Library
Pambungad sa Ikalawang Sulat ni Pablo sa mga Taga Corinto


Pambungad sa Ikalawang Sulat ni Pablo sa mga Taga Corinto

Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?

Ang Ikalawang Sulat ni Apostol Pablo sa Mga Taga Corinto ay kilala dahil sa mga tema na tinatalakay nito tungkol sa kapanatagan sa gitna ng paghihirap, lakas sa kabila ng kahinaan (tulad mismo ng ipinakita ni Pablo), at pag-alam kung ang isang guro ay totoo o bulaan. Ang halimbawa at mga turo ni Pablo na nakatala sa II Mga Taga Corinto ay makahihikayat sa mga estudyante na manatiling tunay at tapat sa walang-hanggang tipan na ginawa nila sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, kahit ano pa man ang mga sitwasyon o bunga nito.

Sino ang sumulat ng aklat na ito?

Isinulat ni Pablo ang Ikalawang Sulat sa mga Taga Corinto (tingnan sa II Mga Taga Corinto 1:1).

Kailan at saan ito nangyari?

Pagkatapos isulat ni Pablo ang I Mga Taga Corinto, nagkaroon ng gulo sa Efeso dahil sa pagsalungat sa kanyang mga turo (tingnan sa Mga Gawa 19:23–41), at umalis siya patungong Macedonia (tingnan sa Mga Gawa 20:1; II Mga Taga Corinto 2:13;; 7:5). Tila isinulat niya ang II Mga Taga Corinto nang nasa Macedonia siya, maaaring noong mga A.D. 55–57 (tingnan sa Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Pauline Epistles”; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat Ni Pablo, Mga,” scriptures.lds.org).

Para kanino ito isinulat at bakit?

Isinulat ang aklat na II Mga Taga Corinto para sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto. Habang nasa Macedonia si Pablo noong kanyang pangatlong misyon, ibinalita sa kanya ni Tito mula sa Corinto na ang naunang sulat na ipinadala niya ay tinanggap nang buong puso ng mga Banal doon (tingnan sa II Mga Taga Corinto 7:6–13). Umunlad ang branch sa Corinto, ngunit nalaman din ni Pablo ang tungkol sa mga bulaang guro na binabaluktot ang dalisay na mga doktrina ni Cristo. Matapos ang unang pagbisita ni Pablo sa Corinto at marahil ang pangalawang pagbisita (II Mga Taga Corinto 1:15–16), na tila pinagsabihan ni Pablo ang ilan sa mga Banal (tingnan sa II Mga Taga Corinto 2:1; 12:21), may mga mangangaral mula sa Jerusalem ang pumunta sa Corinto at nagsimulang magturo sa mga Banal na dapat nilang tangkilikin ang mga kagawian ng mga Judio, na salungat sa mga turo ni Pablo. Karamihan ng nilalaman ng II Mga Taga Corinto ay sagot sa mga problemang dulot ng mga bulaang gurong ito.

Ang sulat ni Pablo ay para sa mga nagnanais na makarinig pa ng mga turo niya (tingnan sa II Mga Taga Corinto 1–9) at sa mga nag-aatubili sa pagtanggap nito (tingnan sa II Mga Taga Corinto 10–13). Sa kabuuan, inihayag ng mga nakasulat sa II Mga Taga Corinto ang ilang layunin ng sulat na ito:

  1. Upang magpahayag ng pasasalamat at mapalakas ang mga Banal na malugod na tinanggap ang nauna niyang sulat

  2. Upang magbabala laban sa mga bulaang guro na binaluktot ang dalisay na mga doktrina ni Cristo

  3. Upang ipagtanggol ang kanyang pagkatao at awtoridad bilang isang Apostol ni Jesucristo (tingnan sa II Mga Taga Corinto 10–13)

  4. Upang hikayatin ang mga Banal sa Corinto na maghandog nang bukas-palad para sa mga mahihirap na Banal sa Jerusalem (tingnan sa II Mga Taga Corinto 8–9)

Ano ang ilan sa naiibang katangian ng aklat na ito?

Habang nakatuon sa doktrina ang marami sa mga sulat ni Pablo, karamihan sa nakasulat dito ay nagbibigay-diin sa kaugnayan ni Pablo sa mga Banal sa Corinto at ang kanyang pagmamahal at pagmamalasakit sa kanila. Bagama’t matibay ang kanyang pagsalungat sa mga tumutuligsa sa kanya, makikita natin sa buong II Mga Taga Corinto na siya ay isang magiliw na lider ng priesthood na iniisip ang kaligayahan at kapakanan ng mga Banal. Ibinahagi rin ni Pablo ang ilang detalye ng kanyang buhay at isinulat ang tungkol sa kanyang “tinik sa laman” (II Mga Taga Corinto 12:7).

Sa isang sagradong karanasan na nakatala sa II Mga Taga Corinto 12:2–4, inilarawan ni Pablo ang kanyang sarili bilang “isang lalake kay Cristo” na “inagaw hanggang sa ikatlong langit,” kung saan niya nakita at narinig ang mga bagay na hindi masasambit. Ang pangitaing ito, gayundin ang kanyang naunang pahayag tungkol sa pagkakaiba ng kaluwalhatian ng mga nabuhay na muli (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:35–44), ay maituturing na katulad ng pangitain na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76.

Outline

II Mga Taga Corinto 1–5 Nagpatotoo si Pablo na inaaliw o pinapanatag ng Diyos ang Kanyang mga anak sa kanilang mga paghihirap. Hinikayat niya ang mga Banal na magmahalan at patawarin ang isa’t isa. Ang ebanghelyo at mga gawain ng Espiritu ng Panginoon ay mas maluwalhati kaysa sa batas ni Moises. Pinalakas ni Pablo ang loob ng kanyang mga mambabasa sa sandali ng kanilang paghihirap at ipinaalala sa kanila ang walang hanggang katangian ng pagmamahal at kaluwalhatian ng Diyos. Tinulungan niya ang mga mambabasa na maunawaan na kinakailangan nilang makipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

II Mga Taga Corinto 6–13 Habang nahaharap sa pamimintas at oposisyon mula sa mga bulaang guro, ipinagtanggol ni Pablo ang kanyang katapatan bilang tagapaglingkod ng Panginoon at inanyayahan ang kanyang mga mambabasa na iwasan ang kamunduhan. Nagturo siya tungkol sa “kalumbayang mula sa Dios” (tingnan sa II Mga Taga Corinto 7:10). Nagpasalamat si Pablo sa mga Banal sa Corinto sa kanilang mga kontribusyon sa mahihirap sa Jerusalem at hinikayat silang magpatuloy sa pagbigay nang taos-puso. Nagbabala siya laban sa “mga bulaang apostol” (II Mga Taga Corinto 11:13). Pinuri ni Pablo ang Panginoon at ibinahagi ang mga detalye ng kanyang paghihirap at pananampalataya kay Jesucristo. Isinulat niya ang kanyang pangitain tungkol sa ikatlong langit. Inanyayahan ni Pablo ang mga Banal na suriin ang kanilang sarili at patunayan na tapat sila.