Library
Lesson 104: I Mga Taga Corinto 3–4


Lesson 104

I Mga Taga Corinto 3–4

Pambungad

Ipinaliwanag ni Pablo sa mga Banal sa Corinto ang tungkulin ng mga misyonero sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Itinuro niya na ang kanilang mga kongregasyon ay lugar kung saan makatatahan ang Espiritu at ipinayo sa kanila na huwag isipin na ang ilang tao ay mas mahusay kaysa iba. (Paalala: Ang doktrina na ang ating mga pisikal na katawan ay tulad ng mga templo ay matatalakay sa lesson sa I Mga Taga Corinto 6.)

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

I Mga Taga Corinto 3

Ipinaliwanag ni Pablo ang tungkulin ng mga misyonero at miyembro ng Simbahan sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay may kaibigan sila na nag-enroll sa isang advanced math class, tulad ng calculus, pero hindi kumuha ng mga prequisite course, tulad ng basic algebra.

  • Sa palagay ninyo, magiging matagumpay kaya ang kaibigan ninyo sa advanced math class? Bakit?

  • Bakit kailangan na maunawaan ang mga pangunahing ideya ng isang paksa bago ka maging mahusay sa mga mas malalim o advanced na konsepto?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 3:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang analohiya na ginamit ni Pablo para maipakita sa mga Banal sa Corinto na hindi pa sila handa sa mas malalim na katotohanan ng ebanghelyo. Ipaliwanag na ang mga katagang “kundi tulad sa mga nasa laman” sa talata 1 ay tumutukoy sa likas na tao, o “isang tao na pumapayag na mahikayat ng mga silakbo ng damdamin, pagnanasa, gana, at [naisin] ng laman kaysa ng mga panghihikayat ng Banal na Espiritu. Ang taong ganito ay nakauunawa ng mga pisikal na bagay subalit hindi ng mga espirituwal na bagay” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Likas na Tao,” scriptures.lds.org).

Isulat sa pisara ang mga salitang gatas at laman o karne.

  • Alin sa mga pagkaing ito ang ipapakain ninyo sa isang sanggol? Bakit?

  • Ano ang iminumungkahi ng mga katagang “mga sanggol kay Cristo” sa talata 1 tungkol sa espirituwalidad ng mga Banal sa Corinto?

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan na hindi pa handa ang mga Banal na makatanggap ng mas dakilang mga katotohanan, ipaalala sa kanila na ang mga Banal sa Corinto ay hindi nagkakaisa at ang ilan sa kanila ay isinama ang mga paniniwala at gawing pagano (di-makadiyos) sa kanilang pagsunod sa ebanghelyo. Ipaliwanag na gumamit si Pablo ng ilang metapora para ituro sa mga Banal na ito ang kahalagahan ng pagkakaisa, itama ang mga maling paniniwala at gawi, at palakasin ang kanilang pananampalataya sa ebanghelyo ni Jesucristo.

handout iconHatiin ang klase sa mga grupo na may tigtatatlong estudyante. I-assign sa bawat tao sa grupo ang isa sa mga sumusunod na mga outline sa pagtuturo. Bigyan ang bawat estudyante ng handout ng outline sa pagtuturo na naka-assign sa kanya, at bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para mabasa ito. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa bawat estudyante na gamitin ang outline para magturo sa dalawa pang miyembro ng grupo. (Kung hindi posible na magkaroon ng grupo na may tigtatatlong estudyante, maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante at i-assign ang dalawang outline sa pagtututro sa isa sa mga estudyante sa bawat pares.)

handout

Estudyante 1

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 104

Sabihin sa iyong grupo na kunwari ay dumalo sila sa isang sacrament meeting kung saan may isang returned missionary na nagsalita tungkol sa kanyang misyon. Habang nagsasalita siya, sinabi niya na iilang tao ang kanyang nabinyagan. Pagkatapos ng isang linggo, isa pang returned missionary ang nagsalita sa sacrament meeting tungkol sa kanyang misyon at sinabing marami siyang naturuang tao na nabinyagan kalaunan matapos niyang malipat sa ibang lugar.

