Library
Lesson 24: Mateo 21:17–22:14


Lesson 24

Mateo 21:17–22:14

Pambungad

Matapos magpalipas ng gabi sa bayan ng Betania, bumalik si Jesus sa templo. Habang nasa daan, isinumpa Niya ang isang puno ng igos. Ang mga pinunong Judio ay lumapit sa Kanya sa templo at kinuwestiyon kung saan galing ang Kanyang awtoridad. Pinagsabihan sila ni Jesus at nagturo ng ilang talinghaga na naglalarawan ng mga ibubunga ng hindi pagtanggap sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 21:17–32

Isinumpa ni Jesus ang isang puno ng igos at pinagsabihan ang mga pinunong Judio

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano ang ilang pagkakataon na nakita ninyo na ang isang bagay ay hindi pala kasing ganda ng inaakala ninyo?

Para simulan ang klase, anyayahan ang isa o mahigit pang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa tanong sa pisara.

Ipaliwanag na ang Mateo 21 ay nagsasalaysay ng isang pangyayari na nakakita si Jesus ng isang bagay na mukhang maganda pero hindi pala. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga katotohanan sa Mateo 21 na makatutulong sa atin na hindi lamang magmukhang mabuti sa iba kundi totoong mamuhay nang mabuti.

Para maibigay ang konteksto ng Mateo 21, ipaliwanag na matapos na matagumpay na makapasok si Jesus sa Jerusalem at linisin ang templo, nanatili Siya sa Betania, isang munting nayon malapit sa Jerusalem. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 21:18–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas kinabukasan habang naglalakbay mula sa Betania pabalik sa templo sa Jerusalem.

  • Ano ang ginawa ng Tagapagligtas sa puno ng igos?

puno ng igos

Puno ng igos

© Jose Ramiro Laguna/Shutterstock.com

Magdispley ng larawan ng puno ng igos na may mga dahon. Ipaliwanag na kadalasan, kapag may mga dahon ang puno ng igos, ibig sabihin ay may bunga ang puno. Sa tagsibol (noong makakita ang Tagapagligtas ng puno ng igos na walang bunga), karaniwang may bubot na bunga na ang mga puno ng igos. Kung hindi pa nagbubunga ang mga ito, ibig sabihin ay hindi na ito magkakabunga sa taong iyon. Ang punong inilarawan sa tala na ito ay mukhang mabunga, pero hindi ito nagkabunga. Marahil ang isang dahilan kaya isinumpa ng Tagapagligtas ang puno ng igos ay upang ituro sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa mga tiwaling pinunong pangrelihiyon ng mga Judio.

  • Batay sa natutuhan ninyo tungkol sa mga pinunong pangrelihiyon ng mga Judio sa panahon ng Tagapagligtas, gaano karami sa kanila ang katulad ng puno ng igos na inilarawan sa tala na ito? (Mukha silang masunurin sa Diyos pero hindi naman nagkaroon ng bunga o hindi gumagawa ng mabuti.)

Ibuod ang Mateo 21:23–27 na ipinapaliwanag na ilan sa mga pinunong Judio na ito ang lumapit sa Tagapagligtas sa Templo at kinuwestiyon kung sino ang nagbigay ng karapatan sa Kanya na pumasok sa Jerusalem at linisin ang templo. Sinagot ito ng Tagapagligtas sa pagtatanong sa kanila kung ang bautismo (o ministeryo) ba ni Juan Bautista ay iniutos ng Diyos o ng tao. Hindi sinagot ng mga pinunong ito ang Tagapagligtas dahil sa takot na maipahamak ang sarili o galitin ang mga taong tumanggap kay Juan bilang propeta. Sinabi ng Tagapagligtas na hindi Niya sasagutin ang kanilang mga tanong at pagkatapos ay nagsalaysay Siya ng tatlong talinghaga na naglalarawan ng mga gawain ng tiwaling mga pinunong Judio. Ang unang talinghaga ay naglalarawan ng magkaibang pagtugon ng dalawang anak na lalaki sa kanilang ama.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 21:28–30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap kung alin sa mga anak na lalaki ang mas nakakatulad ng mga pinunong Judio.

