Library
Lesson 91: Mga Gawa 13–14


Lesson 91

Mga Gawa 13–14

Pambungad

Si Pablo (na dating tinatawag na Saulo) ay sinimulan ang kanyang unang pangmisyonerong paglalakbay kasama si Bernabe. Sila ay nangaral ng ebanghelyo at nagtatag ng mga sangay o branch kahit patuloy ang pang-uusig sa Simbahan. Nang hindi tanggapin ng mga Judio ang salita ng Diyos, nagtuon sina Pablo at Bernabe sa pangangaral sa mga Gentil.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Gawa 13:1–13

Sinimulan nina Pablo at Bernabe ang isang pangmisyonerong paglalakbay at pinagsabihan ang isang bulaang propeta

Bago magsimula ang klase, maghanda ng isang karatula na may nakasulat na “Walang oposisyon” at ng isa pang karatula na may nakasulat na “Palaging may oposisyon.” Ilagay ang mga ito sa magkabilang dingding ng silid-aralan.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na ang puwang sa pagitan ng mga karatula ay isang scale na kumakatawan sa antas o level ng oposisyon na hinaharap natin habang sinisikap nating ipamuhay ang ebanghelyo. Anyayahan ang mga estudyante na tumayo sa lugar sa pagitan ng mga karatula na sa palagay nila ay nagpapakita ng level ng oposisyon na naranasan ni Moises. Sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag kung bakit nila pinili ang lugar na iyon. Ulitin ang aktibidad na ito sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na tumayo saanman sa scale ng oposisyon na ito para kay Joseph Smith at pagkatapos ay para kay Nephi. Sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag kung bakit nila pinili ang lugar na iyon. Sabihin sa mga estudyante na bumalik na sa kanilang upuan.

Sabihin na makararanas ang bawat disipulo ni Jesucristo ng oposisyon sa iba’t ibang panahon sa kanyang buhay. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung saan nila ilalagay ang kanilang sarili sa scale ng oposisyon habang sinisikap nilang ipamuhay ang ebanghelyo. Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang mga alituntunin sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 13–14 na makatutulong sa kanila kapag nakaranas sila ng oposisyon sa kanilang pagsisikap na mamuhay nang mabuti at matwid.

Ibuod ang Mga Gawa 13:1–6 na ipinapaliwanag na habang ang ilang propeta at guro ay nagtipon sa Antioquia sa Siria, nakatanggap sila ng tagubilin mula sa Espiritu Santo na sina Saulo (kalaunan ay makikilala bilang Pablo) at Bernabe ay dapat tawagin para mangaral ng ebanghelyo nang magkasama. Matapos silang maitalaga, naglakbay sina Saulo at Bernabe mula sa Antioquia papunta sa pulo ng Chipre at nangaral sa isang sinagoga sa lungsod ng Salamina. Mula roon ay naglakbay sila sa kabilang panig ng pulo papunta sa lungsod ng Pafos. (Maaari mong ipahanap sa mga estudyante ang Antioquia at Chipre sa Mga Mapa sa Biblia, blg. 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 13:6–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nangyari nang dumating sina Saulo at Bernabe sa Pafos.

  • Ayon sa talata 7, sino ang nagnais na mapakinggan ang ebanghelyo mula kina Saulo at Bernabe? (Si Sergio Paulo, na Romanong proconsul ng bansa.)

  • Anong oposisyon ang nakaharap ng mga misyonero sa pagtuturo ng ebanghelyo kay Sergio Paulo?

Ipaliwanag na simula sa Mga Gawa 13:9, si Saulo ay tinukoy bilang Pablo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 13:9–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano hinarap ni Pablo ang oposisyon mula sa bulaang propeta na si Elimas.

  • Ano ang sinabi ni Pablo tungkol kay Elimas sa talata 10? (Ipaliwanag na gumamit ng masasakit na salita si Pablo dahil tinatangka ni Elimas na hadlangan ang ibang tao na matanggap ang kaligtasan.)

  • Ayon sa talata 11, ano ang ginawa ni Pablo sa bulaang propeta sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos?

