Home-Study Lesson
Juan 16–21 (Unit 16)
Pambungad
Nagpakita ang nabuhay na muling Panginoon sa Kanyang mga disipulo habang nangingisda sila. Sa dalampasigan, kumain si Jesus kasama ang Kanyang mga disipulo at sinabi kay Pedro na ipakita ang kanyang pagmamahal sa Kanya sa pagpapakain sa Kanyang mga tupa.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Juan 21:1–17
Nagpakita ang nabuhay na muling Panginoon sa ilan sa mga disipulo Niya sa Dagat ng Tiberias (Dagat ng Galilea)
Magdrowing ng isang malaking puso sa pisara.
Sabihin sa mga estudyante na lumapit sa pisara at magsulat sa loob ng puso ng dalawa o tatlo sa mga paborito nilang bagay. Ipaliwanag na maaaring kasama rito ang mga tao, ari-arian, o mga aktibidad.
Pagkatapos ng mga estudyante, maaari mo ring itala ang ilan sa iyong mga paboritong bagay.
Ibuod ang Juan 21:1–2 na ipinapaliwanag na pagkatapos makita nang dalawang beses ang nabuhay na muling Panginoon, sina Pedro at ang ilan sa mga disipulo ay nasa dalampasigan ng Dagat ng Galilea (na tinatawag ding Dagat ng Tiberias).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 21:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinasiyang gawin ni Pedro.
-
Ano sa palagay ninyo ang gawaing maaaring idagdag ni Pedro sa ating listahan ng mga paboritong bagay sa pisara? (Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, isulat ang pangingisda sa loob ng puso sa pisara.)
-
Gaano katagal nang nangingisda si Pedro at ang ibang mga disipulo? Gaano karami ang nahuli nila?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang nadama ni Pedro at ng ibang mga disipulo matapos ang isang mahabang gabi ng pangingisda nang walang huling isda.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 21:4–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari kinaumagahan.
-
Ano ang nangyari matapos na hindi makahuli ng isda ang mga disipulo sa buong gabi?
Ibuod ang Juan 21:7–14 na ipinapaliwanag na habang nahihirapan ang mga disipulo na iangat sa bangka ang lambat na puno ng isda, sinabi ni Juan na ang lalaking nasa dalampasigan ay ang Panginoon. Sabik na tumalon si Pedro sa dagat at lumangoy patungo kay Jesus habang nagsiparoon ang iba sakay ng kanilang bangka. Nang dumating ang mga disipulo sa dalampasigan, naghahanda si Jesus ng pagkain para sa kanila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Matapos ang masayang pagkikita nilang muli ng nabuhay na mag-uling si Jesus, kinausap ni Pedro ang Tagapagligtas na itinuturing kong pinakamahalagang sandali ng simula ng ministeryo ng mga apostol at lalo na ni Pedro, na nagbigay-inspirasyon sa matatag na taong ito na mamuhay na tapat na naglilingkod at namumuno. Habang nakatingin sa kanilang sira at maliliit na bangka, punit na mga lambat, at salansan ng 153 isda, [kinausap] ni Jesus ang Kanyang senior na Apostol,”(“Ang Unang Dakilang Utos,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 84).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 21:15–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang paulit-ulit na itinanong ni Jesus kay Pedro. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.
-
Ano ang itinanong ni Jesus kay Pedro nang tatlong beses?
-
Nang itanong ni Jesus na, “Iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito?” (talata 15), ano sa palagay ninyo ang tinutukoy ng mga salitang mga ito? (Tinutukoy marahil ni Jesus ang tumpok ng isda at iba pang mga bagay na nauugnay sa buhay ng isang mangingisda. Isulat sa pisara sa tabi ng puso ang sumusunod na tanong: Iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito?)
-
Paano sumagot si Pedro?
-
Ano kaya ang madarama ninyo kung nasa posisyon kayo ni Pedro at tatlong beses kayong tinanong ni Jesus kung mahal ninyo Siya?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung bakit tatlong beses nagtanong si Jesus at kung bakit tatlong beses ding pinasagot ni Jesus si Pedro, sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Holland:
“Sinagot ni Jesus, (at dito ay inaamin ko muli akong gumamit ng mga salitang wala sa banal na kasulatan) marahil parang ganito ang sinabi Niya: ‘Pedro, bakit ka narito? Bakit narito tayong muli sa pampang na ito, sa tabi ng mga lambat ding ito, at ito pa rin ang pinag-uusapan natin? Hindi pa ba malinaw noon at ngayon na kung gusto ko ng isda, makakakuha ako? Ang kailangan ko, Pedro, ay mga disipulo—at kailangan ko sila magpakailanman. Kailangan ko ng magpapakain at magliligtas sa aking mga tupa. Kailangan ko ng mangangaral ng aking ebanghelyo at magtatanggol sa aking simbahan. Kailangan ko ng isang taong mahal ako, totoong mahal ako, at minamahal ang ipinagagawa sa akin ng ating Ama sa Langit. … Kaya, Pedro, sa ikalawa at malamang ay huling pagkakataon, hinihiling kong iwan mo ang lahat ng ito at humayo ka at magturo at magpatotoo, gumawa at maglingkod nang tapat hanggang sa araw na gawin nila sa iyo ang mismong ginawa nila sa akin’” (“Ang Unang Dakilang Utos,” 84).
