Library
Lesson 118: Mga Taga Galacia 1–4


Lesson 118

Mga Taga Galacia 1–4

Pambungad

Pinagsabihan ni Apostol Pablo ang mga Banal sa Galacia dahil sa pagsunod sa mga maling turo at tinuruan sila na maaari silang maging tagapagmana ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsunod kay Jesucristo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Taga Galacia 1–2

Pinagsabihan ni Pablo ang mga Banal dahil sa pagsunod sa mga huwad na guro at hinikayat silang magbalik-loob sa ebanghelyo

Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na sinabi ng isa sa kanilang mga kapatid o kaibigan na hindi na siya sigurado kung ang mga turo ng Simbahan ay totoo. Bunga nito, ang taong ito ay tumigil na sa pagsisimba at hindi na ipinamumuhay ang ebanghelyo. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang class notebook o scripture study journal kung ano ang sasabihin nila sa kapatid o kaibigan na ito upang matulungan siya na malaman na ang mga turo ng Simbahan ay totoo.

Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang isang katotohanan na makatutulong sa kanila na malaman kung papaano makikilala ang mga totoong turo habang pinag-aaralan nila ang Mga Taga Galacia 1.

Ipaliwanag na ang Galacia ay isang rehiyon sa gitnang hilagang Asia Minor na sinasakop ang mga bayan na binisita ni Pablo sa kanyang pangalawa at pangatlong pangmisyonerong paglalakbay (tignan sa Mga Gawa 16:6; 18:23). (Maaari mong ipahanap sa mga estudyante ang Galacia sa Mga Mapa sa Biblia, blg. 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero.”) Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 1:6–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang problema na mayroon sa mga Banal sa Galacia.

  • Bakit maraming mga Banal sa Galacia ang tumatalikod mula sa totoong ebanghelyo?

Ipaliwanag na ang mga nagsisiligalig o nanggugulo sa mga taga-Galacia at nagpapasama sa mga turo ng ebanghelyo ay nagdulot ng pagdududa tungkol sa mga turo ni Pablo na ang kaligtasan ay nagmumula lamang kay Jesucristo. Ang mga huwad na guro na ito ay mga Kristiyanong Judio na nagsasabing kailangang tuliin ang mga Banal sa Galacia (tignan sa Bible Dictionary ng LDS English version ng Biblia, “Circumcision”) at sundin ang mga ritwal ng batas ni Moises upang maligtas.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 1:8–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Pablo tungkol sa mga nagtuturo ng ebanghelyo na taliwas sa itinuro niya bilang isang Apostol ng Panginoon. Ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang nalaman.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 1:10–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang pinagmulan ng mga turo ni Pablo.

  • Ayon sa talata 2, sino ang pinagmulan ng mga turo ni Pablo?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin sa mga salita ni Pablo sa mga talata 10–12 tungkol sa totoong doktrina? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ipinahahayag ni Jesucristo ang mga totoong doktrina sa Kanyang mga propeta.)

  • Paano makatutulong sa atin ang pag-alaala sa katotohanang ito kapag may mga katanungan tayo tungkol sa mga turo ng mga propeta?

Ipaliwanag na dahil ipinahahayag ni Jesucristo ang totoong doktrina sa Kanyang mga propeta, maaari din Niyang ipahayag sa atin ang katotohanan ng mga turo ng mga propeta.

  • Ano ang maaari nating gawin upang makatanggap ng paghahayag mula sa Panginoon upang malaman natin sa ating mga sarili kung ang mga turo ng mga propeta ay totoo?

Ipaalala sa mga estudyante ang sitwasyon na binanggit mo sa simula ng lesson. Anyayahan ang ilang mga estudyante na ipaliwanag sa klase kung paano nila gagamitin ang katotohanang katutukoy lamang nila tungkol sa paghahayag upang tumugon sa tao na may pagdududa sa mga turo ng Simbahan.

Magpatotoo na maaari nating makilala ang totoong doktrina habang pinag-aaralan natin ang mga turo ng mga propeta at nagnanais ng paghahayag mula sa Diyos.

Ibuod ang Mga Taga Galacia 1:13–2:21 na ipinapaliwanag na isinalaysay ni Pablo ang kanyang pagbabalik-loob at ang kayang mga naunang paglalakbay bilang misyonero. Ipinaliwanag din niya na ang kaligtasan ay hindi matatagpuan sa batas ni Moises, ngunit tayo ay napapatawad, o nabibigyang-katwiran, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo.

Mga Taga Galacia 3–4

Inanyayahan ni Pablo ang mga taga-Galacia na magtamo ng lahat ng mga pagpapala na ipinangako kay Abraham sa pamamagitan ni Jesucristo

Basahin nang malakas ang mga sumusunod na sitwasyon. Matapos basahin ang bawat isa, sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung bakit ang tauhan sa sitwasyon ay maaaring makadama na mas mahirap sa kanila na matanggap ang lahat ng mga pagpapala ng Panginoon kumpara sa iba na nasa Simbahan na naging matapat sa ebanghelyo simula pa sa pagkabata.

