Library
Lesson 13: Mateo 8–10


Lesson 13

Mateo 8–10

Pambungad

Sa paglalakbay ni Jesucristo papuntang Galilea, gumawa Siya ng maraming himala. Tumawag din Siya ng Labindalawang Apostol, na Kanyang pinagkalooban ng kapangyarihan at pinagbilinan, at pinaglingkod sa mga tao.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 8:1–9:34

Gumawa si Jesus ng maraming himala

Sa simula ng klase, ipasagot sa mga estudyante ang sumusunod na tanong:

  • Kung alam ninyo na darating ang Tagapagligtas para bisitahin ang inyong bayan o lungsod ngayon, sino ang dadalhin ninyo para ipagamot? Bakit?

Isulat sa pisara ang sumusunod na scripture references: Mateo 8:1–4; Mateo 8:5–13; Mateo 8:14–15; Mateo 8:23–27; Mateo 8:28–32; Mateo 9:1–8; Mateo 9:18–19, 23–26; Mateo 9:20–22; Mateo 9:27–31; at Mateo 9:32–33. Mag-assign ng isa sa mga scripture reference sa bawat estudyante. (Kung maliit lang ang klase, bigyan ng mahigit isang talata ang ilang estudyante.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang nakatalagang mga talata sa kanila at hanapin ang mga himalang ginawa ni Jesus. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa kanila na ibahagi nang maikli ang nalaman nila. (Paalala: Ang mga himalang ito ay pag-aaralan ng mga estudyante nang mas detalyado sa Marcos 1–5.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 8:16–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang propesiya na tinupad ni Jesucristo sa paggawa Niya ng mga himalang ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Anong katotohanan tungkol kay Jesucristo ang matututuhan natin mula sa bawat isa sa mga himalang ito? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Mapagagaling ni Jesus ang ating mga sakit at karamdaman. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga sakit ay karamdaman o kahinaan.)

  • Paano tayo mapagagaling o mapalalakas ng Tagapagligtas kung hindi natin Siya kasamang nabubuhay ngayon sa mundo? (Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Tingnan sa Alma 7:11–13.)

Mateo 9:35–10:8

Tumawag si Jesus ng labindalawang Apostol

Magdispley ng larawan o mga larawan ng kasalukuyang mga Apostol ng Simbahan, kabilang ang Unang Panguluhan. (Makakakuha ng mga larawang iyan sa LDS.org [tingnan sa Meet Today’s Prophets and Apostles] at sa mga isyu ng pangkalahatang kumperensya sa Ensign o Liahona.)

  • Ano ang ipinagkaiba ng mga taong ito sa lahat ng tao sa mundo ngayon?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Mateo 9–10 tungkol sa tungkulin ng mga Apostol at ang mga pagpapalang maidudulot nila sa buhay natin.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 9:35. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang ginawa ni Jesus bukod sa pagpapagaling sa iba.

  • Bukod sa pagpapagaling sa iba, ano ang ginawa ni Jesus noong Kanyang ministeryo?

Ipaliwanag na nang ipangaral ni Jesus ang ebanghelyo at gumawa ng mga himala sa buong Judea, dumami ang bilang ng mga taong sumunod at naghanap sa Kanya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 9:36–38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ayon sa Tagapagligtas ang mga taong kailangan Niya para makatulong sa paglilingkod sa mga sumusunod sa Kanya.

  • Ayon sa mga talata 37–38, kanino sinabi ni Jesus na kailangan Niya ng makakatulong sa pagkalinga sa mga nagsisunod sa Kanya?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 10:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang ginawa ni Jesus para tugunan ang mga pangangailangan ng mga tao.

  • Ano ang ginawa ni Jesus para tulungan ang maraming taong sumunod sa Kanya?

  • Anong doktrina ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa isang paraan ng pagmiministeryo ni Jesucristo sa mga tao sa mundo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na doktrina: Si Jesucristo ay tumawag ng mga Apostol at iginawad ang Kanyang awtoridad sa kanila. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang doktrinang ito sa tabi ng Mateo 10:1–4.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 10:5-8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang sinabi ng Tagapagligtas na ituturo ng Kanyang mga disipulo.

  • Ano ang ipinagawa ni Jesus sa Kanyang mga Apostol?

Ipaliwanag na ang salitang apostol ay mula sa salitang Griyego na ang ibig sabihin ay “isinugo.” Noong una, ang mga Apostol ay isinusugo o ipinapadala lamang sa sambahayan ni Israel. Kalaunan, iniutos ng nabuhay na muling Tagapagligtas na ipangaral din ang ebanghelyo sa mga Gentil, o yaong mga hindi kabilang sa sambahayan ni Israel.

