Library
Lesson 123: Mga Taga Efeso 5–6


Lesson 123

Mga Taga Efeso 5–6

Pambungad

Itinuro ni Pablo sa mga Banal kung paano labanan ang masasamang impluwensya. Itinuro rin niya sa kanila kung paano palakasin ang mga ugnayan ng pamilya. Tinapos ni Pablo ang kanyang sulat sa pagpapayo sa mga tagasunod ng Diyos na “mangagbihis … ng buong kagayakan ng Diyos” (Mga Taga Efeso 6:11) upang mapaglabanan ang mga panlilinlang ni Satanas.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Taga Efeso 5:1–20

Itinuro ni Pablo sa mga Banal kung paano labanan ang masasamang impluwensya

Kung posible, magpakita ng isang bagay na makikilala ng mga estudyante na bagong gawa o bagong bili, at itanong:

  • Paano natin karaniwang ginagamit ang mga bagong bagay?

Ipaalala sa mga estudyante na ang Mga Taga Efeso 4 ay naglalaman ng mga payo ni Pablo sa mga bagong miyembro ng Simbahan na “iwan” ang kanilang “dating pagkatao, na sumama ng sumama” (talata 22) at “mangagbihis ng bagong pagkatao” (talata 24), o magsimula ng bagong buhay bilang mga tagasunod ni Jesucristo.

  • Paano maituturing na bago ang buhay ng isang tao na nagpasiyang sundin si Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang alituntunin na makatutulong sa kanila na “mangagbihis ng bagong pagkatao” bilang mga tagasunod ni Jesucristo sa kanilang pag-aaral ng Mga Taga Efeso 5–6.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 5:1–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Pablo na gawin at huwag gawin ng mga Banal bilang mga tagasunod ni Jesucristo.

  • Ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga tagasunod ni Jesucristo? Ano ang ipinayo niya na huwag nilang gawin?

  • Anong katotohanan ang maaari nating matukoy mula sa mga talatang ito tungkol sa mga tagasunod ni Jesucristo? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang katotohanan, ngunit siguraduhing bigyang-diin na ang mga tagasunod ni Jesucristo ay hindi nakikibahagi sa mga kasamaan ng mundo.)

  • Ayon sa talata 5, ano ang hindi natatanggap ng mga nakikibahagi sa kasamaan ng mundo?

  • Paano maaaring maapektuhan ng mga kasamaan sa mundo ang isang taong nagbagong buhay kay Cristo? Paano maaaring maapektuhan ng halimbawa ng taong ito ang ibang tao?

Ibuod ang Mga Taga Efeso 5:8–20 na ipinapaliwanag na hinikayat ni Pablo ang mga Banal na “magsilakad … [na] gaya ng mga anak ng kaliwanagan” (talata 8), maging marunong, at hangarin na malaman ang kalooban ng Panginoon sa pamamagitan ng pagiging “[puspos] ng Espiritu (talata 18).

Mga Taga Efeso 5:21–6:9

Pinayuhan ni Pablo ang mga taga-Efeso tungkol sa pakikitungo nila sa kanilang pamilya

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang naging pakikitungo nila sa kanilang mga kapamilya sa nakalipas na 24 na oras at isipin kung ang pakikitungo bang ito ay positibo o negatibo. (Halimbawa, ang pakikitungo bang ito ay may pagmamahal o pakikipagtalo? mabait o nakakasakit? nakakasigla o nakapagpapababa ng pagkatao?

  • Bakit kung minsan ay mahirap magkaroon ng positibong ugnayan at pakikitungo sa pamilya?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga alituntunin na maaaring makatulong sa kanila na mapatibay ang kanilang ugnayan sa pamilya sa pag-aaral nila ng Mga Taga Efeso 5:21–6:9.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 5:21. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap kung ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal.

  • Ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “pasakop kayo sa isa’t isa” ay kailangang unahin natin ang ibang tao at ang “takot kay Cristo” ay tumutukoy sa ating pagmamahal at paggalang sa Diyos.)

  • Sa paanong mga pamamaraan naipakita ni Jesucristo na Siya ay nagpapasakop?

  • Paano tumitibay ang ugnayan natin sa ating pamilya kung inuuna natin ang iba kaysa sa ating sarili?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 5:22–29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga mag-asawa sa kanilang relasyon.

  • Sa ipinayo ni Pablo, saan dapat ihalintulad ng mga babae ang kanilang relasyon sa kanilang asawa? (Ipaliwanag na itinuro ni Pablo na ang babae ay dapat na “[mag]pasakop” sa kanyang asawa [talata 22]. Ang ibig sabihin nito ay pagsang-ayon, pagsuporta, at pagrespeto sa kanyang asawa gaya ng ginagawa niya sa Panginoon. Ang asawang lalaki ay may banal na tungkulin na pamunuan at pangalagaan ang pamilya, gaya ng pamumuno at pangangalaga ng Tagapagligtas sa Kanyang Simbahan.

  • Ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga lalaki sa relasyon nila sa kanilang asawa?

  • Paano mamahalin ng lalaki ang kanyang asawa nang gaya ng pagmamahal ng Tagapagligtas sa Simbahan? (“[Ibibigay niya ang] kanyang sarili” para sa kanyang asawa [talata 25], o uunahin ang asawa kaysa sa kanyang sarili, at “[mamahalin]” ito [talata 29].)

  • Anong katotohanan ang maaari nating matukoy mula sa mga turo ni Pablo tungkol sa maaaring mangyari sa ating mga pamilya kung gagamitin natin ang pakikipag-ugnayan ng Tagapagligtas sa Simbahan bilang ating gabay? (Gamit ang kanilang sariling mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang isang alituntunin na tulad ng sumusunod: Kung gagamitin natin na gabay ang pakikipag-ugnayan ng Tagapagligtas sa Simbahan, maaari nating mapatibay ang ating pamilya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 5:30–33. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang nangyayari sa mag-asawa kapag ikinasal na sila.

  • Ayon sa talata 31, ano ang nangyayari sa mag-asawa kapag ikinasal na sila? (Sila ay nagiging “isang laman,” o pinag-isa sa katawan, damdamin at espirituwalidad.)

  • Paano mas mapapalago ang pagmamahalan at pagkakaisa ng isang mag-asawa (at ng pamilya) ng pagsunod sa mga halimbawa ng Tagapagligtas sa pakikipag-ugnayan sa isa’t isa?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 6:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano magagamit na gabay ang mga halimbawa ni Jesucristo sa pakikipag-ugnayan ng anak sa kanyang mga magulang. Ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang nalaman.

  • Paano sinusunod ng isang anak ang halimbawa ni Jesucristo sa pagsunod niya sa kanyang mga magulang?

  • Ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga ama sa pagpapalaki ng kanilang mga anak?

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung paano nila mapapatibay ang kanilang mga ugnayan sa pamilya kung gagawin nilang gabay ang pakikipag-ugnayan nila sa Tagapagligtas. Sabihin sa kanila na pumili ng isang relasyon na gusto nilang mas mapatatag pa at isulat ang ilang mga paraan na magagawa nila upang mas mapatatag ang relasyong ito sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas. Hikayatin silang isabuhay ang kanilang mga isinulat.

Ibuod ang Mga Taga Efeso 6:5–9 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pablo ang ugnayan sa pagitan ng isang alipin at panginoon. Sa panahon ng Bagong Tipan, ang pagkaalipin ay karaniwan sa buong Imperyo ng Roma, at maging sa ilang miyembro ng Simbahan. Ang payo ni Pablo ay hindi nangangahulugang sang-ayon siya sa pagkaalipin.

Mga Taga Efeso 6:10–24

Pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na “mangagbihis ng buong kagayakan ng Dios”

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson. (Ang pahayag na ito ay matatagpuan sa “The Power of the Word,” Ensign, Mayo, 1986, 79.) Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag.

“Kinakalaban ni Satanas ang mga miyembro ng Simbahan na may patotoo at nagsisikap na sundin ang mga kautusan” (Pangulong Ezra Taft Benson).

  • Sa paanong mga paraan kinakalaban ni Satanas ang mga kabataan sa Simbahan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 6:10–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabi ni Pablo na nilalabanan ng mga Banal sa kanyang panahon. Ipaliwanag na ang mga lalang ay tumutukoy sa mga panlilinlang at panloloko na ginagamit upang makadaya o makapangbitag.

  • Ayon kay Pablo, ano ang mga nilalabanan ng mga Banal sa kanyang panahon?

  • Sa paanong paraan kahalintulad ng mga binanggit ni Pablo sa talata 12 ang mga nilalabanan natin sa ating panahon?

  • Ano ang sinabi ni Pablo na dapat isuot ng mga Banal sa kanyang panahon upang mapaglabanan ang mga kasamaang ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung mangagbibihis tayo ng buong kagayakan ng Diyos, mapaglalabanan natin ang kasamaan.)

handout, baluti ng Diyos

Isuot ang Buong Baluti ng Diyos

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 123

diagram, baluti ng Diyos

handout iconBigyan ang mga estudyante ng kalakip na handout. Hatiin ang klase sa limang grupo, at mag-assign sa bawat grupo ng isang bahagi ng baluti na binanggit sa Mga Taga Efeso 6:14–17. (Huwag i-assign ang “baywang [na] may bigkis ng katotohanan” [talata 14]. Kung maliit ang klase, baka higit sa isang bahagi ng baluti ang kailangan mong i-assign sa ilang grupo.)

