Lesson 141
Santiago 2
Pambungad
Hinikayat ni Santiago ang mga Banal na tulungan ang mga api at itinuro na ang mga na tunay na disipulo ni Jesucristo ay hindi dapat mas nagtatangi sa mayayaman kaysa sa mga dukha. Itinuro rin ni Santiago ang pagkakaugnay ng pananampalataya at mga gawa.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Santiago 2:1–13
Itinuro ni Santiago sa mga disipulo ni Cristo na huwag magpakita ng pagtatangi o paboritismo sa mayayaman
Pumili ng kahit sino sa mga estudyante, at bigyan siya ng maliit na regalo. Sabihin sa klase na binigyan mo ng regalo ang estudyanteng ito dahil sa ilang gusto mong dahilan (halimbawa, dahil suot ng estudyanteng iyon ang paborito mong kulay o dahil nagdala siya ng isang bagay sa klase).
-
Ano ang mararamdaman ninyo sa pagtrato ko sa estudyanteng ito?
-
Bakit nagpapakita kung minsan ng paboritismo ang mga tao?
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng iba pang pagkakataon na nakakita sila ng taong may mas pinapakitunguhan nang maganda kaysa sa iba at ano ang naramdaman nila rito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Santiago 2:1–4. Ipaliwanag na inihayag sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Santiago 2:1 na, “Mga kapatid, hindi ninyo makakamtan ang pananampalataya ng ating Panginoong Jesucristo, na Panginoon ng kaluwalhatian, at gayon man ay nagtatangi pa sa mga tao.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang babalang ibinigay ni Santiago sa mga Banal.
-
Ano ang babalang ibinigay ni Santiago sa mga Banal?
Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “nagtatangi pa sa mga tao” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Santiago 2:1) ay magpakita ng paboritismo sa isang tao o grupo ng mga tao habang tinatrato mo ang iba nang masama dahil sa kanilang mga kalagayan o katangian.
-
Anong halimbawa ng paboritismo ang ibinahagi ni Santiago?
-
Ano ang ilang halimbawa sa ating panahon ng mga indibidwal na nagpapakita ng paboritismo sa ilang tao habang ang iba ay pinapakitunguhan nang di-maganda dahil sa kanilang mga kalagayan o katangian?
Ibuod ang Santiago 2:5–7 na ipinapaliwanag na patuloy na pinagsabihan ni Santiago ang mga Banal na nagpapakita ng paboritismo sa mayayaman. Itinuro niya sa kanila na pinili ng Diyos ang mahihirap na maging mayaman sa pananampalataya at mga tagapagmana sa Kanyang kaharian. Ipinaalala rin ni Santiago sa mga Banal na pinapahirapan sila ng mayayaman at nilalapastangan ng mga ito ang Panginoon.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Santiago 2:8, na inaalam ang ipinaalala ni Santiago na gawin ng mga Banal para mawala sa kanila ang paboritismo.
-
Ano ang ipinayo ni Santiago na gawin ng mga Banal?
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalaga na tinawag ang utos na ito na “kautusang hari”? (Santiago 2:8.)
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa pakikitungo ng matatapat na disipulo ni Jesucristo sa mga tao? (Maaaring magbigay ng iba-ibang sagot ang mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Ang matatapat na disipulo ni Jesucristo ay minamahal ang lahat ng tao anuman ang kanilang mga kalagayan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Noong Kanyang mortal na ministeryo, paano naging halimbawa ang Tagapagligtas ng isang taong nagmamahal sa kapwa anuman ang kanilang kalagayan?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang taong nagsisikap na mahalin ang lahat ng tao. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase kung sino ang naisip nila at bakit.
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila pinapakitunguhan ang ibang tao. Hikayatin sila na maghanap ng mga pagkakataon na matularan ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa iba.
Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay narinig nila ang isang tao, na matapos marinig ang turo ni Santiago tungkol sa pagmamahal sa lahat ng tao, ay nagsabing wala namang masama kung paborito natin ang ilang tao at pakitunguhan nang di-maganda ang iba. Sinabi pa ng taong ito na kung tutuusin ay may mas masama pa tayong nagagawa kaysa rito.
-
Anong problema ang idudulot ng ganyang pag-iisip?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Santiago 2:9–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit seryosong bagay ang hindi magmahal sa lahat ng tao anuman ang kanilang mga kalagayan.
-
Bakit seryosong bagay ang hindi magmahal sa lahat ng tao anuman ang kanilang mga kalagayan?
