Library
Lesson 52: Lucas 13–14


Lesson 52

Lucas 13-14

Pambungad

Si Jesus ay nagturo tungkol sa pagsisisi at sa kaharian ng Diyos, at nagpagaling sa araw ng Sabbath. Gumagamit din Siya ng mga talinghaga upang ituro ang tungkol sa pagpapakumbaba at ang mga hinihingi sa pagiging disipulo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Lucas 13:1–14:14

Si Jesus ay nagpagaling sa araw ng Sabbath at nagturo tungkol sa pagpapakumbaba at pagmamalasakit sa mga kapus-palad

Basahin nang malakas ang sumusunod na sitwasyon: Kunwari ay nakaupo ka at nananghalian kasama ang ilang kaibigan, at napansin nila ang isang estudyante na luma ang damit at mag-isang nakaupo. Isa sa iyong grupo ang nagsalita ng hindi maganda tungkol sa hitsura ng estudyante, at nagtawanan ang iyong mga kaibigan.

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang madarama nila sa sitwasyong ito.

  • Ano ang ilan sa iba’t ibang paraan na maaari ninyong gawin sa sitwasyong ito?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang itinuro ng Tagapagligtas sa Lucas 13–14 tungkol sa pakikitungo sa mga taong mas kapus-palad kaysa sa atin.

Ibuod ang Lucas 13:1–14:6 na ipinapaliwanag na nagkuwento ang Tagapagligtas ng isang talinghaga tungkol sa puno ng igos na puputulin kung hindi ito magbubunga, na nagtuturo na tayo ay masasawi kung hindi tayo magsisisi. Siya ay nagpagaling ng isang babae sa araw ng Sabbath at nagturo tungkol sa kaharian ng Diyos at tungkol sa mga taong pahihintulutang makapasok dito. Siya rin ay nanangis dahil sa nalalapit na pagkawasak ng Jerusalem. Sa Lucas 14:1–6, mababasa natin na ang Tagapagligtas ay inanyayahang kumain sa bahay ng isa sa mga punong Fariseo sa araw ng Sabbath. Bago kumain, pinagaling ng Tagapagligtas ang isang lalaking namamaga ang katawan.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Ipabasa nang tahimik sa isang estudyante sa bawat magkapartner ang Lucas 13:15–16 at ipabasa nang tahimik sa isa pang kapartner na estudyante ang Lucas 14:5–6. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isinagot ng Tagapagligtas sa mga Fariseo na nag-akusa sa Kanya na nilabag Niya ang araw ng Sabbath sa pamamagitan ng pagpapagaling sa mga taong ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa kanilang mga kapartner ang nalaman nila.

Pagkatapos ng sapat na oras, itanong sa klase:

  • Anong mga kataga ang nagpapahiwatig ng mga bagay na gagawin ng mga Fariseo sa kanilang mga hayop sa araw ng Sabbath? (Kakalagan ang mga hayop at kukunin sa hukay.)

  • Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ng Tagapagligtas tungkol sa paggalang at pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath? (Ang paglilingkod sa mga taong nangangailangan ay angkop sa araw ng Sabbath. Ang mabuting halimbawa ng Tagapagligtas ay naiiba sa ugali ng ilang Fariseo na binibigyang-katwiran ang pagtulong sa mga hayop ngunit hindi sa pagtulong sa mga tao sa araw ng Sabbath.)

Ibuod ang Lucas 14:7–11 na ipinapaliwanag na matapos pagalingin ang lalaking namamaga, pinagsabihan ng Tagapagligtas ang iba pang mga panauhin sa hapunan dahil itinataas nila ang kanilang sarili sa pag-upo sa pangulong luklukan, na pinakamalapit sa kinauupuan ng taong nag-anyaya sa kanya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 14:12–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas sa Fariseong nag-imbita sa Kanya na kumain.

  • Ano ang ipinayo ng Tagapagligtas sa Fariseong ito?

