Library
Lesson 59: Lucas 24


Lesson 59

Lucas 24

Pambungad

Sa ikatlong araw matapos ang kamatayan ni Jesucristo, ibinalita ng anghel na naroon sa libingan ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli sa isang grupo ng kababaihan. Nang marinig ang ibinalita ng kababaihan, pinagdudahan ng ilan sa mga disipulo ang posibilidad ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. Dalawang disipulo ang naglakbay papuntang Emaus at, nakausap ang hindi nakilalang nabuhay na muling Panginoon habang nasa daan. Si Jesus ay nagpakita kalaunan sa Kanyang mga Apostol at sa iba pa, ipinakita sa kanila ang Kanyang nabuhay na muling katawan, at inatasan silang mangaral ng pagsisisi at maging saksi sa Kanya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Lucas 24:1–12

Ibinalita ng mga anghel sa isang grupo ng kababaihan na si Jesucristo ay nagbangon

video iconIpanood ang isang bahagi ng video na “Jesus Is Laid in a Tomb” mula sa The Life of Jesus Christ Bible Videos, at huminto bago magsalita ang mga anghel sa kababaihan (time code 0:00–2:27). Ang video na ito ay makukuha sa LDS.org

Kung hindi mo maipapanood ang video, sabihin sa mga estudyante na kunwari ay naroon sila sa libingan nang ihimlay roon si Jesus at nakita na iginulong at itinakip ang bato sa pasukan nito. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang maiisip at madarama nila roon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 24:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang natuklasan ng kababaihan nang bumalik sila sa libingan makalipas ang tatlong araw.

Matapos ipanood ang video o ipabasa ang mga talata 1–4, itanong:

  • Ano ang nakita ng kababaihan sa libingan?

  • Ano kaya ang magiging reaksyon ninyo kung nakita ninyong nakatayo ang mga anghel sa bukas na libingan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 24:5–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng mga anghel sa kababaihan. Sabihin sa mga estudyante na magreport tungkol sa nalaman nila.

Ibuod ang Lucas 24:9–10 na ipinapaliwanag na nilisan ng kababaihan ang libingan at ibinalita sa mga disipulo ang nakita at narinig nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 24:11, at sabihin sa klase na alamin ang reaksyon ng mga Apostol sa ibinalita ng kababaihan. Sabihin sa mga estudyante na magreport tungkol sa nalaman nila.

Ipaliwanag na pagkarinig sa ibinallita ng kababaihan, tumakbo sina Pedro at Juan sa libingan at nakita na wala na roon ang katawan ni Jesus (tingnan sa Lucas 24:12; Juan 20:1–4).

Lucas 24:13–32

Kinausap ng nabuhay na muling Panginoon ang dalawang disipulo sa daan patungong Emaus

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang sandali na sila, tulad ng mga disipulo sa talang ito, ay nahirapang maniwala sa isang konsepto ng ebanghelyo.

Ipaliwanag na sa Lucas 24:13 nalaman natin na nilisan ng dalawang disipulo ang Jerusalem “nang araw ding yaon,” naglakbay ng mga 6–7.5 milya (10–12 kilometro) patungo “sa isang nayong ngala’y Emaus.” Makatutulong sa atin na pag-aralan ang kanilang karanasan sa daan patungong Emaus upang malaman kung paano natin mapapalakas ang ating mga patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 24:14–17, at sabihin sa klase na alamin kung sino ang nakisabay sa dalawang disipulo sa paglalakad nila.

  • Sino ang nakisabay sa paglalakad ng mga disipulo?

  • Bakit hindi nakilala ng mga disipulo si Jesus? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang may nakatatakip [talata 16] ay natatakpan.)

video iconIpanood ang video na “Christ Appears on the Road to Emmaus” (3:32) mula sa The Life of Jesus Christ Bible Videos, na makukuha sa LDS.org. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang natutuhan ng mga disipulo mula kay Jesus habang naglalakad sila na kasabay Niya at hindi nakilala kung sino Siya. Bago ipanood ang video, ipaliwanag na ang pag-uusap sa video ay hango sa Lucas 24:17–33 nang sa gayon ay tahimik na makasabay sa pagbasa ang mga estudyante sa mga banal na kasulatan kung gusto nila. (Kung hindi mo maipapanood ang video, sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas mula sa mga talatang ito.)

