Lesson 122
Mga Taga Efeso 4
Pambungad
Itinuro ni Pablo na nagtatag ang Panginoon ng Kanyang Simbahan at tumawag ng mga pinuno upang gawing ganap at nagkakaisa ang mga Banal. Hinikayat din niya ang mga miyembro ng Simbahan na alisin ang kanilang mga dating gawi at ipamuhay kung ano ang alam nilang totoo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mga Taga Efeso 4:1–16
Itinuro ni Pablo ang kahalagahan ng Simbahan ni Jesucristo
Sabihin sa klase na pag-isipan ang dalawang sitwasyon:
-
Sinabi ng inyong titser sa paaralan na ipahayag ng klase ang kanilang mga pananaw sa isang kontrobersyal na paksa. Habang nagbabahagi sila ng mga opinyon, natanto mo na karamihan sa kanila ay sumusuporta sa pananaw na iba sa mga turo ng Simbahan.
-
Ginawang legal ng mga mambabatas sa inyong bansa ang gawain na mali ayon sa itinuro ng mga lider ng Simbahan.
-
Bakit mahirap ang mga sitwasyong ito para sa isang miyembro ng Simbahan?
Sabihin sa mga estudyante na hanapin sa Mga Taga Efeso 4:1–16 ang isang katotohanan tungkol sa paraan kung paano natin malalaman kung ano ang tama at mali sa mundo na nagbabago ng mga pinahahalagahan at paniniwala.
Ipaalala sa mga estudyante na ang sulat na ito ni Pablo ay maaaring isinulat para sa mga bagong miyembro ng Simbahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 4:1–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa Simbahan at sa doktrina nito.
-
Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa Simbahan at sa doktrina nito?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pablo nang ituro niya na mayroong “isang Panginoon, isang pananampalataya, [at] isang bautismo”? (talata 5) (Sa panahon ni Pablo, gaya ng sa atin, mayroon lamang iisang totoong Simbahan ni Jesucristo dito sa lupa [tingnan sa D at T 1:30].)
Ibuod ang Mga Taga Efeso 4:7–10 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pablo na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tayong lahat ay nabigyan ng kaloob ng Kanyang biyaya. Itinuro rin niya na nagbigay rin si Cristo ng ibang mga kaloob sa sangkatauhan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 4:11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ibinigay ng Panginoon sa Simbahan. Ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang nalaman.
-
Ano ang ibinigay ng Panginoon sa Simbahan?
Ipaliwanag na ang mga pangalan ng mga katungkulan ng priesthood sa Simbahan ngayon ay maaaring hindi kapareho ng mga pangalang ginamit sa panahon ni Pablo at maaaring mas kaunti ang bilang ng mga tungkulin sa Simbahan noon kaysa ngayon. Halimbawa, itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang isang “evangelista ay isang Patriarch” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 163). Gayundin, ang pastor y isang pastol, o isang tao na namumuno ng isang kawan—isang akmang paglalarawan sa mga bishop, branch president, stake president, at district president sa panahon ngayon.
Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pangungusap: Ang Panginoon ay tumawag ng mga apostol, propeta, at iba pang mga pinuno ng Simbahan upang tumulong na …
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 4:12–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung bakit tumawag ang Panginoon ng mga apostol, propeta, at mga pinuno.
-
Ano ang dahilan ng pagtawag ng Panginoon ng mga apostol, propeta, at iba pang mga pinuno sa Kanyang Simbahan? (Idagdag ang gawing perpekto ang mga Banal sa pangungusap sa pisara.)
-
Paano tayo tinutulungan ng mga apostol, propeta, at iba pang mga pinuno ng Simbahan na maging ganap o perpekto?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 4:14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang isa pang dahilan kung bakit nagbigay ang Panginoon sa Kanyang Simbahan ng mga apostol, propeta, at iba pang mga pinuno.
-
Ano pa ang ibang dahilan kung bakit tumatawag ang Panginoon ng mga pinunong ito para sa mga miyembro ng Simbahan? (Idagdag ang at protektahan sila mula sa maling dokrina sa pisara upang ang buong katotohanan ay mababasa nang ganito: Ang Panginoon ay tumawag ng mga apostol, propeta, at iba pang mga pinuno ng Simbahan upang tumulong na gawing perpekto ang mga Banal at protektahan sila mula sa maling dokrina.)
