Lesson 132
II Kay Timoteo 3–4
Pambungad
Sumulat si Pablo kay Timoteo at ipinaliwanag na lalaganap ang apostasiya at kasamaan sa kanilang panahon at sa mga huling araw. Tinagubilinan niya si Timoteo na manatiling matapat sa mga katotohanan na kanyang natanggap. Nagturo si Pablo tungkol sa layunin ng mga banal na kasulatan. Tinapos ni Pablo ang kanyang sulat na hinihikayat si Timoteo na maging masigasig na tuparin ang kanyang ministeryo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
II Kay Timoteo 3
Inilarawan ni Pablo ang mga panahong mapanganib sa mga huling araw
Bago magsimula ang klase, magpadrowing sa dalawa o tatlong estudyante na unang dumating sa klase ng larawan ng isang mapanganib na sitwasyon sa pisara. Sa simula ng klase, itanong sa mga estudyante ang sumusunod:
-
Anong mga salita ang gagamitin ninyo para ilarawan ang mga sitwasyong idinrowing sa pisara?
Ipaliwanag na bilang bahagi ng Ikalawang Sulat kay Timoteo, nagpropesiya si Pablo ng mga magaganap sa kanilang panahon at sa atin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Kay Timoteo 3:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap kung paano inilarawan ni Pablo ang panahon natin ngayon.
-
Paano inilarawan ni Pablo ang panahon natin ngayon? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang salitang mapanganib ay nangangahulugan na puno ng mga kalamidad, sakuna, at kasamaan.)
-
Anu-ano ang ilan sa mga moral o espirituwal na panganib ang nakikita ninyo sa ating panahon?
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Magbigay sa bawat magkapartner ng sumusunod na chart. Sabihin sa bawat magpartner na basahin ang II Kay Timoteo 3:2–7 at sagutan ang mga tanong sa chart.
Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 132
Ano ang ilang halimbawa ng mga kalagayan sa mga huling araw na inilarawan ni Pablo? |
Alin sa mga kalagayang ito ang nakita na ninyo sa ating panahon? (Tumukoy ng dalawa o tatlo sa mga ito.) Bakit napakamapanganib ng mga kalagayang ito? |
© 2016 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan.
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na iulat sa klase ang mga natalakay nila kabilang na ang mga dahilan kung bakit mapanganib ang mga kalagayang ito.
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung nag-alala na ba sila na maaapektuhan sila ng ilan sa mga panganib na binanggit ni Pablo sa mga talata na pinag-aralan nila.
-
Ayon sa dulo ng II Kay Timoteo 3:5, ano ang hinikayat ni Pablo na gawin ni Timoteo na makatutulong din sa atin ngayon? (Dapat nating layuan ang kasamaan.)
Ibuod ang II Kay Timoteo 3:8–11 na ipinapaliwanag na sinabi ni Pablo kay Timoteo na mabubunyag ang kamangmangan ng mga taong nilalabanan ang katotohanan. Sumulat din siya ng tungkol sa maraming panganib at pang-uusig na kailangan niyang pagtiisan dahil sa kanyang mga pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Kay Timoteo 3:12–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinropesiya ni Pablo na mangyayari sa mga taong ipinamumuhay ang ebanghelyo.
-
Ano ang ipinropesiya ni Pablo na mangyayari sa mga taong ipinamumuhay ang ebanghelyo?
Ipaliwanag na sa kabila ng matindi at nakababagabag na mga kalagayang ito, makahahanap tayo ng tulong at proteksyon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Kay Timoteo 3:14–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Pablo na makatutulong sa atin na maiwasan ang mga panganib na ito.
-
Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa pagdaig sa mga panganib na kanyang inilarawan?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “manatili ka sa mga bagay na iyong pinagaralan at sa pinagkaroonan mo ng katunayan” sa talata 14?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahulugan ng pariralang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Sa mga sandali ng takot o pag-aalinlangan o problema, panindigan ang inyong pananampalataya, kahit limitado pa iyon. … Pagdating ng mga sandaling iyon at magkaroon ng mga problema, at hindi ito malutas kaagad, manangan nang mahigpit sa nalalaman na ninyo at manindigan hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman” (“Panginoon, Nananampalataya Ako,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 93–94).
Patingnan ang pariralang “nalalaman kung kanino mo nangatutuhan” sa talata 14. Ipaliwanag na maaari tayong matuto at makatanggap ng katiyakan ng katotohanan mula sa pinagkakatiwalaang mapagkukunan tulad ng mga propeta, pinuno, guro, magulang, at Espiritu Santo.
