Lesson 4
Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Pambungad
Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw at pagbabasa ng buong Bagong Tipan bilang bahagi ng pag-aaral na ito. Maaari ding matutuhan ng mga estudyante ang mga paraan upang mapagbuti pa nila ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang kahalagahan ng epektibong pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw
Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng sumusunod na survey. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga pahayag at lagyan ng marka ang kanilang mga sagot sa scale. Tiyakin sa mga estudyante na hindi mo ipasasabi sa kanila ang kanilang mga sagot.
Matapos masagutan ng mga estudyante ang survey na ito, hikayatin silang pag-isipan sa oras ng lesson kung paano nila mas pagbubutihin pa ang pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga salita ni Cristo at imbakan ng tubig na buhay na nasa atin na at makaiinom tayo ng marami. …
“Sa karaniwang gawain sa bawat araw, maraming tubig ang nawawala sa ating katawan. Ang pagkauhaw ay reaksyon ng mga selula ng katawan, at ang tubig sa ating katawan ay dapat sapat araw-araw. Walang saysay ang paminsan-minsang ‘punuin’ ng tubig ang ating katawan, at magdanas ng dehydration sa matagal na panahon. Ang ganoong bagay ay totoo rin sa espirituwal. Ang espirituwal na pagkauhaw ay nangangailangan ng tubig na buhay. Ang palagiang pagdaloy ng tubig na buhay ay lalong mahalaga kaysa paminsan-minsang pag-inom” (“A Reservoir of Living Water” [Church Educational System fireside, Peb. 4, 2007], 1, 7, broadcast.lds.org).
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin kay Elder Bednar tungkol sa matatanggap natin mula sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad nito: Kapag araw-araw tayong nag-aaral ng mga banal na kasulatan, natatanggap natin ang “tubig na buhay” na kailangan natin. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Ang kahalagahan ng mga banal na kasulatan sa ating panahon
Kung hindi mo ipinanood ang video, papuntahin ang apat na estudyante sa harapan ng klase at ipabasa ang mga sumusunod na bahagi ng mensaheng ibinigay ni Elder Christofferson.
1. “Noong Oktubre 6, sa taong 1536, isang kaawa-awang lalaki ang inilabas mula sa isang bartolina sa Vilvorde Castle malapit sa Brussels, Belgium. Halos isa’t kalahating taon na nag-isa ang lalaki sa madilim at mapanglaw na selda. Ngayong nasa labas na ng pader ng kastilyo, ang bilanggo ay itinali sa isang poste. Nabigkas pa niya nang malakas ang huling dasal niya, ‘Panginoon! buksan po Ninyo ang mga mata ng hari ng England,’ at pagkatapos siya ay ibinigti. Kaagad na sinunog ang kanyang katawan. Sino ang lalaking ito, at ano ang kasalanan niya … ?” (“Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 32).
2. “Ang pangalan niya ay William Tyndale, at ang krimeng nagawa niya ay ang pagsalin at paglathala ng Biblia sa wikang Ingles.
“… Sa mainitang pakikipagtalo sa isang paring tutol sa paglalagay ng banal na kasulatan sa mga kamay ng karaniwang tao, sumumpa si Tyndale na, ‘Kung pahahabain pa ng Diyos ang aking buhay, tutulungan ko ang batang nag-aararo na mas marami pang malaman sa mga Banal na Kasulatan kaysa sa iyo!’ …
“Si William Tyndale ay hindi ang una, ni ang huli, sa mga taong mula sa maraming bansa at wika na nagsakripisyo, maging hanggang kamatayan, upang ilabas ang salita ng Diyos mula sa kadiliman. … Ano ang nalaman nila tungkol sa kahalagahan ng mga banal na kasulatan na kailangan din nating malaman? Ang mga tao noon sa ika-16 na siglo sa England, na nagbayad ng malalaking halaga at nanganib ang mga buhay sa pagkakaroon ng Biblia, ano ang naunawaan nila na dapat din nating maunawaan?” (“Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” 32).
