Library
Home-Study Lesson: Mateo 13:24–17:27 (Unit 4)


Home-Study Lesson

Mateo 13:24–17:27 (Unit 4)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral ng Mateo 13:24–17:27 (unit 4) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong itinuturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Mateo 13:24–58)

Mula sa talinghaga ng trigo at ng mga pangsirang damo, natutuhan ng mga estudyante na titipunin ng Panginoon ang mabubuti sa mga huling araw at pagkatapos ay lilipulin ang masasama sa Kanyang Pagparito. Natutuhan nila sa iba pang mga talinghaga ang tungkol sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo na pupunuin ang buong mundo at ang mga walang-hanggang pagpapala na dumarating sa mga taong nagsasakripisyo para matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Day 2 (Mateo 14)

Naunawaan ng mga estudyante mula sa Mateo 14 na sa pagpapakita ng habag sa iba kahit dumaranas tayo ng kalungkutan, tinutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo. Natutuhan din nila na kung hahangarin natin ang tulong ng Diyos kapag nanghihina ang ating pananampalataya, mapapawi Niya ang ating mga takot at alinlangan.

Day 3 (Mateo 15)

Sa pagtuturo ng Tagapagligtas sa mga eskriba at mga Fariseo, natutuhan ng mga estudyante na kung nais nating lumapit sa Diyos, dapat nating unahin ang Kanyang mga utos kaysa anumang tradisyon at kaugalian na mayroon tayo. Natutuhan din nila na kung pipiliin nating mag-isip at maghangad ng masama, ang mga iniisip at hinahangad nating iyon ay magpaparumi sa atin, at na kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo, makatatanggap tayo ng mga pagpapala ayon sa ating mabubuting hangarin.

Day 4 (Mateo 16–17)

Sa kanilang pag-aaral ng Mateo 16–17, natutuhan ng mga estudyante na ang Simbahan ni Jesucristo ay itinayo batay sa paghahayag mula sa Diyos. Natutuhan din nila ang tungkol sa mga susi ng priesthood na iginawad noong unang panahon at sa ating panahon na nagtutulot sa mga lingkod ng Panginoon na pamahalaan ang Kanyang Simbahan sa lupa.

Pambungad

Pinagsabihan ni Jesucristo ang mga Fariseo at mga Saduceo dahil sa paghingi nila ng tanda ng Kanyang pagiging Diyos. Si Pedro ay nagpatotoo na si Jesus ang Cristo at pinangakuan ng mga susi ng kaharian. Ang sumusunod na mga ideya sa pagtuturo ay makatutulong sa mga estudyante na malaman kung paano nila mapapalakas ang kanilang patotoo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 16:1–12

Ang mga Fariseo at mga Saduceo ay humingi ng tanda mula sa Tagapagligtas

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na mga parirala:

Sa pamamagitan ng pagpapakita ng isang anghel

Sa pamamagitan ng Espiritu Santo

Sa pamamagitan ng paniniwala sa mga salita ng isang kaibigan o kapamilya

Sa pamamagitan ng nasaksihang himala

Para simulan ang lesson, sabihin sa mga estudyante na piliin sa pisara ang pariralang naglalarawan ng pinakagusto nilang paraan ng pagtanggap ng patotoo sa ebanghelyo. Anyayahan ang ilang estudyante na sabihin ang pariralang pinili nila at ipaliwanag kung bakit nila pinili ito.

Sabihin sa mga estudyante na alamin nila sa kanilang pag-aaral ng Mateo 16 ang mga katotohanan tungkol sa kung paano tayo tinutulungan ng Panginoon na magkaroon ng patotoo sa ebanghelyo at mapalakas ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 16:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nais ng mga Fariseo at mga Saduceo kay Jesus.

  • Ano ang nais ng mga Fariseo at mga Saduceo kay Jesus?

Anyayahan ang ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 16:2–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isinagot ng Tagapagligtas sa mga Fariseo at mga Saduceo.

  • Anong tanda ang sinabi ng Panginoon na ibibigay Niya?

Ipaliwanag na ang tinutukoy ni Jesus ay ang propeta sa Lumang Tipan na si Jonas, na nilulon ng “malaking isda” (Jonas 1:17). Ang “pagkalibing” at paglabas ni Jonas mula sa tiyan ng isda pagkaraan ng tatlong araw ay sumasagisag sa kamatayan, libing, at pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo mula sa libingan sa ikatlong araw.