  1. Isang binatilyo ang lumaki sa isang pamilya na di-gaanong aktibo at hindi naturuan ng ebanghelyo noong bata pa siya. Nagiging aktibo nang muli ang kanyang pamilya sa Simbahan at nagsisimula nang matutuhan at ipamuhay ang ebanghelyo.

  2. Pinupuna ng isang babae ang Simbahan sa loob ng maraming taon. Nakaranas siya kamakailan ng pagbabago ng puso at nabinyagan.

Ipahanap sa mga estudyante ang katotohanan sa Mga Taga Galacia 3–4 na maaaring makatulong sa atin na maunawaan kung anong mga pagpapala ang maaaring matanggap ng lahat, anupaman ang kanilang kalagayan at nagawa noon.

Ipaliwanag na maraming Banal sa Galacia ay mga Gentil na nabinyagan sa Kristiyanismo at hindi mga literal na inapo ni Abraham, na pinangakuan ng lahat ng mga pagpapala ng Diyos. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 3:7–9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga “sa pananampalataya” (talata 7), o sa mga naniniwala, kay Jesucristo.

  • Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga naniniwala kay Jesucristo?

  • Ayon sa talata 8, ano ang ipinangako ng Panginoon kay Abraham?

  • Ayon sa talata 9, ano ang mangyayari sa mga may pananampalataya kay Jesucristo?

Ipaliwanag na ang maging “pinagpala kay Abraham na may pananampalataya” ay ang mapagpala rin ng tipan na ginawa ng Diyos kay Abraham na sa pamamagitan niya ang lahat ng tao ay maaaring magtamasa ng mga pagpapala ng ebanghelyo (tingnan sa Abraham 2:11).

Ibuod ang Mga Taga Galacia 3:10–25 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pablo na ang layunin ng batas ni Moises ay ang tulungan ang mga Israelita na lumapit kay Jesucristo at mabigyang-katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 3:26–27. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang mga pagpapala na ipinangako kay Abraham.

  • Ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang mga pagpapala na ipinangako kay Abraham?

Isulat ang sumusunod na di-kumpletong pahayag sa pisara: Ang lahat ng sumasampalataya kay Jesucristo at pumapasok sa tipan ng ebanghelyo ay magiging …

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 3:28–29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang mga salita o kataga na maaari nilang gamitin para mabuo ang di-kumpletong alituntunin sa pisara.

  • Ayon sa talata 28, ano ang nangyayari sa magkakaibang mga indibidwal kapag pumasok sila sa tipan ng ebanghelyo?

  • Ayon sa talata 29, ano rin ang nangyayari sa mga napabilang sa mga binhi ni Abraham sa pamamagitan ni Jesucristo?

Ipaliwanag na ang isang tagapagmana ay isang tao na binigyang-karapatan ng batas na tumanggap ng lupain, o mga ari-arian, ng ibang tao.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Galacia 4:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa na inaalam kung kanino tayo magiging mga tagapagmana.

  • Kanino tayo magiging mga tagapagmana? (Gamit ang mga salita ng mga estudyante, kumpletuhin ang alituntunin sa pisara sa paraang maipahahayag ang sumusunod na katotohanan: Ang lahat ng sumasampalataya kay Jesucristo at pumapasok sa tipan ng ebanghelyo ay magiging isa kay Cristo at mga tagapagmana ng Diyos.)

  • Bakit mahalagang malaman na ipinapangako ng Diyos ang mga pagpapalang ito sa lahat ng pumapasok sa tipan, anuman ang kanyang kalagayan?

Magpatotoo na ang mga pangako ng Ama sa Langit ay para sa lahat ng mga pumasok sa tipan ng ebanghelyo. Hikayatin ang mga estudyante na maging matapat sa pagtupad ng mga tipan na ginawa nila.

Ibuod ang Mga Taga Galacia 4:8–31 na ipinapaliwanag na inanyayahan ni Pablo ang mga Banal sa Galacia na magbalik kay Cristo at takasan ang pagkaalipin na nagmumula sa pagsunod sa batas ni Moises.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Taga Galacia 1:8–10. “Isang anghel na mula sa langit”

Ang mga turo ni Pablo na nakatala sa Mga Taga Galacia 1:8–10 ay ginagamit nang mali kung minsan sa pagtatalu-talo tungkol sa mga pangitain sa mga anghel at pangangaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Gayunman, hindi itinuro ni Pablo na huwag paniwalaan ang lahat ng mga pagpapakita ng mga anghel, dahil ipinapakita sa mga banal na kasulatan na talagang magpapakita ang mga anghel sa mga huling araw upang muling ipangaral ang ebanghelyo (tingnan sa Apocalipsis 14:6). Sa halip, itinuro ni Pablo na kung darating ang isang anghel upang ilihis ang mga tao mula sa totoong ebanghelyo, kung gayon ang anghel na ito ay hindi dapat paniwalaan (tingnan din sa Alma 30:53). Ang totoong ebanghelyo ngayon, tulad sa panahon ni Pablo, ay ibinibigay ng mga awtorisadong mga propeta at apostol (tingnan sa Mga Taga Efeso 2:19–20;4:11–14) at nakasalig sa “biyaya ni Cristo” (Mga Taga Galacia 1:6; tingnan din sa 2 Nephi 2:8; 10:24).