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin sa mga itinuro ni Santiago mula sa mga talatang ito? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang katotohanang tulad ng sumusunod: Kung nakagawa tayo ng kahit isang kasalanan, nagkakasala tayo sa harapan ng Diyos.)
-
Ayon sa Santiago 2:10, ano ang walang hanggang ibubunga ng paglabag sa kahit isa sa mga utos ng Diyos? (Tayo ay parang “makasalanan sa lahat” at dahil diyan ay nagiging marumi tayo at samakatwid ay hindi makapananahanang kasama ng Diyos [tingnan din sa 1 Nephi 10:21].)
-
Bakit magkakaroon pa rin tayo ng pag-asa, kahit hindi na tayo malinis na makakasama ang Diyos dahil sa ating pagsuway sa Kanya?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:
“May pag-asa pa.
“Ang biyaya ng Diyos ang ating dakila at walang-hanggang pag-asa.
“Sa pamamagitan ng sakripisyo ni Jesucristo, ang plano ng awa ang tumutugon sa mga hinihingi ng katarungan [tingnan sa Alma 42:15], ‘at nagbibigay ng daan sa mga tao upang sila ay magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi’ (Alma 34:15).
“Ang ating mga kasalanan, bagama’t mapula, ay maaaring maging simputi ng niebe [tingnan sa Isaias 1:18]. Dahil ang ating pinakamamahal na Tagapagligtas ay ‘ibinigay ang kaniyang sarili na pangtubos sa lahat’ (I Kay Timoteo 2:6), naglaan siya ng pasukan sa atin tungo sa Kanyang walang-hanggang kaharian [tingnan sa II Ni Pedro 1:11]” (“Ang Kaloob na Biyaya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 108)
-
Ano ang dapat nating gawin upang maging karapat-dapat na makapasok sa kaharian ng Panginoon sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
-
Paano makatutulong sa atin ang alituntuning natukoy natin sa talata 10 na mas mapahalagahan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Ibuod ang Santiago 2:11–13 na ipinapaliwanag na nagbigay si Santiago ng halimbawa ng alituntuning itinuro sa talata 10. Pagkatapos ay hinikayat niya ang mga nagsisisampalataya na makitungo sa kapwa nang may awa, dahil ang nakikitungo sa iba nang walang awa ay hahatulang walang awa.
Santiago 2:14–26
Itinuro ni Santiago ang mga ginagampanan ng pananampalataya at gawa sa ating kaligtasan
Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na napagtanto ng isang binatilyo na nagkasala siya. Naniniwala siya sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa kakayahan ng Tagapagligtas na iligtas siya. Sinabi niya na ang dapat lamang niyang gawin ay maniwala at patatawarin na siya ng Panginoon, na wala na siyang ibang dapat gawin.
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung sapat na ba ang paniniwala ng binatilyong ito para mapatawad sa kanyang mga kasalanan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Santiago 2:14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinanong ni Santiago sa mga tao tungkol sa pananampalataya.
-
Ano ang itinanong ni Santiago sa mga Banal tungkol sa pananampalataya?
-
Ano sa palagay ninyo ang mga gawang tinutukoy ni Santiago?
Ipaliwanag na itinatama ni Santiago ang maling ideya tungkol sa pananampalataya. Ang akala ng ilang tao ay simpleng paghahayag lang ng paniniwala ang pananampalataya. Sa konteksto ng Santiago 2:14, ginamit ni Santiago ang mga salitang mga gawa na naiiba sa paggamit dito ni Apostol Pablo. Nang gamitin ni Pablo ang mga salitang mga gawa, ang tinutukoy niya ay ang mga gawa ng batas ni Moises. Nang gamitin ni Santiago ang mga salitang mga gawa, ang tinutukoy niya ay ang mga gawa ng katapatan o mga gawa ng kabutihan.
Tulad ng nakatala sa Santiago 2:15–16, gumamit si Santiago ng analohiya upang ilarawan ang sagot sa kanyang tanong sa talata 14. Papuntahin ang dalawang estudyante sa harapan ng klase. Sabihin sa isa sa mga estudyante na umarte na isang pulubi na humihingi ng pagkain, damit, at tirahan para mabuhay. Sabihin sa isa pang estudyante na umarte na isang tao na siyang tutulong sa pulubi. Ipabasa nang malakas sa pangatlong estudyante ang Santiago 2:15–16 habang ginagampanan ng dalawang estudyante ang inilalahad sa mga talatang ito.