Ipaliwanag na sa video na ito, hindi natin maririnig ang itinuro ni Jesus sa mga disipulo habang sila ay naglalakad. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 24:27, at sabihin sa klase na alamin ang itinuro ni Jesus sa mga disipulo.

  • Ano ang itinuro ni Jesus sa mga disipulo? Anong kasangkapan ang ginamit Niya upang ituro ang tungkol sa Kanyang sarili?

  • Ayon sa Lucas 24:32, paano nakaapekto ang mga turo ng Tagapagligtas mula sa mga banal na kasulatan sa dalawang disipulo?

  • Ano ang ibig sabihin ng “nagaalab ang puso [ng mga disipulo] sa loob” nila? (Ang Espiritu Santo ay nagpatotoo na ang mga turo tungkol kay Jesus sa mga banal na kasulatan ay totoo.)

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang maaaring natutuhan ng mga disipulo sa paggamit ni Jesus ng mga banal na kasulatan para turuan sila sa halip na sabihin lamang sa kanila kung sino Siya. Maaari mong hilingin sa ilang estudyante na ibahagi ang nasasaisip nila.

  • Ano ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa epekto ng personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan, inaanyayahan natin ang Espiritu Santo na magturo sa atin tungkol kay Jesucristo.)

  • Bukod sa pag-aalab sa ating puso, paano pa ninyo ilalarawan ang maaari nating madama kapag nagpapatotoo ang Espiritu Santo tungkol kay Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng isang talata sa banal na kasulatan na nakatulong sa kanila na madama na nagtuturo sa kanila ang Espiritu Santo tungkol kay Jesucristo. Ipabahagi sa kanila ang talata at mga epekto ng nadama nila. Maaari ka ring magbahagi ng banal na kasulatan na personal na nakatulong sa iyo.

Ipaalala sa mga estudyante na bagama’t mahalagang basahin ang Bagong Tipan para sa seminary credit, mas mahalagang pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa paraang mapapalakas ng Espiritu Santo ang kanilang patotoo sa Tagapagligtas.

handout iconMagbigay sa mga estudyante ng mga kopya ng bookmark na naglalaman ng sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol (o ipasulat sa mga estudyante ang pahayag sa blankong bookmark):

handout, mga bookmark

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 59

Elder D. Todd Christofferson

“Ang pangunahing layunin ng lahat ng banal na kasulatan ay puspusin ang ating mga kaluluwa ng pananampalataya sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. …

“… Ang pananampalataya ay nakakamtan sa pagsaksi ng Banal na Espiritu sa ating mga kaluluwa, nang Espiritu sa espiritu, habang naririnig o binabasa natin ang salita ng Diyos. At lumalalim ang pananampalataya kapag patuloy tayong nagpapakabusog sa salita. …

“… Maingat at masusing pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Pagnilayan at ipanalangin ang mga ito. Ang mga banal na Kasulatan ay paghahayag, at magdudulot ang mga ito ng dagdag na paghahayag” (D. Todd Christofferson, “Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 34, 35).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag ni Elder Christofferson. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga paraan na mas mapagbubuti nila ang kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Sabihin sa mga estudyante na magtakda ng mithiing pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa paraang madaragdagan ng Espiritu Santo ang kanilang pananampalataya at kaalaman tungkol kay Jesucristo. Maaari mong imungkahi na isulat nila ang mithiing ito sa likod ng bookmark nang sa gayon ay magamit nila ito bilang paalala sa pag-aaral nila ng banal na kasulatan.