-
Anong alitutuntunin tungkol sa pagdaig ng mga espirituwal na panganib sa mga huling araw ang matututuhan natin mula sa mga talata 14–15? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung magpapatuloy tayo sa mga katotohanan na natutuhan natin mula sa mga mapagkakatiwalaang mapagkukunan at sa mga banal na kasulatan, madadaig natin ang mga espirituwal na panganib sa mga huling araw.)
-
Paano tayo matutulungan ng pag-asa sa mga banal na kasulatan at sa mga katotohanang natutuhan natin na madaig ang mga panganib sa ating panahon?
-
Kailan ninyo piniling umasa sa mga katotohanang natutuhan ninyo? Ano ang mga pagpapalang natanggap ninyo dahil dito? (Maaari mong ipasulat muna sa mga estudyante ang kanilang sagot sa kanilang scripture study journal o notebook at pagkatapos ay ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang isinulat.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Kay Timoteo 3:16–17, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga banal na kasulatan. Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na markahan ang nalaman nila.
-
Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na makatutulong sa atin ngayon? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag nag-aaral tayo ng mga banal na kasulatan, natututuhan natin ang doktrina at makatatanggap tayo ng mga pagsaway o pagtutuwid at ikatututo o tagubilin na tutulong sa atin na umunlad tungo sa pagiging perpekto. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Bilugan ang mga salitang doktrina, pagsaway, at ikatututo sa pahayag na isinulat mo sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na natulungan sila ng mga banal na kasulatan sa isa sa mga sumusunod na paraan: (1) sa pagpapaunawa sa isang doktrina ng ebanghelyo; (2) sa pagsansala o pagtutuwid sa isang bagay na kanilang naisip, pinili, o ginawa na hindi tama; o (3) sa pagbibigay ng sagot sa isang panalangin o pagbibigay ng tagubilin kung paano nila malulutas ang isang problema. Bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras upang mag-isip ng mga karanasan, at sabihin pagkatapos sa ilan sa mga estudyante na magbahagi ng mga naiisip nila sa klase. (Ipaalala sa mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang sobrang personal o pribado, kabilang na ang mga kasalanang nagawa.)
-
Sa mga natutuhan natin tungkol sa kahalagahan ng banal na kasulatan, sa palagay ninyo, bakit tayo hinihikayat na pag-aralan ang mga ito araw-araw?
Magbigay ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga estudyante. Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante, at sabihin sa klase na alamin ang tagubilin at pangako ni Elder Scott tungkol sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
“Huwag magpadala sa kasinungalingan ni Satanas na wala kayong oras na pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Magpasiyang gumugol ng oras na pag-aralan ito. Ang pagpapakabusog sa salita ng Diyos bawat araw ay mas mahalaga kaysa pagtulog, pag-aaral, pagtatrabaho, mga palabas sa telebisyon, video games, o social media. Maaari ninyong kailanganin na muling ayusin ang inyong mga prayoridad para makapaglaan ng oras sa pag-aaral ng salita ng Diyos. Kung gayon, gawin ito!
“… Kapag naglaan kayo ng oras araw-araw, nang personal at kasama ang inyong pamilya, sa pag-aaral ng salita ng Diyos, mananaig ang kapayapaan sa inyong buhay” (“Unahin Ninyong Manampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 93).
Magpatotoo tungkol sa kaligtasan at kapayapaan na ipinagkakaloob sa mga nagpapatuloy sa katotohanan na natatagpuan sa mga banal na kasulatan. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang tungkol sa nadarama nila tungkol sa pagsasabuhay ng mga alituntuning ito. Hikayatin silang magsulat ng mga mithiin ayon sa mga nadarama nilang pahiwatig ng Espiritu.
II Kay Timoteo 4
Ipinahayag ni Pablo na nakipagbaka siya ng mabuting pakikipagbaka at sinabihan si Timoteo na magpatuloy na mangaral
Sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang mga kamay kung naramdaman na nila na gusto nilang sumuko sa isang mahirap na gawain.
-
Anu-ano ang mga naranasan ninyo nang magtiyaga kayo kahit gusto na ninyong sumuko?
Ipaliwanag na malamang na ang II Kay Timoteo ang huling sulat ni Pablo bago siya namatay. Ipabasa nang tahimik sa kalahati ng klase ang II Kay Timoteo 4:1–5, na inaalam kung ano ang tagubilin ni Pablo kay Timoteo. Ipabasa sa natitirang kalahati ang parehong mga talata, na inaalam kung ano ang propesiya ni Pablo tungkol sa hinaharap ng sinaunang Simbahang Kristiyano. Hikayatin ang mga estudyante na gumamit ng mga footnotes kung ang gamit nila ay ang LDS version ng Biblia para matulungan silang maunawaan ang kanilang binabasa. Pagkatapos ng sapat na oras, ipabahagi sa isang estudyante mula sa bawat grupo ang nalaman nila.
