Library
Pambungad sa Sulat ni Pablo sa Mga Hebreo


Pambungad sa Sulat ni Pablo sa Mga Hebreo

Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?

Ang Aklat ng Sa Mga Hebreo ay nagpapatotoo sa pagiging higit na makapangyarihan ni Jesucristo. Siya ay mas dakila kaysa mga anghel at may mas mabuting pangalan at mas mataas na katungkulan. Mga tagapaglingkod ng Diyos ang mga anghel, ngunit si Jesucristo ay Kanyang Anak. Itinuturo rin ng aklat na ito na mas dakila si Jesus kaysa kay Moises at ang Kanyang ministeryo ay nagdala ng bagong tipan na nakahihigit sa lumang tipan sa ilalim ng batas ni Moises. Bilang Dakilang Mataas na Saserdote ng Pagkasaserdote ni Melquisedec, mas mataas ang Kanyang pagkasaserdote o priesthood kaysa sa mga mataas na saserdote sa ilalim ng batas ni Moises.

Bagama’t puno ang mga banal na kasulatan ng mga talatang tumutukoy sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, at sa Kanyang Pag-akyat sa langit, ang Sa Mga Hebreo ay nagbibigay-diin sa patuloy na patnubay ng Manunubos sa buhay ng lahat ng sumusunod at sumasampalataya sa Kanya. Ang pag-aaral ng aklat ng Sa Mga Hebreo ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang doktrina ng Pagbabayad-sala at maghihikayat sa kanila na mamuhay nang may pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Sino ang sumulat ng aklat na ito?

Naniniwala ang karamihan sa mga Banal sa mga Huling Araw na si Pablo ang may-akda ng Sa Mga Hebreo (tingnan sa Bible Dictionary, “Pauline Epistles”). Gayunman, may ilang nagdududa kung si Pablo nga ang may-akda ng sulat na ito dahil naiiba ang estilo at wika nito kaysa ibang mga sulat ni Pablo. Napagkasunduan ng lahat na kahit hindi si Pablo ang sumulat nito, kay Pablo ang mga ideya, dahil umaayon ang mga doktrina ng Sa Mga Hebreo sa mga yaong matatagpuan sa ibang mga sulat ni Pablo. Iniugnay ni Propetang Joseph Smith kay Apostol Pablo ang mga pahayag mula sa Sa Mga Hebreo (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 128). Para sa mga layunin ng manwal na ito, sumasang-ayon tayo na si Pablo ang may-akda.

Kailan at saan ito isinulat?

Hindi natin alam kung saan ginawa ang sulat ni Pablo sa mga Hebreo. Hindi rin natin alam kung kailan ito isinulat. Gayunman, ipinapalagay ng marami na isinulat ito noong mga A.D. 60–62, halos kasabay ng mga sulat ni Pablo sa mga taga-Filipos, taga-Colosas, taga-Efeso, at kay Filemon (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga,” scriptures.lds.org).

Para kanino ito isinulat at bakit ito isinulat?

Ginawa ni Pablo ang Sulat para sa mga Hebreo para hikayatin ang mga miyembrong Judio ng Simbahan na manatiling nananampalataya kay Jesucristo at huwag nang bumalik sa kanilang mga dating gawi (tingnan sa Sa Mga Hebreo 10:32–38).

Dahil sa tindi ng iba’t ibang nararanasang hirap, marami sa mga Judiong Kristiyano na ito ang tila umaalis sa Simbahan at bumabalik sa tradisyonal na pagsamba ng mga Judio sa sinagoga (tingnan sa Sa Mga Hebreo 10:25, 38–39). Gustong ipakita ni Pablo sa mga Kristiyanong Judio na ito na ang batas ni Moises mismo ay naglalahad na si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala ang tunay na pinagmumulan ng kaligtasan.

Ano ang ilang kakaibang katangian ng aklat na ito?

Sa halip na isang sulat lamang, ang Sa Mga Hebreo ay mas maituturing na isang pinahabang sermon na paulit-ulit na tumutukoy sa mga banal na kasulatan at sa mga gawain ng Israel. Ito ang pinakamahabang sermon sa banal na kasulatan tungkol sa kung bakit at paano nakahihigit si Jesucristo sa lahat ng bagay.

Itinuturo sa Sa Mga Hebreo na si Jesucristo ay mas dakila sa batas dahil Siya ang nagbigay ng batas. Itinuturo rin sa Sa Mga Hebreo na ang mga propeta ay nakatatanggap ng lakas sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya, na Siya ang dakilang Mataas na Saserdote kung kanino ang mga sakripisyo sa panahon ng Lumang Tipan ay natupad, na Siya ay higit pa kaysa mga anghel, at na makatatanggap tayo ng kapatawaran sa kasalanan dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

Ang aklat ng Sa Mga Hebreo ay isa sa iilang aklat sa Biblia na makababasa tayo ng tungkol kay propetang Melquisedec (tingnan sa Sa Mga Hebreo 7:1–4) at ang priesthood o pagkasaserdote na ipinangalan sa kanya (tingnan sa Sa Mga Hebreo 5:5–6, 10; 6:20; 7:11–17). Itinuturo sa Sa Mga Hebreo na ang pagkasaserdote ni Melquisedec ay higit pa kaysa sa pagkasaserdote ni Aaron, at ipinapakita nito na hindi matatagpuan sa mga batas ni Moises o sa mga ordenansa na pinangangasiwaan ng mga saserdote na Levita ang kaligtasan kundi kay Jesucristo at sa mga ordenansa ng pagkasaserdote ni Melquisedec (tingnan sa Sa Mga Hebreo 7:5–28). Nagbibigay ang Sa Mga Hebreo 11:1–12:4 ng mahalagang diskurso tungkol sa pananampalataya at itinuturo kung paano makaaasa ang tao kay Jesucristo. (Tingnan sa Bible Dictionary ng LDS English version ng Biblia, “Pauline Epistles: Epistle to the Hebrews.”)

Outline

Sa Mga Hebreo 1–6 Si Jesucristo ang tunay na larawan ng Ama. Mas dakila SIya kaysa mga anghel at sa lahat ng mga propetang nauna sa kanya, kabilang na si Moises. Ang mga sinaunang Israelita na inilabas sa Egipto ay hindi nakapasok sa kapahingahan ng Panginoon dahil sa pinatigas nila ang kanilang mga puso laban kay Jesucristo at sa Kanyang tagapaglingkod na si Moises. Bilang Dakilang Mataas na Saserdote, nakahihigit si Jesus sa lahat ng mataas na saserdote ni Moises. Sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa, si Jesus ay ginawang sakdal. Maaari tayong makapasok sa kapahingahan ng Panginoon at “mangagpatuloy sa kasakdalan” sa pamamagitan ng mga doktrina at mga ordenansa ng ebanghelyo (Sa Mga Hebreo 6:1).

Sa Mga Hebreo 7–13 Ang Pagkasaserdote ni Melquisedec ang nangangasiwa ng ebanghelyo at mas mataas ito kaysa sa Pagkasaserdote ni Aaron. Ipinapahiwatig ng tabernakulo at ng mga ordenansa ni Moises ang magiging ministeryo ni Cristo. Tinupad ni Jesucristo ang batas ni Moises sa pamamagitan ng pagtitigis ng Kanyang dugo, kung saan tayo magkakamit ng kaligtasan at kapatawaran ng ating mga kasalanan. Dahil sa pananampalataya, ang mga propeta at ang iba pang kalalakihan at kababaihan ay nagsagawa ng mabubuting gawa at mga himala.