  • Ano ang ilang posibleng dahilan kung bakit inaanyayahan kumain ng mga tao ang kanilang mga kaibigan at mayayamang kapitbahay?

Ipaliwanag na sa panahon ng Tagapagligtas, ang mga pingkaw, lumpo, o bulag ay nahihirapang maglaan para sa kanilang sarili kaya sila maralita. Kinukutya ng ilang Fariseo ang mga taong ito (tingnan sa Lucas 16:14–31).

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit kinukutya ng mga tao sa kasalukuyan ang iba?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa Lucas 14:14 tungkol sa pagtulong sa mga taong mas kapus-palad kaysa sa atin? (Ang sumusunod ay isang alituntunin na maaaring matukoy ng mga estudyante: Kung nagsisikap tayong tulungan ang mga taong mas kapus-palad kaysa sa atin, gagantimpalaan tayo ng Panginoon sa Pagkabuhay na Mag-uli.)

Ipaliwanag na bukod pa sa gantimpala sa atin sa Pagkabuhay na Mag-uli, pagpapalain din tayo ng Panginoon sa buhay na ito kapag nagsisikap tayong tulungan ang mga taong mas kapus-palad kaysa sa atin.

  • Sa paanong paraan natin matutulungan ang mga taong mas kapus-palad kaysa sa atin?

  • Paano kayo, o ang isang kakilala ninyo, napagpala sa pagsisikap na tulungan ang mga taong mas kapus-palad?

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga paraan na matutulungan nila ang mga taong mas kapus-palad kaysa sa kanila. Hikayatin silang magsulat sa kanilang scripture study journal o notebook ng isang mithiin na paglingkuran ang mga taong mas kapus-palad kaysa sa kanila.

Lucas 14:15–35

Inilahad ni Jesus ang talinghaga ng malaking hapunan at itinuro ang tungkol sa hinihingi sa pagiging disipulo

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang ilang bagay na maaaring hilingin sa kanila na isakripisyo o isuko bilang mga disipulo ni Jesucristo.

  • Ano ang ilang dahilan na maaaring matukso ang ilang tao na gamitin para makaiwas sa mga pagsasakripisyong ito?

Sabihin sa klase na alamin sa kanilang patuloy na pag-aaral ng Lucas 14 ang mga alituntunin na nagtuturo ng mga hinihingi ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo.

Ipaliwanag na pagkatapos payuhan ng Tagapagligtas ang Fariseo na anyayahan ang mga kapus-palad sa kainan, sinabi sa Kanya ng isang tao na nasa silid, “Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Dios” (Lucas 14:15). Bilang tugon sa pahayag na ito, inilahad ng Tagapagligtas ang talinghaga ng malaking hapunan.

Ipabasa nang malakas sa mga magkakapartner sa simula ng lesson ang Lucas 14:16–24. Ipahanap sa isang estudyante sa bawat magkakapartner ang paanyaya na natanggap ng mga tao sa talinghaga. Ipahanap naman sa isa pang estudyante sa bawat magkakapartner ang mga pagdadahilan ng mga tao sa pagtanggi sa paanyaya. Pagkatapos mabigyan ng sapat na oras, itanong sa klase:

  • Paano maihahalintulad ang ebanghelyo ni Jesucristo sa isang malaking hapunan? (Maaaring kasama sa mga sagot ang sumusunod: ang ebanghelyo ay isang kaloob na inihanda para sa atin; maaari tayong mapuspos nito at matugunan ang ating mga pangangailangan; inanyayahan tayong makibahagi rito; at maaari nating tanggapin o hindi ang paanyaya na makibahagi rito.)

  • Ano ang mga idinahilan ng mga taong hindi tinanggap ang paanyaya sa malaking hapunan?

  • Ano ang ipinapakita ng mga dahilang ito tungkol sa mga priyoridad ng mga taong ito?

