Library
Lesson 92: Mga Gawa 15


Lesson 92

Mga Gawa 15

Pambungad

Ilang miyembro ng Simbahan mula sa Judea ang nagsabi sa mga nabinyagang Gentil sa Antioquia na kailangan nilang matuli para maligtas. Dinala nina Pablo at Bernabe ang usaping ito sa mga Apostol sa Jerusalem. Sa isang kaganapan na tinatawag na kumperensya sa Jerusalem (mga A.D. 49–50), nagpatotoo si Pedro na ililigtas ng Diyos ang matatapat na Judio at Gentil, natuli man sila o hindi. Ang mga Apostol ay nagpadala ng sulat sa mga miyembro ng Simbahan na nagpapaliwanag na hindi na kailangan ang pagtutuli para sa kaligtasan. Pinili ni Pablo si Silas bilang kanyang kompanyon na misyonero at nagsimula sa kanyang pangalawang misyon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Gawa 15:1–29

Sa pamamagitan ng inspiradong payo, natanto ni Pedro at ng iba pang mga Apostol na hindi na iniuutos ng Panginoon ang pagtutuli

Sabihin sa mga estudyante na magsulat sa pisara ng ilan sa mahahalagang desisyon na kailangan nilang gawin ngayon at sa hinaharap.

  • Sino ang kakausapin ninyo kapag kailangan ninyong gumawa ng mahahalagang desisyon? Bakit sila ang kakausapin ninyo?

  • Bakit matalinong hingin ang tulong ng Diyos bago gumawa ng mga desisyon?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 15 na gagabay sa kanila kapag hinangad nilang malaman ang kalooban ng Diyos para sa kanila.

Ipaliwanag na habang bumibisita sina Pablo at Bernabe sa mga Banal sa Antioquia, ilang Judio mula sa Judea na naging Kristiyano ang nagturo tungkol sa kailangang gawin ng mga nabinyagang Gentil para maligtas.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 15:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng mga taong ito mula sa Judea sa mga nabinyagang Gentil tungkol sa kailangan nilang gawin para maligtas.

  • Ano ang itinuro ng mga taong ito na kailangang gawin ng mga nabinyagang Gentil para maligtas?

Ipaliwanag na bilang bahagi ng tipang ginawa kay Abraham, iniutos ng Diyos na lahat ng kalalakihang nakipagtipan sa Kanya ay kailangang matuli. “Isinasagawa ang pagtutuli sa pamamagitan ng pagputol ng ‘laman ng balat na masama’ ng mga lalaking sanggol at gayundin ng matatanda” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagtutuli,” scriptures.lds.org). Ang pagtutuli ay pinasimulan bilang tanda o paalala sa tipang ginawa ng mga tao sa Diyos.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 15:2–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nangyari pagkatapos marinig nina Pablo at Bernabe ang mga taong ito na nagturo na kailangang matuli ang mga nabinyagang Gentil.

  • Ayon sa talata 2, anong nangyari nang sabihin ng mga taong ito na kailangang matuli ang mga nabinyagan sa Simbahan?

  • Ano ang ipinasyang gawin ng mga miyembro ng Simbahan sa Antioquia?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 15:4–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nangyari nang dumating si Pablo at ang iba pa sa Jerusalem.

  • Matapos ikuwento nina Pablo at Bernabe ang kanilang mga karanasan sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga Gentil, ano ang ilan sa pinaniniwalaan ng mga nagbalik-loob na Fariseo na kailangang gawin ng mga Gentil para maligtas?

  • Ayon sa talata 6, bakit nagtipon ang mga Apostol at mga elder?

handout iconIsulat ang mga sumusunod na tanong sa pisara o ibigay ito sa mga estudyante bilang handout:

handout

Mga Gawa 15:7–11

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 92

  1. Sino ang tumayo para magsalita?

  2. Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng sinabi ni Pedro na “tayo’y [ang mga nagbalik-loob na Judio] hindi itinangi [ng Diyos] sa kanila [ang mga nagbalik-loob na Gentil]”?

  3. Anong mga kataga sa mga talata 8, 9, at 11 ang nagpapahiwatig na ang mga nagbalik-loob na Gentil ay hindi na kailangang matuli para maligtas?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mga Gawa 15:7–11 kasama ang kanilang kapartner, na hinahanap ang mga sagot sa mga nakalistang tanong. Bago sila magbasa, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “maraming pagtatalo” sa talata 7 ay matindi ang pag-uusap ng mga Apostol tungkol sa isyu ng pagtutuli.

