Lesson 5
Konteksto at Buod ng Bagong Tipan
Pambungad
Sa lesson na ito, matututuhan ng mga estudyante ang kontekstong pangkasaysayan at pangkultura ng Bagong Tipan, kabilang ang mga bagay na naging dahilan ng hindi pagtanggap ng maraming Judio kay Jesus bilang Mesiyas at Tagapagligtas. Matututuhan din ng mga estudyante ang tungkol sa estruktura ng Bagong Tipan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang konteksto ng Bagong Tipan
Ipakita ang isang bahagi ng larawan na Nakita ni Esteban si Jesus sa Kanang Kamay ng Diyos (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 63; tingnan din sa LDS.org) habang tinatakpan ng papel o iba pang materyal ang kabuuan nito maliban kay Esteban (ang lalaking may asul na gora o cap).
Sabihin sa mga estudyante na ilarawan ang nangyayari sa larawan. Tanungin sila kung bakit kaya nakahandusay ang lalaki sa lupa at nakaunat ang kamay. Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, ipakita ang kabuuan ng larawan.
-
Nang makita ninyo ang buong larawan, paano nakatulong sa inyo na maunawaan ang nangyari dito?
Ipabasa sa mga estudyante ang Mga Gawa 7:56–59 para maunawaan na ang ipinapakita sa larawang ito ay si Esteban, isang disipulo ni Jesucristo, na nakita si Jesucristo na nakatayo sa kanang kamay ng Diyos habang siya ay binabato hanggang mapatay.
-
Paano natin maihahalintulad ang pag-alis ng takip sa larawang ito sa pag-unawa sa mga banal na kasulatan?
Ipaliwanag na ipinapakita ng aktibidad na ito ang kahalagahan ng pag-unawa sa konteksto ng mga banal na kasulatan. Ang salitang konteksto ay tumutukoy sa mga sitwasyong nakapaligid o nagbibigay impormasyon sa isang talata, pangyayari, o kuwento sa mga banal na kasulatan. Ipaliwanag na kapag nagiging mas pamilyar ang mga estudyante sa kontekstong pangkasaysayan at pangkultura ng Bagong Tipan, mas mauunawaan at maipamumuhay nila ang mga turo nito.
Mga pinuno ng relihiyon ng mga Judio sa panahon ng ministeryo ng Tagapagligtas
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 10:3–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at ipahanap ang mga salita o parirala na ginamit ni propetang Jacob para ilarawan ang espirituwal na kalagayan ng ilan sa mga Judio sa panahon ng ministeryo ng Tagapagligtas.
-
Anong mga salita o parirala ang ginamit ni Jacob para ilarawan ang espirituwal na kalagayan ng ilan sa mga Judio? (Ipaliwanag na ang mga salitang huwad na pagkasaserdote sa talata 5 ay tumutukoy sa pangangaral na naghahangad ng “yaman at papuri ng sanlibutan” sa halip na ikabubuti ng mga tao ng Diyos [2 Nephi 26:29]. Karamihan sa mga nagkasala ng huwad na pagkasaserdote ay masasamang pinuno ng relihiyon sa kalipunan ng mga Judio na inililihis ang mga tao.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 23:16, 24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano inilarawan ng Tagapagligtas ang mga pinuno sa relihiyon ng mga Judio sa panahon ng Kanyang ministeryo.
-
Paano inilarawan ng Tagapagligtas ang mga yaong pinuno ng relihiyon ng mga Judio?
-
Ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa mga pinunong ito nang tawagin Niya ang mga ito na “mga tagaakay na bulag”?
Mga idinagdag sa mga batas ni Moises at iba pang mga maling pilosopiya
Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano inililihis ng landas ng mga pinuno ng relihiyon ang mga tao, magdrowing ng bilog sa pisara at isulat ang Batas ni Moises sa gitna nito. Magdrowing ng isa pang bilog sa palibot ng unang bilog at pangalanan itong Oral na Batas.
Ipaliwanag na sa pagkawala ng mga propeta, nagdagdag ang mga guro at mga pinunong Judio ng kanilang sariling patakaran at interpretasyon sa batas. Kilala bilang oral na batas, oral na tradisyon, o mga tradisyon ng mga pinuno o elder, ang mga idinagdag na patakaran at interpretasyong ito ay naglalayong mapigilan ang paglabag sa batas ng Diyos. Para maipakita ang isa sa mga patakarang ito, papuntahin ang dalawang estudyante sa harap ng klase. Bigyan sila ng tig-isang tali na may buhol. Ipatanggal sa isang estudyante ang buhol gamit ang isang kamay, at ipatanggal naman sa isa pang estudyante ang buhol gamit ang dalawang kamay. Pagkatapos masubukan ito, pabalikin sila sa kanilang upuan.