  • Ayon sa talata 12, paano nakaimpluwensya sa proconsul ang nasaksihan niyang kapangyarihan ng Diyos?

  • Ano ang matututuhan natin sa talang ito tungkol sa kapangyarihan ng Diyos kung ikukumpara sa kapangyarihan ng diyablo? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang kapangyarihan ng Diyos ay napakalakas kaysa sa kapangyarihan ng diyablo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Mga Gawa 13:9–12.)

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung paano makatutulong sa pagharap natin sa mga oposisyon sa ating buhay ang pagkaunawang napakalakas ng kapangyarihan ng Diyos kaysa sa kapangyarihan ng diyablo. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang naisip nila.

Mga Gawa 13:14–43

Muling inilahad ni Pablo ang kasaysayan ng mga Israelita at pinatotohanan na naparito si Jesucristo bilang katuparan ng mga pangako ng Diyos

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakamali na nagawa nila noon na kung mababalikan lang sana nila ay hindi nila gagawin. Ipaliwanag na kung minsan ay nakakaranas tayo ng oposisyon dahil pinili natin mismo ang masama. Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang isang alituntunin sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 13:14–43 na makatutulong sa kanila na mapaglabanan ang oposisyong ito.

Ibuod ang Mga Gawa 13:14–37 na ipinapaliwanag na nilisan nina Pablo at Bernabe ang Chipre at naglayag patungong Pamfilia (sa Turkey sa panahong ito), pagkatapos ay nagpasiya ang isa sa kanilang kasama, si Juan Marcos, na iwan sila para umuwi. Ipinagpatuloy nina Pablo at Bernabe ang pagpunta sa Antioquia sa Pisidia (hindi ito ang Antioquia sa Siria, kung saan nila sinimulan ang kanilang misyon). Sa araw ng Sabbath doon, tumayo si Pablo sa harapan ng mga tao at muling isinalaysay ang mga pangyayari mula sa kasaysayan ng mga Israelita. Pagkatapos ay pinatotohanan ni Pablo na si Jesucristo ang ipinangakong Tagapagligtas ng Israel.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mga Gawa 13:26–34, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol kay Jesucristo.

  • Ano ang nais na ipaunawa ni Pablo sa mga yaong nasa sinagoga tungkol kay Jesucristo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 13:38–39. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung anong mga pagpapala ang sinabi ni Pablo na matatanggap natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

  • Anong mga pagpapala ang matatanggap natin dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala? (Gamit ang mga salita ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Tayo ay mapapatawad at aariing ganap o mabibigyang-katwiran sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.)

Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga salitang inaaring ganap at aariing ganap, na ginamit sa talata 39, ay “mapatawad mula sa kaparusahan sa kasalanan at maipahayag na walang sala” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbibigay-katwiran, Pangatwiranan,” scriptures.lds.org). Kapag ang isang tao ay inaring ganap o binigyang-katwiran sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang kanyang kaugnayan sa Diyos ay muling naitatama.

  • Paano tayo nabibigyang-katwiran mula sa ating mga kasalanan dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang doktrinang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder D. Todd Christofferson

“Nagdusa si Jesus at inialay ang Kanyang buhay upang magbayad-sala. Mabubura ng bisa ng Kanyang Pagbabayad-sala ang mga epekto ng kasalanan. Kapag nagsisi tayo, binibigyang-katwiran at nililinis tayo ng biyaya ng Kanyang pagbabayad-sala (tingnan sa 3 Nephi 27:16–20). Parang di tayo nagkasala, parang di tayo nagpatukso” (“Upang Sila ay Maging Isa sa Atin,” Ensign o Liahona, Nob. 2002, 71).

  • Ano ang kailangan nating gawin upang mapatawad sa ating mga kasalanan at mabigyang-katwiran sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

  • Sino ang ilang tao mula sa mga banal na kasulatan na napatawad sa kanilang mga kasalanan at nabigyang-katwiran sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Ilan sa mga halimbawa ay sina Pablo, Nakababatang Alma, at Enos.)

Ipaawit sa mga estudyante ang unang dalawang talata ng “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115). Hikayatin sila na damhin sa kanilang pagkanta kung paano ipinahayag ng may-akda ng himno ang kanyang pasasalamat para sa Pagbabayad-sala at pagpapatawad ng Tagapagligtas.

