Lesson 97
Mga Gawa 23–26
Pambungad
Nilitis ng mga pinunong Judio si Pablo, at isang pangkat ng mga Judio ang nagsabwatan na patayin siya. Dinala si Pablo sa Cesarea, kung saan dinepensahan niya ang kanyang sarili laban sa mga maling paratang sa harap ng ilang pinunong Romano. Ikinuwento niya ang kanyang pagbabalik-loob at nagpatotoo tungkol kay Jesucristo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mga Gawa 23–25
Si Pablo ay inusig, nilitis, at ibinilanggo
Bago magsimula ang klase, isulat ang sumusunod sa isang papel: Ang mga kautusan at mga pagpapala ng Diyos. Gumamit ng teyp o tali para lagyan ng marka ang isang lugar sa silid-aralan, at ilagay ang papel sa sahig sa loob ng namarkahang lugar. Kapag nagsimula ang klase, sabihin sa isang estudyante na tumayo sa lugar na kumakatawan sa mga kautusan at mga pagpapala ng Diyos.
-
Kapag napapalapit tayo sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan at mga turo, ano ang ilan sa mga pagpapalang matatanggap natin?
Sabihin sa estudyante na umalis sa lugar na kumakatawan sa mga kautusan at mga pagpapala ng Diyos.
-
Ano ang ilang impluwensya ng mundo na makatutukso sa isang tao na talikuran at hindi na ipamuhay ang mga kautusan at mga turo ng Diyos?
-
Ano ang mangyayari kapag inilayo ng mga tao ang kanilang sarili sa Diyos?
Pasalamatan ang estudyante, at paupuin na siya. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung saang direksyon sila nakatuon sa kasalukuyan at gaano sila kalapit o kalayo sa Ama sa Langit. Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 23–26 ang mga katotohanang tutulong sa kanila kapag nadama nilang napapalayo na sila sa Diyos at sa Kanyang mga pagpapala.
Ipaalala sa mga estudyante na dinakip si Pablo sa labas ng templo sa Jerusalem at dinala at iniharap sa mga pinunong Judio (tingnan sa Mga Gawa 21:30–33; 22:23–30). Ibuod ang Mga Gawa 23:1–10 na ipinapaliwanag na nilitis si Pablo ng mga pinunong Judiong ito at ikinulong.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 23:11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari habang nakakulong si Pablo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ano ang sinabi ng Panginoon kay Pablo sa bilangguan?
Ipaalala sa mga estudyante ang mga pangakong nakatala sa Mga Gawa 18:9–10 na makakasama ni Pablo ang Panginoon at poprotektahan siya kapag ginawa niya ang gawain ng Panginoon. Maaaring ipamarka sa mga estudyante ang mga katagang “lumapit sa kaniya ang Panginoon” at ipasulat ang Mga Gawa 18:9–10 bilang cross-reference sa margin sa tabi ng talata 11.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na buod:
Nalaman natin sa Mga Gawa 23:12–25:27 na ipinadala si Pablo ng Romanong kapitan sa Cesarea para hadlangan ang isang pangkat ng mga Judio sa pagpatay sa kanya. Ipinahayag ni Pablo na wala siyang kasalanan sa harap ng Romanong gobernador na si Felix. Bagama’t naniwala na walang kasalanan si Pablo, ikinulong pa rin ni Felix si Pablo sa loob ng dalawang taon. Pinalitan ni Festo si Felix bilang gobernador ng Roma. Si Haring Herodes Agripa, na namuno sa isang lugar na nasa hilagang-silangan ng Dagat ng Galilea, ay binisita si Festo at hinangad na marinig ang kaso ni Pablo. Si Pablo ay iniharap kay Haring Agripa.
Mga Gawa 26
Ikinuwento ni Pablo ang kanyang pagbabalik-loob at nagpatotoo tungkol kay Jesucristo sa harap ni Haring Agripa
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 26:4–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano inilarawan ni Pablo kay Haring Agripa ang kanyang buhay noon.
-
Paano inilarawan ni Pablo kay Haring Agripa ang kanyang buhay noon?
Ipaliwanag na ikinuwento ni Pablo ang kanyang pangitain tungkol sa Tagapagligtas. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 26:16–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang misyong ibinigay ng Panginoon kay Pablo sa daan patungong Damasco.
-
Anong misyon ang ibinigay ng Panginoon kay Pablo? (Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang mga katagang naglalarawan sa misyon na ibinigay ng Panginoon kay Pablo.)
Ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang salitang mana (talata 18) ay tumutukoy sa pagpasok sa kahariang selestiyal ng Diyos.