Ipaliwanag na ayon sa oral na batas, ipinagbabawal na tanggalin ang buhol gamit ang dalawang kamay kapag araw ng Sabbath. Ang paggawa nito ay maituturing na pagtatrabaho at sa gayon ay paglabag sa araw ng Sabbath. Gayunman, ang pagtatanggal ng buhol gamit ang isang kamay ay pinapayagan.
-
Ano ang maaaring maging panganib ng pagdaragdag ng mga patakaran na gawa ng tao sa mga kautusan ng Diyos?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol hinggil sa ilang pinuno ng relihiyon ng mga Judio:
“Inalis nila ang malilinaw at mga simpleng bagay ng dalisay na relihiyon at nagdagdag dito ng marami sa kanilang sariling interpretasyon; pinalamutian nila ito ng mga dagdag na mga rituwal at seremonya; at inalis nila ang masaya at maligayang paraan ng pagsamba at ginawa itong mahigpit, nakasasagabal, at malungkot na sistema ng mga rituwal at seremonya. Ang buhay na espiritu ng batas ng Panginoon ay naging patay na titik ng rituwalismong Judio sa kanilang mga kamay.” (The Mortal Messiah, 4 tomo [1979–81], 1:238).
-
Ayon kay Elder McConkie, ano ang nagawa ng mga pinuno ng relihiyon ng mga Judio sa mga batas ng Diyos na nadagdagan ng kanilang mga interpretasyon?
Ituro na ang mga Judio sa panahon ni Jesus ay unti-unti nang nag-aapostasiya. Kahit nasa kanila pa rin ang awtoridad at mga ordenansa ng Aaronic Priesthood, marami sa mga Judio ang tumalikod sa totoong ordenansa at alituntunin ng kanilang relihiyon na inihayag ng Diyos kay Moises (tingnan sa D at T 84:25–28). Ang tradisyon ng mga pinuno ay naging priyoridad kaysa sa dalisay na relihiyon at sa nakasulat na salita ng Diyos.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 12:14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang gustong gawin ng mga Fariseo kay Jesus dahil binalewala Niya ang kanilang awtoridad at ilan sa kanilang mga oral na tradisyon.
-
Ano ang balak gawin ng mga pinuno ng relihiyon kay Jesus?
Ipaliwanag na bukod pa sa maling tradisyon ng mga Judio, may iba pang mga maling pilosopiya ang nakaimpluwensya sa hindi pagtanggap ng mga tao kay Jesucristo pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Halimbawa, ang paglaganap ng kulturang Griyego ay humantong sa hindi pagtanggap ng mga tao sa realidad ng pisikal na pagkabuhay na mag-uli (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:12). Kaya, nang magpatotoo ang mga Apostol tungkol sa nabuhay na muling Tagapagligtas pagkatapos ng Pagpapako sa Krus, maraming hindi tumanggap ng kanilang patotoo.
Pamamahala ng mga dayuhan at pag-asam sa isang Mesiyas na magliligtas sa Israel
Isulat sa pisara ang sumusunod na mga salita: Babilonia, Persia, Macedonia (Grecia), at Roma.
-
Ano ang kinalaman ng mga sinaunang imperyo na ito sa mga Judio? (Sinakop at pinamunuan nila ang mga Judio.)
Igrupo ang mga estudyante at bigyan ang bawat grupo ng sumusunod na handout:
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang handout at pag-usapan sa kanilang grupo ang sumusunod na mga tanong (maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito):
-
Ano ang inasahan ng maraming Judio sa paparating na Mesiyas?
-
Sa palagay ninyo, bakit ang maling pag-asam na ito ay nagdulot ng hindi pagtanggap ng mga Judio kay Jesus bilang Mesiyas?
Ipaliwanag na kahit hindi tinanggap ng ilang Judio si Cristo, kinilala Siya bilang Mesiyas at Tagapagligtas ng ibang tao na mapagkumbaba at madaling makaunawa sa mga bagay na espirituwal.
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Lucas 2:25–33. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ginawa at sinabi ng isang matwid na lalaki na nagngangalang Simeon nang dalhin nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus sa templo.
-
Ayon sa talata 30–32, bakit isinugo si Jesus sa mundo? (Maaaring iba’t iba ang isagot ng mga estudyante ngunit dapat matukoy ang sumusunod na katotohanan: Si Jesucristo ay isinugo para magdala ng kaligtasan sa lahat ng tao.)
-
Ano ang ginawa ni Jesucristo upang mailigtas ang lahat ng tao?
