Library
Pambungad sa Sulat ni Pablo Kay Filemon


Pambungad sa Sulat ni Pablo Kay Filemon

Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?

Ang Sulat Kay Filemon ay naglalaman ng personal na payo mula kay Pablo hinggil sa sitwasyon ng alipin ni Filemon na si Onesimo. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng sulat na ito, matututuhan nila na kapag sumapi ang mga tao sa Simbahan ni Jesucristo, nagiging magkakapatid sila sa ebanghelyo (tingnan sa Kay Filemon 1:16). Maaari ding madama ng mga estudyante ang kahalagahan ng tungkulin ng mga disipulo ni Jesucristo na maging maawain at mapagpatawad sa iba (tingnan sa Kay Filemon 1:16–17).

Sino ang sumulat ng aklat na ito?

Si Pablo ang gumawa ng Sulat Kay Filemon (tingnan sa Kay Filemon 1:1).

Kailan at saan ito isinulat?

Ang Sulat Kay Filemon ay ginawa ni Apostol Pablo sa kanyang unang pagkakakulong sa Roma, mga A.D. 60–62 (tingnan sa Kay Filemon 1:1, 9; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga,” scriptures.lds.org).

Para kanino ito isinulat at bakit?

“Ang sulat na ito ay isang pribadong liham tungkol kay Onesimo, isang alipin na nagnakaw sa kanyang panginoon na si Filemon, at tumakas papunta sa Roma” (Bible Dictionary, “Pauline Epistles”). Si Filemon ay malamang na isang nabinyagang Griyego at taga-Colosas (tingnan sa Mga Taga Colosas 4:9). Pinahintulutan niya na magtipon ang kongregasyon ng Simbahan sa kanyang tahanan (tingnan sa Kay Filemon 1:2, 5). Pagkatapos tumakas, sumapi si Onesimo sa Simbahan at naging isang “kapatid na minamahal … sa Panginoon” (Kay Filemon 1:16; tingnan sa Kay Filemon 1:10–12).

Sumulat si Pablo kay Filemon upang hikayatin siyang muling tanggapin si Onesimo bilang isang kapatid sa ebanghelyo na walang ipapataw na mabigat na kaparusahan na kadalasang ginagawa sa mga tumakas na alipin (tingnan sa Kay Filemon 1:17). Nag-alok din si Pablo na babayaran niya ang anumang nawala dahil kay Onesimo na nagdulot ng pighati kay Filemon (tingnan sa Kay Filemon 1:18–19).

Ano ang ilan sa mga naiibang katangian ng aklat na ito?

Ang Kay Filemon ay ang pinakamaikli at marahil ang pinakapersonal na sulat ni Pablo. Ito ay isinulat para sa isang pribadong indibidwal; kaya hindi ito masyadong naglalaman ng mga doktrina. Gayunman, ang pakiusap ni Pablo kay Filemon na makipagkasundo sa aliping si Onesimo ay nagpapakita kung paano nagagamit ang doktrina ng ebanghelyo sa ating pang-araw-araw na buhay—sa kasong ito, ipinapakita na nagiging kapamilya natin ang lahat ng mga tagasunod ni Cristo dahil sa ating kaugnayan kay Jesucristo. Binibigyang-diin din dito ang kahalagahan ng awa at pagpapatawad.

Outline

Kay Filemon 1 Pinuri ni Pablo si Filemon dahil sa pagmamahal na ipinakita niya sa mga Banal. Sinabi ni Pablo kay Filemon na ang tumakas niyang alipin, na si Onesimo, ay nagbalik-loob sa ebanghelyo o sumapi sa simbahan. Hiniling ni Pablo kay Filemon na tanggaping muli si Onesimo bilang isang kapatid sa ebanghelyo. Nag-alok si Pablo na babayaran si Filemon sa anumang nawala dahil kay Onesimo na nagdulot ng pighati sa kanya.