  • Sino sa mga anak na lalaki ang mas nakakatulad ng pinunong Judio? Sa paanong paraan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 21:31–32. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at ipahanap ang itinuro ng Tagapagligtas sa mga tiwaling pinunong Judio sa pamamagitan ng talinghagang ito. (Baka kailangan mong ipaliwanag na ang mga maniningil ng buwis ay nangongolekta ng buwis at ang mga patutot ay mga prostitute.) Mababa ang tingin ng mga pinunong Judio sa mga maniningil ng buwis at mga patutot, at itinuturing na makasalanan sila.)

  • Paano naging katulad ng mga maniningil ng buwis at mga patutot ang unang anak?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa mga makapapasok sa kaharian ng Diyos? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit tiyaking natukoy nila ang katotohanang tulad ng sumusunod: Upang makapasok sa kaharian ng Diyos, dapat nating sundin ang ating Ama sa Langit at pagsisihan ang ating mga kasalanan sa halip na sabihin lamang o magkunwaring sinusunod natin Siya.)

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng alituntuning ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na sitwasyon:

Isang binatilyo ang madalas na nagsasabi sa kanyang mga magulang na pumupunta siya sa aktibidad ng Simbahan pero ang totoo ay sa bahay ng kaibigan niya siya nagpupunta. Kapag kasama niya ang mga lider at titser ng Simbahan, nagsasalita at kumikilos siya na parang sinusunod niya ang mga utos ng Ama sa Langit, pero kapag hindi na niya sila kasama ay sadyang nilalabag niya ang karamihan sa mga kautusan.

  • Paano nakahahadlang ang mga piniling gawin ng binatilyong ito sa pagpasok niya sa kaharian ng Diyos?

  • Kung ikaw ang kaibigan ng binatilyong ito, ano ang maaari mong sabihin sa kanya para matulungan siyang magbago ng pag-uugali?

Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang sumusunod na sitwasyon:

Isang dalagita ang nakikipagtsismisan sa kanyang mga kaibigan tungkol sa ilang kaeskwelang babae pero nagkukunwaring kaibigan ng mga babaeng ito kapag kasama niya sila. Regular siyang nagsisimba at tumatanggap ng sakramento, pero sa oras ng miting ay kadalasang nagte-text siya sa kanyang mga kaibigan tungkol sa mga pamimintas niya sa mga nasa paligid niya.

  • Sa anong mga paraan naipapakita ng dalagitang ito na nagkukunwari lang siyang sumusunod sa mga utos ng Ama sa Langit?

  • Bukod pa sa mga halimbawa sa mga sitwasyong ito, ano ang iba pang mga paraan na maaari tayong matukso na magkunwaring sumusunod sa Ama sa Langit sa halip na talagang sumunod sa Kanya?

Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Mateo 21 kung ano ang gagawin nila para maiwasang maging katulad ng puno ng igos na walang bunga.

Mateo 21:33–22:14

Itinuro ni Jesus ang talinghaga ng masasamang magsasaka at ng kasal ng anak na lalake ng hari

handout iconPagpartner-partnerin ang mga estudyante. Kung maaari, bigyan ang bawat magkapartner ng isang kopya ng sumusunod na chart. Ipabasa nang malakas sa magkakapartner ang Mateo 21:33–41 at kumpletuhin ang chart ng salita na sa palagay nila ay inilalarawan ng huling tatlong simbolo.

handout, Talinghaga ng Masasamang Magsasaka

Ang Talinghaga ng Masasamang Magsasaka

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 24

Mateo 21:33–41

Simbolo

Kahulugan

Puno ng sangbahayan

Ama sa Langit

Mga magsasaka

Mga alipin

Ang anak na lalake ng pinuno ng sangbahayan

Matapos makumpleto ng mga estudyante ang aktibidad na ito, anyayahan ang ilang magkapartner na ibahagi ang isinulat nila. Kung kinakailangan, linawin na ang mga magsasaka ay kumakatawan sa mga tiwaling pinunong Israelita, ang mga alipin ay kumakatawan sa propeta ng Diyos, at ang anak na lalaki ng puno ng sangbahayan ay kumakatawan kay Jesucristo.