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tanda ni propetang Jonas: “Ang pagpasok at paglabas ni Jonas mula sa ‘malaking isda’ (Jonas 1:15–172) ay simbolo ng kamatayan, libing, at pagkabuhay na mag-uli ni Cristo” (Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 711–12)

  • Ano ang ginawa ng Tagapagligtas matapos Niyang pagsabihan ang mga Fariseo at mga Saduceo?

  • Ano ang matututuhan natin sa pangyayaring ito tungkol sa maling paraan ng paghahanap ng espirituwal na katotohanan? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Hindi tayo tumatanggap ng espirituwal na katotohanan sa pamamagitan ng paghahanap ng tanda.)

Ibuod ang Mateo 16:5–12 na ipinapaliwanag na pinag-iingat ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo laban sa maling mga turo ng mga Fariseo at mga Saduceo.

Mateo 16:13–20

Si Pedro ay nagpatotoo tungkol kay Jesucristo at siya ay pinangakuan ng mga susi ng kaharian

Ipaliwanag na matapos pagsabihan ni Jesus ang mga Fariseo at mga Saduceo sa paghingi ng tanda, itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo kung paano magkaroon ng patotoo sa katotohanan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 16:13–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinanong ni Jesus at ang isinagot ng Kanyang mga disipulo.

  • Ano ang itinanong ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo? Ano ang isinagot nila? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na si Elias at Jeremias ay ang mga propetang sina Elijah at Jeremias sa Lumang Tipan.)

  • Ano ang sinasabi sa atin ng mga isinagot nila tungkol sa gaano kakilala ng mga tao si Jesus sa puntong ito ng Kanyang ministeryo?

Paalala: Sa lesson para sa day 4, pinag-aralan ng mga estudyante ang scripture mastery passage sa Mateo 16:15–19. Maaari mong rebyuhin sandali ang talata sa mga estudyante.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 16:15–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang pangalawang tanong ng Tagapagligtas.

  • Ano ang pangalawang tanong ng Tagapagligtas? Ano ang sagot ni Pedro?

  • Ayon sa talata 17, paano nalaman ni Pedro na si Jesus ay ang Anak ng Diyos? (Ipaliwanag na inihayag ng Ama sa Langit ang katotohanang ito sa kanya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.)

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa paano magkaroon ng patotoo kay Jesucristo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Nagkakaroon tayo ng patotoo kay Jesucristo sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Espiritu Santo.)

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga para sa atin na magkaroon ng patotoo sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Espiritu Santo sa halip na sa ibang paraan?

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang gawain ng Espiritu Santo sa pagtulong sa atin na magkaroon ng patotoo sa Tagapagligtas, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ang Espiritu ng Diyos na nangungusap sa espiritu ng tao ay may kapangyarihang magbahagi ng katotohanan nang mas mabisa at mauunawaan kaysa sa katotohanang maibabahagi ng personal na pakikipag-ugnayan maging sa mga nilalang mula sa langit. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang katotohanan ay hinahabi sa bawat himaymay at litid ng katawan upang hindi ito malimutan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith [2013], 209).

  • Ano ang ilang mga bagay na magagawa natin para maihanda ang ating sarili na tumanggap ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo?

  • Paano ninyo nalaman na si Jesucristo ay ang Anak ng Diyos at ang inyong Tagapagligtas? Anong paghahanda ang ginawa ninyo para matanggap ang patotoong iyan mula sa Espiritu Santo?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung paano nila mapalalakas ang kanilang mga patotoo o kung ano ang maaaring kailanganin nilang gawin para tumanggap ng patotoo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sabihin sa mga estudyante na sundin ang anumang pahiwatig na natatanggap nila.

Susunod na Unit (Mateo 18:1–22:26)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na nahirapan silang patawarin ang ibang tao. Sabihin sa kanila na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: Bakit sa pakiramdam ninyo ay tama lang na hindi patawarin ang taong ito? Bakit dapat nating patawarin ang iba sa kanilang mga pagkakasala kahit sa palagay natin ay tama lang na hindi sila patawarin? Ipahanap sa mga estudyante ang mga sagot sa mga tanong na ito sa patuloy nilang pag-aaral sa susunod na linggo.