Lesson 110
I Mga Taga Corinto 13–14
Pambungad
Itinuro ni Pablo ang kahalagahan ng pag-ibig sa kapwa-tao. Nagpayo siya sa mga Banal sa Corinto na magtamo ng pag-ibig sa kapwa-tao at maghangad ng iba pang mga espirituwal na kaloob. Itinuro ni Pablo na ang kaloob ng propesiya ay dakila kaysa sa kaloob ng pagsasalita ng mga wika at ibinigay ito sa mga miyembro ng Simbahan upang espirituwal na mapalakas ang iba.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
I Mga Taga Corinto 13
Nagturo si Pablo tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao
Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na mga sitwasyon, o bigyan ang mga estudyante ng mga kopya nito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang bawat sitwasyon, at sabihin sa mga estudyante na isipin kung inilalarawan ba sila ng alinman sa mga pahayag na ito.
-
Anong masasamang epekto ang ibubunga ng pagkakaroon ng ganitong mga saloobin at pag-uugali?
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng I Mga Taga Corinto 13 na makatutulong sa kanila na maiwasan ang mga saloobin at pag-uugali na makahahadlang sa kanila na maging masaya at makipag-ugnayan sa iba.
Ipaalala sa mga estudyante na ang mga Banal sa Corinto ay gumagawa ng mga bagay na nagdulot ng pagtatalo at paghahati-hati sa Simbahan. Sa kanyang sulat, itinuro ni Pablo na ang mga espirituwal na kaloob ay ibinigay upang mapagpala ang lahat at matulungan ang mga miyembro na paglingkuran at palakasin ang bawat isa. Ipinayo ni Pablo sa mga Banal na taos-pusong naisin ang “dakilang mga kaloob” (tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:7–31).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 13:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isang katangian at kaloob ng Espiritu na labis na pinuri ni Pablo.
-
Anong katangian at kaloob ng Espiritu ang labis na pinuri ni Pablo? (Pag-ibig sa kapwa-tao.)
Ipaliwanag na ang “[pag-ibig sa kapwa-tao] ang pinakadakila, pinakamarangal, pinakamasidhing uri ng pag-ibig, hindi lamang pagkagiliw” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pag-ibig sa Kapwa-tao”).
-
Paano inilarawan ni Pablo ang mga yaong walang pag-ibig sa kapwa-tao kahit mayroon silang ibang mga espirituwal na kaloob?
Ipaliwanag na ang mga katagang “tanso na tumutunog” at “batingaw na umaalingawngaw” sa talata 1 ay tumutukoy sa mga instrumento na gumagawa ng malakas o magagandang tunog. Sa konteksto ng talata 1, maaaring tumukoy ang mga katagang ito sa mga salita na nagiging walang saysay o walang kabuluhan dahil walang pag-ibig sa kapwa-tao ang nagsasalita nito.
-
Sa palagay ninyo, bakit wala tayong kabuluhan kapag wala tayong pag-ibig sa kapwa-tao?
-
Paano nagiging posible na ang isang tao ay wala pa ring pag-ibig sa kapwa-tao kahit na ipamigay niya ang lahat ng mayroon siya upang pakainin ang mga maralita o handa siyang mamatay para sa katotohanan? (Ipaliwanag na ang pag-ibig sa kapwa-tao ay higit pa sa pagpapakita ng kabaitan at kahandaang mamatay para sa katotohanan.)
Kopyahin sa pisara ang sumusunod na chart:
Ano ang Pag-ibig sa Kapwa-tao |
Ano ang Hindi Pag-ibig sa Kapwa-tao |
---|---|
Ipaliwanag na inilarawan ni Pablo ang mga katangian ng pag-ibig sa kapwa-tao upang matulungan ang mga Banal sa Corinto na mas maunawaan ang kaloob na ito. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Ipabasa sa mga estudyante ang I Mga Taga Corinto 13:4–8 na kasama ang kanilang mga partner, na inaalam ang paglalarawan ni Pablo sa pag-ibig sa kapwa-tao.
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na lumapit sa pisara at isulat ang paglalarawan ni Pablo sa pag-ibig sa kapwa-tao sa ilalim ng angkop na hanay sa chart. Kung kailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang bawat paglalarawan.
-
Sino ang akma sa paglalarawan ng lahat ng katangian ng pag-ibig sa kapwa-tao? (Si Jesucristo.)
