Library
Lesson 74: Juan 14


Lesson 74

Juan 14

Pambungad

Pagkatapos ng hapunan ng Paskua, itinuro ni Jesus sa Kanyang mga Apostol kung paano makababalik sa Ama sa Langit at paano maipapakita ang kanilang pagmamahal sa Tagapagligtas. Pagkatapos ay ipinangako ni Jesus sa Kanyang mga Apostol na magpapadala Siya sa kanila ng isa pang Mang-aaliw.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Juan 14:1–14

Itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol kung paano makabalik sa Ama sa Langit

Kung maaari, magdispley ng mapa ng inyong lungsod at sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang kasalukuyang kinaroroonan nila rito. Sa mapa, tukuyin ang isa pang lugar na pamilyar sa mga estudyante. Sabihin sa kanila na isulat sa isang papel kung paano makapupunta sa lugar na iyon mula sa kanilang kasalukuyang kinaroroonan. Sabihin sa isa o dalawang estudyante na ibahagi ang isinulat nila.

Isulat ang Kahariang Selestiyal sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang direksyon na ibibigay nila sa isang taong gustong malaman kung paano mararating ang kahariang selestiyal.

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang katotohanan sa pag-aaral nila ang Juan 14 na makatutulong sa kanila na malaman kung paano makabalik sa Ama sa Langit at makapasok sa kahariang selestiyal.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Juan 14, ipaalala sa kanila na ipinagdiwang ng Tagapagligtas ang Paskua kasama ang Kanyang mga Apostol sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. Pagkatapos ng hapunan ng Paskua, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na malapit na Niyang iwan sila (tingnan sa Juan 13:33).

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 14:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumunod sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol upang matulungan sila na mapanatag.

  • Ano ang itinuro ni Jesus sa Kanyang mga Apostol upang matulungan sila na mapanatag?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mga katagang “sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan” sa talata 2?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith:

Propetang Joseph Smith

“[Ang pahayag na] ‘Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan’ … ay dapat gawing—‘Sa kaharian ng aking Ama ay maraming kaharian,’ upang kayo ay maging mga tagapagmana ng Diyos at mga kasamang tagapagmana ko. … May mga mansiyon para sa mga yaong sumusunod sa batas na selestiyal, at may iba pang mga mansiyon para sa mga yaong lumalabag sa batas, bawat tao sa kanyang sariling kaayusan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 255).

Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang mga salitang kaharian at mga kaharian sa kanilang mga banal na kasulatan sa ibabaw ng mga salitang bahay at tahanan sa Juan 14:2.

  • Aling mga turo sa Juan 14:1–4 ang maaaring makapagpanatag sa mga Apostol?

  • Ayon sa talata 5, paano tumugon si Tomas sa turo ng Tagapagligtas na alam ng Kanyang mga Apostol ang daan patungo sa kaharian ng Ama sa Langit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante angJuan 14:6, at sabihin sa klase na alamin ang sagot ni Jesus sa tanong ni Tomas.

  • Paano sinagot ni Jesus ang tanong ni Tomas?

Magdrowing ng isang landas sa pisara. Isulat sa isang dulo ng landas ang Tayo, at isulat sa kabilang dulo ang Ang Kaharian ng Ama sa Langit. Isulat ang Ang Daan sa ilalim ng landas, at ipaliwanag na tinutukoy ng mga katagang ito ang landas na maghahatid sa atin mula sa isang lugar patungo sa isa pa.

  • Paano naging Daan ang Tagapagligtas? (Maaaring isagot ng mga estudyante na ipinakita sa atin ng Tagapagligtas kung paano mamuhay upang maging katulad ng Diyos at paano maging karapat-dapat upang makasama ang Ama sa Langit.)

Isulat sa pisara ang Ang Katotohanan at Ang Buhay sa ilalim ng “Ang Daan.”

  • Sa papaanong paraan na si Jesucristo ang Katotohanan? (Siya ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan at ipinamuhay Niya nang lubos ang lahat ng katotohanan.)

  • Sa papaanong paraan na si Jesucristo ang Buhay? (Ginawa niyang posible para sa atin na daigin ang pisikal na kamatayan at mabuhay muli na may mga imortal na pisikal na katawan at daigin ang kamatayang espirituwal upang matamo ang buhay na walang hanggan. Siya ang “liwanag na nasa lahat ng bagay, na nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay” [D at T 88:13].)

