Library
Home-Study Lesson: Mga Gawa 6–12 (Unit 18)


Home-Study Lesson

Mga Gawa 6–12 (Unit 18)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at mga alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 6–12 (unit 18) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong itinuturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Mga Gawa 6–7)

Nalaman ng mga estudyante na ang mga karapat-dapat na miyembro ng Simbahan ay tinatawag na tumulong sa mga pangangailangan ng iba. Habang pinag-aaralan ang mga salita at ang kamatayan ni Esteban, natuklasan nila ang mga sumusunod na katotohanan: Ang hindi pagsunod sa panghihikayat ng Espiritu Santo ay maaaring humantong sa hindi pagtanggap sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga propeta. Ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay tatlong magkakahiwalay at magkakaibang nilalang. Kung mananatili tayong tapat kay Jesucristo sa mga paghihirap natin, sasamahan Niya tayo.

Day 2 (Mga Gawa 8)

Sa kanilang pag-aaral ng Mga Gawa 8, natutuhan ng mga estudyante ang sumusunod na mga doktrina at mga alituntunin: Ang kaloob na Espiritu Santo ay ipinagkakaloob pagkatapos ng binyag sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga awtorisadong mayhawak ng priesthood. Ang priesthood ay ipinagkakaloob ayon sa kalooban ng Diyos at batay sa pamantayan ng pagiging karapat-dapat. Kapag sinunod natin ang mga pahiwatig na mula sa Diyos, makatatanggap tayo ng mga pagkakataon na matulungan ang iba na mapatnubayan patungo kay Jesucristo.

Day 3 (Mga Gawa 9)

Sa Mga Gawa 9, nalaman ng mga estudyante na nakikita ng Panginoon ang maaari nating kahinatnan at na nalalaman Niya ang ating potensyal para makatulong sa Kanyang gawain. Natutuhan din nila ang mga sumusunod na alituntunin: Kung pasasakop tayo sa kalooban ng Panginoon, magagawa nating magbago at maabot ang potensyal na nakikita Niya sa atin. Sa paglilingkod sa iba, matutulungan natin ang mga tao na bumaling sa Panginoon at maniwala sa Kanya.

Day 4 (Mga Gawa 10–12)

Napag-aralan ng mga estudyante ang pangitain ni Pedro tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga Gentil at nalaman na kapag nabatid natin na ang mga namumuno sa Simbahan ay pinapatnubayan ng Diyos, buong tiwala natin silang masasang-ayunan at masusunod. Nalaman din nila ang mga sumusunod na katotohanan: Kung hinahangad nating pasayahin ang ibang tao sa halip na ang Diyos, mas lalo tayong makagagawa ng kasalanan. Ang ating tapat at taimtim na mga panalangin ay nag-aanyaya ng mga himala at mga pagpapala ng Diyos sa ating buhay at sa buhay ng ibang tao.

Pambungad

Ang Diyos ay nagpahayag kay Pedro sa pamamagitan ng isang pangitain na dapat ipangaral ang ebanghelyo sa mga Gentil. Itinuro ni Pedro ang ebanghelyo kay Cornelio at sa buong pamilya niya at kalaunan ay inayos ang pagtatalo-talo ng mga Banal na Judio tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga Gentil.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Gawa 10

Ang Diyos ay nagpahayag kay Pedro sa pamamagitan ng isang pangitain na dapat ipangaral ang ebanghelyo sa mga Gentil

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay isang kaibigan ang nagtanong ng: “Narinig ko na noong 1978 na nagbago ng pananaw ang Simbahan ninyo na nagtulot sa lahat ng kalalakihan na matanggap ang priesthood anuman ang lahi nila. Kung naniniwala kayo na ang inyong Simbahan ay pinamamahalaan ng Diyos, at ang Diyos ay hindi pabagu-bago, paano nangyari iyan?”

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung paano nila sasagutin ang kaibigang ito. (Paalala: Tiyakin na nasagot ng mga estudyante ang tanong tungkol sa pagbabago sa gawain ng Simbahan sa halip na magbigay ng haka-haka sa mga posibleng dahilan ng pagkakaroon ng restriksyon sa priesthood. Gayundin, sa inyong talakayan, huwag magbigay ng haka-haka kung bakit nagkaroon ng restriksyon sa priesthood, dahil hindi naman ipinahayag ang mga kadahilanang ito [tingnan sa Opisyal na Pahayag 2].)

Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 10–11 ang mga katotohanan na makatutulong sa kanila sa pagsagot ng mga tanong tungkol sa paraan kung paano pinamumunuan, pinapatnubayan, binabago, at pinamamahalaan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan.

