Lesson 139
Sa Mga Hebreo 12–13
Pambungad
Pinayuhan ni Pablo ang mga Judio na miyembro ng Simbahan na takbuhin ang takbuhin ng pagiging disipulo na tinutularan ang halimbawa ni Jesucristo. Ipinaliwanag din niya ang mga pagpapalang dulot ng pagtanggap ng pagpaparusa ng Panginoon. Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na gawin ang kalooban ng Diyos upang sila ay magawang sakdal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Paalala: Ang lesson 140 ay nagbibigay ng pagkakataon na makapagturo ang dalawang estudyante. Maaga pa lang ay bigyan na ng mga kopya ng ilang bahagi ng lesson 140 ang dalawang estudyante para makapaghanda sila. Hikayatin silang pag-aralang mabuti ang materyal at hingin ang patnubay ng Espiritu Santo sa kanilang paghahanda at pagtuturo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Sa Mga Hebreo 12
Ipinayo ni Pablo sa mga Banal na takbuhin ang takbuhin ng buhay nang may pananampalataya at pagtitiis
Sa pisara, magdrowing ng simpleng larawan ng isang mananakbo o runner. Sabihin sa klase na ilarawan ang maaaring maranasang hirap ng isang mananakbo ng long-distance race. (Maaari mo ring itanong kung may sinumang estudyante sa klase na nakasali na sa isang long-distance race at itanong sa estudyanteng iyon kung anong hirap ang dinaranas niya sa long-distance race.)
-
Ano ang makapaghihikayat sa manananakbo na magpatuloy sa pagtakbo kahit napapagod o nahihirapan na siya?
-
Sa paanong mga paraan nakakatulad ng isang endurance race ang pagiging disipulo ni Jesucristo?
-
Anong mga hirap ang maaari nating maranasan bilang mga disipulo ni Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang mga hirap na nararanasan nila (o naranasan) bilang mga tagasunod ni Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Sa Mga Hebreo 12 na makatutulong sa kanila sa pagsunod kay Jesucristo kahit mahirap ito kung minsan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 12:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabi ni Pablo na kailangang gawin ng mga Banal para matagumpay na matakbo ang takbuhin ng pagiging disipulo.
-
Ano ang sinabi ni Pablo na kailangang gawin ng mga Banal para matagumpay na matakbo ang takbuhin ng pagiging disipulo?
Papuntahin ang isang estudyante sa harap ng klase, at ipasukbit sa kanya ang isang backpack. Punuin ang bag ng mga bato, pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang epekto ng bag na puno ng bato sa isang mananakbo o runner.
-
Sa paanong mga paraan nakakatulad ng ating mga kasalanan ang backpack na puno ng mga bato?
Sabihin sa estudyante na alisin ang backpack at umupo na.
-
Ano ang ibig sabihin ng pagtiisang takbuhin ang takbuhin ng pagiging disipulo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 12:2–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabi ni Pablo na gawin ng mga Banal na makatutulong sa kanila na isantabi o iwaksi ang kanilang mga kasalanan at tiisin ang pagsalungat. Ipaliwanag na ang salitang pagsalangsang sa talata 3 ay tumutukoy sa pagsalungat.
-
Batay sa itinuro ni Pablo sa mga Banal, ano ang makatutulong sa atin para maiwaksi ang ating mga kasalanan at pagtiisang mabuti ang pagsalungat? Maaaring magbigay ng iba-ibang sagot ang mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag umasa tayo sa halimbawa ni Jesucristo, maiwawaksi natin ang ating mga kasalanan at mapagtitiisang mabuti ang pag-uusig.)
-
Ayon sa talata 2, ano ang ginawa ni Jesucristo na sinabi ni Pablo na gawing halimbawa ng mga Banal?
Idispley ang larawan ng Pagpapako sa Krus (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 57; tingnan din sa LDS.org), at ipaliwanag na sinabi ni Pablo sa mga Banal na si Jesucristo ay handang magdusa ng kamatayan sa krus at tiisin ang kahihiyan ng sanlibutan dahil alam Niya ang galak na matatanggap Niya kung Siya ay mananatiling tapat sa Ama sa Langit.
-
Sa palagay ninyo, paano makatutulong sa atin ang pagtingin sa halimbawa ni Jesucristo kapag dumaranas tayo ng paghihirap at mga pagsubok?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga hamong nararanasan nila ngayon at paano makatutulong sa kanila ang pagtingin sa halimbawa ni Jesucristo para makayanan ang mga hamong iyon.
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag mula kay Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano makatutulong sa atin ang halimbawa ni Jesucristo sa pagwaksi sa ating mga kasalanan at sa patuloy na pagtitiis.