Sa ilalim ng drowing ng landas sa pisara, isulat ang Si Jesucristo ay sa tabi ng “Ang Daan.”

  • Batay sa mga tinalakay natin, paano ninyo ibubuod ang ibig sabihin ng pahayag ng Panginoon na “sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko”? (Juan 14:6). (Maaaring ibaiba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Sa pamamagitan lamang ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa pagtahak sa Kanyang daan tayo makapapasok sa kaharian ng Ama sa Langit.)

  • Ano ang mangyayari kung susubukan nating tumahak sa isang daan na hindi ang daan ng Tagapagligtas?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Lawrence E. Corbridge ng Pitumpu. Sabihin sa klase na pakinggan ang mangyayari kung susubukan nating tumahak sa isang daan na hindi ang daan ng Tagapagligtas.

Elder Lawrence E. Corbridge

“Iisa lamang ang daan tungo sa kaligayahan at kaganapan. Siya ang Daan. Ang iba pang daan, anumang iba pang daan, kahit saan, ay kahangalan. …

“… Maaari nating sundin ang Panginoon at mapagkalooban ng Kanyang kapangyarihan at magkaroon ng kapayapaan, liwanag, lakas, kaalaman, tiwala, pagmamahal, at galak o maaari tayong umiba ng daan, anumang iba pang daan, kahit saan, at mamuhay mag-isa—nang walang suporta Niya, walang kapangyarihan Niya, walang patnubay, sa dilim, pag-aalinlangan, dalamhati, at kalungkutan. At ang tanong ko, aling daan ang mas madali? …

“Iisa lamang ang daan tungo sa kaligayahan at kaganapan. Si Jesucristo ang Daan” (“Ang Daan,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 34, 36).

  • Ayon kay Elder Corbridge, ano ang mangyayari kung hindi tayo tatahak sa daan ng Tagapagligtas?

  • Ano ang mangyayari kung tatahakin natin ang daan ng Tagapagligtas?

Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang mga karanasan nang mapagpala sila dahil sa pagtahak sa daan ng Tagapagligtas. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang mga karanasan nila.

Ibuod ang Juan 14:7–14 na ipinapaliwanag na itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol na isa sa mga layunin Niya sa pagparito sa mundo ang ipahayag ang tunay na katauhan ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa. Ipinangako rin Niya sa Kanyang mga Apostol na magkakaroon sila ng kapangyarihang gumawa ng mga dakilang gawain.

Juan 14:15–31

Itinuro ni Jesus sa Kanyang mga Apostol kung paano maipapakita ang pagmamahal nila sa Kanya

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang taong mahal nila.

  • Paano ninyo naipapakita sa taong ito ang inyong pagmamahal?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 14:15, at sabihin sa klase na alamin ang ipinagawa ni Jesus sa Kanyang mga Apostol upang maipakita ang pagmamahal nila sa Kanya.

  • Batay sa itinuro ni Jesus sa Kanyang mga Apostol, ano ang magagawa natin upang maipakita ang ating pagmamahal kay Jesucristo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Maipapakita natin ang ating pagmamahal kay Cristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan.)

Magdala ng ilang piraso ng papel sa klase na may mga nakasulat na mga kautusan (tulad ng pagsunod sa Word of Wisdom, pagbabayad ng ikapu, at pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath). Sabihin sa ilang estudyante na pumunta sa harapan ng klase. Sabihin sa kanila na kumuha ng isang papel, basahin nang malakas ang kautusan, at ipaliwanag kung paano maipapakita ng pagsunod sa kautusang iyon ang ating pagmamahal kay Jesucristo. Pagkatapos nito, sabihin sa kanila na magsiupo na.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung gaano nila naipapakita nang husto ang kanilang pagmamahal sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Hikayatin silang magtakda ng isang mithiin na ipakita ang pagmamahal nila sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng mas masigasig na pagsunod sa isa o mahigit pang kautusan na para sa kanila ay mahirap sundin.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 14:16–17, 26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinangako ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol.

  • Ano ang ipinangako ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol?