Ipasagot sa mga estudyante ang sumusunod na tanong sa kanilang notebook o scripture study journal o sa isang papel.

  • Ano ang naramdaman ninyo kay Jesucristo nang isipin ninyo kung paano ginawang posible ng Kanyang Pagbabayad-sala na mapatawad kayo sa inyong mga kasalanan?

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang isinulat. Hikayatin ang mga estudyante na sundin ang anumang pahiwatig na maaaring matanggap nila mula sa Espiritu Santo na makatutulong sa kanila na mapatawad at mabigyang-katwiran sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ibuod ang Mga Gawa 13:40–43 na ipinapaliwanag na kasunod ng pangangaral ni Pablo, maraming Gentil ang humiling kay Pablo na magturo siyang muli sa susunod na Sabbath.

Mga Gawa 13:44–52

Buong tapang na nangaral sina Pablo at Bernabe sa kabila ng tumitinding pang-uusig

Ipaliwanag na noong sumunod na araw ng Sabbath, halos lahat sa buong lungsod ay dumating upang pakinggan sina Pablo at Bernabe na itinuturo ang salita ng Diyos (tingnan sa Mga Gawa 13:44).

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin sa kanila na basahin ang Mga Gawa 13:44–52. Ipahanap sa isang estudyante sa bawat magkakapartner ang inasal at ikinilos ng mga Judio, at ipahanap naman sa isa pang estudyante ang inasal at ikinilos ng mga Gentil habang nakatipon ang mga tao upang makinig kina Pablo at Bernabe. Ipabasa rin sa mga estudyante ang Joseph Smith Translation ng Acts 13:48, na pinalitan ang huling pahayag ng “at kasing dami ng naniwala ay inorden sa buhay na walang hanggan.” Kapag nabasa na ito ng mga estudyante, sabihin sa magkakapartner na ihambing at ikumpara ang ikinilos at inasal ng mga Judio sa ikinilos at inasal ng mga Gentil.

  • Anong mga pagpapala ang dumating sa mga taong handang makinig kay Pablo at sa kanyang mga kasama?

Mga Gawa 14

Nagsagawa ng mga himala sina Pablo at Bernabe habang ipinangangaral nila ang ebanghelyo sa kabila ng patuloy na pang-uusig

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Bakit hinahayaan ng Panginoon na makaranas ng matitinding pagsubok ang mabubuting tao?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang alituntunin sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 14 na makatutulong sa kanila na maunawaan ang isang paraan para masagot ang tanong na ito.

Ipaliwanag na inilarawan sa Mga Gawa 14:1–21 ang ilan sa mga paghihirap na tiniis nina Pablo at Bernabe habang patuloy silang nangangaral. Ipabasa nang malakas sa ilang estudyante ang mga sumusunod na talata, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga paghihirap na dinanas ng mga misyonero.

  1. Mga Gawa 14:1–2 (Inudyukan ng mga Judiong hindi naniniwala ang mga Gentil na magalit kina Pablo at Bernabe.)

  2. Mga Gawa 14:8–18 (Matapos pagalingin ni Pablo ang isang lalaking pilay, inisip ng mga tao sa Listra na sina Pablo at Bernabe ay mga diyos ng mga Griyego at nagtangkang maghain ng sakripisyo sa kanila.)

  3. Mga Gawa 14:19–20 (Pinagbabato si Pablo ngunit hindi napatay.).

  • Anong mga paghihirap ang kailangang tiisin nina Pablo at Bernabe?

  • Ano ang maiisip ninyo kung kasama kayo nina Pablo at Bernabe sa pagdanas ng mga pagsubok na ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 14:22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa paghihirap.

  • Anong alituntunin ang itinuro ni Pablo sa talatang ito? (Maaaring iba’t iba ang isagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag nakapagtiis tayo nang tapat sa mga pagsubok, magiging handa tayong makapasok sa kahariang selestiyal.)

