Library
Lesson 61: Juan 2


Lesson 61

Juan 2

Pambungad

Sa Cana, ginawa ng Tagapagligtas ang unang himalang nasaksihan ng publiko sa Kanyang ministeryo sa lupa nang gawin Niyang alak ang tubig. Pumunta si Jesucristo sa Jerusalem para sa Paskua. Nilinis Niya ang templo sa pamamagitan ng pagpapaalis sa mga mamamalit ng salapi na nilalapastangan ang bahay ng Kanyang Ama.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Juan 2:1–11

Ginawang alak ni Jesus ang tubig

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang tungkol sa sumusunod na “mga una” na maaaring nangyari sa kanilang buhay: ang kanilang unang araw sa paaralan, ang kanilang unang trabaho, ang unang pagkakataon na naalala nilang naramdaman nila ang Espiritu Santo.

  • Bakit pinahahalagahan natin kung minsan ang mga ito at iba pang “mga una” sa ating buhay?

Ipaliwanag sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng Juan 2:1–11, malalaman nila ang tungkol sa unang nakatalang himala na ginawa ni Jesus noong nagministeryo Siya rito sa mundo. Sabihin sa mga estudyante na alamin kung bakit mahalaga ang unang nakatalang himala na ito.

Ipaliwanag na hindi nagtagal matapos mabinyagan si Jesus, Siya at ang Kanyang mga disipulo ay dumalo sa isang kasalan sa Cana, isang nayon malapit sa Nazaret, na kinalakhan ni Jesus. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 2:1–3, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang naging problema sa kasalan.

  • Ano ang naging problema sa kasalan?

Ipaliwanag na ang alak ay kinaugaliang inumin sa isang kasalan. Minsan ay tumatagal ang isang kasalan nang maraming araw. Ang maubusan ng alak ay kahiya-hiya para sa mga punong-abala o nagdaos ng kasalan. Tila naramdaman ni Maria na may responsibilidad siya para sa piging ng kasal, kaya nang maubos ang alak, lumapit siya sa kanyang Anak at hiniling ang tulong Niya sa pagsisikap na iligtas sa kahihiyan ang pamilyang nagdaos ng kasalan. Ang sagot ni Jesus ay nagpakita ng paggalang at pagkahabag sa pagnanais ng Kanyang ina na makatulong sa kasalan.

Basahin ang nakatala sa Joseph Smith Translation ng John 2:4, at sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang itinugon ni Jesus sa Kanyang ina: “Sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae, ano ang nais mong gawin ko para sa iyo? na aking gagawin; ang aking oras ay hindi pa dumarating.”

  • Ano ang itinugon ni Jesus sa Kanyang ina?

  • Paano nagpakita ng paggalang ang itinugon ni Jesus sa Kanyang Ina? (Hindi lamang itinanong ni Jesus kung ano ang nais ipagawa sa Kanya ng Kanyang ina, ngunit ipinakita rin Niya ang kahandaang gawin ito. Maaari mong ipaliwanag na noong panahon ni Jesus, ang salitang “babae” ay magalang na pagtawag sa isang ina.)

  • Ano ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin Niyang, “Ang aking oras ay hindi pa dumarating”?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 2:5, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang sinabi ni Maria sa mga alila o tagapagsilbi. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang itinuturo sa atin ng mga tagubilin ni Maria sa mga tagapagsilbi tungkol sa kanyang pananampalataya kay Jesus?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 2:6–7, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang ipinagawa ni Jesus sa mga tagapagsilbi.

  • Ano ang ipinagawa ni Jesus sa mga tagapagsilbi?

Ipaliwanag na noong panahon ni Jesus, ang mga tapayan (waterpots) na gawa sa bato ay itinuturing na dalisay at magagamit sa mga seremonyang panrelihiyon. Kaugalian ng mga Judio na linisin ang kanilang sarili bago sila kumain sa pamamagitan ng paghuhugas ng kanilang kamay gamit ang tubig mula sa mga tapayang ito.

mga tapayang gawa sa apog

Mga tapayang gawa sa apog mula sa panahon ng Bagong Tipan sa Israel

  • Gaano karaming tubig ang inilagay ng mga tagapagsilbi sa mga tapayan?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang dami ng tubig na nasa mga tapayan, magpakita ng isang lalagyan ng tubig na maaaring lagyan ng isang galon (o isang litro) na tubig. Ipaliwanag sa mga estudyante na ang isang “banga” ay mga siyam na galon (o 34 litro), kaya ang anim na tapayan ay mapaglalagyan ng mga 100 hanggang 160 galon (o mga 380 hanggang 600 litro) na tubig. Punuin ang lalagyan ng tubig.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 2:8, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang kasunod na ipinagawa ni Jesus sa mga tagapagsilbi. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Habang nagrereport ang mga estudyante, ipang-salok ang isang tasa sa lalagyan ng tubig, at hawakan ang tasa.