-
Ano ang makatutulong sa isang tao upang matalikuran niya ang kadiliman at impluwensya ni Satanas at makalakad patungo sa liwanag at sa mga kautusan at mga pagpapala ng Diyos?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 26:19–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabi ni Pablo na itinuro niya kapwa sa mga Judio at mga Gentil na dapat nilang gawin para matanggap ang mga pagpapalang nabanggit sa talata 18. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “mangagsigawa ng mga gawang karapatdapat sa pagsisisi” sa talata 20 ay mamuhay nang matwid upang ipakita na ikaw ay tunay na nagsisi.
-
Ayon sa talata 20, ano ang itinuro ni Pablo na kapwa gawin ng mga Judio at mga Gentil?
Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung tayo ay magsisisi at babaling sa Diyos …
-
Batay sa natutuhan natin sa talata 18, paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag na nasa pisara? (Ibuod ang mga sagot ng mga estudyante at kumpletuhin ang pahayag sa pisara para ganito ang kalabasan: Kung magsisisi tayo at babaling sa Diyos, madadaig natin ang impluwensya ni Satanas sa ating buhay, makatatanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan, at magiging karapat-dapat sa kahariang selestiyal.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol (maaaring magbigay ng kopya ng pahayag sa mga estudyante):
“Kapag nagkakasala tayo, tumatalikod tayo sa Diyos. Kapag nagsisisi tayo, muli tayong bumabaling sa Diyos.
“Ang imbitasyong magsisi ay bihirang maging tinig ng pagpaparusa, sa halip ito ay isang mapagmahal na pagsamong pumihit at ‘muling bumaling’ sa Diyos [tingnan sa Helaman 7:17]. Pag-anyaya iyon ng isang mapagmahal na Ama at ng Kanyang Bugtong na Anak na higitan pa natin ang ating sarili, taasan pa ang uri ng pamumuhay, magbago, at damhin ang kaligayahan ng pagsunod sa mga utos” (“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 40).
-
Ayon kay Elder Andersen, ano ang makakamtan natin kapag tayo ay nagsisisi at muling bumabaling sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na alamin sa kanilang patuloy na pag-aaral ng Mga Gawa 26 kung ano ang nakahadlang kina Festo at Haring Agripa para magsisi, bumaling sa Diyos, at magbalik-loob kay Jesucristo. Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Upang magbalik-loob kay Jesucristo …
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Ipabasa sa magkakapartner ang Mga Gawa 26:24–28. Sabihin sa kanila na tukuyin at ihambing kung ano ang naging reaksyon at tugon nina Festo at Haring Agripa sa mga turo at patotoo ni Pablo tungkol sa Tagapagligtas. Habang nagbabasa at nag-uusap ang magkakapartner, isulat sa pisara ang sumusunod na chart (huwag isama ang mga pahayag sa ilalim ng bawat heading):
Mga Reaksyon sa mga Turo ni Pablo | |
---|---|
Festo |
Haring Agripa |
Nagsalita sa malakas na tinig Sinabing si Pablo ay ulol [hangal] Pinaratangan si Pablo na nababaliw |
Halos mahikayat na maging Kristiyano |
Pagkatapos ng sapat na oras, palapitin ang ilang estudyante sa pisara at ipasulat ang natuklasan nila (ang mga sagot ay dapat na katulad ng mga kataga sa chart na nasa itaas).
-
Ano ang ipinapakita ng reaksyon ni Festo tungkol sa opinyon niya sa mga turo ni Pablo? (Idagdag ang salitang Hindi naniniwala sa mga sagot ng mga estudyante sa ilalim ng heading na “Festo.”)
-
Ayon sa talata 27, ano ang sinabi ni Pablo na alam niya tungkol kay Haring Agripa? (Idagdag ang Naniniwala sa mga propeta sa ilalim ng heading na “Haring Agripa.”)
-
Ano ang matututuhan natin mula sa komento ni Agripa kay Pablo tungkol sa pagpapasiya ni Agripa na maging Kristiyano (tingnan sa talata 28)? (Idagdag ang Hindi handang lubos na sumunod sa ilalim ng heading na “Haring Agripa.”)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 26:29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon si Pablo sa sinabi ni Haring Agripa na halos mahikayat na siyang maging isang Kristiyano.
-
Ano ang hangad ni Pablo para sa hari at sa lahat ng nakarinig ng kanyang mga turo?
-
Ano sa palagay ninyo ang nakahadlang kay Festo na magbalik-loob kay Jesucristo?