  • Ano ang inilalarawan ni Jesus sa pamamagitan ng talinghagang ito? (Ilan sa mga pinuno ng Israel sa nakalipas na mga siglo ay hindi tinanggap ang mga propeta sa Lumang Tipan, at ang kasalukuyang mga pinunong Judio ay gustong patayin si Jesus [tingnan sa New Testament Student Manual (Church Educational System manual, 2014), 65]).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 21:43. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung kanino ibibigay ang kaharian ng Diyos (ibig sabihin ang Simbahan ni Jesucristo at ang mga pagpapala ng ebanghelyo) matapos itong hindi tanggapin ng mga pinunong Judio.

  • Kanino ibibigay ang kaharian ng Diyos?

Ipaliwanag na sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 21:53, tinukoy ang mga Gentil na bansang pagbibigyan ng kaharian ng Diyos. Maaari mong ipaliwanag na ang salitang Gentil ay maaaring tumukoy sa “mga taong hindi kabilang sa angkan ng mga Israelita … [o] hindi kabilang sa angkan ng mga Judio” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Gentil, Mga,” scriptures.lds.org) o mga bansang hindi nagtataglay ng kabuuan ng awtoridad, ordenansa, mga batas, at mga turo ng Diyos. Ang paglipat ng kaharian sa mga Gentil ay nagsimula nang unang dalhin ang ebanghelyo sa mga Gentil ng mga Apostol matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas (tingnan sa Mga Gawa 10–11; tingnan din sa Mateo 20:16). Ito ay nagpatuloy sa mga huling araw sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, na nanirahan sa bansa ng mga Gentil. Bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo, tayo ay kabilang sa mga pinagbigyan ng Diyos ng Kanyang kaharian.

  • Ayon sa talata 43, ano ang responsibilidad nating gawin bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo? (Tiyaking natukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo, responsibilidad nating gumawa ng mabubuting bagay. Gamit ang mga isinagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Sabihin sa mga estudyante na pumunta sa pisara at magdrowing ng mga prutas sa puno ng igos. Sabihin sa kanila na lagyan ng label ang prutas ng mga salitang naglalarawan ng mabubuting bagay na dapat nating gawin bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang isinulat nila sa pagtatanong ng:

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalagang gawin ang bagay na iyan?

  • Paano kayo nabiyayaan nang sikapin ninyong gawin ang isa sa mabubuting bagay na ito?

Ibuod ang Mateo 21:45–46 na ipinapaliwanag na nagalit ang mga punong saserdote at mga Fariseo nang matanto nila na sila ang tinutukoy na masasamang magsasaka sa talinghaga. Gayunman, hindi nila kinanti ang Tagapagligtas dahil natakot sila sa magiging reaksyon ng mga tao kapag ginawa nila ito.

Ipaliwanag na sa Mateo 22:1–10, nabasa natin na nagkuwento ng talinghaga si Jesucristo kung saan inihambing Niya ang mga pagpapala ng ebanghelyo sa isang piging na ibinigay ng hari para sa kanyang anak na lalake. Ang mga tao na unang inanyayahan sa piging (na kumakatawan sa marami sa mga Judio, kabilang na ang mga pinuno) ay ayaw magsidalo. Ang mga tao na pangalawang inanyayahan (na kumakatawan sa mga Gentil) ay piniling dumalo at masayang kumain sa piging.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 22:11–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari sa piging ng kasalan.

  • Bakit ipinatapon sa labas ng piging ang panauhing ito?

Ipaliwanag na tinupad ng hari ang sinaunang kaugalian nang bigyan niya ang kanyang mga panauhin ng malinis at angkop na damit na isususot sa kasalan. Gayunman, pinili ng taong ito na huwag isuot ang damit na ibinigay ng hari.

