Lesson 112
I Mga Taga Corinto 15:30–16:24
Pambungad
Nagpatuloy si Pablo sa pagtuturo sa mga Banal sa Corinto tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Nagalak siya sa pagtatagumpay ni Jesucristo sa kamatayan. Hinikayat din ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan sa Corinto na magbigay ng mga donasyon sa mahihirap na Banal sa Jerusalem.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
I Mga Taga Corinto 15:30–52
Nagturo si Pablo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli
Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Paano mamumuhay ang mga tao kung hindi sila naniniwala na mabubuhay sila muli pagkatapos nilang mamatay?
Sa simula ng klase, sabihan ang mga estudyante na sagutin ang tanong na nakasulat sa pisara.
Ibuod ang I Mga Taga Corinto 15:30–34 na ipinapaliwanag na hiniling ni Pablo sa mga Banal sa Corinto (na ang ilan ay maling naniniwala na hindi magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli) na isipin kung bakit ang isang taong naniniwala kay Jesucristo ay titiisin ang pang-uusig at ang panganib ng kamatayan kung walang pagkabuhay na mag-uli ang mga patay.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 15:32. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Pablo na maaaring gawin o ugaliin ng ilang tao kung walang pagkabuhay na mag-uli ang mga patay.
-
Ayon sa talata 32, ano ang sinabi ni Pablo na maaaring gawin o ugaliin ng ilang tao kung hindi sila naniniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli?
-
Dahil totoo ang Pagkabuhay na Mag-uli, bakit mapanganib na tularan at paniwalaan ang gawi o ugaling ito?
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng natitira pang bahagi ng I Mga Taga Corinto 15 na makatutulong sa kanila na maunawaan kung paano nakaiimpluwensya ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli sa kanilang mga pagpili sa mortalidad. (Paalala: Kapag natukoy ang mga katotohanan, isulat sa pisara ang mga ito.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 15:35. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang maaaring itanong ng mga tao tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Ibuod ang I Mga Taga Corinto 15:36–38 na ipinapaliwanag na tumulong si Pablo sa pagsagot sa mga tanong na ito sa pamamagitan ng paggamit ng isang binhi upang sumagisag sa mortal na katawan, na pagkatapos ng kamatayan at paglibing ay babangon sa Pagkabuhay na Mag-uli.
Magdispley (o magdrowing sa pisara) ng mga larawan ng araw, buwan, at ilang bituin.
-
Mula sa natatanaw natin dito sa mundo, paano maihahambing ang liwanag ng araw sa liwanag ng buwan?
-
Paano maihahambing ang liwanag ng buwan sa liwanag ng mga bituin?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 15:39–42. Ipaliwanag na mababasa sa Joseph Smith Translation ng talata 40, “Mayroong mga katawang selestiyal, at mga katawang ukol sa terestriyal, at mga katawang telestiyal; datapuwa’t iba ang kaluwalhatian ng selestiyal, at iba ang sa terestriyal; at ang telestiyal.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano ginamit ni Pablo ang liwanag ng araw, buwan, at mga bituin upang maipaliwanag ang pagkakaiba ng mga katawan ng mga nabuhay na muli. Ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang salitang kaluwalhatian ay tumutukoy sa liwanag, ningning, o kinang.
-
Ano ang inihambing ni Pablo sa kaluwalhatian ng araw, buwan, at mga bituin? (Ang kaluwalhatian ng katawan ng mga nabuhay na muli.)
-
Ano ang itinuturo sa atin ng mga pagkakaiba sa liwanag o kaluwalhatian tungkol sa katawan ng mga nabuhay na muli? (Maaaring iba’t iba ang isagot ng mga estudyante ngunit tiyaking natukoy nila ang doktrinang tulad ng sumusunod: May iba’t ibang antas ng kaluwalhatian para sa katawan ng mga nabuhay na muli.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano nagkakaiba ang iba’t ibang kaluwalhatian ng katawan ng mga nabuhay na muli. Bago magbasa ang estudyante, ipaliwanag na kapag tinukoy ni Pangulong Smith ang “katawang selestiyal,” ang ibig niyang sabihin ay silang mga nagtamo ng pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal (tingnan sa D at T 131:1–4).
