Lesson 159
Apocalipsis 20
Pambungad
Nakita ni Juan sa pangitain ang mga kaganapang mangyayari kaagad bago at sa panahon ng paghahari ni Jesucristo sa milenyo. Nakita rin niya ang huling digmaan sa pagitan ni Satanas at ng mga puwersa ng Diyos sa pagtatapos ng Milenyo at nakita ang Huling Paghuhukom, na hahatulan ng Diyos ang lahat ng tao ayon sa mga aklat na naisulat.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Apocalipsis 20:1–6
Nakita ni Juan sa pangitain ang mga mangyayari kaagad bago at sa panahon ng paghahari ni Jesucristo sa milenyo
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang paligsahan o kompetisyon (tulad ng sa sining o isport) na nilahukan nila kahit alam nilang matatalo sila. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na isipin ang paglahok nila sa isang paligsahan o kompetisyon dahil alam nilang mananalo sila.
-
Paano binabago ng inaasahan ninyo sa paligsahan o kompetisyon ang paraan ng pagsasagawa ninyo nito?
-
Bakit kaya sumusuko na ang mga tao kapag naiisip nilang matatalo sila? Kailan ninyo naisip na matatalo kayo pero nanalo pala kayo?
Ipaliwanag sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng Apocalipsis 20, madaragdagan ang nalalaman nila tungkol sa digmaan sa pagitan ng mabubuti at masasama at ang huling kahihinatnan ng digmaan. Sabihin sa kanila na alamin sa pag-aaral nila ng Apocalipsis 20 ang mga katotohanan na maghihikayat sa kanila na manatiling tapat sa Tagapagligtas sa digmaang ito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 20:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang mangyayari kay Satanas sa Milenyo.
-
Ano ang mangyayari kay Satanas sa Milenyo? (Ipaliwanag na ang kalaliman ay tumutukoy sa impiyerno.)
-
Ayon sa talata 3, ano ang hindi magagawa ni Satanas dahil siya ay nakagapos?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 20:4–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ang nakita ni Juan na hinahatulan.
-
Ayon sa talata 4, sino ang nakita ni Juan na hinahatulan?
-
Anong gantimpala ang natanggap ng mga taong ito dahil sa kanilang katapatan?
-
Saan sila mabibilang sa panahon ng Milenyo? (Sa Unang Pagkabuhay na Mag-uli.)
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa Apocalipsis 20:4–6 tungkol sa mga pagpapala na matatanggap natin kung tapat tayo kay Jesucristo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit tiyaking matutukoy nila ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung tapat tayo kay Jesucristo, magkakaroon tayo ng bahagi sa Unang Pagkabuhay na Mag-uli at maghaharing kasama si Cristo sa Milenyo.)
Ipaliwanag na ang Unang Pagkabuhay na Mag-uli ay nagsimula sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo at kasama ang mga mabubuti na namatay bago ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo (tingnan sa Mosias 15:21–25; Alma 40:16–20). Ang karamihan sa mabubuti na namatay matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo ay mabubuhay na muli sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo (tingnan sa James E. Talmage, The Articles of Faith, ika-12 ed. [1924], 385). Ang masasama at hindi nagsisi ay hindi mabubuhay na muli hanggang sa Ikalawang Pagkabuhay na Mag-uli, na mangyayari sa pagtapos ng Milenyo (tingnan sa D at T 76:85).
-
Paano makatutulong sa inyo ang kaalamang magkakaroon kayo ng bahagi sa Unang Pagkabuhay na Mag-uli at maghaharing kasama ni Jesucristo sa Milenyo na maging tapat sa panahong ito sa digmaan laban sa kasamaan?
Magpatotoo na ang mga yaong mananatiling tapat ay magiging bahagi ng Unang Pagkabuhay na Mag-uli at maghaharing kasama ng Tagapagligtas sa panahon ng Milenyo.
Apocalipsis 20:7–11
Nakita ni Juan ang huling digmaan sa pagitan ni Satanas at ng mga puwersa ng Diyos sa katapusan ng Milenyo
Isulat sa pisara ang di-kumpletong pahayag: Sa katapusan ng Milenyo …
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 20:7–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga pangyayaring inilarawan ni Juan na magaganap sa katapusan ng Milenyo.