Ipaliwanag na hanggang sa panahong iyon sa Bagong Tipan, ang ebanghelyo ay ipinangaral, maliban sa ilang eksepsyon, sa mga Judio lamang ayon sa utos ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 10:5–6). Gayunman, nabasa natin sa Mga Gawa 10 ang tungkol sa mahalagang pagbabago sa pamamahala ng Simbahan.

Ipabuod sa mga estudyante ang nalaman nila sa kanilang pag-aaral tungkol sa isang Gentil na nagngangalang Cornelio. (Isa siyang opisyal sa hukbong Romano. Siya at ang kanyang buong pamilya ay naniniwala at mga taong may takot sa Diyos. Bilang isang Gentil, hindi siya makakasapi sa Simbahan ni Cristo nang hindi muna sumasapi sa Judaismo.)

Ibuod ang Mga Gawa 10:3–8 na ipinapaliwanag na dahil sa katapatan ni Cornelio, isang anghel ang nagpakita sa kanya at inutusan siya na magsugo ng mga tao sa Joppe upang hanapin si Pedro. Habang naglalakbay ang mga taong ito patungo sa Joppe, si Pedro ay nagkaroon ng isang kamangha-manghang pangitain habang nanunuluyan sa bahay ng isang lalaking nagngangalang Simon.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 10:9–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nakita ni Pedro sa pangitain. (Para maiba, maaari mong bigyan ang bawat estudyante ng papel para sa aktibidad na pagdodrowing. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mga Gawa 10:9–16 at ipadrowing ang nakita ni Pedro sa pangitain tulad sa pagkakalarawan sa mga talatang ito. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na gamitin ang idinrowing nila upang ipaliwanag sa isang kaklase ang nangyari sa pangitain ni Pedro.) Kasunod ng alinman sa mga aktibidad na ito, itanong:

  • Sa pangitain, ano ang iniutos na kainin ni Pedro?

  • Ayon sa talata 14, ano ang unang tugon ni Pedro sa utos na ito? (Ipaliwanag na sa ilalim ng batas ni Moises, ipinagbabawal sa mga Judio ang pagkain ng mga hayop na itinuturing na marumi o karumaldumal [tingnan sa Levitico 11].)

  • Ayon sa Mga Gawa 10:15, ano ang sinabi ng Panginoon tungkol sa karumaldumal na hayop na iniutos Niyang kainin ni Pedro?

Ibuod ang Mga Gawa 10:17–28, na ipinapaliwanag na hindi naunawaan sa una ni Pedro ang kahulugan ng kanyang pangitain. Habang pinagninilayan niya ito, nagsidating ang mga tagapaglingkod ni Cornelio at sinabi kay Pedro ang tungkol sa pangitain ni Cornelio. Nang sumunod na araw, si Pedro at ang iba pang mga disipulo ay sumama sa kanila upang makita si Cornelio. Sa kabila ng katotohanan na itinuturing ng halos lahat ng Judio na hindi tamang makihalubilo o bumisita sa isang Gentil, pumasok si Pedro sa bahay ni Cornelio.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 10:28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang dahilang ibinigay ni Pedro sa pakikihalubilo o pagbisita sa isang Gentil.

  • Anong dahilan ang ibinigay ni Pedro sa pakikihalubilo o pagbisita sa isang Gentil?

Ibuod ang Mga Gawa 10:29–33 na ipinapaliwanag na sinabi ni Cornelio kay Pedro ang tungkol sa kanyang pangitain. Tinipon din ni Cornelio ang kanyang pamilya at mga kaibigan upang maturuan sila ni Pedro.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 10:34–35. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nalaman ni Pedro.

  • Paano ninyo ibubuod ang nalaman ni Pedro? (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na bagama’t hindi pinapaboran ng Diyos ang mga tao batay sa nasyonalidad, o katayuan sa lipunan, Kanyang hahatulan ang lahat ng tao sa kanilang mga gawa at pagpapalain ang mga taong sumusunod sa Kanya. Maaari ding makatulong ang artikulong “Race and the Church: All Are Alike unto God” [mormonnewsroom.org/article/race-church].)

Ibuod ang Mga Gawa 10:36–43 na ipinapaliwanag na tinuruan ni Pedro si Cornelio at ang kanyang buong pamilya tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang mabubuting gawa, Pagpapako sa Krus, at Pagkabuhay na Mag-uli. Nagpatotoo si Pedro na ang mga yaong maniniwala kay Jesucristo ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 10:44–48. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang epekto ng mga turo ni Pedro sa mga Gentil na ito. Ipaliwanag na ang mga katagang “silang sa pagtutuli” sa talata 45 ay tumutukoy sa mga disipulong Judio na sumama kay Pedro mula sa Joppe.