Ipaalala sa mga estudyante na itinuro ni propetang Mormon na “ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47). Ipaliwanag na mailalarawan ang pag-ibig sa kapwa-tao sa dalawang paraan: (1) ang pag-ibig o pagmamahal ni Cristo para sa atin at (2) ang ating pag-ibig sa ating kapwa-tao na tulad ng pagmamahal ni Cristo. Sabihin sa mga estudyante na pumili mula sa listahan sa pisara ng ilang paglalarawan ng pag-ibig sa kapwa-tao at ipaliwanag sa klase kung paano naging mabuting paglalarawan ang mga ito kay Cristo.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man” sa talata 8?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang tunay na pag-ibig sa kapwa-tao … ay naipakita nang perpekto at dalisay sa hindi nagmamaliw, tiyak, at nagbabayad-salang pagmamahal ni Cristo sa ating lahat. … Ito ay ang pag-ibig sa kapwa-tao—ang kanyang dalisay na pagmamahal sa atin—na kung wala ay wala tayong kabuluhan, walang pag-asa, magbibigay ng labis na kalungkutan sa lahat ng kalalakihan at kababaihan. …
“May takot at kabiguan sa buhay. Minsan ay nagkukulang ang mga bagay-bagay. Minsan ay bibiguin tayo ng mga tao, o bibiguin tayo ng mga ekonomiya o negosyo o gobyerno. Ngunit isang bagay lamang ang hindi bibigo sa atin sa buhay na ito o sa kawalang-hanggan—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Christ and the New Covenant [1997], 337).
-
Paano makatutulong ang pag-alaala na hindi tayo bibiguin ng dalisay na pag-ibig ni Jesucristo?
-
Ayon sa natutuhan natin mula sa I Mga Taga Corinto 13:4–8, ano ang mangyayari sa atin kapag natamo natin ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang iba’t ibang katotohanan, ngunit tiyakin na malinaw na naunawaan na habang hinahangad natin na matamo ang espirituwal na kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao, nagiging mas katulad tayo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Ibuod ang I Mga Taga Corinto 13:9–12 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pablo kung bakit mawawala kalaunan ang mga espirituwal na kaloob na kaalaman at propesiya. Ipinahayag ni Pablo na ang kaalaman na mayroon sa buhay na ito ay di-kumpleto at na magtatamo tayo ng ganap na kaalaman sa kawalang-hanggan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 13:13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang tatlong kaloob ng Espiritu na itinuro ni Pablo na nananatili, na ang ibig sabihin ay nagtatagal o hindi nagbabago. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Ano ang itinuro ni Pablo na pinakadakilang espirituwal na kaloob? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang pag-ibig sa kapwa-tao ang pinakadakilang kaloob ng Espiritu. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
-
Ano ang kaugnayan ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao? (Ang pananampalataya ay humahantong sa pag-asa, at ang pag-asa ay humahantong sa pag-ibig sa kapwa-tao.)
-
Ayon sa mga natutuhan mo sa I Mga Taga Corinto 13, sa palagay mo, bakit pinakadakilang kaloob ng Espiritu ang pag-ibig sa kapwa-tao?
Ipaliwanag na ang payo ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 14:1 ay “sundin ninyo ang pagibig.”
-
Ano ang magagawa natin upang “sundin” o matamo ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 7:48. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Mormon na gawin ng kanyang mga tao upang matamo ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Paano mapagbubuti ng pagkakaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao ang ating mga pakikipag-ugnayan sa ating pamilya, mga kaibigan, at kakilala?
-
Mailalarawan ba ninyo ang isang pagkakataon kung kailan nasaksihan ninyo ang pag-ibig sa kapwa-tao ng isang tao dahil sa paraan ng pagtrato niya sa inyo o sa iba? (Maaari mong ibahagi ang iyong sariling karanasan.)
Sabihin sa mga estudyante na isulat sa mga kapirasong papel ang paglalarawan sa pag-ibig sa kapwa-tao na sa pakiramdam nila ay pinakamahirap para sa kanila at bakit. Hikayatin ang mga estudyante na magsulat ng isang mithiin tungkol sa gagawin nila upang maipagpatuloy ang pagsisikap na magkaroon ng higit na pag-ibig sa kapwa-tao. Sabihin sa mga estudyante na ilagay ito sa isang lugar na madalas nilang makikita ito at mapaaalalahanan ng kanilang mithiin.
I Mga Taga Corinto 14
Itinuro ni Pablo na ang kaloob na propesiya ay higit sa kaloob na pagsasalita ng mga wika
Magdala sa klase ng mga bagay na magagamit upang gumawa ng isang tore, tulad ng mga block, kahon, card, o aklat. Sabihin sa isang estudyante na gamitin ang mga dinala mo upang gumawa ng isang mataas na tore sa loob ng isang minuto. Pagkatapos, paupuin ang estudyante. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang I Mga Taga Corinto 14:1–3, na inaalam ang isang salita sa mga talatang ito na nauugnay sa pagpapakita ng paggawa ng isang tore.