Upang tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang talinghaga sa talata 14, ipakita ang larawan ng isang bangka na nasa gitna ng maalong katubigan. O maaaring ikaw o ang isang estudyante ay gumuhit ng larawan ng isang bangka na nasa maalong katubigan.
-
Ano ang maaaring mangyari sa bangka na tinatangay ng alon sa isang nangngangalit na bagyo?
Ipaalala sa mga estudyante ang mga sitwasyon na binanggit mo sa simula ng lesson.
-
Paano nahahalintulad sa bangkang tinatangay ng malalakas na hampas ng alon ang isang tao na “napapahapay dito’t paroon” (talata 14) ng mga nagbabagong ihip ng hangin ng mga maling turo at opinyon ng publiko?
-
Paano nakatutulong sa mga tagasunod ng Diyos ang mga turo ng mga apostol, propeta, at ng ibang mga pinuno ng Simbahan sa paglalayag nila sa maalong katubigan at pagbabalik nang ligtas sa Ama sa Langit?
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tungkulin sa Simbahan: mga apostol, propeta, patriarch, bishop, at guro. Papiliin ang mga estudyante ng dalawa sa mga tungkulin at isulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung paano nakatulong ang lider na humahawak ng tungkuling iyon sa paglakas ng kanilang espirituwalidad o nakatulong na maprotektahan sila mula sa mga maling doktrina at panlilinlang. Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng isa sa mga karanasan na naisulat nila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 4:15–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang paraan ng pagtuturo ng mga katotohanan ng ebanghelyo na dapat gawin ng mga pinuno ng Simbahan.
-
Paano tayo dapat turuan ng mga pinuno ng Simbahan ng mga katotohanan ng ebanghelyo?
Mga Taga Efeso 4:17–32
Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na alisin ang kasamaan at magbago ng pagkatao sa pamamagitan ni Jesucristo
Magdala sa klase ng isang pang-kaswal na coat o jacket (mas mabuti kung luma na at sira). Gayundin, kung posible, magdala ng isang pantaas na Amerikana, o jacket na bagay isuot sa pormal na okasyon. (Kung gusto mo, ang dalhin mo na lang ay isang pambahay na t-shirt at isang pang-alis na t-shirt. Siguraduhin na ang laki ng mga t-shirt ay tama para maisuot ito na nakapatong sa damit ng isang estudyante.) Magpapunta ng isang estudyante sa harapan ng silid at ipasuot ang pang-kaswal na coat. Sabihin sa estudyante na umikot at ipakita ang coat sa klase. Pagkatapos, sabihin sa estudyante na alisin ang pang-kaswal na coat at isuot ang pang-pormal na Amerikana at ipakita ito sa klase. Pasalamatan ang estudyante, at sabihin sa kanya na hubarin ang pantaas na Amerikana at umupo.
-
Alin sa dalawang coat ang mas babagay para sa isang pormal na okasyon?
Ipaalala sa mga estudyante na maaaring nagsasalita si Pablo sa mga bagong miyembro ng Simbahan. Sabihin sa mga estudyante na alamin sa pag-aaral nila ng Mga Taga Efeso 4:17–32 kung paano ginamit ni Pablo ang talinghaga ng paghuhubad at pagbibihis ng ibang kasuotan upang ituro sa mga bagong kasapi kung ano ang kailangan nilang gawin bilang mga disipulo ni Jesucristo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 4:17–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang mga salita o kataga na naglalarawan ng espirituwal na kalagayan ng mga Gentil na hindi sumapi sa Simbahan.
-
Paano inilarawan ni Pablo ang espirituwal na kalagayan ng ibang mga Gentil?
-
Ano ang sinabi ni Pablo na dahilan kung bakit ganito ang espirituwal na kalagayan ng ibang mga Gentil?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 4:21–24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nakatulong sa mga miyembro ng Simbahan na maging iba mula sa ibang tao?
-
Ayon sa talata 21, ano ang nakatulong sa mga miyembro ng Simbahan na maging iba mula sa ibang tao?
Ipaalala ang tungkol sa estudyante na nagsuot ng dalawang coat, at itanong sa klase kung ano ang kailangang gawin ng estudyante para maisuot ang pang-pormal na coat.
-
Ano ang sinabi ni Pablo na dapat “iwan” ng mga miyembro ng Simbahan? (talata 22). (Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang isinalin na salitang pamumuhay ay kadalasang tumutukoy sa kabuuang ugali ng isang tao.)
