turo ng Panginoon.
-
Musika at mga titik lang naman ito, ‘di ba? Kaya ano ang panganib sa patuloy na pakikinig sa kanilang musika at pagsunod sa kanila sa social media?
Pasalamatan ang mga volunteer sa kanilang tulong, at pabalikin na sila sa kanilang upuan. Itanong sa klase:
-
Kahit mahirap lumayo kung minsan sa mga impluwensyang nag-uudyok sa atin na magkasala, ano ang maidudulot na kabutihan sa atin ng pagsasakripisyong ito? (Maraming pagpapala, kabilang na ang buhay na walang hanggan.) Bakit ang gantimpalang ito ay karapat-dapat para sa anumang sakripisyo?
-
Kailan kayo o ang isang kakilala ninyo nagpasyang lumayo sa masasamang impluwensya? (Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang napakapersonal o napakapribadong bagay.) Ano ang mahirap sa paglayo sa impluwensyang iyon? Anong mga pagpapala ang dumating sa paggawa nito?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung may impluwensya sa kanilang buhay na maaaring umakay sa kanila na magkasala. Ipasulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung paano sila lalayo sa mga impluwensyang ito.
Ibuod ang Marcos 9:49–50 na ipinapaliwanag na iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na magkaroon ng payapang pakikipag-ugnayan sa isa’t isa.
Tapusin ang lesson sa paghikayat sa mga estudyante na kumilos ayon sa anumang inspirasyong natanggap nila sa lesson na ito.