Mga Taga Galacia 2:11–16. Paninita ni Pablo kay Pedro

Para sa karagdagang imporasyon tungkol sa di-pagkakaunawaan nina Pablo at Pedro habang bumibisita si Pedro sa mga Banal sa Antioquia, tingnan sa New Testament Student Manual (Church Educational System manual, 2014), 413.

Mga Taga Galacia 3:10–14. “Sumpa ng kautusan”

Gaya ng nakatala sa Mga Taga Galacia 3:10, itinuro ni Pablo na ang mga yaong naghahangad na mabigyang-katwiran sa pamamagitan ng batas ni Moises ay obligadong sundin ang lahat ng nasa batas na ito. “Sinusumpa ang bawa’t hindi nananatili sa lahat ng mga bagay na nasusulat sa aklat ng kautusan, upang gawin nila,” wika ni Pablo. Dahil sa imposibleng gawaing ito, ang lahat ng humihiling na mabigyang-katwiran sa pamamagitan ng batas ay napapasailalim din sa “sumpa ng kautusan” (Mga Taga Galacia 3:13). Ipinaliwanag pa ni Pablo na si Jesucristo ay nagdusa para sa “sumpa ng kautusan” sa pamamagitan ng pagiging “sumpa sa ganang atin” sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala (Mga Taga Galacia 3:13). Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang lahat ay maaaring makatanggap ng mga pagpapala ni Abraham sa pamamagitan ng paggawa nang may pananampalataya kay Jesucristo at pagpasok sa tipan ng ebanghelyo.

Mga Taga Galacia 3:24. “Ang kautusan ay siyang naging tagapagturo natin”

Ipinaliwanag ni Elder Paul V. Johnson ng Pitumpu na maraming tao sa panahon ng Bagong Tipan ang may maling pag-unawa sa layunin ng batas ni Moises:

“Maraming Judio, at maging mga Judiong Kristiyano, … ay hindi nakita ang layunin at ang nararapat na posisyon ng batas. Ang dahillan nito ay ang di-awtorisadong pagdaragdag ng mga hinihiling at tradisyon na nakapalibot sa batas na nagpalabo sa tunay na layunin nito. Ang mga karagdagan at tradisyong ito ay hindi na ang ‘tagapagturo … upang ihatid tayo kay Cristo’ (Mga Taga Galacia 3:24), ‘itinuturo ang [ating] mga kaluluwa sa kanya’ (Jacob 4:5), ngunit naging mabigat at labis na ang mga hinihingi kaya maraming Judio ang tumingin na nang ‘lampas sa tanda’ (Jacob 4:14), at inilagay ang binagong batas na kahalili ng mismong Tagatakda ng mga Kautusan” (“Responding Appropriately to Change” [address to Church Educational System religious educators, Peb. 8, 2013], 1, si.lds.org).

Mga Taga Galacia 3:28. “Kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus”

Kung minsan ay nag-aalinlangan ang mga tao na mabinyagan o makibahagi nang lubusan sa Simbahan dahil nag-aalala sila na kailangan nilang kalimutan ang kanilang kultura o dahil pakiramdam nila ay hindi sila nababagay rito. Itinuro ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan na ang mga miyembro ng Simbahan ay maaaring maging kapwa magkakaiba at nagkakaisa:

“Hindi nawawala ang ating pagkakakilanlan sa pagiging miyembro natin ng simbahang ito. Tayo ay nagiging mga tagapagmana sa kaharian ng Diyos, dahil sa pagsapi sa katawan ni Cristo at espirituwal na isinantabi ang ilan sa ating mga personal na pagkakaiba upang makiisa sa mas dakilang espirituwal na layunin. Sinasabi namin sa lahat ng sumapi sa Simbahan, panatilihin ang lahat ng marangal, mabuti, at nakapagpapabuti sa inyong kultura at personal na pagkakakilanlan. Gayunman, sa ilalim ng awtoridad at kapangyarihan ng mga susi ng pagkasaserdote, ang lahat ng pagkakaiba ay naisasantabi habang hinahangad nating maging mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos” (“Heirs to the Kingdom of God,” Ensign, Mayo 1995, 62).