Library
Lesson 67: Juan 8:1–30


Lesson 67

Juan 8:1–30

Pambungad

Habang nasa Jerusalem ang Tagapagligtas para sa Kapistahan ng mga Tabernakulo, dinala sa Kanya ng ilang mga eskriba at mga Fariseo ang isang babaeng nagkasala ng pakikiapid o pangangalunya, at itinanong nila kung siya ba ay dapat batuhin. Pinagsabihan Niya ang mga nagparatang at kinaawaan Niya ang babae. Itinuro rin ni Jesus na nagpapatotoo ang Ama sa Kanya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Juan 8:1–11

Ang babaeng nahuli sa pangangalunya ay dinala sa Tagapagligtas

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang isang pagkakataon na may nakahalubilo o nakasama silang mga tao na ang hitsura o asal ay hindi naaayon sa mga pamantayan ng Panginoon.

  • Anong mga hamon ang maaari nating harapin kung may makasama tayong mga tao na ang hitsura o asal ay hindi naaayon sa mga pamantayan ng Panginoon? (Maaaring sumagot ang mga estudyante na baka matukso silang husgahan nang di-maganda ang ganoong mga tao o pakitunguhan nila nang di-maayos.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong:

Ano ang dapat nating gawin sa mga pagkakataon na may nakasama tayong mga tao na ang hitsura o asal ay hindi naaayon sa mga pamantayan ng Panginoon?

Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang mga katotohanan habang pinag-aaralan nila ang Juan 8:1–11 na makatutulong sa kanila na masagot ang tanong na ito.

Ipaliwanag na pagkatapos ng Kapistahan ng mga Tabernakulo, nanatili sandali si Jesucristo sa Jerusalem at nagturo sa mga tao sa templo (tingnan sa Juan 8:1–2.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:3–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nangyari habang tinuturuan ni Jesus ang mga tao.

  • Ano ang nangyari habang tinuturuan ni Jesus ang mga tao?

  • Ano ang itinanong ng mga eskriba at mga Fariseo sa Tagapagligtas?

  • Ayon sa talata 6, ano ang intensyon ng mga eskriba at mga Fariseo? (Hangad nilang siraan si Jesus sa harap ng mga tao at magkaroon ng dahilan na maakusahan Siya upang dakpin at patayin Siya [tingnan sa Juan 7:1, 32].)

Ipaliwanag na kung sinabi ni Jesus na batuhin ang babae, pumapayag Siya sa isang parusa na ayaw ng mga Judio at ipinagbabawal ng batas ng mga Romano. Kung sinabi ni Jesus na huwag batuhin ang babae, maaakusahan Siya ng pagbabale-wala sa batas ni Moises o hindi paggalang sa mga nakaugalian noon. (Tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:450–51.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano sumagot ang Tagapagligtas.

  • Ayon sa talata 7, ano ang isinagot ni Jesus sa kanila?

  • Ano sa palagay ninyo ang nais ng Tagapagligtas na maunawaan ng mga taong ito nang sabihin Niyang, “Ang walang kasalanan sa inyo, ay siyang unang bumato sa kaniya”? (talata 7).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:9. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nangyari nang isaalang-alang ng mga Fariseo at mga eskriba ang ipinahayag ng Tagapagligtas.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mga katagang “[binagabag ng kanilang sariling budhi]”?

  • Ano ang inamin ng mga lalaking ito nang magpasiya sila na umalis?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin sa talang ito tungkol sa pag-iwas na husgahan ang iba? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang alituntuning tulad ng sumusunod: Ang aminin ang sarili nating mga kahinaan ay makatutulong sa atin na huwag husgahan ang iba. Isulat ang alituntuning ito sa ilalim ng tanong sa pisara.)

  • Sa palagay ninyo, paano nakatulong ang aminin na may sarili rin tayong mga kahinaan para hindi natin husgahan ang iba?

Ipaalala sa mga estudyante na ang babaeng ito ay nagkasala ng pangangalunya, na isang napakalaking kasalanan (tingnan sa Alma 39:3–5).

  • Ano sa palagay ninyo ang maaaring naramdaman ng babaeng ito nang ibunyag kay Jesus at sa maraming tao ang kanyang kasalanan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:10–11. Ipabasa rin nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith Translation ng talata 11: “At pinapurihan ng babaeng ito ang Diyos simula noon, at naniwala sa kanyang pangalan.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon ang Panginoon sa babaeng ito.

  • Paano nagpakita ang Tagapagligtas ng pagmamahal at awa sa babaeng ito?