Pagkaraan ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na sabihin sa klase ang mga sagot nila. Matapos sagutin ng mga estudyante ang unang tanong, ipaalala sa kanila na si Pedro ang senior na Apostol sa lupa, samakatwid, siya ang may awtoridad na magsalita para sa Panginoon.

  • Ano ang isang paraan para malaman natin ang kalooban ng Panginoon? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Malalaman natin ang kalooban ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga buhay na propeta at apostol. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Ano ang ilan sa mga paraan na natutulungan tayo ng mga Apostol na malaman ang mga paghahayag na natanggap nila?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 15:12–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon ang mga tao sa pahayag ni Pedro na ang pagtutuli ay hindi kailangan para maligtas.

  • Ano ang reaksyon ng mga tao sa pahayag ni Pedro?

  • Ano ang ginawa nina Pablo at Bernabe upang pagtibayin ang pahayag ni Pedro na hindi na kailangang matuli ang mga Gentil?

  • Ayon sa talata 15, kaninong salita umaayon ang ipinahayag ni Pedro (Simeon) ayon kay Santiago?

Maaari mong ipaliwanag na si Pedro ang nangulo sa kumperensya, at tila ipinahihiwatig nito na si Santiago ay may mahalaga ring tungkulin dito. Si Santiago ay kapatid ni Jesucristo sa ina at ang unang bishop ng Simbahan sa Jerusalem. Ibuod ang Mga Gawa 15:16–18 na ipinapaliwanag na binanggit ni Santiago ang Amos 9:11–12 upang ipakita na ang ipinahayag ni Pedro ay ayon sa mga salita ng mga propeta, tulad ng nakatala sa mga banal na kasulatan.

  • Batay sa itinuro ni Santiago, ano ang isa pang paraan para malaman natin ang kalooban ng Panginoon? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang katotohanang tulad ng sumusunod: Malalaman natin ang kalooban ng Panginoon sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 15:19–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Santiago na gawin ng mga lider ng Simbahan. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang hatol sa talata 19 ay payo o mungkahi (tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:143).

  • Ano ang ipinayo ni Santiago na gawin ng mga lider ng Simbahan para sa mga Gentil? (Ipinayo ni Santiago sa mga lider ng Simbahan na “huwag [nilang] gambalain” [talata 19], o huwag nilang gawing mahirap para sa mga Gentil ang pamumuhay ayon sa ebanghelyo, at huwag ipagawa sa kanila ang mga ritwal ng batas ni Moises bago sila makasapi sa Simbahan. Sa pagsasabi nito, sinusuportahan ni Santiago ang naunang desisyon ni Pedro.)

  • Ayon sa talata 20, anong bahagi ng batas ni Moises ang naisip ni Santiago na kailangan pang sundin ng mga nabinyagang Gentil? (Pagbabawal sa paggawa ng kasalanang seksuwal, pagkain ng mga karne na inialay na hain sa mga diyos-diyosan, at pagkain ng dugo.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 15:22–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang naging pasiya ng kapulungan.

  • Ano ang ipinasyang gawin ng mga Apostol? (Magpadala ng sulat sa mga miyembro ng Simbahan na ipinahahayag na hindi na kailangan ang pagtutuli para sa kaligtasan.)

  • Sa palagay ninyo, bakit ipinasiya ng mga Apostol na ang maghahatid ng sulat ay mga lider ng Simbahan tulad nina Pablo at Silas? (Maaaring iba’t iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit ang isang dahilan ay upang patunayan na ang pahayag na ito ay mula sa nagkakaisang pasiya ng mga Apostol. Ipaliwanag na ganito rin ang ginagawa ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol sa ating panahon upang mabigyan ng patnubay ang mga miyembro ng Simbahan.)

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa talang ito tungkol sa paraan kung paano nakatatanggap ng inspirasyon ang mga lider ng Simbahan tungkol sa mahihirap na problema? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Sa pamamagitan ng sama-samang pagsasanggunian at paghiling ng paghahayag mula sa Diyos, ang mga lider ng Simbahan ay tumatanggap ng inspirasyon tungkol sa mahihirap na problema.)