  • Kung isa kayo sa mga tagapagsilbing ito, ano kaya ang maiisip o mararamdaman ninyo habang dinadala ninyo ang tasa sa gobernador, o pinuno, ng kasalan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 2:9–10, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang sinabi ng gobernador matapos matikman ang inumin na dinala sa kanya.

  • Ano ang ginawa ni Jesus sa tubig?

  • Ano ang sinabi ng gobernador ng kasalan tungkol sa bagong alak? (Ipaliwanag na kadalasang ipinaiinom ang pinakamasarap na alak sa simula ng kasalan at sa huli ipinaiinom ang mga alak na may mas mababang kalidad.)

Ipaliwanang na si Jesus ay hindi nagbigay ng partikular na kahulugan o simbolismo tungkol sa unang nakatalang himalang ito sa Kanyang ministeryo dito sa mundo. Gayunman, maraming mahahalagang katotohanan ang matututuhan natin mula sa unang naitalang himalang ito ni Jesus.

Hatiin ang klase sa maliliit na grupo na may tig-dadalawa o tig-tatatlong estudyante. Sabihin sa bawat grupo na ilista sa isang papel ang mga katotohanan na maaaring matutuhan sa Juan 2:1–11 hanggang sa makakaya nila. Pagkaraan ng sapat na oras, anyayahan ang isang miyembro mula sa bawat grupo na ibahagi sa klase ang mga katotohanang natukoy ng kanilang grupo. Hilingin sa isang estudyante na siya ang magsulat sa pisara. Sabihin sa kanya na isulat sa pisara ang bawat kakaibang katotohanang naibahagi. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga maaaring matukoy na katotohanan ng mga estudyante: Si Jesucristo ay may kapangyarihan sa mga elemento. Alam ng Tagapagligtas na mayroon Siyang banal na misyon na isasakatuparan. Ipinakita ng Mesiyas ang Kanyang banal na kapangyarihan sa pamamagitan ng mga himala. Minamahal at iginagalang ng Anak ng Diyos ang Kanyang ina.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 2:11, at sabihin sa klase na alamin kung ano ang epekto ng himalang ito sa mga disipulo ni Jesus.

  • Ano ang epekto ng himalang ito sa mga disipulo ni Jesus?

Bilugan ang sumusunod na katotohanan sa pisara mula sa listahan ng mga katotohanang natukoy ng mga estudyante: Si Jesucristo ay may kapangyarihan sa mga elemento. (Paalala: Kung hindi nailista ng mga estudyante ang katotohanang ito, idagdag ito sa listahan.)

  • Paano napalakas ang inyong pananampalataya kay Jesucristo nang maunawaan ninyo na si Jesus ay may kapangyarihan sa mga elemento?

  • Ano ang iba pang mga tala na napag-aralan natin sa Bagong Tipan na nagpapakita rin na si Jesucristo ay may kapangyarihan sa mga elemento? (Maaaring kasama sa mga sagot ang sumusunod: ang dalawang himala tungkol sa pagpaparami ng mga tinapay at mga isda [limang libo: Marcos 6:33–44; apat na libo: Marcos 8:1–9] pagpapatigil sa bagyo [Marcos 4:35–41], o paglalakad sa ibabaw ng tubig [Mateo 14:22–33].)

Juan 2:12–25

Nilinis ni Jesus ang Templo

Sabihin sa mga estudyante na magbigay ng mga outdoor game na nilaro nila noong sila ay mga bata pa. Pagkatapos na maglista ng ilang mga laro, itanong ang sumusunod:

  • Bagama’t ang mga larong ito ay pambata at masaya, komportable ka bang laruin ang mga ito sa bakuran ng templo?

Hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may tig-dadalawang tao. Ipabasa sa bawat grupo ang Juan 2:12–17. Habang nagbabasa sila, sabihin sa mga grupo na alamin at talakayin ang mga sagot sa sumusunod na mga tanong (isulat ang mga tanong na ito sa pisara):

  1. Ano ang nakita ni Jesus sa templo?

  2. Sa inyong palagay, bakit nabalisa si Jesus?

  3. Ano ang ginawa ni Jesus upang itama ang problema?

Pagkatapos ng sapat na oras, ipakita ang larawang Nililinis ni Jesus ang Templo (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009]. blg. 51; tingnan din sa LDS.org), at sabihin sa ilang grupo na ireport ang kanilang mga sagot. Maaari mong ipaliwanag na kailangang bumili ng mga hayop ang libu-libong bisita na nagsidatingan sa Jerusalem para sa pagdiriwang ng Paskua upang ialay bilang mga hain sa templo bilang bahagi ng kanilang pagsamba. Ang mga mamamalit ng salapi ay nagpapalit ng perang Romano o iba pang pera para sa perang gamit sa templo upang makabili ng mga hayop na iaaalay, at ang iba pang mangangalakal ay nagtitinda ng mga hayop na iyon. Bagama’t mahalaga ang pangangalakal na ito, ang paggawa nito sa templo ay paglapastangan at kawalang-pagpipitagan sa templo.

  • Anong katotohanan tungkol sa mga templo ang matututuhan natin mula sa sinabi ni Jesus tungkol sa templo sa talata 16? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang templo ay bahay ng Diyos.)

  • Sa anong mga paraan ang mga templo ay bahay ng Diyos? (Maaaring magkakaiba ang mga sagot ng mga estudyante ngunit dapat kasama ang sumusunod na mga ideya: Ang mga templo ay mga lugar kung saan maaaring pumunta ang Diyos, kung saan madarama ang Kanyang presensya o Espiritu, at magagawa ang mga ordenansang may kinalaman sa Kanyang gawain ng kaligtasan. Ang mga templo ang pinakabanal na lugar ng pagsamba sa lupa.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung paano mas nakapagpatibay sa desisyon ni Jesus na itaboy ang mga mamamalit ng salapi at mangangalakal mula sa templo ang pagkaunawa Niya tungkol sa kabanalan ng mga templo.

Pangulong Howard W. Hunter

“Ang dahilan ng paglilinis sa templo ay dahil sa limang salita lamang: ‘Ang bahay ng aking Ama.’ Ito ay hindi isang karaniwang bahay; ito ay bahay ng Diyos. Itinayo ito para sa pagsamba sa Diyos. Ito ay tahanan para sa mapitagang puso. Ito ay lugar ng kapanatagan para sa mga taong napipighati at nababalisa, ang mismong pasukan ng langit. … Ang pagmamahal [ni Jesus] sa Pinakamakapangyarihang Diyos ang nagpasiklab ng apoy sa kanyang kaluluwa at nagbigay ng lakas sa kanyang mga salita na tumagos sa mga may sala na tila isang punyal” (“Hallowed Be Thy Name,” Ensign, Nob. 1977, 53).

  • Paano ipinakita ng mga ikinilos ni Jesus ang Kanyang pagpipitagan sa bahay ng Kanyang Ama?

Isulat ang sumusunod na di-kumpletong pahayag sa pisara: Maipapakita natin ang pagpipitagan sa templo sa pamamagitan ng …

Hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may tig-dadalawa o tig-tatatlong tao. Sabihin sa mga grupo na magsulat sa isang papel ng maraming paraan sa abot ng makakaya nila para makumpleto ang pahayag na ito. Pagkatapos ng isa o dalawang minuto, sabihin sa isang grupo na ibahagi ang kanilang listahan sa klase. Habang nagbabahagi ang unang grupo, sabihin sa ibang mga grupo na itsek ang mga nabanggit na nasa listahan nila. Pagkatapos, ipabahagi sa iba pang grupo ang mga nakalista sa kanila na hindi nabanggit ng unang grupo. Ulitin ang paraang ito hanggang sa makapagbahagi ang lahat ng grupo.

  • Paano natin maipapakita ang ating pagpipitagan sa templo kahit wala tayo roon?