“Sa pagkabuhay na mag-uli ay magkakaroon ng iba’t ibang uri ng katawan; hindi sila magkakatulad. Ang katawang tatanggapin ng isang tao ang magtatakda ng kanyang lugar mula sa oras na iyon. Mayroong mga katawang selestiyal, katawang terestriyal, at katawang telestiyal. …
“… Ang ilan ay magtatamo ng mga katawang selestiyal na nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan ng kadakilaan at walang-hanggang pag-unlad. Ang mga katawang ito ay kikinang tulad ng araw na tulad ng sa Tagapagligtas. … Yaong mga papasok sa kahariang terestriyal ay magkakaroon ng katawang terestriyal, at hindi magniningning na parang araw, ngunit sila ay mas maluwalhati kaysa sa katawan ng mga tatanggap ng kaluwalhatiang telestiyal” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 2:286, 287).
-
Paano nagkakaiba-iba ang mga katawang nabuhay muli?
Isulat sa drowing na araw sa pisara ang Selestiyal, sa buwan ang Terestriyal, at sa mga bituin ang Telestiyal. Sa ilalim ng bawat drowing o mga larawan, magdrowing ng isang simpleng paglalarawan ng isang katawan, na ipinapakita na mas maluwalhati ang katawang selestiyal kaysa sa terestriyal at mas maluwalhati ang terestriyal kaysa sa telestiyal.
-
Ayon kay Pangulong Smith, ano ang ipinapahiwatig ng katawan o kaluwalhatian na natanggap ng isang tao sa Pagkabuhay na Mag-uli?
-
Ayon kay Pangulong Smith, ano ang matatanggap ng mga yaong nakatanggap ng mga katawang selestiyal sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal bilang bahagi ng kanilang kaluwalhatian na hindi matatanggap ng mga katawang hindi selestiyal? (Isulat ang Mga kapangyarihan ng kadakilaan at walang-hanggang pag-unlad sa ilalim ng drowing na katawang selestiyal.)
Ipaliwanag na kabilang sa “mga kapangyarihan ng kadakilaan” ang kakayahan na mamuhay nang tulad ng Diyos at ang “walang-hanggang pag-unlad” ay ang kakayahan na patuloy na magkaroon ng mga anak sa kawalang-hanggan. Ang mga pagpapalang ito ay para lamang sa mga yaong dinakila sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal (tingnan sa D at T131:1–4; 132:19–20).
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang dapat nating gawin para makatanggap ng katawang selestiyal sa Pagkabuhay na Mag-uli, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:21–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang dapat nating gawin upang makatanggap ng katawang selestiyal.
-
Ano ang dapat nating gawin upang makatanggap ng katawang selestiyal? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “makasusunod sa batas ng … kahariang selestiyal” [talata 22] ay matanggap ang lahat ng ordenansa at magawa at masunod ang lahat ng mga tipan na kailangan upang makapasok sa kahariang selestiyal.)
-
Paano makaaapekto sa mga pagpili ng isang tao sa mortalidad ang kaalaman tungkol sa kaluwalhatian at mga pagpapala na para lamang sa mga nabuhay na muli sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal?
Ibuod ang I Mga Taga Corinto 15:42–52 na ipinapaliwanag na inilarawan nang malinaw ni Pablo ang tungkol sa katawang nabuhay na muli. Tinukoy niya ang katawang mortal bilang “ukol sa lupa” (mga talata 44, 46) at may kasiraan at ang katawang nabuhay na muli bilang “ukol sa espiritu” (mga talata 44, 46) at “walang kasiraan” (talata 52), na ang ibig sabihin ay imortal o hindi mamamatay.
I Mga Taga Corinto 15:53–58
Nagalak si Pablo sa pagtatagumpay ni Jesucristo sa kamatayan
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 15:53. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang doktrina na itinuro ni Pablo tungkol sa kalagayan ng ating mga katawan kapag tayo ay nabuhay na muli.
-
Ayon sa talata 53, ano ang magiging kalagayan ng ating mga katawan matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang doktrinang tulad ng sumusunod: Lahat tayo ay mabubuhay na muli sa isang walang kasiraan at imortal o walang kamatayang kalagayan.)
-
Sa paanong mga paraan hindi na masisira ang ating mga katawang nabuhay na muli? (Ang mga ito ay hindi mabubulok o mamamatay.)
