Home-Study Lesson
Mateo 18:1–22:26 (Unit 5)
Pambungad
Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa Diyos. Matututuhan din nila na mahalagang magalak kapag pinagpapala ng Diyos ang iba.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 19:28–20:16
Itinuro ni Jesus ang tungkol sa buhay na walang hanggan at ibinigay ang talinghaga ng mga manggagawa sa ubasan
Papuntahin ang isang estudyante sa harapan ng klase. Sabihin sa estudyante na kung makakagawa siya ng 10 push-up, tatanggap siya ng gantimpalala (tulad ng 10 piraso ng kendi). Matapos makagawa ng 10 push-up ang estudyante, ibigay sa kanya ang gantimpala, at pagkatapos ay mag-anyaya ng isa pang volunteer. Pagawain ng isang push-up ang pangalawang estudyante, at pagkatapos ay itanong sa klase kung ano sa palagay nila ang dapat tanggaping gantimpala ng estudyanteng ito at bakit. Pabalikin na sa kanilang mga upuan ang dalawang estudyante. Ipaalam sa klase na maya-maya ay tatanggapin ng pangalawang estudyante ang kanyang gantimpala batay sa matututuhan ng klase sa mga banal na kasulatan.
Ipaliwanag na nang nagtuturo si Jesus sa baybayin ng Judea, tinanong ni Pedro kung ano ang tatanggapin ng mga disipulo dahil iniwan nila ang kanilang ari-arian para masunod ang Tagapagligtas.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 19:28–30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isinagot ng Tagapagligtas kay Pedro.
-
Ayon sa talata 29, ano ang mamanahin ng bawat tao na handang iwanan ang lahat para masunod ang Tagapagligtas?
Ipaliwanag na kasunod niyon ay itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo ang isang talinghaga na makatutulong sa kanila na maunawaan ang hangarin ng Ama sa Langit na bigyan ang lahat ng Kanyang mga anak ng pagkakataong matanggap ang buhay na walang hanggan. Sa talinghagang ito, isang lalaki ang umupa ng mga manggagawa na magtatrabaho sa kanyang ubasan sa iba’t ibang oras sa buong maghapon. Maaari mong ipaliwanag na ang karaniwang araw na pagtatrabaho sa panahon ng Bagong Tipan ay mga alas-6 n.u. hanggang alas-6 n.h., na nababago lang nang kaunti sa iba’t ibang panahon ng taon.
Isulat sa pisara ang sumusunod na chart o ibigay ito sa mga estudyante bilang handout:
Mga Manggagawa (Simula ng Oras ng Trabaho) |
Ang Pinagkasunduang Suweldo |
Oras ng Trabaho |
Halagang Ibinayad |
---|---|---|---|
Sa umaga (alas-6 n.u.) | |||
Ika-3 oras (alas-9 n.u.) | |||
Ika-6 na oras (alas-12 n.h.) | |||
Ika-9 na oras (alas-3 n.h.) | |||
Ika-11 oras (alas-5 n.h.) |
Sabihin sa mga estudyante na maggrupu-grupo. Ipabasa sa mga grupo nila ang Mateo 20:1–7, na inaalam kung gaano katagal nagtrabaho ang bawat grupo ng manggagawa at ang sweldong napagkasunduan nila. (Ipaliwanag na ang “isang denario” ay barya ng mga Romano na halos katumbas ng isang araw na sweldo ng manggagawa.)
Pagkatapos ng sapat na oras, papuntahin sa pisara ang ilang estudyante at ipakumpleto sa kanila ang unang dalawang column ng chart (o ipakumpleto ito sa kanila sa mga kopyang ibinigay mo sa kanila).
-
Sino sa palagay ninyo ang dapat tumanggap ng pinakamalaking bayad?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 20:8–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang natanggap na bayad ng bawat grupo ng mga manggagawa.
-
Magkano ang tinanggap na bayad ng bawat grupo ng mga manggagawa? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang 1 denario sa bawat isa sa mga kahon sa column na may nakasulat na “Halagang Ibinayad.”)
-
Kung isa kayo sa mga manggagawa na nagtrabaho maghapon, ano kaya ang maiisip o mararamdaman ninyo kapag pareho lang kayo ng natanggap na bayad ng nagtrabaho nang isang oras lang?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 20:11–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng mga taong nagtrabaho nang maghapon sa panginoon ng ubasan at ano ang isinagot nito sa kanila.
-
Ano ang reklamo ng mga nagtrabaho maghapon?
-
Ano ang isinagot ng panginoon ng ubasan?
-
Paano naging makatarungan (o patas) ang panginoon ng ubasan sa mga nagtrabaho nang maghapon?