Lucas 24:33–53

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga disipulo at ipinakita sa kanila ang Kanyang nabuhay na muling katawan

Sabihin sa dalawang estudyante na dalhin ang kanilang mga banal na kasulatan sa harapan ng klase para makatulong sa pagsasadula ng isang tagpo na nagpapakita sa pagpunta ng mga missionary sa bahay ng isang tao. Sabihin sa kanila na kumatok. Magkunwaring bubuksan ang pinto at batiin sila. Sabihin sa kanila na magpakilala sila. Kapag nagawa na ito, magsabi ng katulad ng sumusunod:

“May tanong ako. Marami akong kilala na hindi naniniwala sa buhay pagkatapos ng kamatayan. Sinabi ng ilan sa kanila na naniniwala sila kay Jesucristo ngunit hindi sila naniniwala na Siya ay nabuhay na muli at may pisikal na katawan. Sinabi nila na mananatili Siyang buhay bilang isang espiritu lamang. Ano ang pinaniniwalan ninyo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo?”

Bigyan ng oras ang dalawang estudyante na masagot ang tanong.

Ipaliwanag na ang Lucas 24:36–39 ay isang scripture mastery passage at makatutulong sa pagtuturo tungkol sa literal na Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Ibigay ang konteksto para sa talatang ito na ipinapaliwanag na ang mga disipulo na kasabay ni Jesus sa daan patungong Emaus ay kaagad bumalik sa Jerusalem at ikinuwento sa mga Apostol at iba pang mga disipulo ang kanilang karanasan (tingnan sa Lucas 24:33–35). Habang sila ay nag-uusap, nagpakita ang Tagapagligtas (tingnan sa talata 36).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante na gumanap sa dula-dulaan ang Lucas 24:36–39. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang katibayan na literal na nabuhay muli si Jesus at may katawang may laman at mga buto.

Ipinapakita ni Jesus ang Kanyang mga Sugat
  • Ano ang ipinagawa ni Jesus sa Kanyang mga disipulo para matulungan sila na maunawan na hindi Siya espiritu lamang kundi may pisikal na katawan din? (Ipakita ang larawang Ipinapakita ni Jesus ang Kanyang mga Sugat [Aklat ng Sining ng Ebanghelyo (2009), blg. 60; tingnan din sa LDS.org].)

  • Ano kaya ang mararamdaman ninyo kung naroon kayo nang magpakita si Jesucristo sa Kanyang mga disipulo?

Pasalamatan ang mga estudyanteng gumanap sa dula-dulaan, at paupuin na sila. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 24:40–43. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano pa ang ginawa ni Jesus para maipakita na Siya ay may nahahawakan (o pisikal) na katawan na nabuhay na muli.

  • Ano pa ang ginawa ng Tagapagligtas para maipakita na Siya ay may katawan na nabuhay na muli?

  • Anong mga doktrina ang matututuhan natin sa mga talatang ito? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang doktrina, ngunit tiyaking mabigyang-diin na si Jesucristo ay may nabuhay na muling katawan na may laman at mga buto. Isulat sa pisara ang doktrinang ito.)

  • Bakit mahalagang maunawaan at paniwalaan ang doktrinang ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:

“Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli—maliligtas mula sa pisikal na kamatayan (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:22). Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay ang muling pagsasama ng espiritu at katawan sa isang perpekto at imortal na kalagayan, na hindi na dadanas pa ng sakit o kamatayan (tingnan sa Alma 11:42–45). …

“Ang pag-unawa at patotoo sa pagkabuhay na mag-uli ay magbibigay sa inyo ng pag-asa at pananaw habang dumaranas kayo ng mga hamon, pagsubok, at tagumpay sa buhay. Makasusumpong kayo ng kaaliwan sa katiyakang ang Tagapagligtas ay buhay at sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ‘nilagot niya ang mga gapos ng kamatayan, upang ang libingan ay hindi magtagumpay, at ang tibo ng kamatayan ay malamon sa pag-asa ng kaluwalhatian’ (Alma 22:14)” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 136, 137).

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga pagsubok na ang pag-asa sa sarili nating pagkabuhay na mag-uli ay makatutulong sa atin para makapagtiis?

Hilingin sa ilang estudyante na magpatotoo tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at na ipaliwanag kung bakit mahalaga sa kanila ang doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 24:44–53. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga sinabi ng Tagapagligtas na para bang bahagi sila ng grupo ng mga disipulo na kasama Niya at pag-isipan kung alin sa mga turo Niya ang pinakamakahulugan sa kanila. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang naisip nila tungkol sa mga talatang ito.