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:

  1. Ano ang gamit ng bahaging ito ng baluti?

  2. Ano ang tawag ni Pablo sa bahaging ito ng baluti?

  3. Ano ang maaaring espirituwal na sinasagisag ng parte ng katawan na pinoprotektahan ng baluti?

  4. Paano makatutulong ang pagsuot ng parte ng espirituwal na baluting ito upang mapaglabanan ninyo ang kasamaan?

Upang maipakita sa mga estudyante kung paano kumpletuhin ang handout, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 6:14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga sagot para sa mga tanong sa pisara na angkop para sa “baywang [na] may bigkis ng katotohanan” at isulat ang mga sagot sa kanilang mga handout.

Ipaliwanag na ang baluti na “[nakabigkis]” sa baywang ay isang sinturon na nakatali sa gitnang bahagi ng katawan. Maaaring isagot ng mga estudyante ang katulad ng sumusunod: (1) Tinatakpan nito ang baywang (ang mahahalagang parte ng katawan na may kinalaman reproductive system). (2) Katotohanan. (3) Sinasagisag nito ang kalinisang puri o kadalisayang moral. (4) Ang kaalaman tungkol sa katotohanan ng plano ng kaligtasan ay makahihimok sa atin na manatiling dalisay ang moralidad.

Sabihin sa mga estudyante na sundin ang huwarang ito sa pagbabasa nila ng Mga Taga Efeso 6:14–18 na kasama ang kanilang mga grupo at kumpletuhin ang bahagi ng handout na tugma sa mga naka-assign sa kanila na bahagi ng baluti. (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “inyong mga paa [na] may panyapak” [talata 15] ay pagsusuot ng sapatos o ng iba pang proteksyon sa paa.)

Pagkatapos ng sapat na oras, ipaulat sa klase sa isang kinatawan sa bawat grupo ang natutuhan nila. Habang nag-uulat ang bawat grupo, ipasulat sa mga estudyante ang mga sagot ng mga grupo sa kanilang handout.

  • Bakit mahalaga na protektahan natin ang ating mga sarili gamit ang buong baluti ng Diyos?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russel Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, at sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung paano natin naisusuot at napalalakas ang baluti ng Diyos.

Elder M. Russell Ballard

“Gusto kong isipin na ang espirituwal na baluting ito ay hindi isang buong piraso ng bakal na hinubog para magkasya sa katawan, kundi isang pinagdugtung-dugtong na mga kadena. Ang kadenang ito ay binubuo ng dose-dosenang maliliit na piraso ng bakal na magkakabit-kabit upang mas makagalaw ang nagsusuot nang hindi nababawasan ang proteksyon. Sinasabi ko ito dahil sa aking karanasan ay walang iisang dakila at malaking bagay na maaari nating gawin upang maprotektahan ang ating mga sarili sa espirituwal na paraan. Ang tunay na kapangyarihang espirituwal ay nakasalalay sa maraming maliliit na gawain na hinabing mga hibla ng espirituwal na tanggulan na pumoprotekta at sumasangga mula sa lahat ng kasamaan” (“Be Strong in the Lord,” Ensign, Hulyo 2004, 8).

  • Ano ang ginagawa ninyo para maisuot at mapalakas ninyo ang baluti ng Diyos sa bawat araw? Paano ito nakatulong sa inyo na mapaglabanan ang kasamaan, panunukso, o panlilinlang?

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot:

Anong bahagi ng inyong espirituwal na baluti ang masasabi ninyong malakas?

Ano ang pinakamahinang bahagi ng inyong baluti?

Ano ang inyong gagawin upang palakasin ang bawat bahagi ng espirituwal na baluti sa inyong buhay?

Ibuod ang Mga Taga Efeso 6:19–24 na ipinapaliwanag na tinapos ni Pablo ang kanyang sulat sa paghiling sa mga Banal na magdasal upang mabigyan siya ng “pananalita” (talata 19) at makapangaral ng ebanghelyo nang may buong tapang habang nakakulong.

Ibahagi ang iyong patotoo sa mga katotohanang natukoy ng mga estudyante sa Mga Taga Efeso 5–6. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa anumang pahiwatig na maaaring natanggap nila sa lesson ngayon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Taga Efeso 5:25–28; 6:4. “Gaya naman ni Cristo na umiibig sa iglesia”

Tinukoy ni Pangulong Ezra Taft Benson ang halimbawa ng Tagapagligtas nang kanyang payuhan ang mga asawang lalaki kung paano pamunuan ang kanilang mga pamilya:

“Hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na namumuno nang mabagsik o malupit sa Simbahan. Hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na tinatrato ang Kanyang Simbahan nang walang-galang o mapagpabaya. Hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na namumuwersa o namimilit para maisagawa ang Kanyang mga layunin. Hindi natin makikita saanman ang Tagapagligtas na gumagawa ng anuman kundi ang yaong nakapagpapasigla, nakapagpapasaya, nakapapanatag, at nakabubuti sa Simbahan” (“To the Fathers in Israel,” Ensign, Nob. 1987, 50).

Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball ang impluwensya ng asawang lalaki kapag minamahal niya ang kanyang pamilya gaya ng pag-ibig ng Tagapagligtas sa Simbahan:

“Labis na iniibig ni Cristo ang simbahan at ang mga kasapi nito kaya nga kusa niyang tiniis ang mga pang-uusig para sa kanila, nagdanas ng mga mapanyurak na panlalait para sa kanila, tinanggap nang walang reklamo ang sakit at pisikal na pang-aabuso para sa kanila, at sa huli ay ibinigay ang kanyang mahalagang buhay.

“Kapag itinuturing ng asawang lalaki ang kanyang sambahayan sa ganitong paraan, hindi lang ang asawa ngunit ang buong pamilya ang tutugon sa kanyang pamumuno” (“Home: The Place to Save Society,” Ensign, Ene. 1975, 5).

Mga Taga Efeso 6:1. “Magsitalima kayo sa inyong mga magulang sa Panginoon”

“Winika ni Pablo, ‘Mga anak, magsitalima kayo sa inyong mga magulang sa Panginoon: sapagkat ito’y matuwid’ (Mga Taga Efeso 6:1; idinagdag ang pagbibigay-diin), at pagkatapos ay agad na idinagdag, ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’ (t. 2). Sa pagkakataong ito, gayunman, wala siyang idinagdag na paliwanag bukod sa ito ay ang ‘unang utos na may pangako’ (Mga Taga Efeso 6:2). Ang sundin ang utos ng iyong magulang sa Panginoon ay nangangahulugang susundin sila sa kabutihan (tingnan sa McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 2:521). Sa tuwing namumuhay nang matwid ang isang anak, nagbibigay siya ng dangal sa kanyang mga magulang, mabuti man o hindi ang mga magulang na ito. Totoo rin ang kabaligtaran nito. Sa tuwing namumuhay nang masama ang isang anak, nagdadala siya ng kahihiyan sa kanyang mga magulang, mabuti man o hindi ang mga magulang na ito. Kaya, ang paggalang sa mga magulang ay hindi palaging nangangahulugang susundin sila. Sa iilang pagkakataong iyon na nag-uutos o nanghihikayat ang mga magulang na gumawa ng masama ang mga anak, magdadala ng kahihiyan ang anak na iyon sa kanyang mga magulang kung susundin niya sila” (Old Testament Student Manual: Genesis–2 Samuel [Church Educational System manual, 2003], 131).

Mga Taga Efeso 6:11 “Mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios”

Ipinaliwanag ni Pangulong Harold B. Lee ang kahalagahan ng pagsusuot ng buong kagayakan o baluti ng Diyos:

“Mayroon tayong apat na bahagi ng katawan na sinabi ni Apostol Pablo na pinakamadaling punteryahin ng mga kapangyarihan ng kadiliman. Ang baywang, na sumisumbolo sa karangalan, kalinisang-puri. Ang puso na sumisimbolo sa ating pag-uugali. Ang ating mga paa ay ang ating mga mithiin o layunin sa buhay at ang huli ay ang ating ulo, ang ating mga iniisip” (Feet Shod with the Preparation of the Gospel of Peace, Brigham Young University Speeches of the Year [Nob. 9, 1954], 2).

Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol kung ano ang una nating dapat gawin bago tayo magsuot ng baluti ng Diyos:

“Sa paghuhubad ng likas na tao maisusuot na ang buong baluti ng Diyos, na hindi magkakasya noon! (tingnan sa Efe. 6:11, 13)” (“Plow in Hope,” Ensign, Mayo 2001, 60).

Itinuro ni Pangulong N. Eldon Tanner ng Unang Panguluhan kung ano ang maaaring gawin upang maisuot ang buong baluti ng Diyos:

“Suriin ang inyong baluti. Mayroon bang butas o di-protektadong lugar? Magpasiya ngayon na idagdag ang anumang nawawalang bahagi nito. …

“Sa pamamagitan ng dakilang alituntunin ng pagsisisi, mababago ninyo ang inyong buhay at makapagsisimula ngayon na suotan ang inyong sarili ng baluti ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral, panalangin, at ng determinasyon na paglingkuran ang Diyos at sundin ang kanyang mga kautusan” (“Put on the Whole Armor of God,” Ensign, Mayo 1979, 46).