Ipaliwanag na ang tinutukoy ng mga katagang “ibang Mangaaliw” sa talata 16 ay ang Espiritu Santo. Dahil ang Tagapagligtas ay isang mang-aaliw sa mga Apostol noong magministeryo Siya sa mundo, tinawag Niyang ibang Mang-aaliw ang Espiritu Santo.

  • Ayon sa Juan 14:16–17, 26, ano ang magagawa ng Espiritu Santo para sa atin? (Gamit ang kanilang mga sariling salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang Espiritu Santo ay magbibigay ng kapanatagan sa atin, magtuturo ng lahat ng bagay, at magpapaalala ng lahat ng bagay sa atin.)

Sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa sumusunod na mga tanong sa kanilang mga notebook o scripture study journal:

  • Kailan ninyo nadama na napanatag o inaliw kayo ng Espiritu Santo? Kailan ninyo nadama na tinuruan Niya kayo? Kailan Niya kayo tinulungang maalala ang mga bagay-bagay?

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang isinulat.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 14:18–23.

  • Ayon sa mga talata 21 at 23, paano tayo mapagpapala kung susundin natin ang mga kautusan? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung susundin natin ang mga kautusan, makakasama natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng makakasama natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo? (Tumutukoy ito sa personal na pagpapakita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo [tingnan sa D at T 130:3].)

Ipaliwanag na itinuro ni Propetang Joseph Smith na bagama’t ang Espiritu Santo ay tinutukoy na Unang Mang-aaliw, si Jesucristo naman ang Pangalawang Mang-aaliw. Upang matanggap Siya bilang Pangalawang Mang-aaliw, dapat munang magkaroon tayo ng pananampalataya sa Kanya, magsisi, mabinyagan, matanggap ang Espiritu Santo, at magsikap na maging mabuti at maglingkod sa Diyos. Kung gagawin natin ang mga bagay na ito, “dadalawin [tayo] ni Jesucristo, o magpapakita Siya [sa atin] sa pana-panahon, … at mabubuksan [sa atin] ang mga pangitain ng langit, at tuturuan [tayo] ng Panginoon” (sa History of the Church, 3:380–81). Matutupad ang pangakong ito ayon sa kalooban at takdang panahon ng Panginoon (tingnan sa D at T 88:68).

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 14:27, na inaalam ang mensahe ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol.

  • Paano nauugnay ang mensahe ng Tagapagligtas sa talata 27 sa mga alituntuning natukoy natin sa lesson na ito?

  • Ano ang pagkakaiba ng kapayapaang ibinibigay ng Tagapagligtas at ng kapayapaang ibinibigay ng mundo?

Ibuod ang Juan 14:28–30 at ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 14:30 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) na ipinapaliwanag na sinabi ni Jesus sa Kanyang mga Apostol na dapat silang magalak dahil iiwan Niya sila upang bumalik sa Ama sa Langit. Sinabi rin Niya sa kanila na walang kapangyarihan si Satanas sa Kanya dahil nadaig Niya ang mundo. Sinabi ni Jesus sa mga Apostol na maiimpluwensyahan pa rin sila ni Satanas dahil hindi pa nila natatapos ang kanilang gawain dito sa mundo.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 14:31, na inaalam ang nais ng Tagapagligtas na malaman ng mundo.

  • Ano ang nais ng Tagapagligtas na malaman ng mundo?

  • Paano ipinakita ng Tagapagligtas ang Kanyang pagmamahal sa Ama sa Langit?

Tapusin ang lesson na sinasabi sa mga estudyante na magpatotoo kung paano makatutulong sa kanila ang mga alituntunin sa lesson na ito sa kanilang pagsisikap na makabalik sa piling ng Diyos sa kahariang selestiyal.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—Juan 14:6

Upang matulungan ang mga estudyante na maisaulo ang Juan 14:6, isiping gamitin ang isa sa mga ideya na nasa apendiks ng manwal na ito.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—Juan 14:15

Upang matulungan ang mga estudyante na maisaulo ang Juan 14:15, sabihin sa kanila na isulat ang talatang ito sa isang papel. Sabihin sa kanila na ulit-ulitin ang talatang ito hanggang maisaulo nila. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na idispley ang papel sa isang lugar kung saan maipapaalala nito sa kanila na ipakita nila ang kanilang pagmamahal sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Juan 14:6. “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay”

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng Juan 14:6 at ang mga dahilan kung bakit si Jesus “ang daan, ang katotohanan, at ang buhay”:

“Siya ang Daan dahil nagkaroon ng kaligtasan dahil sa Kanya; ‘sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko,’ ang sabi niya. (Juan 14:6.) Siya ang Katotohanan dahil siya ang sagisag at larawan ng yaong banal na katangian. (Alma 5:48.) At siya ang Buhay dahil nakasentro sa kanya ang liwanag ng buhay; walang buhay kung wala siya at ang kanyang kapangyarihan; kung babawiin niya ang liwanag ng buhay, magtatagumpay ang kamatayan; at kung wala siya, walang imortal na buhay, o buhay na walang hanggan, na buhay sa walang hanggang kaluwalhatian” (Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 832).

Juan 14:9–12. “Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama”

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph F. Smith ang ibig sabihin ng pahayag ng Panginoon na “Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama”:

“Si Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ay ‘tunay na larawan’ ng Kanyang Ama (Sa Mga Hebreo 1:3). Naglakad Siya sa mundo bilang isang tao, isang perpektong tao at sinabi, bilang tugon sa itinanong sa Kanya: ‘Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama’ (Juan 14:9). Dapat sana’y sapat na ang mga salitang ito upang masagot ang problema na ikasisiya ng bawat mapag-isip at mapitagang isipan. Hindi maiiwasang ipalagay na kung tunay na larawan (o kawangis) ng Kanyang Ama ang Anak ng Diyos, kung gayon, kaanyo ng tao ang Ama; sapagkat iyon ang anyo ng Anak ng Diyos, hindi lamang noong nabubuhay pa Siya dito sa lupa kundi kahit noon pa mang bago Siya isilang, at maging pagkatapos Niyang mabuhay na mag-uli. Sa anyong ito nagpakita kay Joseph Smith ang Ama at ang Anak , bilang dalawang katauhan, noong ito’y bata pa sa gulang na labing-apat, nang matanggap niya ang kanyang unang pangitain” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998],398-399).

Juan 14:12 “Lalong dakilang mga gawa kay sa rito ang gagawin niya; sapagka’t ako’y paroroon sa Ama”

Maaaring ikalito ng babasa na gagawa pa ng lalong dakilang mga gawa ang mga naniniwala kay Jesucristo kaysa sa mga nagawa Niya. Gayunman, ipinahayag sa Lectures on Faith na mas mauunawaan ang pahayag na ito kung iuugnay sa mga turo ng Tagapagligtas sa Juan 17:20–24:

“Ang mga pahayag na ito na pinagsama-sama ay nagbibigay ng malinaw na paglalarawan sa kalagayan ng niluwalhating mga banal—dapat nilang gawin ang mga ginawa ni Jesus, at mas dakilang mga gawa kaysa sa mga ginawa niya ang dapat nilang gawin, at ito ay dahil sa pumaroon siya sa Ama. Hindi niya sinabi na dapat nilang gawin ang mga ito sa panahong ito; ngunit dapat silang gumawa ng mas dakilang mga gawain, dahil pumaroon siya sa Ama. … Ang mas dakilang mga gawain na gagawin ng mga naniniwala sa kanyang pangalan ay magagawa sa kawalang-hanggan, kung saan siya paroroon at kung saan nila makikita ang kanyang kaluwalhatian” (Lectures on Faith [1985], 77–78).

Juan 14:16–23, 26; 15:26; 16:7. Ang “Mang-aaliw” ay isang titulo ng Espiritu Santo at ni Jesucristo

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith:

“May binabanggit na dalawang Mang-aaliw. Ang isa ay ang Espiritu Santo, na ibinigay noong araw ng Pentecostes, at tatanggapin ng lahat ng Banal pagkatapos ng pananampalataya, pagsisisi, at binyag. …