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo ng mga katotohanang tinalakay mo.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—Lucas 24:36–39

Upang matulungan ang mga estudyante na maisaulo ang Lucas 24:36–39, hatiin ang klase sa apat na grupo. Mag-assign ng iba’t ibang talata mula sa scripture mastery passage na ito sa bawat grupo, at tagubilinan ang mga estudyante sa bawat grupo na magtulungan sa pagsaulo sa talatang naka-assign sa kanila. Pagkatapos ng ilang minuto, sabihin sa bawat grupo na i-recite ang naka-assign na talata sa kanila ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga talata. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na i-recite muli ang kanilang mga talata sa susunod na ilang klase hanggang maging pamilyar sa lahat ang buong scripture mastery passage.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Lucas 24:11. “Hindi nila pinaniwalaan”

Nakasaad sa Lucas na mahirap para sa labing-isang Apostol na paniwalaan ang kababaihang nagpatotoo na bumangon mula sa libingan si Jesucristo. Bagama’t pansamantalang binuhay ang ibang tao mula sa kamatayan ngunit kalaunan ay mamamatay muli bilang mga mortal, si Jesucristo ang unang taong nabuhay na muli. Ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

“Hindi pa ito naganap kailanman noon. May kamatayan lamang at walang pag-asa noon. Ngayon ay may buhay na walang hanggan. Tanging Diyos lamang ang makagagawa nito. Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay ang pinakadakila sa Kanyang buhay at misyon. Ito ang pinakatampok sa Pagbabayad-sala. Ang pagsasakripisyo ng Kanyang buhay para sa buong sangkatauhan ay hindi kumpleto kung wala ang Kanyang pagbangon mula sa libingan na may katiyakan ng Pagkabuhay na Mag-uli para sa lahat ng taong nabuhay sa mundo.

“Sa lahat ng mga tagumpay na naisulat sa kasaysayan ng tao, wala nang pinakadakila, pangkalahatan ang bisa, walang hanggan ang bunga maliban sa tagumpay ng ipinakong Panginoon na bumangon mula sa libingan noong umaga ng unang Pagkabuhay.

“Yaong mga saksi sa pangyayaring iyon, lahat ng nakakita, nakarinig at nakipag-usap sa Nagbangong Panginoon ay nagpapatotoo sa pinakadakilang himalang ito. Ang kanyang mga tagasunod, sa loob ng maraming siglo ay nangabuhay at nangamatay na nagpapahayag ng katotohanan ng [kaganapang] ito.

“Sa lahat ng ito ay idinaragdag namin ang aming patotoo na Siya na namatay sa krus ng Kalbaryo ay bumangong muli sa kaluwalhatian bilang Anak ng Diyos, ang Panginoon ng buhay at kamatayan” (“Mga Natatanging Saksi ni Cristo,” Ensign, Abr. 2001, 15, o Liahona, Abr. 2001, 17).

Lucas 24:36–43 “Ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin”

Inihayag ni Elder Tad R. Callister, na naglingkod sa Panguluhan ng Pitumpu, ang sumusunod tungkol sa maling ideya na pansamatala lamang ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas:

“Kasunod ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, nagpakita Siya sa Kanyang mga disipulo at sinabi, ‘Hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka’t ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin’ (Lucas 24:39). May ilang nagmungkahi na ito ay pansamantalang pagpapakita sa pisikal na anyo at nang umakyat na Siya sa langit ay iniwan Niya ang Kanyang katawan at bumalik sa Kanyang katauhang espiritu. Subalit sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na imposible ito. Itinuro ni Pablo na, ‘Nalalaman nating si Cristo na nabuhay na maguli sa mga patay ay hindi na mamamatay; ang kamataya’y hindi naghahari sa kaniya’ (Mga Taga Roma 6:9). Sa madaling salita, nang mabuhay na mag-uli si Cristo, ang Kanyang katawan ay hindi na muling mahihiwalay pa sa Kanyang espiritu; kung hindi ay daranas Siya ng kamatayan, ang kahihinatnang sinabi ni Pablo na hindi na maaaring mangyari matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli” (“Joseph Smith—Propeta ng Pagpapanumbalik,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 35).