  • Sa talinghagang ito, ano ang sinasagisag ng damit sa kasalan? (Maaari mong ipaliwanag na sa mga banal na kasulatan, ang malinis na damit at bata [o robe] ay simbolo ng kabutihan at kadalisayan ng mga taong naging malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo [tingnan sa New Testament Student Manual (Church Educational System manual, 2014), 66; tingnan din sa 3 Nephi 27:19].)

Ipaliwanag na idinagdag sa Joseph Smith Translation ng Matthew 22:14 na hindi lahat ng dadalo sa piging ay magsusuot ng damit-kasalan. Ibig sabihin, hindi lahat ng kumikilala sa Tagapagligtas, ay tinawag, at tinanggap ang paanyaya na maging bahagi ng kaharian ay magiging handa at karapat-dapat na mamuhay nang walang hanggan sa piling Niya at ng Ama sa Langit. Ilan sa kanila ay pagkakaitan ang sarili ng mahahalagang pagpapala dahil sila ay hindi nakasuot ng damit ng kabutihan.

  • Paano mas nailalarawan ng talinghagang ito ang alituntuning nakasulat sa pisara?

Patotohanan ang kahalagahan ng mga walang hanggang pagpapala na inanyayahan tayong tanggapin. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang ginagawa nila para matanggap ang paanyaya ng Ama sa Langit na tanggapin ang lahat ng pagpapala ng ebanghelyo. Hikayatin silang ipamuhay ang natutuhan nila sa pamamagitan ng paghahanda sa kanilang sarili na matanggap ang mga pagpapalang ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mateo 21:19–22. Pagsumpa sa puno ng igos

Ang pagsumpa ng Tagapagligtas sa puno ng igos ay nagturo ng ilang mahahalagang aral. Ang puno ng igos ay maaaring magsilbing representasyon ng mga tiwaling pinunong pangrelihiyon ng mga Judio, na nagpapakita ng panlabas na kabanalan ngunit walang tunay na kabutihan. Sa ganitong konteksto, ang pangyayari ay nagturo sa atin na lahat tayo ay dapat magsikap mamuhay na akma sa ating pinaniniwalaan at itinuturo. Inilarawan din sa atin ng pagsumpa sa puno ng igos ang aral na itinuro ng Tagapagligatas sa simula ng Kanyang ministeryo tungkol sa talinghaga ng puno ng igos (tingnan sa Lucas 13:6–9): lahat ay kailangang magsisi o masawi. Matapos makita ang reaksyon ng mga disipulo sa pagsumpa sa puno ng igos, sinamantala rin ng Tagapagligtas ang pagkakataong ito upang ituro sa kanila ang kapangyarihan ng pananampalataya na makagawa ng mas malalaking himala kaysa sa nasaksihan lang nila.

Mateo 21:42–44. “Ang batong itinakuwil ng nangagtatayo ng gusali”

Si Jesucristo ay “ang batong itinakuwil ng nangagtatayo ng gusali” (Mateo 21:42) at naging pangulo sa panulok ng kaharian ng Diyos sa lupa (tingnan sa Mga Gawa 4:11; Mga Taga Efeso 2:19–20). Ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa mga bumagsak sa bato na nadurog ay tumutukoy sa katotohanan na sa halip na magtayo ng kanilang buhay sa batong ito (tingnan sa Helaman 5:12), ang mga Judio ay matitisod at mabubuwal dito (tingnan sa Isaias 8:14; I Mga Taga Corinto 1:23). Sila ay madudurog, o malilipol, sapagkat hindi nila kinilala si Jesus bilang Mesiyas at Anak ng Diyos at hindi nila tinanggap ang Kanyang ebanghelyo. Ang bato na nilalagpakan ang iba ay tumutukoy sa paglipol ng Tagapagligtas sa mga hindi tumatanggap sa Kanya. (Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 21:47–56 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan].)