-
Ano ang ibig sabihin ng “mangagbihis ng bagong pagkatao”? (talata 24). (Ang maisilang na muli sa Espiritu [tingnan sa Mosias 27:25] at masigasig na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo araw-araw.)
-
Anong katotohanan ang maaari nating matukoy mula sa mga talatang ito tungkol sa mga disipulo ni Jesucristo? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng ibang mga salita, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Iniiwan o inaalis ng mga disipulo ni Jesucristo ang kanilang dati at masasamang ugali at nagbibihis ng bago at mabubuting ugali.
Sabihin sa klase na kopyahin ang sumusunod na chart sa kanilang notebook o scripture study journal:
Lumang Sarili |
Bagong Sarili |
---|---|
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa bawat magkapartner na magkasamang basahin nang malakas ang Mga Taga Efeso 4:25–32. Sabihin sa kanila na sagutan ang chart sa kanilang pagbabasa, na isinusulat sa ilalim ng “Lumang Sarili” ang mga bagay na kailangang “iwan” ng mga disipulo ni Cristo (talata 22) o “[alisin]” (talata 31) at inililista sa ilalim ng “Bagong Sarili” ang mga bagay na kailangang “mangagbihis” ang mga disipulo ni Cristo (talata 24). Ipaliwanag na sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mga Taga Efeso 4:26 ay pinalitan ang “kayo’y mangagalit at huwag kayong mangakasala” ng “Magagalit ba kayo, at hindi magkakasala?”
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa magkakapatner na mag-isip ng isang sitwasyon na nagpapakita ng posibleng ugali ng isang tao na hindi pa iniiwan o inaalis ang kanyang masamang ugali sa isa sa mga bagay na inilarawan ni Pablo. Sabihin din sa magkakapartner na mag-isip ng isang sitwasyon na nagpapakita kung paano maaaring kumilos ang isang tao kung siya ay lumapit na kay Cristo at naging bagong tao. Pagkatapos magkaroon ng oras na magplano ang mga estudyante, papuntahin ang ilang magpartner sa harap ng klase at sabihin sa kanila na ipaliwanag ang kanilang mga naisip na sitwasyon. Pagkatapos magbahagi ang ilang magpartner, itanong sa klase:
-
Paano maihahalintulad ang isang miyembro ng Simbahan na nalalaman ang katotohanan ngunit hindi ito ipinamumuhay sa isang tao na naanyayahan sa isang pormal na okasyon ngunit hindi nakasuot ng angkop na kasuotan?
-
Anong mga hamon ang maaari nating maranasan sa pagsisikap nating iwan o alisin ang ating dati at masamang ugali at magbago ng pagkatao bilang mga disipulo ni Jesucristo?
-
Bakit mahalaga para sa mga miyembro ng Simbahan na maalala na ang pag-iwan o pag-alis sa dati at masasamang ugali at ang lubos na pagsunod kay Jesucristo ay gagawin nang tuluy-tuloy at hindi nang minsanan lang?
Ipaliwanag na para sa marami, ang pagbibihis ng mga bagong gawi ng kabutihan ay kasing simple ng paggawa ng mga maliliit na pagbabago gaya ng pagiging mas mabait o mas matiisin pa, pagsunod sa isang kautusan nang mas lubusan, o pag-alis ng isang masamang gawi sa ating buhay.
Magpatotoo sa kahalagahan ng pag-aalis ng ating dati at masasamang ugali at pagbibihis ng mabubuting ugali. Ipasulat sa mga estudyante ang isang bagay na maaari nilang gawin ngayon upang alisin ang kanilang mga dati at masasamang ugali at lubos na sundin si Jesucristo. Hikayatin sila na gawin ang kanilang mga isinulat.
Scripture Mastery—Mga Taga Efeso 4:11–14
Para matulungan ang mga estudyante na maipaliwanag ang naiturong doktrina sa Mga Taga Efeso 4:11–14, paharapin ang mga estudyante sa kanilang mga partner at ipagamit sa kanila ang mga turo ni Pablo sa Mga Taga Efeso 4:11–14 upang ipaliwanag kung bakit itinatag ng Panginoon ang Kanyang Simbahan at tumawag ng mga pinuno na maglilingkod dito. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano nila magagamit ang doktrina sa Mga Taga Efeso 4:11–14 para tulungan ang isang kaibigan na naniniwalang hindi kailangan ng isang organisadong Simbahan.