-
Ano sa palagay ninyo ang nakahadlang kay Haring Agripa na magbalik-loob?
-
Ano ang matututuhan natin kina Festo at Haring Agripa tungkol sa dapat nating gawin para magbalik-loob kay Jesucristo? (Maaaring iba-iba ang mga sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Upang lubos ang pagbabalik-loob kay Jesucristo, dapat nating piliing maniwala sa ebanghelyo at lubos na ipamuhay ito.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:
“Nakatayo ang dalawang magkapatid na lalaki sa ibabaw ng maliit na talampas kung saan tanaw ang dalisay na tubig ng bughaw na lawa. Popular itong talunan ng mga lumalangoy, at madalas pag-usapan ng magkapatid ang pagtalon dito—isang bagay na nakita nilang ginagawa ng iba.
“Kahit pareho nilang gustong tumalon, walang gustong magpauna sa kanila. Hindi naman gaanong matarik ang talampas, ngunit para sa magkapatid, parang naragdagan ang taas nito tuwing dudukwang sila—at agad silang pinanghihinaan ng loob.
“Sa wakas, ipinuwesto ng isa sa kanila ang kanyang paa sa gilid ng talampas at walang takot na bumuwelo. Sa sandaling iyon bumulong ang kanyang kapatid, ‘Mabuti pa siguro sa susunod na tag-init na lang.’
Gayunman, nakabuwelo na ang kapatid niya at hindi na mapigilang tumalon. ‘Kapatid,’ sabi niya, ‘desidido na ‘ko!’
“Bumagsak siya sa tubig at mabilis na pumaibabaw at tuwang-tuwang sumigaw. Agad sumunod ang kanyang kapatid. Maya-maya, pinagtatawanan na nila ang huling salita ng unang kapatid bago ito tumalon sa tubig: ‘Kapatid, desidido na ako.’
“Ang pagiging desidido ay parang pagtalon sa tubig. Kung tatalon ka nga o hindi. Kung susulong ka o mananatiling nakatigil. Hindi maaaring tumigil sa gitna. …
“Yaong hindi gaanong tapat sa pangako ay hindi rin lubusang nagkakaroon ng patotoo, kagalakan, at kapayapaan. Ang mga dungawan ng langit ay maaaring bahagya lamang na nakabukas sa kanila. …
“Kahit paano, bawat isa sa atin ay magpapasiya habang nakatanaw sa tubig. Dalangin ko na tayo ay sumampalataya, sumulong, matapang na harapin ang ating takot at pag-aalinlangan, at sabihin sa ating sarili, ‘Desidido na ako!’” (“Kapatid, Desidido Na Ako,” Liahona, Hulyo 2011, 4, 5).
-
Paanong katulad ng pagtalon sa tubig ang pagpapasiyang ipamuhay ang ebanghelyo?
-
Ayon kay Pangulong Uchtdorf, bakit mahalagang lubos na maging tapat sa pangakong ipamuhay ang ebanghelyo sa halip na “hindi gaanong tapat sa pangako” na ipamuhay ang ebanghelyo?
-
Paano nakatutulong ang inyong tapat na pangakong ipamuhay ang isang kautusan o alituntunin ng ebanghelyo sa pagpapatatag ng inyong pagbabalik-loob kay Jesucristo? (Maaaring magbahagi ng sarili mong halimbawa.)
Sabihin sa mga estudyante na magsulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng mga kautusan o mga alituntunin ng ebanghelyo na sa palagay nila ay lubos nilang naipamuhay. Sabihin sa kanila na pag-isipan ang anumang alituntunin ng ebanghelyo na tapat nilang naipapamuhay nang “halos” ngunit hindi “lahat” (Mga Gawa 26:29). Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng isang mithiin tungkol sa gagawin nila upang madagdagan ang kanilang pang-unawa at katapatan sa isa sa mga alituntuning ito. Hikayatin ang mga estudyante na manalangin na tulungan sila habang nagsisikap silang lubos na makapagbalik-loob kay Jesucristo sa pamamagitan ng mas lubos na pamumuhay sa ebanghelyo.
Ibuod ang Mga Gawa 26:30–32 na ipinapaliwanag na natuklasan nina Festo at Haring Agripa na walang kasalanan si Pablo at pakakawalan na sana siya, ngunit dahil idinulog ni Pablo ang kanyang sitwasyon kay Cesar, kailangan nilang ipadala si Pablo sa Roma.
Tapusin ang lesson na nirerebyu at pinapatotohanan ang mga alituntuning itinuro sa Mga Gawa 23–26.