  • Paano kayo tutugon kung may isang tao na nagsabi na ang missionary na nagbinyag ng ilang tao sa kanyang misyon ay mas matagumpay kaysa sa missionary na ang mga investigator ay nabinyagan matapos siyang malipat sa ibang lugar?

Isulat sa isang papel ang mga salitang nagtanim at nagdilig, at ipakita ito sa iyong grupo. Ipaliwanag na inihambing ni Pablo ang mga missionary sa mga tao na nagtatanim ng binhi at nagdidilig sa mga tanim. Ipaalala sa iyong grupo na ang mga Banal sa Corinto ay nagsimulang maghati-hati sa mga grupo ayon sa nagbinyag sa kanila. Naniniwala sila na ang kanilang katayuan sa Simbahan ay ayon sa kahalagahan ng taong nagbinyag sa kanila. (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 1:10–16.)

Makipagsalitan sa mga miyembro ng grupo mo sa pagbasa nang malakas ng I Mga Taga Corinto 3:4–9. Sabihin sa grupo na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Pablo tungkol sa mga missionary na nagturo at nagbinyag sa mga tao sa Corinto.

  • Ayon sa talata 5, ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa kung sino siya at si Apolos? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga ministro ay mga tagapaglingkod.)

  • Ayon sa mga talata 6–7, ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa mga missionary na nagtanim ng binhi ng ebanghelyo at sa mga missionary na tumulong sa pagpapalaki ng mga binhing iyon?

Kung kailangan, ituro ang mga katagang “walang anoman ang nagtatanim, ni ang nagdidilig” sa talata 7, at ipaliwanag na ginamit ni Pablo ang mga katagang ito para ituro na wala sa mga tungkuling ito ang mas mahalaga sa ginagawa ng Diyos.

  • Ano ang ibig sabihin ng mga katagang “ang Dios na nagpapalago” (talata 7)? (Ang Diyos, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ang nagdudulot ng mga pagbabago sa puso ng mga tao na humahantong sa pagbabalik-loob o conversion, hindi ang mga nagtuturo at nagbibinyag.)

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa I Mga Taga Corinto 3:6–7 tungkol sa ating tungkulin at sa gawain ng Diyos sa pagtulong sa iba na magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo? (Matapos sumagot ng iyong grupo, sabihin sa kanila na isulat ang sumusunod na katotohanan sa kanilang mga banal na kasulatan, sa tabi ng I Mga Taga Corinto 3:6–7: Bagama’t makatutulong tayo sa iba na matuto tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, nagbabalik-loob ang mga tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.)

Linawin na para matanggap ng mga tao ang Espiritu Santo at magbalik-loob, dapat nilang gawin ang kanilang bahagi sa pamamagitan ng pagsampalataya at pagsunod sa mga utos ng Diyos.

  • Sa palagay ninyo, paano makatutulong sa pagkakaisa ng mga Banal sa Corinto ang pag-alam sa katotohanang ito?

Itanong sa inyong grupo kung paano makatutulong sa kanila ang katotohanan na ito sa pagtugon sa sitwasyon tungkol sa dalawang returned missionary.

  • Bakit mahalaga para sa atin na maunawaan na ang Espiritu Santo, at hindi ang ating sariling kakayahan, ang nakakapagpabalik-loob?

handout

Estudyante 2

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 104

Isulat sa isang pirasong papel ang mga salitang pinagsasaligan, at ipakita ito sa iyong grupo.

  • Bakit mahalagang bahagi ng isang gusali ang pundasyon o saligan?

  • Ano ang maaaring mangyari kapag may problema sa pundasyon?

Ipabasa nang malakas sa isang miyembro ng grupo mo ang I Mga Taga Corinto 3:10, at sabihin sa nalalabing miyembro ng inyong grupo na alamin ang sinabi ni Pablo tungkol sa kanyang pagmimisyon sa mga taga-Corinto.