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano nauugnay ang katotohanang ito sa Simbahan ngayon, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder D. Todd Christofferson

“Ang mga huwarang ito ay sinusunod ngayon sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Ang Pangulo ng Simbahan ay maaaring maglahad o magbigay-kahulugan sa mga doktrina batay sa paghahayag sa kanya (tingnan, halimbawa ang D at T 138). Ang paliwanag ukol sa doktrina ay maaari ding dumating sa pamamagitan ng magkasamang kapulungan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol (tingnan, halimbawa ang Opisyal na Pahayag 2). Palaging nababanggit sa pinag-uusapan sa kapulungan ang mga banal na kasulatan, mga turo ng mga lider ng Simbahan, at mga dating ginagawa. Ngunit sa huli, tulad sa Simbahan sa Bagong Tipan, ang adhikain ay hindi lamang ang magkaisa ang mga miyembro ng kapulungan kundi ang magtamo ng paghahayag mula sa Diyos. Ito ay prosesong kinapapalooban kapwa ng katwiran at pananampalataya na makamit ang kagustuhan at kalooban ng Panginoon” (“Ang Doktrina ni Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 88).

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga para sa mga lider ng Simbahan na sama-samang magsanggunian nang madalas kapag naghahangad ng paghahayag mula sa Diyos?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 15:28–29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isinulat ng mga Apostol at mga elder para sa mga miyembro ng Simbahan.

  • Ano ang isinulat ng mga Apostol at mga elder para sa mga miyembro ng Simbahan?

  • Sa talata 28, ano ang ibig sabihin ng mga salitang “huwag kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan”? (Hindi na kailangang sundin ng mga tao ang anumang iba pang bagay na mula sa mga tao at hindi mula sa Diyos.)

  • Ayon sa talata 28, paano nalaman ng mga Apostol ang kalooban ng Diyos hinggil sa mga kinakailangan para sa mga nagbalik-loob na Gentil?

Ipaliwanag na ang Espiritu Santo ang nagbigay ng inspirasyon sa mga Apostol habang nagsasangunian sila. Pinagtibay rin Niya na tama ang kanilang pasiya.

  • Batay sa paraan kung paano nalaman ng mga lider ng Simbahan ang kalooban ng Panginoon na nakatala sa talata 28, paano natin malalaman ang kalooban ng Panginoon? (Maaaring iba’t iba ang isagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking malinaw nilang naunawaan na malalaman natin ang kalooban ng Panginoon sa pamamagitan ng inspirasyon ng Espiritu Santo. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang mga katotohanang ito sa pisara.

  • Paano makatutulong sa atin ang mga katotohanang ito kapag kailangan nating gumawa ng mahalagang pasiya?

  • Ayon sa mga katotohanang ito, ano ang kailangan nating gawin upang malaman ang kalooban ng Panginoon?

  • Kailan ninyo nadama na parang nalaman ninyo ang kalooban ng Panginoon nang sundin ninyo ang mga katotohanang ito?

Hikayatin ang mga estudyante na pag-aralan ang mga salita ng mga propeta sa panahong ito at ang mga banal na kasulatan. Ipaliwanag na kapag ginawa nila ito, malalaman nila ang kalooban ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo kapag gumagawa sila ng mahahalagang pasiya.

Mga Gawa 15:30–41

Dinala ni Pablo at ng iba pa ang sulat ng mga Apostol sa mga miyembro sa Antioquia

Ibuod ang Mga Gawa 15:30–41 na ipinapaliwanag na dinala ng ilang lider ng Simbahan ang sulat ng mga Apostol sa mga miyembro ng Simbahan sa Antioquia. Matapos mangaral sa Antioquia, hiniling ni Pablo kay Bernabe na samahan siya sa pagbisita sa lahat ng lugar kung saan nila naipangaral ang ebanghelyo. Gusto ni Bernabe na isama nila si Marcos, pero tumanggi si Pablo. Matapos ang bahagyang pagtatalo ng dalawang lider ng Simbahan, nagpasiya si Bernabe na isama si Marcos, kaya’t pinili ni Pablo si Silas bilang kompanyon sa misyon at sinimulan ang kanyang pangalawang misyon. Ipaliwanag na hindi itinuturing na kasalanan ang hindi pagsang-ayon sa iba. Gayunman, sa halip na makipagtalo, dapat nating hangaring makahanap ng solusyon sa hindi natin pagkakasundo. (Nalaman natin sa II Kay Timoteo 4:11 na nalutas kalaunan ang problema sa pagitan nina Pablo at Marcos.)