“Ang ang isa pang Mang-aaliw na binabanggit ay dapat pagtuunan ng pansin, at marahil nauunawaan ng iilan lamang sa henerasyong ito. Pagkatapos magkaroon ng pananampalataya ang isang tao kay Cristo, magsisi ng kanyang mga kasalanan, at mabinyagan para sa ikapagpapatawad ng kanyang mga kasalanan at matanggap ang Espiritu Santo, (sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay), na siyang unang Mang-aaliw, kailangang patuloy siyang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, at nabubuhay sa bawat salita ng Diyos, at balang-araw ay sasabihin sa kanya ng Panginoon, Anak, ikaw ay dadakilain. Kapag lubusan na siyang nasubukan ng Panginoon, at nakitang determinadong maglingkod ang tao sa Kanya kahit ano pa ang mangyari, makikita ng taong ito na natiyak ang pagkakatawag at pagkakahirang sa kanya, at magkakaroon siya ng pagkakataong tanggapin ang isa pang Mang-aaliw, na ipinangako ng Panginoon sa mga Banal, tulad ng nakatala sa patotoo ni Juan, sa ika-14 na kabanata, mula ika-12 hanggang ika-27 talata” (sa History of the Church, 3:380).

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkuling gagampanan ng Espiritu Santo bilang ang Unang Mang-aaliw:

“Hangga’t kasama nila si Jesus, siya ang kanilang Mang-aaliw; nangusap siya ng kapayapaan sa kanilang mga kaluluwa; silang mga nabibigatan sa mga pagdurusa at paghihirap at pakikibaka ng mundo ay nagsilapit sa kanya at nakatanggap ng kapahingahan para sa kanilang mga kaluluwa. Inalo Niya ang mga balo at naging ama sa mga ulila. Pinasigla ng Kanyang mga salita ang mga naniniwala at nakadama sila ng ibayong katiwasayan at kapayapaan. Ngayon ay lilisan na siya, ngunit magpapadala siya ng isa pang Mang-aaliw—ang Espiritu Santo—upang manatili sa mga nananampalataya magpakailanman.

“Para sa lahat ng tao maliban sa iilan na narinig ang kanyang tinig sa mortalidad, ang Espiritu Santo ang ating unang Mang-aaliw. Ang miyembrong ito ng Panguluhang Diyos ay nangungusap ng kapayapaan sa kaluluwa ng mabubuti sa lahat ng panahon. Ang Espiritu Santo ang ‘kaloob ng Diyos sa lahat ng yaong masisigasig na humahanap sa kanya, kapwa sa sinaunang panahon at maging sa panahong ipakikita niya ang kanyang sarili sa mga anak ng tao’ (1 Ne. 10:17), at, gayon din, sa mga panahong darating. Siya ang Espiritu ng katotohanan—tulad din ni Cristo—ngunit hindi matatanggap ng mundo ang Espiritu Santo dahil hindi nananahan ang Espiritu Santo sa mga templong hindi banal” Mortal Messiah, 4 na tomo [1979–81], 4:74–75).

Juan 14:26. Iba ang Espiritu Santo sa Liwanag ni Cristo

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang pagkakaiba ng Espiritu Santo at ng Liwanag ni Cristo:

“Hindi dapat mapagkamalan ang Espiritu Santo bilang ang Espiritu na pumupuspos sa kalakhan ng kalawakan at naroroon sa lahat ng dako. Ang isa pang Espiritung ito [ang liwanag ni Cristo] ay hindi isang personahe at wala itong sukat, o laki; ito ay nagmumula sa presensiya ng Ama at ng Anak at nasa lahat ng bagay. Ang Espiritu Santo ay isang personahe at dapat tukuyin gamit ang panghalip o salitang ‘siya’ at ang isa pang Espiritung ito ay dapat tukuyin gamit ang salitang ‘ito,’ bagama’t kapag binabanggit natin ang kapangyarihan o kaloob na Espiritu Santo, angkop na gamitin ang salitang ‘ito.’

“… Ang Espiritu Santo, tulad ng itinuro sa atin ng mga makabagong paghahayag, ay ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos at isang personaheng Espiritu. Magkasing-kahulugan ang mga salitang ito: Espiritu ng Diyos, Espiritu ng Panginoon, Espiritu ng Katotohanan, Banal na Espiritu, Mang-aaliw; lahat ng ito ay tumutukoy sa Espiritu Santo. Madalas ding gamitin ang mga salitang iyon sa pag-uugnay sa Espiritu ni Jesucristo, na tinawag ding Liwanag ng Katotohanan, Liwanag ni Cristo, Espiritu ng Diyos, at Espiritu ng Panginoon; ngunit magkakahiwalay at magkakaiba ang mga ito. Talagang nalito tayo dahil hindi natin malinaw na nauunawaan ang pagkakaiba ng mga ito” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo. [1954–56], 1:49–50).