  • Ano ang sinabi ni Pablo na ginawa niya habang naglilingkod na misyonero sa Corinto?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niya na “iba ang nagtatayo sa ibabaw nito”?

Ipabasa nang malakas sa isa pang miyembro ng inyong grupo ang I Mga Taga Corinto 3:11, at sabihin sa nalalabing miyembro ng inyong grupo na alamin ang pundasyon o saligan na inilagay ni Pablo para sa mga Banal sa Corinto.

  • Anong pundasyon o saligan ang inilagay ni Pablo habang nagtuturo siya sa Corinto?

  • Ayon sa talata 11, sino ang dapat maging saligan ng ating buhay? (Tiyaking matutukoy ng grupo mo ang sumusunod na katotohanan: Si Jesucristo ang dapat nating saligan. Maaari mong sabihin sa iyong grupo na markahan ang katotohanang ito sa talata 11.)

  • Paano makatutulong sa atin ang pagsalig sa pundasyon ni Jesucristo upang malampasan ang mga tukso at pagsubok? (Tingnan din sa Helaman 5:12.)

  • Paano natin matitiyak na ang ating buhay ay nakasalig sa pundasyon ni Jesucristo?

Sabihin sa isang miyembro ng iyong grupo na ibahagi ang tungkol sa isang tao na kilala niya na ang buhay ay nagpapakita ng pagsalig sa pundasyon ni Jesucristo. Sabihin sa estudyanteng ito na ipaliwanag kung paano napagpala ang taong ito dahil sa pagsalig kay Jesucristo.

Sabihin sa bawat miyembro ng grupo na magtakda ng mithiin na makatutulong sa kanila na sumalig sa pundasyon ni Jesucristo.

handout

Estudyante 3

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 104

Isulat sa isang papel ang mga salitang templo, at ipakita ito sa iyong grupo. Ipaliwanag na madalas gamitin ni Pablo ang templo bilang simbolo. Tulad ng nakatala sa I Mga Taga Corinto 3:16–17, ginamit niya ang salitang templo para tukuyin ang mga kongregasyon ng Simbahan.

Ipabasa nang malakas sa isang miyembro ng iyong grupo ang I Mga Taga Corinto 3:16–17. Sabihin sa grupo na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Pablo na dapat maunawaan ng mga miyembro ng Simbahan sa Corinto. Ipaliwanag na ang ninyo (talata 16) ay tumutukoy sa mga kongregasyon ng Simbahan at na ang mga katagang “kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios” (talata 17) ay tumutukoy sa sinumang nagtatangkang sirain ang mga tao ng Diyos.

  • Ayon sa talata 16, ano ang gusto ni Pablo na maunawaan ng mga miyembro ng Simbahan tungkol sa kanilang mga kongregasyon?

Bagama’t tila tinutukoy sa I Mga Taga Corinto 3:16–17 ang lupon ng Simbahan bilang isang kongregasyon, maiaangkop din ang mga talatang ito sa ating mga pisikal na katawan.

  • Paano rin maiaangkop ang I Mga Taga Corinto 3:16–17 sa ating pisikal na katawan? Ano ang mga ibubunga ng pagsira o pagdungis sa ating katawan?

Ibuod ang I Mga Taga Corinto 3:18–23 na ipinapaliwanag sa iyong grupo na itinuro ni Pablo sa mga Banal na ang tunay na karunungan ay matatagpuan kay Jesucristo at ang karunungan ng mundo ay “kamangmangan sa Dios” (talata 19).

Pagkatapos ng sapat na oras, ipabahagi sa ilang estudyante ang natutuhan nila sa kanilang mga grupo at kung ano ang gagawin sa mga natutuhan nila.

I Mga Taga Corinto 4

Sinabi ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na huwag isipin na ang ilang tao ay mas mahusay kaysa iba

Ipaliwanag na ayon sa payo ni Pablo na nakatala sa I Mga Taga Corinto 4:1–3, tila may ilang miyembro ng Simbahan sa Corinto ang nanghusga sa kakayahan ni Pablo bilang missionary at lider ng Simbahan. Maaaring kinikuwestiyon nila ang kanyang pasiya o iniisip na may iba na mas magaling sa kanya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 4:3–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tinugon ni Pablo ang mga panghuhusga nila.

