Pambungad sa Ang Ebanghelyo Ayon kay Juan
Bakit dapat pag-aralan ang aklat na ito?
Noong panahon ng matinding pag-uusig sa mga Kristiyano, paglaganap ng apostasiya, at pagtatalo tungkol sa likas na katangian ni Jesucristo, itinala ni Apostol Juan ang kanyang patotoo sa Tagapagligtas. Ang pag-aaral ng Ebanghelyo Ayon Kay Juan ay makatutulong sa mga estudyante na makilala ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng ministeryo ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Itinuturo ng tala ni Juan na makatatanggap ng malaking pagpapala ang mga namumuhay ayon sa mga turo ni Jesucristo, kasama na ang buhay na walang hanggan.
Sino ang sumulat ng aklat na ito?
Isinulat ni Apostol Juan ang aklat na ito. Tinukoy niya ang kanyang sarili sa buong aklat bilang ang “alagad, na minamahal ni Jesus” (tingnan sa Juan 13:23; 19:26; 20:2; 21:7, 20).
Si Juan at ang kanyang kapatid na si Santiago ay mga mangingisda (tingnan sa Mateo 4:21). Bago maging disipulo at Apostol ni Jesucristo, tila isang tagasunod ni Juan Bautista si Juan (tingnan sa Juan 1:35–40; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Juan, Anak ni Zebedeo,” scriptures.lds.org).
Kailan at saan ito isinulat?
Hindi natin alam kung kailan mismo isinulat ni Juan ang aklat na ito. Sinasabing isinulat ito mula A.D. 60 hanggang A.D. 100. Ipinahayag ng mga naunang Kristiyanong manunulat ng ikalawang siglo A.D. na maaaring isinulat ni Juan ang aklat na ito sa Efeso sa Asia Minor (kasalukuyang Turkey).
Para kanino ito isinulat at bakit?
Kahit na sadyang para sa lahat ang mga sulat ni Juan, may mas partikular na pinatutungkulan ang kanyang mensahe. Isinulat ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang ebanghelyo ni Juan ay isang tala para sa mga banal; higit sa lahat, ito ay ebanghelyo para sa Simbahan” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:65). Sinabi ni Juan na ang layunin niya sa pagsusulat ng aklat na ito ay hikayatin ang tao na, “magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang anak ng Dios; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kaniyang pangalan” (Juan 20:31). “Ang mga kaganapan mula sa buhay ni Jesus na inilarawan [ni Juan] ay maingat na pinili at inayos nang may gayong layunin” (sa Bible Dictionary ng LDS English version ng Biblia, “John, Gospel of”).
Ano ang ilan sa naiibang katangian ng aklat na ito?
Mga 92 porsiyento ng nakatala sa Ebanghelyo Ayon kay Juan ay hindi matatagpuan sa iba pang Ebanghelyo. Ito marahil ay dahil ang talang ito na isinulat ni Juan para sa mga tao—mga miyembro ng Simbahan na may nalalaman na tungkol kay Jesucristo—ay iba sa mga tao na nais nina Mateo, Marcos, at Lucas na makabasa ng kanilang mga tala. Sa pitong himalang itinala ni Juan, lima rito ang hindi nakatala sa iba pang Ebanghelyo. Bagama’t inilahad nina Mateo, Marcos, at Lucas ang maraming impormasyon tungkol sa ministeryo ni Jesus sa Galilea, itinala naman ni Juan ang maraming pangyayaring naganap sa Judea. Naglalaman ng maraming doktrina ang Ebanghelyo Ayon kay Juan, na may mga mahalagang tema tulad ng kabanalan ni Jesus bilang Anak ng Diyos, ang Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buhay na walang hanggan, ang Espiritu Santo, ang pangangailang maipangak na muli, ang kahalagahan ng pagmamahal sa iba, at ang kahalagahan ng paniniwala sa Tagapagligtas.