Ilabas ang larawan ni Esteban na ipinakita sa simula ng lesson. Hikayatin ang mga estudyante na alalahanin ang kontekstong pang-kultura at pang-kasaysayan na tinalakay mo sa kanilang pag-aaral ng Bagong Tipan. Kapag ginawa nila ito, mas mauunawaan nila ang mga turo ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga Apostol. (Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kontekstong pangkasaysayan at pangkultura ng Bagong Tipan, tingnan sa “The Intertestamental Period” at “The New Testament Setting” sa New Testament Student Manual ([Church Educational System manual, 2014], 1–3). Nakapaloob sa materyal na ito ang maiikling paliwanag tungkol sa mga grupong Samaritano, Fariseo, Saduceo, Sanedrin, at eskriba).
Maikling buod ng Bagong Tipan
Sabihin sa mga estudyante na may ipapakita kang larawan sa kanila sa loob ng 10 segundo at pagkatapos ay isusulat nila nang detalyado ang nakita nila. Ipakita sa mga estudyante ang Pinagagaling ni Cristo ang Maysakit sa Betesda (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 42; tingnan din sa LDS.org). Pagkatapos ng 10 segundo, itago ang larawan at ipasulat sa mga estudyante ang kanilang paglalarawan. Pagkatapos ng sapat na oras, ipabasa sa ilang estudyante ang kanilang isinulat.
-
Kahit iisang larawan ang nakita ninyong lahat, bakit magkakaiba ang mga paglalarawan ninyo?
-
Bakit nakatutulong ang pagkakaroon ng mahigit sa isang saksi sa isang pangyayari?
Isulat sa pisara ang mga pangalan ng mga manunulat ng apat na Ebanghelyo: Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. Ipaliwanag na bawat isa sa mga disipulong ito ni Jesucristo ay nagtala ng mga pangyayari at mga turo mula sa buhay ng Tagapagligtas. Ang kanilang mga tala ay tinatawag na Mga Ebanghelyo. Ang ibig sabihin ng salitang ebanghelyo ay “mabuting balita.” Ituro na binago sa Pagsasalin ni Joseph Smith ang pamagat ng bawat Ebanghelyo at ginawa itong patotoo, “Ang Patotoo ni Mateo.”
-
Bakit nakatutulong ang pagkakaroon ng hindi lamang isang ebanghelyo o patotoo tungkol sa buhay at mga turo ni Jesucristo?
Ipaliwanag na bagama’t magkakaiba ang apat na Ebanghelyo sa ilang detalye at pananaw, ang lahat ng ito ay nagsasalaysay ng mga pangyayari sa buhay at ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Judio dito sa mundo. Ang apat na Ebanghelyo ay nagpapatotoo na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at ang Tagapagligtas ng sanlibutan (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ebanghelyo, Mga”).
Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng mga kopya ng pinaikling version ng chart na “ Ang Buod ng Buhay ni Jesucristo sa Mundo” sa pagtatapos ng lesson na ito. Ang buong version ng chart na ito ay nasa apendiks ng manwal na ito. Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang chart para matukoy ang ilang mahahalagang pangyayari sa ministeryo ng Tagapagligtas sa mundo.
-
Ayon sa chart, gaano katagal ang ministeryo ng Tagapagligtas sa mundo?
-
Saan madalas naroon ang Tagapagligtas noong panahon ng Kanyang ministeryo?
Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang chart na ito para mas maunawaan ang konteksto ng apat na Ebanghelyo sa kanilang pag-aaral ng Bagong Tipan.
Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang Mga Nilalaman o Table of Contents ng Biblia. Ipaliwanag na samantalang ang Mga Ebanghelyo ay nagsasalaysay ng ministeryo ng Tagapagligtas, ang mga aklat mula sa Mga Gawa hanggang Apocalipsis ay nagtatala ng ministeryo ng mga sinaunang Apostol ni Cristo matapos ang Kanyang Pagkapako sa Krus, Pagkabuhay na Mag-uli, at Pag-akyat sa Langit. Ang mga Apostol na ito ay naglakbay sa buong lupain ng Israel at sa Imperyo ng Roma para ipangaral ang ebanghelyo at magtatag ng mga sangay ng Simbahan. Sa pag-aaral ng mga ginawa at isinulat na ito ng mga Apostol, mapapalakas natin ang ating pananampalataya sa Tagapagligtas at malalaman natin kung paano matatanggap ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. Makikita rin natin ang pagkakatulad ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa sinaunang simbahan ni Jesucristo.
Magpatotoo sa mga katotohanang natuklasan mo sa pag-aaral ng Bagong Tipan. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanang magbibigay ng pagpapala sa kanila habang pinag-aaralan nila ngayong taon ang Bagong Tipan.