-
Paano makaiimpluwensya sa mga desisyon na gagawin natin sa mortalidad ang kaalaman na bawat isa sa atin ay magkakaroon ng katawang nabuhay na muli at karanasan na alinsunod sa antas ng kaluwalhatian para sa walang-hanggan?
Upang maihanda ang mga estudyante na pag-aralan ang nalalabi pang mga bahagi ng Unang Sulat ni Pablo sa mga Taga Corinto, sabihin sa kanila na itaas ang kanilang mga kamay kung nakagat na sila ng isang insekto.
-
Paano ninyo mailalarawan ang karanasang ito?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang I Mga Taga Corinto 15:54–55, na inaalam ang sinabi ni Pablo na wala nang tibo.
-
Ano ang sinabi ni Pablo na wala nang tibo? (Ang pisikal na kamatayan.)
-
Sa paanong mga paraan ang pisikal na kamatayan ay “tibo” (talata 55) o tila nagtatagumpay sa atin?
-
Paano “nilamon ng pagtatagumpay” (talata 54) ang pisikal na kamatayan sa pamamagitan ni Jesucristo?
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga turo ni Pablo tungkol sa dahilan kung bakit hindi na magtatagumpay ang kamatayan sa atin? (Tiyaking natukoy ng mga estudyante ang katotohanan na katulad ng sumusunod: Walang pagtatagumpay sa atin ang pisikal na kamatayan, dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.)
Ipaliwanag na bagama’t tinanggal ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ang tibo na dulot ng pisikal na kamatayan, may isa pang tibo sa kamatayan na nananatili. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 15:56. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang tibo na mananatili pa rin kapag namatay tayo.
-
Anong tibo ang maaaring manatili kapag namatay tayo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 15:57–58. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo na mag-aalis sa tibo ng kamatayan na mula sa kasalanan.
-
Ano ang itinuro ni Pablo na mag-aalis ng tibo ng kamatayan na mula sa kasalanan?
-
Ayon sa talata 58, ano ang sinabi ni Pablo na gawin ng mga babasa nito dahil sa tagumpay ni Jesucristo sa kamatayan?
-
Anong alituntunin ang natukoy natin mula sa mga talata 56–58 tungkol sa kailangan nating gawin upang maiwasan ang tibo ng kamatayan na mula sa kasalanan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung tayo ay matibay at matatag sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo, ang tibo ng kamatayan na dulot ng kasalanan ay maaalis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.)
-
Ano ang ibig sabihin ng maging matatag at hindi matitinag sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo?
-
Ano ang bahagi ng pagsisisi sa pagiging matatag at hindi matitinag?
Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng mga katotohanang natutuhan nila, bumalik sa mga katotohanan na nakalista sa pisara at sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang tugon sa sumusunod na tanong: Anong mga katotohanan ang natutuhan ninyo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli na makatutulong sa inyo na mamuhay nang matwid? Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang isinulat.
Sabihin sa mga estudyante na magtakda ng isang mithiin tungkol sa isang bagay na magagawa nila ngayon upang maging mas matatag at hindi matitinag sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo.
I Mga Taga Corinto 16
Nag-organisa si Pablo ng pangangalap ng donasyon para sa mga mahihirap sa Jerusalem
Ibuod ang I Mga Taga Corinto 16:1–24 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na tulungan ang mga mahihirap sa Jerusalem, “mangagpakatibay … sa pananampalataya” (talata 13), at gawin ang lahat ng bagay “sa pagibig” (talata 14).
Patotohanan ang mga katotohanan na natukoy ng mga estudyante sa lesson na ito.
Scripture Mastery—I Mga Taga Corinto 15:40–42
Sabihin sa dalawang estudyante na pumunta sa harapan ng klase na dala ang kanilang mga banal na kasulatan. Sabihin sa kanila na kunwari ay isa kang investigator at sila ang mga missionary na nagtuturo sa iyo tungkol sa plano ng kaligtasan. Sabihin sa kanila na ipaliwanag ang alam nila tungkol sa kamatayan at sa Pagkabuhay na Mag-uli, gamit ang parehong scripture mastery passages sa I Mga Taga Corinto 15 at ang anumang iba pa na makatutulong. Sabihin sa klase na ibahagi ang anumang gusto nilang ipaliwanag tungkol sa kamatayan at sa Pagkabuhay na Mag-uli sa isang investigator.