-
Ano ang mali sa tugon na ibinigay sa namamalimos na estudyante? Ang tugon ba ng isa pang estudyante ay sapat na para maligtas ang isang pulubi?
Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang Santiago 2:17–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Santiago tungkol sa pananampalataya.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mga katagang “ang pananampalataya na walang mga gawa, ay patay” (talata 17)?
-
Paano nakatutulong sa atin ang analohiya ni Santiago tungkol sa mga pulubi na maunawaan ang kahulugan ng mga katagang ito?
-
Ayon sa talata 17, anong katotohanan ang itinuro ni Santiago tungkol sa tunay na pananampalataya kay Jesucristo? (Maaaring gumamit ng iba-ibang salita ang mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang tunay na pananampalataya kay Jesucristo ay nakikita sa ating mabubuting gawa. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Santiago 2:19–20. Ipaliwanag na sinabi sa Joseph Smith Translation ng James 2:19 na, “Ikaw ay sumasampalataya na ang Dios ay iisa; mabuti ang iyong ginagawa; ang mga demonio man ay nagsisisampalataya, at nagsisipanginig; itinulad mo ang iyong sarili sa kanila, na hindi mabibigyang-matwid.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga halimbawang ginamit ni Santiago upang ilarawan na ang paniniwala sa Diyos ay hindi laging kinapapalooban ng pananampalataya sa Diyos.
-
Anong halimbawa ang ginamit ni Santiago upang ilarawan na ang paniniwala sa Diyos ay hindi laging kinapapalooban ng pananampalataya sa Diyos?
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang tunay na pananampalataya ay nakatuon sa Panginoong Jesucristo at laging nauuwi sa mabuting pagkilos. … Ang pagkilos lamang ay hindi pananampalataya sa Tagapagligtas, kundi ang pagkilos ayon sa mga tamang alituntunin ay isang pangunahing bahagi ng pananampalataya” (“Humingi nang may Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 95).
-
Ayon kay Elder Bednar, ano ang “pangunahing bahagi ng pananampalataya”?
-
Bakit mahalaga sa atin na maunawaan na ang ibig sabihin ng pananampalataya kay Jesucristo ay maniwala sa Kanya at kumilos ayon sa mga tamang alituntunin?
Ipaalala sa mga estudyante ang sitwasyon tungkol sa binatilyo sa simula ng lesson.
-
Paano makatutulong sa isang taong naghahanap ng kapatawaran para sa kanyang mga kasalanan ang maunawaan na kasama sa pananampalataya ang paniniwala at pagkilos?
Ibuod ang Santiago 2:21–26 na ipinapaliwanag na tinukoy ni Santiago sina Abraham at Rahab bilang dalawang halimbawa ng mga tao na nagpakita ng pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. (Ang kuwento tungkol sa matapang na babaeng si Rahab ay matatagpuan sa Josue 2:1–22.)
Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang kanilang notebook o scripture study journal sa pagsulat ng pagkakataon na nagpakita sila ng pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng kanilang mga gawa at paano sila pinagpala dahil dito. Hikayatin ang mga estudyante na isama ang kanilang mga patotoo sa Tagapagligtas at paano nila ipapakita ang paniniwalang iyan sa pamamagitan ng kanilang mga kilos. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang isinulat.
Sabihin sa mga estudyante na mapanalanging pagnilayan kung paano nila mas ganap na maipapakita ang kanilang pananampalatayata kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya. Hikayatin sila na kumilos ayon sa anumang inspirasyon na natatanggap nila.
Scripture Mastery—Santiago 2:17–18
Upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang mga katotohanang itinuro sa scripture mastery passage na ito, bigyan sila ng tig-iisang piraso ng papel. Sabihin sa kanila na isulat ang mga salita ng talata sa isang panig ng papel. Pagkatapos ay ipakumpleto sa kanila ang sumusunod na pangungusap sa kabilang panig ng papel: Ipapakita ko sa Panginoon ang aking pananampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng … Hikayatin ang mga estudyante na ibulsa ang papel sa buong maghapon at patuloy na dagdagan ang mga ideya na nagpapakita ng kanilang pananampalataya sa Panginoon. Habang nagdaragdag sila sa kanilang listahan, mapag-aaralan nilang muli ang scripture mastery passage. Hikayatin silang ilagay ang papel sa lugar na makikita nila ito nang madalas at maipapaalala sa kanila ang mga mithiin nila.