Library
Pambungad sa Ikalawang Sulat ni Pablo Kay Timoteo


Pambungad sa Ikalawang Sulat ni Pablo Kay Timoteo

Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?

Ang Ikalawang Sulat ni Pablo kay Timoteo ay nagbibigay-diin sa kapangyarihan na nagmumula sa pagkakaroon ng patotoo kay Jesucristo (tingnan sa II Kay Timoteo 1:7–8). Naglalaman din ito ng propesiya tungkol sa “panahong mapanganib” na magaganap sa mga araw nina Pablo at Timoteo at gayundin sa mga huling araw (tingnan sa II Kay Timoteo 3:1–7). Para tulungan si Timoteo sa mga hinaharap niyang pagsubok, hinikayat siya ni Pablo na magtiwala sa mga banal na kasulatan at sa mga pinuno ng Simbahan (tingnan sa II Kay Timoteo 3:14–17) at umasa sa totoong doktrina (tingnan sa II Kay Timoteo 4:2). Sa pag-aaral ng aklat na ito, ang mga estudyante ay matututo ng mga doktrina at mga alituntunin na makatutulong sa kanila na mamuhay nang matapat habang nararanasan nila ang mapanganib na panahon sa mga huling araw.

Sino ang sumulat ng aklat na ito?

Isinulat ni Pablo ang II Kay Timoteo (tingnan sa II Kay Timoteo 1:1).

Kailan at saan ito isinulat?

Ang Ikalawang Sulat ni Pablo kay Timoteo ay malamang na isinulat sa pagitan ng A.D. 64 at 65 (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, mga,” scriptures.lds.org). Isinulat ni Pablo ang liham habang nasa kanyang ikalawang pagkakakulong sa Roma bago siya namatay bilang isang martir (tingnan sa Bible Dictionary, “Pauline Epistles”).

Si Pablo ay nakakadena habang nakakulong (tingnan sa II Kay Timoteo 1:16; 2:9), siya ay malamang na nasa isang piitan o selda at nakalantad sa matinding init o lamig (tingnan sa II Kay Timoteo 4:13, 21), at sinikap siyang hanapin ng kanyang mga kaibigan (tingnan sa II Kay Timoteo 1:17). Tila si Lucas lamang ang kanyang regular na bisita (tingnan sa II Kay Timoteo 4:11), at inaasahan na ni Pablo na malapit nang magwakas ang kanyang buhay (tingnan sa II Kay Timoteo 4:6–8).

Para kanino ito isinulat at bakit?

Sa sulat na ito, hinikayat ni Pablo si Timoteo at pinalakas siya upang makatulong sa kanya na magpatuloy at magpakatatag pagkatapos ng nalalapit na kamatayan ni Pablo. Alam ni Pablo na nalalapit na ang oras niya, at ninais niyang makita si Timoteo, na tinatawag niyang “aking minamahal na anak” (II Kay Timoteo 1:2).

Sa dulo ng kanyang sulat, hiniling ni Pablo na bisitahin siya nina Timoteo at Marcos at dalhin ang ilang mga kagamitang naiwan niya (tingnan sa II Kay Timoteo 4:9–13). Bagama’t para kay Timoteo ang sulat ni Pablo, ang mga payo niya ay magagamit ng mga taong nabubuhay sa “mga huling araw” (II Kay Timoteo 3:1) dahil nagturo si Pablo tungkol sa mga pagsubok at mga solusyon na may kaugnayan sa ating panahon at sa kanya ring panahon.

Ano ang ilan sa mga naiibang katangian ng aklat na ito?

Ang sulat na ito ay isa sa mga Sulat na pastoral, kasama ng I Kay Timoteo at Kay Tito, at “naglalaman ng mga huling salita ng Apostol at nagpapakita ng kanyang kahanga-hangang tapang at pagtitiwala sa kanyang pagharap sa kamatayan” (tingnan sa Bible Dictionary, “Pauline Epistles”). Ayon sa pagkakasunud-sunod, ang II Kay Timoteo ay makikitang huling sulat ni Pablo sa Bagong Tipan (tingnan sa II Kay Timoteo 4:6).

Ang sulat na ito ay naglalaman ng mga pagninilay ni Pablo tungkol sa mga pagpapala at paghihirap niya sa paglilingkod bilang isang “tagapangaral, at apostol, at guro” sa mga Gentil (II Kay Timoteo 1:11). Ipinahayag ni Pablo, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (II Kay Timoteo 4:7–8), na nagpapahiwatig na nakatitiyak siya na magmamana siya ng buhay na walang hanggan. Bilang isa sa mga naglingkod para kay Jesucristo sa loob ng mahigit 30 taon, si Pablo ay nasa napakagandang posisyon para turuan si Timoteo kung paano maglingkod nang epektibo sa pagpapalakas ng pananampalataya ng iba (tingnan sa II Kay Timoteo 2:15–17, 22–26; 4:1–2, 5).

Outline

II Kay Timoteo 1 Nagsalita si Pablo tungkol sa kaloob at kapangyarihan ng Diyos na natatanggap sa pamamagitan ng pag-oorden sa priesthood. Itinuro niya na ang “espiritu ng katakutan” (II Kay Timoteo 1:7) ay hindi nagmumula sa Diyos at hindi tayo dapat mahiya sa ating patotoo kay Jesucristo. Nagpatotoo si Pablo na tinawag siya ni Jesucristo para mangaral ng ebanghelyo (tingnan sa II Kay Timoteo 1:11).

II Kay Timoteo 2 Gumamit si Pablo ng talinghaga ng isang kawal, isang matagumpay na manlalaro, at isang masipag na magsasaka para ilarawan ang pangangailangan na magtiis sa mga paghihirap para matanggap ang walang hanggang kaluwalhatian. Pinaghambing niya ang totoo at huwad na mga guro at ikapupuri at di-ikapupuring mga sisidlan. Gusto niyang umiwas si Timoteo sa mga pakikipagtalo at matiyagang turuan ang mga kailangang magsisi.

II Kay Timoteo 3–4 Inilarawan ni Pablo ang masasamang kalagayan sa mga huling araw at hinikayat si Timoteo na gamitin ang mga banal na kasulatan sa kanyang tungkulin bilang priesthood leader. Sumulat siya tungkol sa nalalapit niyang kamatayan at ipinahayag na, “Iningatan ko ang pananampalataya” (II Kay Timoteo 4:7). Nagpatotoo si Pablo na ililigtas siya ng Panginoon sa kanyang “kaharian sa langit” (II Kay Timoteo 4:18).