Para matulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanan sa talinghagang ito, ipaliwanag na ang sweldo na isang denario ay maaaring sumagisag sa buhay na walang hanggan, na binanggit sa Mateo 19:29. Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Ang Diyos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng tao na …
-
Kung ang gantimpala sa talinghagang ito ay sumasagisag sa buhay na walang hanggan, ano ang maaaring isagisag ng pagtatrabaho? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking nabigyang-diin na ang pagtatrabaho sa talinghagang ito ay maaaring sumagisag sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa Diyos. Matapos sumagot ang mga estudyante, kumpletuhin ang katotohanan na nasa pisara tulad ng sumusunod: Ang Diyos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng tao na pinipiling gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa Kanya.)
Ipaliwanag na ang katotohanang ito ay tumutulong sa atin na maunawaan ang awa ng Ama sa Langit sa mga tao na hindi kaagad nakagawa o nakatupad ng mga tipan at sa mga hindi nagkaroon ng pagkakataong gawin ito noong sila ay nabubuhay pa (tingnan sa D at T 137:7–8).
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalagang malaman na ang Diyos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng tao na pinipiling gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa Kanya, kailanman ito naganap?
Ipaalala sa mga estudyante ang pangalawang estudyante na isang beses lang nagpush-up, at itanong:
-
Sa palagay ninyo ano ang dapat matanggap ng estudyanteng ito na nagpush-up nang isang beses? (Ibigay sa estudyante ang gantimpalang ibinigay mo sa estudyante na nagpush-up nang 10 beses.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 20:15–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano sinagot ng panginoon ng ubasan ang mga taong nagreklamo tungkol sa kabaitan niya sa ibang mga manggagawa.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang itanong niya, ”Masama ang mata mo, sapagka’t ako’y mabuti?” (talata 15).
Ipaliwanag na ginamitan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tanong na ito ng ibang mga salita na gaya ng sumusunod: “Bakit ka naiinggit kung pinili kong maging mabait?” (“Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 31).
-
Ano ang ibig sabihin ng marami ang tinawag subalit iilan ang napili? (Ang ibig sabihin ng tinawag ay naanyayahan na makibahagi sa gawain ng Ama sa Langit. Ang ibig sabihin ng pinili ay matanggap ang Kanyang mga pagpapala—pati na ang mga pagpapala na buhay na walang hanggan. Tingnan sa D at T 121:34–40.)
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talata 16? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang mga alituntunin, kabilang na ang sumusunod: Kung pipiliin nating mainggit sa mga pagpapala ng Ama sa Langit sa iba, maaaring mawala sa atin ang mga pagpapalang nais Niyang ibigay sa atin.)
Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland, at sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano sila maaaring matuksong mainggit sa mga pagpapalang ibinibigay ng Ama sa Langit sa iba:
“May mga pagkakataon sa buhay natin na ibang tao ang nagtatamo ng di-inaasahang pagpapala o tumatanggap ng espesyal na pagkilala. Maaari ba akong magsumamo sa inyo na huwag kayong maghinanakit—at huwag mainggit—kapag sinusuwerte ang iba? Walang nababawas sa atin kapag may nadaragdag sa iba. Hindi tayo nagpapaligsahan para makita kung sino ang pinakamayaman o pinakamatalino o pinakamaganda o pinakamapalad. Ang paligsahang talagang pinasukan natin ay ang paligsahan laban sa kasalanan. …
“… Ang pag-iimbot, pagmamalaki, o paninira ay hindi nag-aangat sa katayuan mo ni hindi nagpapaganda ng reputasyon mo ang paghamak mo sa iba. Kaya maging mabait, at magpasalamat na mabait ang Diyos. Paraan iyan para mabuhay nang masaya” (“Mga Manggagawa sa Ubasan,” 31, 32).
Magpatotoo sa mga katotohanang natukoy ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng talinghaga ng mga manggagawa sa ubasan.
Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag. Bigyan ng oras ang mga estudyante para makumpleto ang pahayag sa kanilang notebook o scripture study journal: Batay sa natutuhan ko mula sa talinghagang ito, ako ay …
Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang isinulat nila kung komportable silang gawin ito.
Susunod na Unit (Mateo 23:1–26:30)
Para matulungang maihanda ang mga estudyante sa susunod na unit, sabihin sa kanila kung paano nila pinakamabuting maihahanda ang sarili para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Anong mga katotohanan ang itinuturo nang ibigay ni Jesucristo ang mga talinghaga ng sampung dalaga, ng mga talento, at ng mga tupa at mga kambing? Anong ordenansa ang ipinalit ng Tagapagligtas sa Paskua? Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga sagot sa kanilang pag-aaral sa susunod na linggo.