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa pakikipag-usap ng Panginoon kay Pedro? (Matapos sumagot ng mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kung mahal natin ang Tagapagligtas at ang Ama sa Langit nang higit kaysa anupaman, mapapakain natin ang Kanilang mga tupa.)
-
Sino ang mga tupa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo? Paano natin sila pakakainin?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano natin pakakainin ang mga tupa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ito ang panawagan ni Cristo sa bawat Kristiyano ngayon: ‘Pakanin mo ang aking mga kordero. … Pakanin mo ang aking mga tupa’—ibahagi ang aking ebanghelyo sa mga bata at matatanda, na nagpapasigla, nagpapala, nagpapanatag, naghihikayat, at nagpapalakas sa kanila, lalo na sa mga yaong iba ang iniisip at pinaniniwalaan kaysa atin” (“Pagiging Mas Kristiyanong Kristiyano,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 91).
Upang matulungan ang klase na maunawaan kung paano maipamumuhay ang alituntunin na mahalin ang Diyos nang higit pa sa anumang bagay, sabihin sa tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng sumusunod na mga sitwasyon. Pagkatapos mabasa ang bawat sitwasyon, itanong ang mga sumusunod:
-
Inanyayahan ng isang grupo ng mga batang lalaki ang isang bata na sumama sa kanila sa pananghalian, at umaasa siya na maging kaibigan nila. Habang nag-uusap sila, isa sa mga bata ang nagsimulang pagtawanan nang hayagan ang isa pang batang lalaki.
-
Isang dalagita ang mahilig maglaro ng soccer. Inilalaan niya ang maraming oras bawat linggo sa paglalaro ng soccer at kaunting oras lamang ang nailalaan niya para sa ibang bagay tulad ng family home evening at personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
-
Abalang-abala ang isang binatilyo sa pag-aaral at sa mga extracurricular activity. Buong linggo niyang inaabangan na makasama ang mga kaibigan sa Biyernes ng gabi sa kanyang libreng oras. Bago pa niya natawagan nang gabing iyon ang isa sa mga kaibigan niya, tumawag ang home teaching companion niya upang alamin kung maaari siyang sumama sa kanya upang tulungan ang isa sa mga pamilyang binibisita nila na nangangailangan ng agarang tulong.
-
Ano ang mga pagpipilian ng taong ito?
-
Ano ang magagawa ng taong ito upang maipakita ang kanyang pagmamahal sa Panginoon? Paano maipapakita sa aksiyon o kilos na iyon ang pagmamahal sa Panginoon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Holland:
“Minamahal kong mga kapatid, hindi ko tiyak kung ano ang mangyayari sa atin sa Araw ng Paghuhukom, ngunit ikagugulat ko nang lubos kung sa ating pakikipag-usap sa Diyos ay hindi niya itatanong sa atin ang mismong itinanong ni Cristo kay Pedro na: ‘Inibig mo baga ako?’” (“Ang Unang Dakilang Utos,” 84).
Ibahagi ang iyong patotoo sa kahalagahan ng pagpili na mahalin ang Ama sa Langit at si Jesucristo nang higit pa sa anumang bagay at pagpapakita ng pagmamahal na iyon sa pagpapakain sa Kanilang mga tupa.
Tukuyin ang mga bagay na nakatala sa puso sa pisara at sa tanong na nakasulat sa tabi ng mga bagay na ito: “Iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito?” Salungguhitan ang mga salitang mga ito, at sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang mga notebook o scripture study journal:
-
Kung itatanong din sa inyo ni Jesus ito, ano sa palagay ninyo ang tinutukoy Niyang “mga ito” sa buhay ninyo?
-
Paano ninyo sasagutin ang Kanyang tanong?
Sa pagtatapos ng mga Ebanghelyo, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga isinulat nila para sa kanilang day 4 lesson assignment sa kanilang scripture study journal tungkol sa kuwento, pangyayari, o turo mula sa ministeryo ng Tagapagligtas sa buhay na ito na nakatulong sa kanila na maniwala o mapalakas ang kanilang paniniwala na si Jesucristo ang Anak ng Diyos.
Susunod na Unit (Mga Gawa 1–5)
Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa pag-aaral ng Mga Gawa 1–5: Sino ang mamumuno sa Simbahan matapos mamatay ng Tagapagligtas at mabuhay na muli? Paano pinili ang iba pang mga Apostol? Anong himala ang nangyari sa araw ng Pentecostes? Paano naimpluwensiyahan ng Espiritu Santo ang himala noong araw na iyon? Anong himala ang ginawa ni Pedro sa templo, at ano ang nangyari kay Pedro dahil dito? Ano ang nangyari kina Ananias at Safira dahil sa pagsisinungaling sa kanilang priesthood leader?