“Para maging walang katapusan at walang hanggan ang Kanyang Pagbabayad-sala, kinailangan Niyang malaman kung ano ang pakiramdam nang mamatay hindi lamang sa pisikal kundi maging sa espirituwal, ang madama kahit paano ang pakiramdam kapag nawala ang banal na Espiritu, at maiwang kahabag-habag, walang pag-asa, at nag-iisa.
“Ngunit si Jesus ay nagtiis. Nagpatuloy Siya. Ang kabutihang nasa Kanya ang nagtulot upang magtagumpay ang pananampalataya kahit ganap ang pagdurusa. Ang pagtitiwalang ipinamuhay Niya ang nagsabi sa Kanya na sa kabila ng Kanyang nadarama ang banal na awa ay hindi nawawala, na ang Diyos ay laging tapat, na hindi Niya tayo iiwan o bibiguin” (“Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 88).
Hikayatin ang mga estudyante na maglaan ng oras bawat araw, maaaring sa oras ng pag-aaral nila ng banal na kasulatan, na tingnan ang halimbawa ni Jesucristo para magkaroon sila ng lakas na iwaksi ang kanilang mga kasalanan at pagtiisang mabuti ang pagsalungat.
Upang maihanda ang mga estudyante na matukoy ang isa pang alituntuning itinuro ni Pablo sa Sa Mga Hebreo 12, sabihin sa kanila na isipin ang isang pagkakataon na itinuwid sila ng isang tao. Sabihin sa kanila na isipin ang reaksyon nila sa pagtutuwid na iyon.
-
Bakit mahirap tanggapin ang pagtutuwid ng iba?
-
Ano sa palagay ninyo ang ilang dahilan kaya tayo itinutuwid ng mga tao, lalo na kapag alam ng mga taong iyon na maaaring hindi natin gusto ang pagtutuwid nila sa atin?
Ipaliwanag na kapag nagsipagtakbo tayo sa takbuhin ng pagiging disipulo, asahan natin na tayo ay paparusahan, o itutuwid. Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang Sa Mga Hebreo 12:6–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ang magtutuwid sa atin at bakit. Sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng mga salitang mga anak sa ligaw sa talata 8 ay ipinanganak sa mga magulang na hindi kasal, at hindi maituturing na legal na mga tagapagmana.
-
Sino ang magtutuwid sa atin sa pagtakbo natin ng takbuhin ng pagiging disipulo?
-
Ayon kay Pablo, bakit tayo pinaparusahan o itinutuwid ng Ama sa Langit?
-
Sa paanong mga paraan makikita na ang pagpaparusa ng Ama sa Langit ay tanda ng Kanyang pagmamahal sa Kanyang mga anak?
Sabihin sa mga estudyante na mag-ukol ng 30 segundo sa pagsulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng ilang paraan ng pagtutuwid sa atin ng Ama sa Langit. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang isinulat nila. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na bagama’t dumarating ang pagtutuwid sa maraming paraan, hindi lahat ng pagsubok o pagdurusang nararanasan natin ay mula sa Diyos.
-
Sa talata 9, ano ang sinabi ni Pablo na dapat nating gawin kapag itinutuwid o pinaparusahan tayo ng Ama sa Langit?
-
Ano ang ibig sabihin ng “pasasakop,” o pagsang-ayon sa Ama sa Langit? (Maging mapagpakumbaba, madaling turuan at handang baguhin ang ating buhay upang iayon sa Kanyang kalooban.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Kung sasang-ayon tayo sa pagpaparusa ng Ama sa Langit, tayo ay …
Ipaliwanag na sa talata 10, sinabi ni Pablo na alam niya na kung minsan ay pinaparusahan tayo ng ating ama sa lupa sa maling paraan, ngunit ang pagpaparusa ng Ama sa Langit ay wasto at para sa ating kapakanan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 12:10–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa mangyayari kung sasang-ayon tayo sa pagpaparusa ng Ama sa Langit. Ipaliwanag na ang mga katagang “makabahagi ng kaniyang kabanalan” sa talata 10 ay tumutukoy sa pagiging higit na katulad ng Diyos.
-
Paano inilalarawan ng mga salita ni Pablo sa talata 11 ang maaaring una nating maramdaman kapag pinaparusahan tayo?
-
Ayon sa mga talata 10–11, ano ang mangyayari kung tayo ay sumasang-ayon sa pagpaparusa ng Ama sa Langit? (Matapos sumagot ang mga estudyante, kumpletuhin ang pangungusap sa pisara ayon sa sumusunod: Kung sasang-ayon tayo sa pagpaparusa ng Ama sa Langit, tayo ay magiging katulad Niya at magkakaroon ng kapayapaan na nagmumula sa kabutihan.)