  • Ano ang mga itinagubilin ng Tagapagligtas sa babae?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na hindi kinukunsinti ng Tagapagligtas ang kasalanan ng babaeng ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball:

Pangulong Spencer W. Kimball

“Ang Kanyang utos sa kanya ay, ‘Humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo’y huwag ka nang magkasala.’ Iniutos Niya sa makasalanang babae na humayo na, talikuran ang kanyang masamang pamumuhay, huwag na muling magkasala, baguhin ang kanyang buhay. Sinabi niyang, Humayo ka, babae, at simulan ang iyong pagsisisi; at itinuro niya sa kanya ang unang hakbang na gagawin—ang talikuran ang kanyang mga kasalanan” (The Miracle of Forgiveness [1969], 165).

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas sa talata 10–11? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Kinaaawaan tayo ng Tagapagligtas sa pagbibigay sa atin ng mga pagkakataon na magsisi. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Paano makatutulong ang pagkaunawa sa katotohanang ito kapag nagkasala tayo?

  • Paano makatutulong sa atin ang dalawang katotohanang ito na natukoy natin sa gagawin natin kapag may kasama tayong ibang tao na ang hitsura o asal ay hindi naaayon sa mga kautusan at mga pamantayan ng Panginoon?

  • Ayon sa Joseph Smith Translation ng talata 11, ano ang epekto ng awa ng Tagapagligtas sa babae?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang mga notebook o scripture study journal ang kanilang nararamdaman para sa Tagapagligtas dahil sa Kanyang kagustuhan na magpakita ng awa sa atin at mabigyan tayo ng mga pagkakataon na magsisi.

Juan 8:12–30

Itinuro ni Jesus na ang Kanyang Ama ay nagpapatotoo sa Kanya

Sabihin sa mga estudyante na ipikit ang kanilang mga mata at subukang magdrowing ng larawan ng isang bagay. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na buksan ang kanilang mga mata at ihambing ang kanilang drowing sa ginawa ng kanilang mga katabi.

  • Ano ang ilang mga bagay na mas madaling gawin kapag may ilaw?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang inihayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Sarili.

  • Ano ang tinawag ni Jesus sa Kanyang Sarili? (Isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Si Jesucristo ang Ilaw ng Sanglibutan.)

Ipaalala sa mga estudyante na sinabi ni Jesus ang pahayag na ito sa Kapistahan ng mga Tabernakulo. Sa bawat gabi ng walong araw na kapistahang ito, sinisindihan sa mga patyo sa templo ang mga kandelabra, o mga menorah, na nagbibigay-liwanag sa maraming taong nagdiriwang sa Jerusalem.

  • Paano nagbigay ng liwanag si Jesucristo sa babaeng nagkasala ng pangangalunya at sa mga lalaking nagparatang sa kanya?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga sinabi ng Tagapagligtas sa talata 12? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung sumusunod tayo sa Tagapagligtas, makakaiwas tayo sa espirituwal na kadiliman at mapupuno tayo ng Kanyang liwanag.)

  • Sa palagay ninyo, paano kayo natutulungan ng Tagapagligtas na makaiwas na maglakad sa espirituwal na kadiliman?

Ipaliwanag na maraming mga propesiya sa Lumang Tipan ang nagsasabing ang Mesiyas ay magiging liwanag sa lahat ng bansa (tingnan sa Isaias 49:6; 60:1–3). Sa gayon, sa paghahayag sa Kanyang sarili na Siya ang Ilaw ng Sanglibutan, ipinahahayag ni Jesus na Siya ang Mesiyas.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon ang mga Fariseo sa pahayag ng Tagapagligtas.

  • Paano tumugon ang mga Fariseo sa pahayag ng Tagapagligtas?

  • Bakit nila nasabi na ang nakatala o patotoo ni Jesus ay hindi totoo? (Dahil pinatotohanan Niya ang Kanyang Sarili.)

Ipaliwanag na ipinaalala ni Jesus sa mga Fariseo na sa batas ni Moses, nangangailangan ng patotoo mula sa dalawang tao upang maitatag ang katotohanan (tingnan sa Juan 8:17; Deuteronomio 17:6). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino pa ang nagpatotoo na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas.

  • Ayon sa talata 18, sino ang inihayag ng Tagapagligtas na ikalawang saksi sa Kanyang pagkadiyos at kabanalan? (Maaari mong bigyang-diin na sa pahayag na ito, pinagtibay ni Jesus na Siya at ang Kanyang Ama ay dalawang magkahiwalay na nilalang.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:19. Sabihin sa klase na alamin ang hindi naunawaan ng mga Fariseo tungkol kay Jesus at sa Kanyang Ama.

  • Ayon sa talata 19, bakit hindi kilala ng mga Fariseo ang Ama? (Hindi kilala ng mga Fariseo ang Ama dahil hindi nila kilala si Jesus at kung sino talaga Siya.)