Ayon sa talata 24, ano ang mangyayari kapag inuna natin ang ibang bagay kaysa sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung uunahin natin ang ibang bagay kaysa sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo, mawawala ang mga pagpapala na matatanggap sana natin.)

Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang nakalista sa pisara tungkol sa mga sakripisyong maaaring hilingin sa kanila bilang mga disipulo ni Jesucristo.

  • Anong mga pagpapala ang maaaring mawala sa atin kung hindi tayo handang gawin ang mga sakripisyong ito?

Ipaliwanag na matapos ituro ang talinghagang ito, nagsalita ang Tagapagligtas tungkol sa mga bagay na hinihingi Niya sa Kanyang mga disipulo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 14:25–27. Ipaliwanag na nilinaw sa Joseph Smith Translation ang mga turo ng Tagapagligtas sa Lucas 14:25–27: “Nagsisama nga sa kaniya ang lubhang maraming tao; at siya’y lumingon at sa kanila’y sinabi, Kung ang sinomang tao’y pumaparito sa akin, at hindi napopoot sa kaniyang sariling ama, at ina, at asawang babae, at mga anak, at mga kapatid na lalake, at mga kapatid na babae, o asawang lalake, oo, at pati sa kaniyang sariling buhay man; o sa madaling salita, ay natatakot ialay ang kaniyang buhay alang-alang sa akin, hindi siya maaaring maging alagad ko. Sinomang hindi nagdadala ng kaniyang krus, at sumusunod sa akin, ay hindi maaaring maging alagad ko. Kaya’t isapuso ninyo ito, na inyong gagawin ang mga bagay na ituturo, at iuutos ko sa inyo.”

  • Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na dapat handang gawin ng Kanyang mga disipulo?

Ipaliwanag na ang isang kahulugan ng salitang Griyego na isinalin bilang pagkapoot ay “bawasan ang pagmamahal” (James Strong, The Exhaustive Concordance of the Bible [1890], “misĕō,” 48). Ipinapaliwanag ng Tagapagligtas na para sa Kanyang mga disipulo, ang katapatan sa pamilya o maging sa sariling buhay ay kailangang pumangalawa lang sa katapatan sa Kanya (tingnan din sa Mateo 10:37). Ang pasanin ng isang tao ang kanyang krus ay tumutukoy sa pagpapako sa krus at sumasagisag sa kahandaang ibigay ang buhay para kay Cristo, na nagbigay ng Kanyang buhay para sa atin (tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 16:26 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan).

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa pagiging mga disipulo ni Jesucristo mula sa mga talatang ito? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang katotohanan, ngunit tiyaking matukoy nila ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang mga disipulo ni Cristo ay dapat handang magsakripisyo ng lahat ng bagay para sumunod sa Kanya. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa margin na katabi ng Lucas 14:25–27.)

  • Sa palagay ninyo, bakit kinakailangang unahin si Jesucristo ng Kanyang mga disipulo sa lahat ng bagay, kabilang ang kanilang pamilya at sariling buhay?

Isulat sa pisara ang mga katagang Pagpasiyahan ito sa inyong mga puso (tingnan sa Joseph Smith Translation, Luke 14:27).

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng mga katagang “pagpasiyahan ito sa inyong mga puso”? (Ipaliwanag na ang kahulugan ng pagpasiyahan sa kontekstong ito ay magdesisyon nang may matibay na determinasyon.)

  • Ano ang gusto ng Panginoon na pagpasiyahan natin sa ating mga puso?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa Joseph Smith Translation ng Luke 14:27? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag ipinasiya natin sa ating puso na gawin ang itinuro at iniutos ni Jesucristo sa atin, tayo ay nagiging Kanyang mga disipulo.)

Bigyan ang mga estudyante ng kopya ng pahayag ni Elder Larry W. Gibbons ng Pitumpu. Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang magagawa natin para maipamuhay ang alituntuning ito.