Maaari mong ibahagi ang karanasan na sumang-ayon ka sa pagpaparusa ng Ama sa Langit at nadamang napagpala ka dahil dito. (Tiyaking huwag magbahagi ng anumang napakasagrado o personal.) Sabihin sa mga estudyante na isipin ang pagkakataon na nadama nila na pinarusahan sila ng Ama sa Langit. Sabihin sa kanila na isipin kung paano sila tumugon sa pagtutuwid na iyon. Hikayatin ang mga estudyante na magpasiya ngayon na sumang-ayon sa pagtutuwid ng Ama sa Langit na maaaring matanggap nila sa hinaharap.
Ibuod ang Sa Mga Hebreo 12:12–29 na ipinapaliwanag na hinikayat ni Pablo ang mga Banal na palakasin ang iba pang mga miyembro ng Simbahan sa pananampalataya. Hinikayat niya silang huwag magkasala upang sila ay hindi mapagkaitan ng mga pagpapala ng Diyos tulad ng nangyari kay Esau at sa mga anak ni Israel sa Bundok ng Sinai. Ipinaliwanag ni Pablo na ang mga Banal na nananatiling tapat at pinaglilingkuran ang Diyos ay tatanggap ng kaluwalhatiang walang kapantay at lugar sa Kanyang kaharian.
Sa Mga Hebreo 13
Nagbigay si Pablo ng iba’t ibang payo sa mga Banal
Ipaliwanag na tinapos ni Pablo ang kanyang sulat sa mga Banal na Hebreo sa pagpapayo sa kanila ng tungkol sa iba’t ibang bagay. Hatiin ang klase sa maliliit na grupo na may tigdadalawa o tigtatatlong estudyante. Ipabasa nang sabay-sabay sa mga estudyante ang Sa Mga Hebreo 13:1–9, 17, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Pablo sa mga Banal. Sabihin sa mga estudyante na talakayin sa kani-kanilang grupo ang mga sumusunod na tanong kapag natapos na silang magbasa. Maaari mong ilista sa pisara ang mga tanong na ito.
-
Sa palagay ninyo, alin kayang payo ang pinakakailangan sa ating panahon? Bakit?
Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ilahad kung paano nila sinagot ang mga tanong. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung aling bahagi ng payo ni Pablo ang higit na magagamit nila sa kanilang buhay.
Ibuod ang Sa Mga Hebreo 13:10–12 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pablo na sa panahon ng Lumang Tipan, ang mga hayop na iniaalay bilang hain ay sinusunog sa labas ng kampo ng Israel. Kahalintulad niyan, si Jesucristo ay inialay sa labas ng lungsod ng Jerusalem. Ipaliwanag na matapos ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, hindi na kinailangan pa ang pag-aalay ng mga hayop (tingnan sa 3 Nephi 9:18–20).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 13:13–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabi ni Pablo na dapat ialay ng mga Banal sa halip na mga hayop. Maaari mong pamarkahan sa mga estudyante ang nalaman nila.
-
Anong pag-aalay ang sinabi ni Pablo na dapat nating gawin?
-
Sa palagay ninyo, bakit makalulugod sa Diyos ang gayong mga pag-aalay?
Ibuod ang Sa Mga Hebreo 13:17–25 na ipinapaliwanag na pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na sundin ang kanilang mga espirituwal na lider at ipagdasal sila. Idinalangin ni Pablo na nawa’y ibigay ng Diyos sa mga Banal ang lahat ng kailangan nila para maisakatuparan ang Kanyang kalooban.
Maaari mong tapusin ang lesson na ito sa pagpapatotoo sa mga katotohanang natukoy ng mga estudyante sa Sa Mga Hebreo 12–13.
Scripture Mastery—Sa Mga Hebreo 12:9
Tulungan ang mga estudyante na isaulo ang Sa Mga Hebreo 12:9 sa pagsasabi sa kanila na isulat ang unang titik ng bawat salita ng talata sa kapirasong papel. Rebyuhin sa mga estudyante ang banal na kasulatan nang maraming beses hanggang sa mabigkas nila ang talata gamit ang unang titik ng bawat salita.
-
Anong doktrina ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa kaugnayan natin sa Ama sa Langit? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang Ama sa Langit ang ama ng ating mga espiritu.)
-
Bakit mahalagang maniwala na tayo ay mga anak ng Diyos?
Magpatotoo na tayo ay mga literal na anak ng Diyos.