Itanong sa klase:
-
Sa palagay ninyo, bakit nagsakripisyo nang gayon kalaki ang mga tao para mabasa ang mga banal na kasulatan?
Patuloy na ipabasa sa pangatlong estudyante ang pahayag ni Elder Christofferson
3. “Noong panahon ni Tyndale, ang kamangmangan sa mga banal na kasulatan ay laganap dahil walang mabasang Biblia ang mga tao, lalo na sa wikang mauunawaan nila. Ngayon ang Biblia at iba pang banal na kasulatan ay nariyan lang, pero dumarami pa rin ang walang alam sa banal na kasulatan dahil hindi binubuklat ng mga tao ang mga aklat. Dahil dito, nalimutan nila ang mga bagay na alam ng kanilang mga lolo’t lola” (“Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” 33).
Itanong sa klase:
-
Sa palagay ninyo, bakit may ilang tao na hindi nagbabasa ng mga banal na kasulatan tulad ng nararapat nilang gawin?
Patuloy na ipabasa sa pang-apat na estudyante ang pahayag ni Elder Christofferson.
4. “Pag-isipan ang dami ng ating biyaya sa pagkakaroon ng Banal na Biblia at mga 900 karagdagang mga pahina ng banal na kasulatan, kabilang ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, at ang Mahalagang Perlas. … Tiyak na kaakibat ng pagpapalang ito ay sinasabi sa atin ng Panginoon na ang palagiang pagbaling sa mga banal na kasulatan ay higit na kailangan ngayon” (“Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” 35).
Pagkatapos ng video (o pagkatapos basahin ng pang-apat na estudyante ang pahayag ni Elder Christofferson), sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang pinaniniwalaan nilang sinabi ni Elder Christofferson tungkol sa pangangailangan nating pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara: Mas kailangan natin ngayon ang mga banal na kasulatan kaysa noon.
-
Sa palagay ninyo, bakit mas kailangan natin sa panahong ito ang mga banal na kasulatan kaysa noon?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano makatutulong sa atin ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa ating panahon, ipaliwanag na si Apostol Pablo ay sumulat ng isang liham kung saan inilarawan niya ang ilang kalagayan ng mundo sa mga huling araw. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Kay Timoteo 3:1–5, 13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ilan sa mga kasalanan at pag-uugali na magiging karaniwan at laganap sa ating panahon. (Maaari mong tulungan ang mga estudyante na mabigyang-kahulugan ang mahihirap na salita at mga kataga sa mga talatang ito.)
-
Ano ang ilan sa mga kasalanan at pag-uugali na nakasaad sa mga talatang ito na nakita ninyo sa ating lipunan ngayon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Kay Timoteo 3:14–17. Hilingin sa klase na alamin kung paano tayo makahahanap ng kaligtasan sa mapanganib na panahong ito.
-
Paano tayo makahahanap ng kaligtasan sa mapanganib na panahong ito?
Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Kapag pinag-aralan natin ang mga banal na kasulatan, makatatanggap tayo ng …
-
Ayon sa II Kay Timoteo 3:15–17, anong mga pagpapala ang makakamtan natin kapag pinag-aralan natin ang mga banal na kasulatan at ipinamuhay ang mga turo nito? (Matapos sumagot ng mga estudyante, kumpletuhin ang pahayag sa pisara para ganito ang kalabasan: Kapag pinag-aralan natin ang mga banal na kasulatan, makatatanggap tayo ng karunungan, pagwawasto, at tagubilin na aakay sa atin tungo sa kaligtasan.)