  • Ayon sa mga talata 44–46, ano ang epekto ng mga turo ni Pedro sa buong pamilya ni Cornelio? (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang mga katagang “ang kaloob na Espiritu Santo” sa talata 45 ay tumutukoy sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, na ipinagkaloob sa mga Gentil na ito. Naiiba ito sa kaloob na Espiritu Santo, na natanggap natin sa pamamagitan ng ordenansa ng kumpirmasyon matapos binyagan (tingnan sa Mga Gawa 8:14–17; Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 113].)

  • Bakit namangha ang mga Judiong naroon sa pagkakataong ito?

  • Sa mga karanasan ni Pedro na nakatala sa Mga Gawa 10, ano ang inihayag sa kanya ng Panginoon tungkol sa mga Gentil?

handout iconUpang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga doktrina na matututuhan natin mula sa Mga Gawa 10, hatiin sila sa mga grupo na may tigdadalawa o tigtatatlong katao. Bigyan ang bawat grupo ng isang kopya ng sumusunod na handout, o isulat sa pisara ang mga tanong na ito. Sabihin sa mga estudyante na pag-usapan nila sa kani-kanilang grupo ang sagot sa mga tanong.

handout

Mga Gawa 10

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Home-Study Lesson (Unit 18)

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa tala tungkol kina Pedro at Cornelio tungkol sa paraan ng pamamahala ng Panginoon sa Kanyang Simbahan? (Alalahanin na si Pedro ang Pangulo ng Simbahan.)

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa katotohanang paunti-unting ipinahayag ng Panginoon ang katotohanan kay Pedro sa halip na biglaan o minsanan lang?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa tala na ito tungkol sa maaaring gawin ng Panginoon sa mga tagubiling ibinigay Niya sa nakaraan?

Pagkatapos ng sapat na oras, palapitin ang ilang estudyante sa pisara upang isulat ang mga katotohanang natukoy ng kanilang grupo. Tiyakin na ang mga sumusunod na katotohanan ay makikita sa kanilang isinulat:

Pinamamahalaan ng Diyos ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang propeta, ang senior na Apostol.

Maaari tayong tumanggap ng paghahayag at kaalaman nang paunti-unti kapag sinusunod natin ang Panginoon.

Maaaring baguhin o dagdagan ng Diyos ang mga tagubiling ibinigay Niya sa nakaraan, ayon sa Kanyang karunungan at mga pangangailangan ng Kanyang mga anak.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano itinuro ang pangatlong katotohanang natukoy nila sa pahayag ni Elder Christofferson:

Elder D. Todd Christofferson

“Sa karanasang ito at paghahayag kay Pedro, binago ng Panginoon ang kaugalian sa Simbahan at higit na ipinaunawa ang doktrina sa Kanyang mga disipulo. Kaya nga ang pangangaral ng ebanghelyo ay lumaganap sa buong sangkatauhan” (“Ang Doktrina ni Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 88).

Bigyan ng oras ang mga estudyante na rebyuhin ang tungkol sa isinulat nila na sagot sa tanong ng kanilang kaibigan tungkol sa pagbabago ng kaugalian sa Simbahan. Hikayatin sila na isulat ang mga karagdagang ideya na natutuhan nila sa pag-aaral ng Mga Gawa 10, at hayaan silang ibahagi ang mga ideyang ito sa klase.

Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na bagama’t maaaring baguhin ng Diyos ang mga kaugalian ng Simbahan at ipaunawa pa sa atin ang doktrina sa pamamagitan ng patuloy na paghahayag (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9), ang Kanyang kabanalan, mga katangian, mga tipan, mga doktrina, at plano ay hindi kailanman nagbabago. Ang malaman ito ay makatutulong sa atin na manampalataya sa Diyos at magtiwala na Kanyang pamumunuan ang Kanyang Simbahan ayon sa Kanyang kalooban at mga pangangailangan ng Kanyang mga anak.

Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyante na magpatotoo sa mga katotohanang natutuhan nila.

Susunod na Unit (Mga Gawa 13–19)

Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong at pag-isipan ang mga ito sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 13–19: Ano ang ginawa ni Pablo kay Elimas ang manggagaway? Sa palagay ninyo, ano kaya ang gagawin ninyo kung naniniwala ang iba na kayo ay diyos? Bakit itinuring na mga diyos sina Pablo at Bernabe? Paano sila tumugon? Ano ang pinagtatalunan ng mga miyembro ng Simbahan hinggil sa pagtutuli, at bakit kinailangang pagpasiyahan ito ng mga Apostol? Ano ang kanilang pasiya? Noong dumalaw si Pablo sa Atenas, nangaral siya mula sa Areopago o Burol ni Marte (Mars’ Hill) tungkol sa di-kilalang diyos. Ano ang itinuro niya sa mga tao?