Library
Pambungad sa Ikalawang Sulat ni Pablo sa mga Taga Tesalonica


Pambungad sa Ikalawang Sulat ni Pablo sa mga Taga Tesalonica

Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?

Sa kanyang Ikalawang Sulat sa mga Taga Tesalonica, pinayuhan at pinaliwanagan ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan na may maling pagkaunawa sa ilang aspeto ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ang pag-aaral sa kanyang mga turo ay tutulong sa mga estudyante na maunawaan ang katangian ng Apostasiya at kung paano maghandang mabuti para sa pagbabalik ng Panginoon.

Sino ang sumulat ng aklat na ito?

Isinulat ni Pablo ang II Mga Taga Tesalonica (tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 1:1; tingnan din sa II Mga Taga Tesalonica 2:5; 3:17). Ang simula ng sulat ay naglalaman din ng pagbati mula kina Silas at Timoteo (II Mga Taga Tesalonica 1:1).

Kailan at saan ito isinulat?

“Isinulat ni Pablo ang mga liham sa mga taga Tesalonica mula sa Corinto sa kanyang pangalawang paglalakbay bilang misyonero” noong mga A.D. 50–51 (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, mga,” scriptures.lds.org).

Para kanino ito isinulat at bakit?

Isinulat ni Pablo ang II Mga Taga Tesalonica sa mga miyembro ng Simbahan sa Tesalonica. Magkatulad ang tema ng I at II Mga Taga Tesalonica, pahiwatig na isinulat ni Pablo ang II Mga Taga Tesalonica upang linawin at palawigin pa ang unang sulat. Makikita na nakatanggap ang mga taga-Tesalonica ng isang mapanlinlang na sulat na sinasabing nanggaling kay Pablo at na nagdulot ang sulat na ito para maniwala ang ilan na nangyari na ang Ikalawang Pagparito (tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 2:2).

“Sa maikling panahon sa pagitan ng dalawang sulat, ang Simbahan ay nagdusa sa mga pang-uusig (II Tes. 1:4); ang pag-asam ng kaagad na pagbabalik ng Panginoon ay nagdulot ng di-nakabubuting pagkasabik (2:2)” (Bible Dictionary, “Pauline Epistles”). Isinulat ni Pablo ang II Mga Taga Tesalonica para mapalakas ang pananampalataya ng mga miyembrong ito at upang itama ang maling pagkaunawa sa doktrina.

Ano ang ilan sa mga naiibang katangian ng aklat na ito?

Ang Ikalawang Sulat sa mga Taga Tesalonica ay nagbibigay ng mahahalagang detalye tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Kabilang sa ilang halimbawa ang mga ideya na babalik ang Panginoon na may “[nagniningas na apoy]” at ang masasama ay “tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon” (II Mga Taga Tesalonica 1:8–9).

Mababasa natin sa sulat na ito na nagpropesiya rin si Pablo tungkol sa Malawakang Apostasiya, na itinuturo na ang Simbahan ay daranas ng “pagtaliwakas” mula sa ebanghelyo bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon (tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 2:2–12). Ang mga turo ni Pablo tungkol sa Apostasiya ay nagpapaalala sa mga miyembro ng Simbahan ngayon kung bakit kinakailangan ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw.

Outline

II Mga Taga Tesalonica 1 Binati at pinuri ni Pablo ang mga Banal sa Tesalonica. Itinuro niya na ang masasama ay makararanas ng paghihiganti ng Panginoon sa Ikalawang Pagparito.

II Mga Taga Tesalonica 2 Itinama ni Pablo ang mga maling ideya na ang Ikalawang Pagparito ay naganap na at nagpropesiya na magkakaroon ng apostasiya bago bumalik ang Panginoon. Hinikayat niya ang mga Banal sa Tesalonica na manatiling matapat.

II Mga Taga Tesalonica 3 Pinayuhan ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan na magtrabaho para matustusan ang kanilang mga temporal na pangangailangan at huwag mapagod sa paggawa ng mabuti.