Binigyang-diin ni Juan ang kabanalan ni Jesus bilang Anak ng Diyos. Itinala ni Juan ang mahigit 100 pagbanggit ni Jesus sa Kanyang Ama, lakip ang mahigit 20 reperensiya sa Juan 14 pa lamang. Isa sa mga pinakamahalagang naitala ni Juan ay ang mga turo ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo sa mga oras bago Siya dinakip, kasama na ang dakilang Panalangin ng Pamamagitan, na inialay Niya sa gabing nagdusa Siya sa Getsemani. Ang bahaging ito ng tala ni Juan (Juan 13–17) ay bumubuo sa mahigit 18 porsiyento ng mga pahina sa Juan, na nagbibigay sa atin ng higit na pagkaunawa sa doktrina ng Tagapagligtas at sa inaasahan Niya sa Kanyang mga disipulo.
Outline
Juan 1 Pinatotohanan ni Juan ang pagkadiyos at kabanalan sa buhay bago ang buhay sa mundong ito ni Jesucristo at ang misyon na magbigay ng kaligtasan sa lahat ng tao. Itinala ni Juan ang pagbinyag kay Jesus at ang pagtawag sa ilan sa Kanyang mga disipulo.
Juan 2–4 Ginawang alak ni Jesucristo ang tubig. Itinuro Niya kay Nicodemo ang tungkol sa espirituwal na ipanganak na muli at nagpatotoo sa babaeng nasa tabi ng balon na Siya ang Cristo. Pinagaling Niya ang anak ng isang maharlika.
Juan 5–7 Pinagaling ng Tagapagligtas ang isang maysakit na lalaki sa tangke (pool) ng Betesda at ipinahayag ang Kanyang banal na kapangyarihan at awtoridad. Pinakain Niya ang limang libong katao bilang paghahanda sa sermon na Tinapay ng Kabuhayan, ipinahayag na Siya ang Mesiyas, at ipinahayag sa Kapistahan ng mga Tabernakulo na ang mga tumatanggap sa Kanya ang magkakaroon lamang ng buhay na walang hanggan.
Juan 8–10 Sa pamamagitan ng karanasan ng babaeng nahuling nangangalunya, nagturo si Jesus tungkol sa pagkahabag at pagsisisi. Ipinahayag Niya na Siya si Jehova, ang dakilang Ako Nga. Pinagaling Niya ang isang lalaking ipinanganak na bulag at inilarawan ang Kanyang sarili bilang ang Mabuting Pastol, na nagmamahal at nag-aalay ng Kanyang buhay para sa Kanyang mga tupa.
Juan 11–13 Pinabangon ni Jesucristo si Lazaro mula sa kamatayan, na nagpapakita ng Kanyang kapangyarihang daigin ang kamatayan. Matagumpay Siyang pumasok sa Jerusalem. Sa Huling Hapunan, hinugasan ni Jesus ang mga paa ng Kanyang mga disipulo at nagturo na ibigin nila ang isa’t isa.
Juan 14–16 Itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang kaugnayan ng pagmamahal at pagsunod. Nangako siya na ipadadala ang Mang-aaliw (ang Espiritu Santo) at gagabayan Niya ang Kanyang mga disipulo. Ipinahayag niya na Siya ang Tunay na Puno ng Ubas at na dinaig Niya ang sanlibutan.
Juan 17–19 Inihandog ni Jesus ang Panalangin ng Pamamagitan para sa Kanyang mga disipulo at sa mga taong maniniwala sa kanilang pagtuturo. Siya ay ipinagkanulo, dinakip, nilitis, at hinatulan. Pagkatapos magdusa sa krus, Siya ay namatay at inilibing.
Juan 20–21 Nagpakita ang nabuhay na muling si Jesucristo kay Maria Magdalena sa Libingan sa Halamanan at sa ilan sa Kanyang mga disipulo sa Jerusalem. Nagpakita siya sa pitong disipulo sa Dagat ng Galilea at iniutos kay Pedro na pamunuan ang mga disipulo sa paglilingkod sa iba.