Elder Larry W. Gibbons

“Sa pagsisimula ninyong ayusin ang inyong mga priyoridad sa buhay, tandaan, na ang tanging seguridad sa buhay ay ang pagsunod sa mga utos. …

“… Kaygandang makapagpasiya nang maaga sa buhay kung ano ang gagawin sa mga bagay na patungkol sa katapatan, kahinhinan, kalinisang-puri, sa Word of Wisdom, at kasal sa templo.

Mga kapatid, manatili sa tuwid at makipot na daan. Hindi pala, manatili sa gitna ng tuwid at makitid na daan. Huwag maliligaw; huwag maging pabaya; maging maingat.

“… Ang pamumuhay ng mga utos ay magdudulot sa inyo ng kaligayahang hinahanap ng napakaraming tao sa ibang lugar” (“Samakatwid, Pagpasiyahan Ito sa Inyong mga Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 103, 104).

  • Ano ang isang kautusan na pinagpasiyahan ninyong susundin kahit anong mangyari? Paano kayo napagpala sa pagpapasiyang sundin ang kautusang iyan?

Hikayatin ang mga estudyante na pagpasiyahan sa kanilang puso “kung ano ang [kanilang] gagawin … [at] … [hindi gagawin] sa mga bagay na patungkol sa katapatan, kahinhinan, kalinisang-puri, sa Word of Wisdom, at kasal sa templo.” Maaari ninyong anyayahan ang mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang mga pasiya.

Ipaliwanag na matapos ituro ang mga alituntuning ito tungkol sa pagkadisipulo, ang Tagapagligtas ay nagbigay ng dalawang analohiya. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 14:28–30 at sa isa pang estudyante ang Lucas 14:31–33. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuturo ng dalawang analohiyang ito.

  • Ano sa palagay ninyo ang itinuturo ng dalawang analohiyang ito?

Ipaliwanag na ang dalawang analohiya ay nagtuturo ng kahalagahan ng pagsasaalang-alang, o pag-alam, ng halaga ng gagawin bago simulan ito upang malaman kung kaya ninyo itong tapusin. Gusto ng Tagapagligtas na pag-isipang mabuti ng Kanyang mga tagasunod kung handa silang magsakripisyo anuman ang hingin sa kanila upang patuloy silang maging disipulo Niya sa buong buhay nila. (Tingnan din sa Joseph Smith Translation, Luke 14:31.)

Sabihin sa mga estudyante na muling pag-isipan ang nakasulat na mga sakripisyo sa pisara. Anyayahan ang ilan sa kanila na ipaliwanag kung bakit handa silang gawin ang mga sakripisyong ito bilang mga disipulo ni Jesucristo.

Maaaring anyayahan ang mga estudyante na markahan ang talata 33, na nagbibigay ng simpleng buod ng mga turo ng Tagapagligtas sa kabanatang ito. Patotohanan ang mga tinalakay mo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Lucas 14:12–14. Kung nagsisikap tayong tulungan ang mga taong mas kapus-palad kaysa sa atin, gagantimpalaan tayo ng Panginoon

Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan ang ilan sa mga pagpapalang matatanggap natin dahil sa pagtulong natin sa iba:

“Kapag pinaglingkuran natin ang iba at minahal sila na katulad ni Cristo, may magandang nangyayari sa atin. Ang ating sariling espiritu ay gagaling, mas dadalisay, at mas lalakas. Tayo ay nagiging mas masaya, mas payapa, at mas madaling makaramdam sa mga bulong ng Banal na Espiritu.” (“Kayo ang Aking mga Kamay,” Ensign o Liahona, May 2010, 75).

Lucas 14:15–24. Ang talinghaga ng malaking hapunan

Para mas matuto tungkol sa talinghaga ng malaking hapunan, tingnan ang komentaryo sa New Testament Student Manual (Church Educational System manual, 2014), 164).