Ipaliwanag na ang mga talata 3–4 ay nagtatala ng paglalarawan ni Pablo ng apostasiya na nagsisimula nang mangyari sa Simbahan. Ang mga ugali na inilarawan ni Pablo ang dahilan ng malawakang apostasiya, na naging dahilan kung bakit kinakailangan ng pagpapanumbalik ng ebanghelyo.
-
Sa palagay mo, bakit kaya hinimok ni Pablo si Timoteo na magpatuloy sa pangangaral at paglilingkod sa mga tao kahit na alam niyang marami ang tatalikod mula sa katotohanan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Kay Timoteo 4:6–8, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang isinulat ni Pablo tungkol sa kanyang mga pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo.
-
Ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa kanyang mga pagsisikap bilang isang misyonero? (Ipaliwanag na ang mga metaporang ginamit ni Pablo na pakikibaka ng mabuting pakikipagbaka at ang pagtapos sa kanyang takbo ay naglalarawan kung paano niya nakumpleto ang kanyang misyon nang buong katapatan.)
-
Ayon sa talata 8, ano ang nalaman ni Pablo na naghihintay sa kanya sa kanyang kamatayan?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa ating mga pagsisikap na manatiling matapat sa paggawa ng iniuutos sa atin ng Panginoon? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod: Kung mananatili tayong matapat sa paggawa ng lahat ng iniuutos sa atin ng Panginoon, matatamo natin ang putong na katuwiran. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Ipaliwanag na kasama sa pagtanggap ng “putong na katuwiran” ang pagiging katulad ng Ama sa Langit. Sabihin sa mga estudyante na ilista sa pisara ang mga inaasahan ng Panginoon sa mga kabataan ng Simbahan na tutulong sa kanila na mas maging katulad ng kanilang Ama sa Langit.
-
Bakit may mga kabataan na hindi nananatiling tapat sa paggawa sa ilan sa mga iniuutos na ito?
-
Sino ang kilala ninyong katulad ni Pablo na isang mabuting halimbawa ng pananatiling tapat kahit na ito ay mahirap? Ano ang nagawa nila na nagpapakita ng pagsunod sa alituntuning ito?
Ibuod ang II Kay Timoteo 4:9–22 na ipinapaliwanag na tinapos ni Pablo ang sulat sa pagpapaliwanag na kahit nakadama siya ng lungkot kung minsan dahil sa kanyang gawain, kasama niya ang Diyos at pinalalakas siya.
Hikayatin ang mga estudyante na maging tapat sa pagtupad ng mga ipinapagawa ng Panginoon sa kanila.
Scripture Mastery—II Kay Timoteo 3:15–17
Sabihin sa mga estudyante na tiklupin ang isang papel sa tatlo, para makagawa ng tatlong column. Ipasulat ang Doktrina sa ibabaw ng unang column, Pagsansala at pagtatama sa ibabaw ng ikalawang column, at Ikatututo na nasa katuwiran sa ibabaw ng ikatlong column.
Sabihin sa mga estudyante na gawing bookmark ang papel na ito sa kanilang banal na kasulatan sa loob ng isang linggo, at magsulat sa naaangkop na column sa tuwing makakabasa sila ng mga banal na kasulatan na tumutugon sa isa mga layuning ito. Halimbawa, sa column na may pamagat na Doktrina, isusulat ng mga estudyante ang mga scripture reference at ang mga doktrina o mga alituntunin na natutuhan nila mula sa mga ito. Sa column na may pamagat na Pagsansala at pagtutuwid, maaaring isulat ng mga estudyante ang scripture reference at kung paano naitatama ng mga talatang ito ang mga maling ideya o kanilang sariling pagpili o pag-uugali. Sa ilalim ng Ikatututo na nasa katuwiran, maaaring itala ng mga estudyante ang mga scripture passage na nagbibigay sa kanila ng mga ideya tungkol sa mabubuting gawain na magagawa nila.
Hikayatin ang mga estudyante na dalhin ang papel na ito sa klase pagkatapos ng isang linggo at ipabahagi ang kanilang mga karanasan. Maaari kang maglagay ng paalala sa iyong banal na kasulatan o manwal na magkaroon ng talakayan pagkatapos ng isang linggo para balik-aralan ang scripture mastery na ito.