-
Anong salita sa talata 3 ang nauugnay sa isang tore? (Ikatitibay. Kung kailangan, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng ikatitibay ay “patatatagin,” tulad ng espirituwal na palalakasin o pauunlarin.)
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang alituntunin sa pag-aaral nila ng I Mga Taga Corinto 14 na makatutulong sa kanilang malaman kung paano nila patitibayin ang iba.
Ipaliwanag na nagsalita si Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto na nakararanas ng kaloob na pagsasalita ng mga wika, o kakayahang magsalita sa ibang mga wika. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 14:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang espirituwal na kaloob na ipinayo ni Pablo na dapat naisin ng mga Banal.
-
Anong kaloob ang ipinayo ni Pablo sa mga Banal na dapat hangarin at naisin?
Ipaliwanag na ang “propesiya ay naglalaman ng nabigyang-inspirasyon na banal na mga salita o sinulat, na tinatanggap ng isang tao sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Espiritu Santo. Ang patotoo [kay] Jesus ay diwa ng propesiya (Apoc. 19:10). Kapag ang isang tao ay nagpopropesiya, siya ay nangungusap o sumusulat ng mga yaong nais ng Diyos na malaman niya, para sa kanyang sariling kabutihan o sa kabutihan ng iba” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Propesiya, Pagpropesiya,” scriptures.lds.org.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na mga kataga: propesiya = magturo at magpatotoo sa pamamagitan ng inspirasyon
-
Ayon sa talata 3, paano nakatutulong sa pagpapala sa iba ang pagtuturo at pagpapatotoo sa pamamagitan ng inspirasyon? (Gamit ang kanilang sariling mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Habang nagtuturo at nagpapatotoo tayo sa pamamagitan ng inspirasyon, makatutulong tayo na mapatibay at mapanatag ang iba.)
-
Paano kayo napatibay at napanatag ng inspiradong mga turo at patotoo ng ibang tao?
Ibuod ang I Mga Taga Corinto 14:4–30 na ipinapaliwanag na nagbabala si Pablo sa mga Banal sa Corinto tungkol sa kaloob na pagsasalita ng mga wika. Nagbabala si Pablo na kung hindi tama ang paggamit, ang kaloob na pagsasalita ng mga wika ay mabibigo na pagtibayin ang Simbahan at makagagambala sa mga miyembro sa paghahangad nila ng mga espirituwal na kaloob na mas kapaki-pakinabang.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 14:31, 33, 40. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang payo na ibinigay ni Pablo sa mga Banal tungkol sa pagpopropesiya.
-
Anong payo ang ibinigay ni Pablo sa mga Banal tungkol sa pagpopropesiya? (Lahat, kapwa lalaki o babae, ay maaaring magpropesiya, o magturo at magpatotoo. Dapat itong gawin nang may kaayusan, isang tao sa bawat pagkakataon.)
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa Simbahan ni Jesucristo sa mga talatang ito? (Gamit ang kanilang sariling mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Sa Simbahan ni Jesucristo, lahat ng bagay ay kailangang gawin nang may kaayusan.)
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalaga na lahat ng bagay sa Simbahan ay ginagawa nang may kaayusan?
Ipaliwanag na ang mga isinulat ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 14:34–35 ay naglaan ng isang halimbawa kung paano niya pinamamahalaan ang mga Banal sa Corinto upang mapanatiling may kaayusan ang Simbahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 14:34–35. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto. Sabihin sa mga estudyante na ireport ang nalaman nila.
Ipaliwanag na mahirap maunawaan ang layunin ng payo ni Pablo dahil malinaw na hindi niya ipinagbabawal sa mga babae ang magdasal o magsalita sa mga miting ng Simbahan (I Mga Taga Corinto 11:5). Pinalitan sa Joseph Smith Translation ang salitang mangagsalita o magsalita sa mga talata 34 at 35 ng mamahala. Ang pagpapalit sa salitang ito ay nagmumungkahi sa posibilidad na sinusubukan ni Pablo na itama ang isang sitwasyon kung saan ang ilang mga babae sa Corinto ay nanggugulo sa oras ng pagsamba o maling naghahangad ng responsibilidad na mamuno kaysa suportahan at sundin ang mga lider ng priesthood (tingnan sa New Testament Student Manual [Church Educational System, 2014], 380).
Tapusin ang lesson na nagpapatotoo sa mga katotohanan na itinuro sa I Mga Taga Corinto 13–14.