  • Sa inyong palagay, sa paanong paraan tayo maihahanda ng pagtitiis nang tapat sa mga pagsubok para sa kahariang selestiyal?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagpapalang dumating sa kanila o sa mga taong kilala nila na nakapagtiis nang tapat sa mga pagsubok. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang karanasan nila. Paalalahanan ang mga estudyante na hindi sila dapat magbahagi ng mga karanasan na masyadong sagrado o personal. Maaari kang magbahagi ng iyong sariling mga karanasan na lalo pang magpapakita ng alituntuning ito at magpapatunay sa katotohanan nito.

Hikayatin ang mga estudyante na pagnilayan ang mga katotohanang natukoy nila mula sa Mga Gawa 13 at 14 at pumili ng isa na lubos na makatutulong sa kanila sa mga panahong nahaharap sila sa mga pagsubok. Magbigay ng isang maliit na note card o isang papel para sa bawat estudyante, at sabihin sa mga estudyante na isulat sa card ang alituntuning napili nila. Hikayatin ang mga estudyante na ipaskil ito sa lugar na makikita nila ito nang madalas (sa salamin, sa locker sa kanilang paaralan, at sa iba pa) para mabigyan sila ng lakas at tapang kapag naharap sila sa mga pagsubok.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Gawa 13:9. Si Saulo ay nakilala bilang Pablo

“[Si Apostol Pablo] ay nakilala mula sa kanyang pagkabata bilang Saul [Saulo]; Ang kanyang pangalang Latin na Paul [Pablo] ay unang nabanggit sa simula ng kanyang ministeryo sa mga gentil (Mga Gawa 13:9)” (Bible Dictionary, “Paul”).

Mga Gawa 13:51. “Ipinagpag nila ang alabok ng kanilang mga paa”

Ganito ang paliwanag ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa pagpagpag ng alabok sa mga paa ng isang tao:

“Ang pagpapagpag ng alabok sa mga paa bilang patotoo laban sa isang tao ay naunawaan ng mga Judio na sumasagisag sa pagwawakas ng pakikipagkapatiran at pag-alis ng lahat ng responsibilidad dahil sa mga ibubunga na maaaring kasunod nito. Ito ay naging ordenansa na nagpaparatang at patotoo ng mga tagubilin ng Panginoon sa Kanyang mga apostol na binanggit sa [Mateo 10:14]. Sa kasalukuyang dispensasyon, iniutos din ng Panginoon sa Kanyang mga awtorisadong lingkod na magpatotoo laban sa mga taong kumakalaban nang hayagan at may masamang intensyon sa katotohanan na inihayag nang may awtoridad” (Jesus the Christ, ika-3 ed. [1916], 345; tingnan din sa D at T 24:15; 75:18–22; 84:92–96). Gayunman, dahil sa matinding ibubunga nito, ang pagpapagpag ng alabok sa mga paa ay hindi dapat gawin maliban kung iniutos ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol.

Mga Gawa 14:22. “Sa pamamagitan ng maraming kapighatian”

Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa kapighatian:

“May kahulugan at layunin ang mga hamon natin sa mundo. … Bawat isa sa atin ay dapat makaranas nang gayon upang maging mas tulad ng ating ating Tagapagligtas. Sa buhay, madalas nagsisilbing guro ang sakit at paghihirap, ngunit layunin ng mga leksyong ito na magdalisay at magbasbas at magpalakas sa atin, hindi upang wasakin tayo” (“Ang Pananampalataya sa Pamamagitan ng Kapighatian ay Naghahatid ng Kapayapaan at Kagalakan, ” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 17).

Ipinaliwanag ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga layunin ng paghihirap sa mortal na buhay:

“Maraming uri ng hamon. Ang ilan ay kailangan nating maranasan. Ang masasamang karanasan sa buhay na ito ay hindi katibayan ng kawalan ng pananampalataya o depekto sa kabuuang plano ng ating Ama sa Langit. Ang apoy ng maglalantay ay tunay, at ang uri ng pagkatao at kabutihang nahuhubog sa pagdanas natin ng hirap ang nagpapasakdal at nagpapadalisay at naghahanda sa atin sa pagharap sa Diyos” (“Mga Tahimik Nilang Himig,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 106).