  • Paano tinugon ni Pablo ang panghuhusga nila?

  • Bakit hindi nag-aalala si Pablo tungkol sa panghuhusga ng iba?

  • Anong katotohanan mula sa talata 5 ang matututuhan natin tungkol sa kung paano tayo huhusgahan o hahatulan ng Panginoon? (Ang mga estudyante ay maaaring makapagbigay ng iba’t ibang sagot, ngunit tiyakin na natukoy nila ang katotohanan na tulad ng sumusunod: Hahatulan tayo ng Panginoon nang makatarungan dahil alam Niya ang lahat ng bagay, pati na ang mga saloobin at layunin ng ating puso.)

  • Paano makatutulong sa isang taong hinusgahan nang hindi makatwiran ang paniniwala sa katotohanang ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 4:6–7, at sabihin sa klase na alamin ang itinuro ni Pablo sa mga Banal tungkol sa kanilang pakikipag-ugnayan sa ibang miyembro ng Simbahan, kabilang ang mga lider ng Simbahan.

  • Ayon sa talata 6, ano ang sinabi ni Pablo na hindi dapat gawin ng mga Banal kapag nakakita sila ng pagkakaiba sa mga missionary at mga lider ng Simbahan? (Hindi sila dapat “magpalalo” sa pagmamataas at isipin na ang ilang tao ay mas mahusay kaysa iba.)

  • Ayon sa mga tanong ni Pablo na nakatala sa talata 7, sino ang nagbigay sa mga tao ng iba’t ibang talento at kakayahan?

  • Paano makatutulong sa atin ang payo ni Pablo kapag naisip natin ang ating mga lider at guro sa Simbahan?

Ibuod ang I Mga Taga Corinto 4:8–21 na ipinapaliwanag na sinabi ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na ang mga Apostol ni Jesucristo ay tinawag na magdusa dahil sa kasamaan ng mundo. Hinuhusgahan ng mundo na “mangmang” (talata 10) ang mga Apostol at ang iba pang lider ng simbahan dahil sa pagsisikap na sundin si Cristo.

Tapusin ang lesson na nagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

I Mga Taga Corinto 3:16–17 “Kayo’y templo ng Dios”

“Itinuro ni Pablo, ‘Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios?’ (I Mga Taga Corinto 3:16). Sa talatang ito, ginamit ni Pablo ang ninyo, isang panghalip na pangmaramihan, upang tukuyin ang mga Banal na taga-Corinto bilang templo ng Diyos. Ang ibig sabihin ni Pablo ay itinuturing ang mga kongregasyon ng Simbahan bilang mga templo kung saan makatatahan ang Espiritu ng Diyos (tingnan sa II Mga Taga Corinto 6:16; Mga Taga Efeso 2:21). Ang analohiyang ito ay kakaiba nang kaunti sa ginamit kalaunan ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 6:19, kung saan inihambing niya ang pisikal na katawan ng isang tao sa templo” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 365).

I Mga Taga Corinto 4:9–10. Kamatayan ng mga Apostol

“Nang ituro ni Pablo na ang mga Apostol ay ‘itinalaga sa kamatayan’ (I Mga Taga Corinto 4:9), nagpahiwatig siya na ang pagtawag sa kanya na maging Apostol ay hahantong sa kamatayan niya. Sinabi rin niya na marami sa Corinto ang itinuturing ang kanilang sarili na marurunong at malalakas samantalang itinuturing si Pablo at ang ibang mga Apostol na mga mangmang, mahina, at kasuklam-suklam (tingnan sa I Mga Taga Corinto 4:10). Ang dalawang dahilan na ito—ang kamatayan ng mga Apostol at ang hindi pagtanggap ng mga miyembro ng Simbahan sa awtoridad ng pagka-apostol—ay mag-aambag sa huli sa Malawakang Apostasiya” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 365).