-
Anong mga pangyayari ang inilarawan ni Juan? (Ipaliwanag na ang mga pangalang Gog at Magog sa talata 8 ay tumutukoy sa puwersang gagamitin ni Satanas sa katapusan ng Milenyo upang makidigma sa kahuli-hulihang pagkakataon laban sa mga tao ng Panginoon [tingnan sa D at T 88:110–14].)
-
Pagkatapos ng digmaang ito, ano ang mangyayari sa diyablo at sa kanyang mga alagad? (Pagkatapos sumagot ang mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag na nasa pisara para mabasa ito nang ganito: Sa katapusan ng Milenyo, dadaigin ng puwersa ng Diyos si Satanas at ang kanyang mga alagad.)
-
Bakit mahalagang maunawaan natin ang huling kahihinatnan ng digmaan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas?
Apocalipsis 20:12–15
Nakita ni Juan ang Huling Paghuhukom
Ipaliwanag na bilang bahagi ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, bawat taong nabuhay sa mundong ito ay tatayo sa harapan ng Diyos upang hatulan. Itanong sa mga estudyante kung ano sa palagay nila ang mangyayari sa Huling Paghuhukom.
-
Ano kaya ang maiisip at madarama ninyo kapag nakatayo kayo sa harapan ng Diyos upang hatulan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Apocalipsis 20:12–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tayo hahatulan ng Diyos.
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa talata 12 tungkol sa kung paano tayo hahatulan? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Hahatulan tayo ng Diyos mula sa mga aklat na naisulat ayon sa ating mga gawa.)
-
Anong mga aklat ang nakita ni Juan? (Ang mga banal na kasulatan, mga rekord ng Simbahan na nagtatala ng mga nakapagliligtas na ordenansa at marahil ang iba pang gawain, at ang aklat ng buhay [tingnan sa 2 Nephi 29:10–11; D at T 128:6–7].)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag tungkol sa aklat ng buhay:
“Sa isang banda, ang aklat ng buhay ang kabuuan ng mga iniisip at gawa ng isang tao—ang talaan ng kanyang buhay. Gayunman, itinuturo ng mga banal na kasulatan na isang makalangit na talaan ang iniingatan tungkol sa matatapat, naglalaman ng kanilang mga pangalan at ulat ng kanilang mabubuting gawa (D at T 88:2; 128:7)” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Aklat ng Buhay”).
Ipaliwanag na inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na bukod pa sa ating gawain, tayo ay hahatulan ayon sa mga hangarin ng ating puso (tingnan sa D at T 137:9; tingnan din sa Alma 41:3–5).
-
Ayon sa Apocalipsis 20:13, ano ang mangyayari bago tayo hatulan? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang mga katagang “ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng Hades [impiyerno] ang mga patay na nasa kanila” ay tumutukoy sa Pagkabuhay na Mag-uli ng lahat ng tao.)
-
Ano kaya ang kahalagahan ng mabubuhay tayong muli bago tayo tumayo sa harapan ng Diyos para hatulan?
Magpatotoo na bawat isa sa atin ay tatayo sa harapan ng Diyos upang hatulan at na ang ginagawa natin ngayon ang magpapasiya kung ano ang magiging karanasan natin sa kaganapang iyon. Basahin nang malakas ang sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na sagutin ito sa kanilang notebook o scripture study journal:
-
Ano ang maaari ninyong gawin na mas magpapabuti sa inyong buhay para makapaghanda sa paghatol ng Panginoon?
Scripture Mastery—Apocalipsis 20:12
Maaaring sabihin sa mga estudyante na gamitin ang mga scripture-study tool tulad ng mga scripture footnotes at ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan (makukuha sa scriptures.lds.org) upang mahanap ang iba pang karagdagang banal na kasulatan na nagtuturo tungkol sa Huling Paghuhukom. Maaaring isulat ng mga estudyante ang mga karagdagang scripture reference na ito sa kanilang mga banal na kasulatan sa tabi ng Apocalipsis 20:12. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang mga karagdagang katotohanan tungkol sa Huling Paghuhukom na natutuhan nila sa pamamagitan ng aktibidad na ito.