Ipaliwanag na ang pahayag sa pisara ay halimbawa ng isang alituntunin. Ang mga alituntunin at doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo ay mahalaga at di-nagbabagong mga katotohanan na nagbibigay ng patnubay sa ating buhay. Ang isa sa mahahalagang layunin ng mga banal na kasulatan ay ituro ang mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo. Magagawa nating mas makabuluhan ang ating personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng paghahanap ng mga doktrina at mga alituntunin, pag-iisip sa mga kahulugan nito, at pagsasabuhay ng mga ito.
Muling tukuyin ang alituntunin na isinulat mo sa pisara.
-
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng makatatanggap tayo ng karunungan, pagwawasto, at tagubilin kapag pinag-aralan natin ang mga banal na kasulatan?
-
Kailan ninyo nadama na nakatanggap kayo ng karunungan, pagwawasto, at tagubilin dahil pinag-aralan ninyo ang mga banal na kasulatan? (Maaari ka ring magbahagi ng iyong sariling karanasan.)
Pagbabasa ng Bagong Tipan araw-araw
Ipaliwanag na ang isa sa mga inaasahan sa seminary course na ito ay babasahin ng mga estudyante ang buong Bagong Tipan. Kailangan ito para makatanggap ng diploma sa seminary.
Ipaliwanag na ang pagbabasa ng buong Bagong Tipan ay mangangailangan ng matibay na determinasyon ngunit sulit ang gagawing pagsisikap na ito. Para mailarawan ito, magpakita ng dalawang transparent na baso na puno ng tubig (o soft drink). Anyayahan ang dalawang estudyante na tumayo malapit sa mga baso. Bigyan ng straw ang isang estudyante. Bigyan naman ang isa pang estudyante ng pitong straw na magkakasamang nakatali. Sabihin sa kanila na ubusin nang mabilis ang tubig hangga’t kaya nila gamit ang straw o mga straw. (Ang estudyanteng gamit ang isang straw ay dapat tuluy-tuloy na mainom ang tubig at unang makaubos nito; ang isa namang estudyante ay dapat mahirapan sa pagsipsip ng tubig gamit ang mga straw.) Paupuin ang dalawang estudyante, at itanong sa klase:
-
Paano ninyo maiuugnay ang aktibidad na ito sa ating mithiing mabasa ang buong Bagong Tipan bilang bahagi ng pag-aaral na ito? (Ang estudyanteng may pitong straw ay parang isang taong nagsisikap basahin nang minsanan lang ang malaking bahagi ng mga banal na kasulatan. Ang estudyanteng may gamit ng isang straw ay tulad ng isang taong nagbabasa ng maliit na bahagi araw-araw.)
Upang matulungan ang mga estudyante na makita kung paano nila mababasa ang buong Bagong Tipan sa pamamagitan ng palagiang pagbabasa ng maliliit na bahagi, ipahati sa kanila ang bilang ng mga pahina sa Bagong Tipan (404 na pahina sa Latter-day Saint edition ng King James Version ng Biblia) sa bilang ng kabuuang araw ng pasok hanggang sa matapos ang klase. Halimbawa, kung ang Bagong Tipan ay ituturo sa isang school year na may 280 araw, kailangang makapagbasa ang mga estudyante ng mga 1.5 pahina bawat araw para matapos ito sa katapusan ng klase.
Patotohanan ang mga pagpapalang darating sa mga estudyante kapag masigasig nilang pinag-aralan ang Bagong Tipan. Ang mga estudyante ay tatanggap ng karunungan, pagwawasto, at tagubilin mula sa mga banal na kasulatan at ng patnubay ng Espiritu Santo.
Muling tukuyin ang mga alituntunin na nasa pisara, at patotohanan na sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, makakamtan ng mga estudyante ang mga pagpapalang binanggit ni Pablo sa II Kay Timoteo 3:15–17. Hikayatin ang mga estudyante na gumawa ng mithiing maglaan ng oras araw-araw para sa personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagbabasa ng buong Bagong Tipan. Ipasulat sa mga estudyante ang kanilang mga mithiin sa kanilang scripture study journal.