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang natukoy ng mga estudyante sa Mga Gawa 15.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Gawa 15:6. “Nangagkatipon ang mga apostol at ang mga matanda upang pagusapan ang bagay na ito”

Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano inihahayag ng Tagapagligtas ang Kanyang kalooban sa Kanyang mga propeta:

“Paano inihahayag ng Tagapagligtas ang Kanyang kalooban at doktrina sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag? Maaari Siyang magsugo o Siya mismo ang mangusap. Maaaring Siya mismo ang magsalita o sa pamamagitan ng tinig ng Banal na Espiritu—isang pakikipag-ugnayan ng Espiritu sa espiritu na maipararating sa salita o sa damdamin na nagpaparating ng pang-unawang hindi kayang ipaliwanag (tingnan sa 1 Nephi 17:45; D at T 9:8). Maaari Siyang mangusap sa bawat isa sa Kanyang mga lingkod o sa lupon ng Kanyang mga lingkod” (tingnan sa 3 Nephi 27:1–8)” (“Ang Doktrina ni Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 87).

Mga Gawa 15:6–11. Ipinahayag ni Pedro ang kaisipan ng Panginoon matapos magsanggunian ng mga Apostol

Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang tungkol sa mga pasiya ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Walang desisyong nagmumula sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawa nang hindi lubos na nagkakaisa ang lahat ng kasama rito. Sa mga talakayang ito, maaaring magkaroon ng iba’t ibang pananaw. Inaasahan na ito. Ang mga kalalakihang ito ay magkakaiba ng karanasan at pinagmulan. Sila’y kalalakihang ang iniisip ay ang sarili nilang opinyon. Ngunit bago makagawa ng pinakahuling pasiya, magkakaroon ng nagkakaisang isipan at tinig.

“Ito ang inaasahang mangyayari kung sinusunod ang inihayag na salita ng Panginoon. Muli, babanggitin ko ang mula sa paghahayag:

“‘Ang mga pasiya ng mga korum na ito, o isa sa kanila, ay isasagawa ng buong kabutihan, sa kabanalan, at kababaan ng puso, kaamuan at mahabang pagtitiis, at sa pananampalataya, at kabaitan, at kaalaman, kahinahunan, pagtitiis, pagkamaka-diyos, pagmamahal pangkapatid, at pag-ibig sa kapwa tao;

“‘Dahil ang pangako ay, kung ang mga bagay na ito ay nananagana sa kanila sila ay hindi magiging di mabunga sa kaalaman ng Panginoon’ (D at T 107:30–31).

“Idinaragdag ko ang sarili kong patotoo na sa dalawampung taong paglilingkod ko bilang miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa at sa halos labintatlong taong paglilingkod ko sa Unang Panguluhan, hindi nagkaroon ng malaking pagpapasiya nang hindi ginagawa ang pamamaraang ito. Nakita ko ang pagkakaiba-iba ng opinyon sa mga pag-uusap na ito. Mula sa mga opinyon ng mga kalalakihang ito, maingat itong susuriin at aalisin ang hindi gaanong mahalagang ideya at konsepto. Ngunit hindi ako kailanman nakakita ng matinding pagtatalo o pagkainis sa aking Mga Kapatid. Sa halip, napansin ko ang isang napakaganda at kahanga-hangang bagay—ang pagsasama-sama, sa ilalim ng pumapatnubay na impluwensya ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan ng paghahayag, ng magkakaibang pananaw hanggang sa magkaroon ng lubos na pagkakaisa at lubos na pagkakasundo. At saka pa lamang ito isasakatuparan. Pinatototohanan ko na sumasagisag iyan sa diwa ng paghahayag na makikita nang paulit-ulit sa pamamahala sa gawaing ito ng Panginoon” (“God Is at the Helm,” Ensign, Mayo 1994, 54, 59).

Mga Gawa 15:20. “[Mga bagay na nakasasama], at [mula] sa dugo”

“Dahil ipinagbabawal ng batas ni Moises ang pagkain ng dugo (tingnan sa Levitico 3:17; 17:10–14; 19:26), marahil ang ibig sabihin ng ipinayo ni Santiago na magsilayo mula sa ‘[mga bagay na nakasasama], at [mula] sa dugo,’ ay iwasang saktan ang damdamin ng mga Judio nang sa gayon ay hindi mahadlangan ang gawaing misyonero sa kanila” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 309).