  • Anong mga pagkakatulad ang napansin ninyo sa mga ginawa ni Jesus at sa mga ipinagawa Niya sa Kanyang mga Apostol?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa ipinapagawa ni Jesucristo sa mga Apostol? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang kahalintulad ng sumusunod: Ang Panginoon ay tumatawag ng mga Apostol para ipangaral ang Kanyang ebanghelyo at gawin ang Kanyang mga gawain. Maaaring isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Patingnan muli ang mga larawan ng mga kasalukuyang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na magbigay ng halimbawa kung paano nangangaral at naglilingkod ang mga Apostol ngayon na siya ring gagawin ni Jesus kung narito Siya sa mundo.

Para matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng katotohanang tinukoy nila sa itaas, basahin o magpakita ng bahagi ng mensahe na ibinigay kamakailan ng Apostol ngayon na mahalaga sa mga kabataan. Matapos basahin ang pahayag na ito o ipanood ang video clip, itanong:

  • Paano naiimpluwensiyahan ang pagtugon natin sa itinuturo at ipinapayo ng mga Apostol na gawin natin kapag alam nating sila ay tinawag ni Jesucristo?

  • Sa anong mga paraan naimpluwensyahan ng mga paglilingkod at mensahe ng mga Apostol ngayon ang inyong buhay?

Anyayahan ang mga estudyante na tapat na hangarin ang pagkakataong marinig, mapag-aralan, at maipamuhay ang mga salita ng mga napiling Apostol ng Panginoon.

Mateo 10:9–42

Tinagubilinan ni Jesus ang Labindalawang Apostol bago sila umalis para mangaral at maglingkod

Ibuod ang Mateo 10:9–16 na ipinapaliwanag na pinagbilinan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo na magtiwalang ilalaan ng Ama sa Langit ang kanilang mga kailangan habang naglalakbay sila upang mangaral ng ebanghelyo. Itinuro rin sa kanila ng Tagapagligtas na basbasan ang mga taong tumatanggap at nagpapatuloy sa kanila.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pangyayari na may isang taong hindi nila karelihiyon ang nagtanong sa kanila ng mahirap na tanong tungkol sa ebanghelyo o sa isang kontrobersyal na bagay tungkol sa Simbahan.

  • Gaano kayo katiwala na alam ninyo ang dapat sabihin sa ganoong sitwasyon? Bakit?

Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng alituntunin sa mga turo ni Jesus sa Kanyang mga Apostol sa natitirang bahagi ng Mateo 10 na makatutulong sa atin kapag kailangan nating ipaliwanag ang ebanghelyo o ibahagi ang ating patotoo.

Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 10:16–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga uri ng pagsubok na sinabi ni Jesus na daranasin ng mga Apostol sa kanilang paglalakbay at pangangaral.

  • Anong mga hamon ang sinabi ni Jesus na haharapin ng Kanyang mga Apostol sa pag-alis nila para ipangaral ang ebanghelyo?

  • Ayon sa mga talata 19–20, paano malalaman ng mga Apostol ang sasabihin sa ganitong mga mapanghamong sitwasyon? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “huwag ninyong ikabalisa” ay “huwag masyadong ipag-alala”.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan ninyo sa mga talatang ito tungkol sa pakikipag-usap sa iba kapag tayo ay naglilingkod sa Panginoon? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon, bibigyan Niya tayo ng inspirasyon na malaman ang sasabihin kapag kailangan.)

  • Kailan ninyo nadama na binigyan kayo ng Panginoon ng inspirasyon para malaman ninyo ang sasabihin sa isang tao? (Maaari mong bigyan ng ilang sandali na makapag-isip ang mga estudyante bago sila pasagutin sa tanong na ito.)

handout iconIbuod ang Mateo 10:21–42 na ipinapaliwanag na patuloy na binigyan ni Jesucristo ang Kanyang mga Apostol ng mga tagubilin, babala, at kapanatagan tungkol sa mga hamong kakaharapin nila. Para matulungan ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral ng mga salita ng Tagapagligtas sa Mateo 10:37–39, pagpartner-partnerin sila o hatiin sa maliliit na grupo at bigyan ang bawat magkakapartner o grupo ng kopya ng kalakip na handout. Sabihin sa mga estudyante na sundin ang mga instruksyon sa handout sa pamamagitan ng sama-samang pag-aaral ng mga talatang ibinigay sa kanila at pagtalakay sa mga isinagot nila sa mga tanong.

handout, Mateo 10:37–39

Mateo 10:37–39

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 13

Kasama ang kapartner o kagrupo ninyo, sama-samang pag-aralan ang mga talatang ibinigay sa inyo at talakayin ang inyong mga isinagot sa mga tanong.

Basahin ang Mateo 10:37–38, na hinahanap ang mga sakripisyong sinabi ng Tagapagligtas na dapat nating handang gawin bilang Kanyang mga disipulo. Ang ibig sabihin ng mga katagang “karapatdapat sa akin” sa mga talatang ito ay maging karapat-dapat na kinatawan ng Panginoon at maging karapat-dapat sa Kanyang mga pagpapala.

