Pambungad sa Sulat ni Pablo sa Mga Taga Roma
Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?
Ang Sulat sa Mga Taga Roma ang pinakamahaba sa mga sulat ni Pablo at itinuturing ng maraming tao na pinakanatatangi sa kanyang mga isinulat. Ipinaliwanag niya nang lubos sa sulat na ito ang doktrina ng pagbibigay-katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo sa halip na sa pagtupad sa batas ni Moises. Nilalaman nito ang maraming turo tungkol sa mga doktrina ng kaligtasan at ang praktikal na pagsasabuhay ng mga doktrinang iyon sa araw-araw. Sa pag-aaral nila ng aklat na ito, mas mapapahalagahan ng mga estudyante ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang pag-asa at kapayapaan na matatagpuan ng lahat ng tao kay Cristo.
Sino ang sumulat ng aklat na ito?
Si Apostol Pablo ang awtor ng Sulat sa Mga Taga Roma (tingnan sa Mga Taga Roma 1:1). Sa pagsulat nito, tumulong kay Pablo ang isang eskriba, si Tercio, na isinulat ang kanyang sariling pagbati sa mga Banal sa Roma sa pagtatapos ng sulat (tingnan sa Mga Taga Roma 16:22).
Kailan at saan ito nangyari?
Sumulat si Pablo sa mga taga-Roma mula sa Corinto nang patapos na ang kanyang pangatlong misyon. Batay sa ilang palatandaan, maaaring isinulat ito ni Pablo noong nasa Corinto siya nang tatlong buwan (tingnan sa Mga Gawa 20:2–3; ang salitang Grecia sa mga talatang ito ay tumutukoy sa Corinto), marahil sa pagitan ng A.D. 55 at 56. (Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga.”)
Para kanino ito isinulat at bakit?
Ang Sulat sa Mga Taga Roma ay para sa mga miyembro ng Simbahan sa Roma (tingnan sa Mga Taga Roma 1:7). Hindi alam kung kailan nagsimula ang Simbahan sa Roma ngunit maaaring naganap ito hindi nagtagal matapos ang araw ng Pentecostes, nang narinig ng mga Judiong bumibisita mula sa Roma ang pangangaral ni Pedro (tingnan sa Mga Gawa 2:10). Kahit hindi pa nakapunta si Pablo sa Roma, binati niya sa kanyang sulat ang mga Banal na dati na niyang kilala o nakilala sa pamamagitan ng ibang nanirahan sa Roma, tulad nina Priscila at Aquila (tingnan sa Mga Gawa 18:1–2, 18; Mga Taga Roma 16:1–16, 21).
May tatlong pangunahing dahilan kung bakit ginawa ni Pablo ang Sulat sa mga Taga Roma:
(1) Para maghanda sa kanyang pagdating sa Roma. Matagal nang gustong ipangaral ni Pablo ang ebanghelyo sa Roma (tingnan sa Mga Gawa 19:21; Mga Taga Roma 1:15; 15:23). Umasa rin siya na magsisilbing himpilan ang Simbahan sa Roma para makapagmisyon siya sa Espanya (tingnan sa Mga Taga Roma 15:22–24, 28).
(2) Para linawin at ipagtanggol ang kanyang mga turo. Naranasan ni Pablo ang paulit-ulit na oposisyon mula sa mga tao na mali ang pagkaunawa o binabaluktot ang kanyang mga turo tungkol sa batas ni Moises at pananampalataya kay Cristo (tingnan sa Mga Gawa 13:45; 15:1–2; 21:27–28; Mga Taga Roma 3:8; II Pedro 3:15–16). May dahilan si Pablo na maghinala na ang mga maling pagkaunawang iyon ay nakarating sa mga miyembro ng Simbahan sa Roma, kaya sumulat siya para maayos ang anumang problema bago siya dumating.
(3) Para itaguyod ang pagkakaisa ng mga Judio at Gentil na mga miyembro ng Simbahan. Bago ginawa ni Pablo ang sulat na ito, ang mga Kristiyanong Judio na pinalayas mula sa Roma ni emperador Claudio (tingnan sa Mga Gawa 18:2) ay nagsimulang bumalik sa Roma at sa mga kongregasyon na karamihan ng miyembro ay mga Kristiyanong Gentil. Maaaring nagdulot ang sitwasyong ito ng kaunting tensiyon at problema sa pagitan ng mga Kristiyanong Judio at Gentil. Bilang “apostol ng mga Gentil” (Mga Taga Roma 11:13), hinangad ni Pablo na isama ang mga nagbalik-loob o sumapi na Gentil sa Simbahan; ngunit bilang Judio (tingnan sa Mga Taga Roma 11:1), nakaramdam din si Pablo ng matinding hangarin na tanggapin ng kanyang kalahi ang ebanghelyo. Itinaguyod ni Pablo ang pagkakaisa sa pagtuturo kung paanong para sa lahat ng Banal ang mga doktrina ng ebanghelyo (tingnan sa Mga Taga Roma 3:21–4:25; 11:13–36; 14:1–15:13).
Ano ang ilan sa naiibang katangian ng aklat na ito?
Pagkatapos ng pagbati, nagsimula ang sulat sa pagpapahayag ng tema nito: “Ang evangelio [ni Cristo] … [ang] siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas” sa lahat na “mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya” kay Jesucristo (Mga Taga Roma 1:16–17).
Bagama’t ang Sulat sa Mga Taga Roma ay nagkaroon ng mahalagang bahagi sa kasaysayan ng mga Kristiyano, ito rin, sa kasamaang-palad, ay “pinagmulan ng maraming maling pagkaunawa, maling interpretasyon, at kalituhan sa doktrina kaysa sa iba pang aklat sa Biblia,” ayon kay Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:211). Kahit sa mga Kristiyano noon, kilala ang mga sulat ni Pablo na “mahirap unawain,” at ang mga turo niya ay madalas baluktutin at hindi naituturo nang tama (II Pedro 3:15–16).
Outline
Mga Taga Roma 1–3 Ipinaliwanag ni Pablo ang doktrina ng pagbibigay-katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo. Binigyang-kahulugan ni Pablo ang mahirap na kalagayan ng pagiging makasalanan ng lahat ng tao at itinuro na ang solusyon ng Diyos sa problemang ito ng lahat ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa pamamagitan ng tapat na pagtanggap sa Pagbabayad-sala ni Cristo, ang lahat ng tao ay mabibigyang-katwiran (mapapatawad) at matatanggap ang kaligtasan.
Mga Taga Roma 4–8 Ginamit ni Pablo ang halimbawa ni Abraham para mailarawan ang doktrina ng pagbibigay-katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya. Ipinaliwanag niya ang mga doktrina ng kaligtasan at itinuro kung paano nakakaapekto ang mga doktrinang iyon sa buhay ng lahat na may pananampalataya kay Cristo.
Mga Taga Roma 9–16 Nagsulat si Pablo tungkol sa pagiging hinirang ng Israel, ang kanilang pagtanggi sa ebanghelyo, at kaligtasan sa darating na panahon. Pinayuhan ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan na Judio at Gentil na ipamuhay ang ebanghelyo para magkaroon ng kapayapaan at pagkakaisa sa Simbahan. Nakiusap si Pablo sa mga Banal sa Roma na patuloy na sundin ang mga utos.