  • Batay sa sinabi ng Tagapagligtas sa mga Fariseo, ano ang magagawa natin upang makilala ang Ama sa Langit? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking malinaw na naunawaan na kapag nag-aaral tayo tungkol kay Jesucristo, makikilala natin ang Ama. Gamit ang mga isinagot ng mga estudyante, isulat ang alituntuning ito sa pisara.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

“Sa lahat ng ginawa at sinabi ni Jesus, lalo na sa Kanyang nagbabayad-salang pagdurusa at sakripisyo, itinuturo Niya sa atin kung sino at ano ang pagkatao ng Diyos Amang Walang Hanggan, kung gaano Siya katapat sa Kanyang mga anak sa bawat panahon at bansa. Sa salita at gawa sinisikap ni Jesus na ihayag at ipaalam nang husto sa atin ang likas na katangian ng Kanyang Ama, na ating Ama sa Langit. …

“Kaya nga ang pagpapakain sa gutom, pagpapagaling sa maysakit, pagkamuhi sa pagpapaimbabaw, pagsamong mananampalataya—ito si Cristo na ipinakikita sa atin ang paraan ng Ama, Siya na ‘maawain at mapagbigay, di madaling magalit, matiisin at puno ng kabutihan.’ Sa buhay Niya at lalo na sa Kanyang kamatayan, inihayag ni Cristo, ‘Ito ay ang habag ng Diyos na ipinamalas ko sa inyo, gayundin din ang sa akin’” (“Ang Kadakilaan ng Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 70, 72).

  • Ayon kay Elder Holland, ano ang malalaman natin tungkol sa ating Ama sa Langit kapag pinag-aralan natin ang tungkol kay Jesucristo?

Ibuod ang Juan 8:21–24 na ipinapaliwanag na nagbabala ang Tagapagligtas sa mga Fariseo na kung hindi sila maniniwala sa Kanya, mamamatay sila sa kanilang mga kasalanan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 8:25–30. Sabihin sa klase na alamin ang mga karagdagang katotohanan na itinuro ni Jesus sa mga Fariseo tungkol sa Kanyang Sarili at sa Ama sa Langit. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga nahanap nila.

  • Anong mga karagdagang katotohanan ang itinuro ni Jesucristo tungkol sa Kanyang Sarili at sa Ama sa Langit?

  • Paano nakatutulong sa atin ang mga turo ng Tagapagligtas sa mga talatang ito na maunawaan ang kaugnayan ng Tagapagligtas at ng Ama sa Langit?

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin at pag-isipang mabuti nang ilang minuto ang mga tala na pinag-aralan nila tungkol sa mga salita at ginawa ni Jesucristo sa Bagong Tipan ngayong taon (halimbawa, kabilang dito ang tala tungkol sa babaeng nagkasala ng pangangalunya). Maaari mong idispley ang mga larawan mula sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo ([2009]; tingnan din sa LDS.org) na nagpapakita ng mga kaganapan sa ministeryo ng Tagapagligtas sa mundong ito. Sabihin sa ilang mga estudyante na ibuod ang isang tala na naisip nila at ipaliwanag sa klase kung ano ang itinuturo nito tungkol sa ating Ama sa Langit.

Tapusin ang lesson na ibinabahagi ang iyong patotoo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Juan 8:7. “Ang walang kasalanan sa inyo, ay siyang unang bumato sa kaniya”

Nagbigay si Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan ng sumusunod na pagsusuri sa sarili upang malaman kung nagkakasala tayo minsan ng pambabato:

“Mahal kong mga kapatid, pag-isipan ang sumusunod na mga tanong para masuri ang inyong sarili:

“May hinanakit ba kayo sa ibang tao?

“Nagtsi-tsismis ba kayo, kahit maaaring totoo ang sinasabi ninyo?

“Pinaaalis, pinalalayo, o pinarurusahan ba ninyo ang iba dahil sa isang bagay na nagawa nila?

“Lihim ba ninyong kinaiinggitan ang iba?

“Hangad ba ninyong ipahamak ang isang tao?

“Kung oo ang sagot ninyo sa alinman sa mga tanong na ito, magagamit ninyo ang itinuro kong dalawang salita kanina: itigil ito!

“Sa mundong puno ng mga pagpaparatang at kasungitan, madaling humanap ng dahilan para kasuklaman at hindi igalang ang isa’t isa. Ngunit bago natin ito gawin, alalahanin natin ang mga salita ng isang Nilalang na ating Panginoon at huwaran: ‘Ang walang kasalanan sa inyo, ay siyang unang bumato sa kaniya.’

“Mga kapatid, ibaba natin ang ating mga bato” (“Ang Mahabagin ay Kahahabagan” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 76).