  • Sa palagay ninyo, bakit kailangang mahalin si Jesucristo ng Kanyang mga disipulo nang higit sa iba—kabilang na ang sarili nilang pamilya?

krus

Ang krus na binanggit sa talata 38 ay tumutukoy sa pisikal na krus na dinala ni Jesucristo at sa krus na ito Siya ay ipinako at iniangat upang magawa Niya ang kalooban ng Kanyang Ama. Sa matalinghagang salita, sinabi ni Jesucristo sa Kanyang mga alagad na kanila ring “pasanin ang [kanilang] krus at sumunod sa [Kanya]” (Mateo 16:24).

Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 16:26 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), at hanapin kung ano ang ibig sabihin ng pasanin ang ating krus at sumunod kay Jesucristo.

Basahin ang Mateo 10:39, at hanapin kung anong mga alituntunin ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa sakripisyo. Nilinaw ng Joseph Smith Translation ang simula ng talatang ito sa ganitong mga kataga, “Siya na naghahangad na iligtas ang kanyang buhay …”. Sa kontekstong ito, ang mga katagang “iligtas ang kanyang buhay” ay nangangahulugang mamumuhay siya nang sarili lamang ang iniisip sa halip na hangaring paglingkuran ang Diyos at Kanyang mga anak.

  • Sa palagay ninyo, sa anong mga paraan “mawawalan” ng kanilang buhay ang mga tao na ang sarili at gusto lang nila ang iniisip?

Batay sa nabasa ninyo, kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin:

Kung hangad nating iligtas ang ating buhay, .

Markahan sa talata 39 ang pangako ng Tagapagligtas sa mga hinahayaang mawala ang kanilang buhay para sa Kanyang kapakanan. Ang mawalan ng ating buhay para sa Kanyang kapakanan ay higit pa sa kahandaang mamatay para sa Kanya. Ibig sabihin nito ay handa nating ibigay ang ating sarili upang mapaglingkuran Siya at ang mga taong nakapaligid sa atin.

  • Ano sa palagay ninyo ang ang ibig sabihin ng masusumpungan natin ang ating buhay kapag hinayaan nating mawala ito para sa Kanyang kapakanan?

Batay sa nabasa ninyo, kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin:

Kung hahayaan nating mawala ang ating buhay para sa kapakanan ni Jesucristo, .

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson at pagkatapos ay talakayin ang inyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong.

Pangulong Thomas S. Monson

“Naniniwala ako na sinasabi sa atin ng Tagapagligtas na maliban na kalimutan natin ang ating sarili sa paglilingkod sa iba ay kaunti lamang ang layunin ng ating buhay. Ang mga nabubuhay para sa sarili lamang nila ay nangunguluntoy at nawawalan ng buhay, samantalang ang mga lumilimot sa kanilang sarili sa paglilingkod sa iba ay umuunlad at nananagana—at tunay na naliligtas ang kanilang buhay” (“Ano ang Nagawa Ko Ngayon para sa Isang Tao?” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 85.

  • Sino ang kilala ninyo na piniling kalimutan ang sarili alang-alang kay Jesucristo? Ano ang epekto ng desisyong ito sa taong ito?

Matapos makumpleto ng mga estudyante ang handout, maaari mong sabihin sa ilan sa kanila na ibuod sa klase ang natutuhan nila.

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa alituntuning tinukoy ng mga estudyante tungkol sa pagsasakripisyo para kay Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang ilang bagay na magagawa nila ngayon o sa malapit na hinaharap upang magsakripisyong paglingkuran si Jesucristo at ang iba. Hikayatin sila na magtakda ng mithiin at pagsikapan iyon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mateo 10:35–37. “Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit kay sa akin”

Sa komentaryo ni Pangulong Ezra Taft Benson tungkol sa Mateo 10:35–37, sinabi niyang isa sa maaaring pinakamahihirap na gagawin ng tao ay ang pumili sa pagitan ng Diyos at ng miyembro ng kanyang pamilya:

“Ang isa sa pinakamahihirap na pagsubok sa lahat ay kapag kailangan ninyong pumili kung ang bibigyang-lugod ba ninyo ay ang Diyos o ang isang taong mahal o iginagalang ninyo—lalo na ang isang miyembro ng pamilya.

“Hinarap ni Nephi ang pagsubok na iyan at nalampasan itong mabuti nang ang kanyang butihing ama ay pansamantalang bumulung-bulong laban sa Panginoon (tingnan sa 1 Nephi 16:18–25) Nanatiling tapat si Job sa Panginoon kahit sinabihan siya ng kanyang asawa na itakwil ang Diyos at mamatay siya (tingnan sa Job 2:9–10).

“Sabi sa banal na kasulatan, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina’ (Exodo 20:12; tingnan din sa Mosias 13:20). Kung minsan kailangang piliin ng tao kung igagalang ba niya ang Ama sa Langit kaysa ama sa lupa” (“The Great Commandment—Love the Lord,” Ensign, Mayo 1988, 5)