Sabihin sa bawat estudyante na isulat sa kanilang mga notebook o scripture study journal kung bakit sa palagay nila ay mahalaga na gawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang magpakita ng pagpipitagan sa templo. Sabihin din sa mga estudyante na magsulat ng isang mithiin na gumawa ng isang bagay na magpapakita ng pagpipitagan sa templo. Hikayatin silang kumilos ayon sa mithiing ito.

Ibahagi ang iyong patotoo sa mga alituntunin na tinukoy sa aralin ngayon.

scripture mastery icon
Scripture Mastery Review

Ang aktibidad na ito ay magagamit upang maituro o marebyu ang isang set ng scripture mastery passages. Pumili ng isang numero ng mga scripture mastery card, at maghanda na ipamahagi ito sa iyong mga estudyante. (Siguraduhin na marami kang kopya ng bawat card para mas maraming estudyante ang makatanggap ng magkakaparehong scripture mastery passage. Maaaring gustuhin mong magkaroon ng sapat na mga card para sa bawat estudyante para magkaroon sila ng dalawa o tatlong magkakaibang scripture passage.) Ipamahagi ang mga card sa mga estudyante. Bigyan ng oras ang mga estudyante para mapag-aralan ang scripture mastery passage, ang reference, ang mga key word o mahahalagang salita, ang konteksto, ang doktrina o alituntunin, at mga application idea sa bawat card. Magbigay ng mga clue mula sa bawat card (halimbawa, mga salita mula sa scripture mastery passage o ang mga key word, konteksto, doktrina o alituntunin, o application). Ang mga estudyante na may kaugnay na mga card ay dapat tumayo at sabihin nang malakas ang scripture mastery reference.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Juan 2:1–11. “Mabuting Alak”

“Maraming mga reperensya sa Biblia na tumutukoy sa kasamaan ng paglalasing at matatapang na alak (halimbawa, tingnan sa Mga Kawikaan 23:20–21; Isaias 5:11–12; Mga Taga Efeso 5:18). Ang mga talatang ito ay hindi tuwirang nagbabawal sa pag-inom ng alak, ngunit kinukundena ang pagpapakasasa sa alak at paglalasing. Sa ating panahon, inihayag ng Panginoon ang Word of Wisdom, na nagbabawal sa pag-inom ng alak (tingnan sa D at T 89:4–7). Hindi natin dapat hatulan ang mga tao sa mga naunang dispensasyon sa mga kautusang ibinigay ng Panginoon sa ating panahon” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 208).

Juan 2:4. “Babae, anong pakialam ko sa iyo?”

“Ang tugon ng Tagapagligtas sa Kanyang ina ay tila kawalang-paggalang tulad ng mababasa sa King James Version, ngunit isinasaad sa Joseph Smith Translation at Greek version na magalang Siyang nagsalita. Ipinaliwanag ni Elder James E. Talmage (1862-1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol: ‘Ang pagtawag ng, “Babae,” ng isang anak sa kanyang ina ay tila masakit pakinggan, kung hindi man kawalang-paggalang, ngunit ang paggamit ng salitang ito ay tunay na nagpapakita ng paggalang. … Sa huli at malagim na pangyayari sa Kanyang buhay sa mundo, noong si Cristo ay naghihingalong nakapako sa krus, tiningnan Niya ang umiiyak na si Maria, ang Kanyang ina, at inihabilin ito sa pangangalaga ng Kanyang pinakamamahal na apostol na si Juan, na winika ang mga salitang: “Babae, narito, ang iyong anak!” [Juan 19:26]. Hindi ba natin naisip na sa pinakahuling sandaling ito, ang pagmamalasakit ng Panginoon sa ina na iiwan Niya dahil sa Kanyang kamatayan ay bunsod ng paggalang, pagkahabag at pagmamahal at wala nang iba?’ (Jesus the Christ, 3rd ed. [1916], 144–45).

“Ang Joseph Smith Translation ay tumutulong din sa atin na maunawaan na hindi lamang itinanong ni Jesus sa Kanyang ina kung ano ang nais ipagawa niya sa Kanya, ngunit Siya rin ay nagpakita ng kahandaang gawin ito: ‘Babae, ano ang nais mo na gawin ko para sa iyo? na aking gagawin’ (Joseph Smith Translation, John 2:4). Ang tanong na ‘Anong pakialam ko sa iyo?’ ay tunay na nangangahulugang ‘Ano ang nais mo na gawin ko para sa iyo?’ (Juan 2:4),” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014],208).