Pambungad sa Sulat ni Pablo sa mga Taga Filipos
Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?
Sa kanyang Sulat sa Mga Taga Filipos, pinalakas ni Pablo ang loob ng mga Banal sa Filipos at pinayuhan sila na magkaisa at sama-samang gumawa para ipagtanggol ang pananampalataya. Marahil ang isa sa pinakamahahalagang alituntunin na itinuro ni Pablo sa mga taga-Filipos ay na nagdudulot ang pagdarasal sa Diyos at pagtitiwala sa Kanya ng “kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip” (Mga Taga Filipos 4:7). Ang pag-aaral ng mga mapanghikayat na mensahe ni Pablo sa sulat na ito ay makatutulong sa mga estudyante sa kanilang pagsisikap na makapagtiis hanggang wakas nang may katapatan. Kapag sinikap ng mga estudyante mong sundin si Cristo, magkakaroon din sila ng matibay na pananalig at, tulad ni Pablo, maipahahayag na, “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa [sa pamamagitan ni Cristo na] nagpapalakas sa akin” (Mga Taga Filipos 4:13).
Sino ang nagsulat ng aklat na ito?
Bagama’t nabanggit si Timoteo sa pagbati ni Pablo, (tingnan sa Mga Taga Filipos 1:1), si Pablo ang gumawa ng Sulat sa Mga Taga Filipos. Sinusuportahan ito ng paggamit ng pang-isahang panghalip na ko sa buong sulat at sa pagbanggit kay Timoteo sa Mga Taga Filipos 2:19. Malamang na naging tagasulat ni Pablo si Timoteo, at isinulat ang liham sa direksyon ni Pablo.
Kailan at saan ito isinulat?
Isinulat ni Pablo ang Mga Taga Filipos sa pagitan ng A.D. 60 at 62, habang nakakulong sa Roma (tingnan sa Mga Taga Filipos 1:7, 13, 17; tingnan din sa Mga Gawa 28:16–31; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Taga Filipos, Sulat sa mga,” scriptures.lds.org).
Para kanino ito isinulat at bakit?
Ang Filipos ang unang lugar sa Europa kung saan pormal na nangaral ng ebanghelyo at nagtatag ng isang sangay ng Simbahan si Pablo (tingnan sa Mga Gawa 16:11–40; Bible Dictionary, “Pauline Epistles”). Isa sa mga pangunahing layunin ni Pablo sa pagsulat ng liham na ito ay ang ipahayag ang pasasalamat para sa pagmamahal at tulong-pinansyal sa kanya ng mga Banal sa Filipos noong kanyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero at noong siya ay nakulong (tingnan sa Mga Taga Filipos 1:3–11; 4:10–19; tingnan din sa Bible Dictionary, “Pauline Epistles”).
Pinuri din ni Pablo ang mga miyembro sa Filipos para sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo at nagbigay ng payo batay sa impormasyong ibinigay sa kanya mula sa isang disipulong taga-Filipos na si Epafrodito (tingnan sa Mga Taga Filipos 4:18). Kasama sa payo ni Pablo ang panghihikayat na maging mapagpakumbaba at magkaisa (tingnan sa Mga Taga Filipos 2:1–18; 4:2–3). Nagbabala rin Pablo sa mga taga-Filipos na mag-ingat sa mga tiwaling Kristiyano, gaya ng mga taong nagtuturo na kailangang magpatuli para makapagbalik-loob o makasapi sa simbahan. Ang mga taong ito (na kadalasang tinatawag na mga Judaizer) ay nagtuturo ng mali na ang mga bagong nagbabalik-loob ay kailangang sumunod sa lumang batas ng pagtutuli sa Lumang Tipan bago maging Kristiyano (tingnan sa Mga Taga Filipos 3:2–3).
Ano ang ilan sa mga naiibang katangian ng aklat na ito?
Ang Sulat sa Mga Taga Filipos ay kadalasang tinatawag na Sulat na ginawa sa bilangguan, gayundin ang Mga Taga Efeso, Mga Taga Colosas, at Kay Filemon. Kahit na sa bilangguan ito isinulat, ang sulat ni Pablo sa mga taga-Filipos ay inilalarawan ng mga iskolar na pinakamasayang naisulat niya. Nagpahayag si Pablo ng pasasalamat, pagmamahal, at tiwala sa mga miyembro ng Simbahan; inilarawan ang mga sakripisyo na nagawa niya upang sundin si Jesucristo; at tinuruan ang mga Banal sa Filipos ng mga alituntunin ng mabuting pamumuhay. Maaaring mapansin ng mga estudyante sa Mga Taga Filipos 4:8 ang ilan sa mga ginamit na salita sa ikalabintatlong saligan ng pananampalataya, na isinulat ni Propetang Joseph Smith.
Patulang inilahad ni Pablo ang pagpapakababa ng Tagapagtigtas mula sa pagiging Diyos sa buhay bago ang buhay sa mundo hanggang sa pagiging mortal dito sa mundo, kung saan ay nagdusa Siya ng “kamatayan sa krus” (tingnan sa Mga Taga Filipos 2:3–8). Dahil natupad Niya ang Kanyang banal na misyon, si Jesucristo ay nadakila, at darating ang araw na “[luluhod] ang lahat ng tuhod” sa Kanyang harapan at “[ipahahayag] ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon” (Mga Taga Filipos 2:10–11). Inihayag ni Pablo na si Jesucristo ang pinagmumulan ng kanyang tibay at lakas (tingnan sa Taga Filipos 4:13).
Outline
Mga Taga Filipos 1 Nagpahayag si Pablo ng pasasalamat sa pakikipagkapatiran ng mga Banal sa Filipos. Itinuro niya na ang mga pagsalungat na kanyang naranasan sa paglilingkod sa Panginoon, kabilang na ang pagkakakulong, ay nagsulong ng layunin ng ebanghelyo. Hinikayat niya ang mga miyembro ng Simbahan na magkaisa sa pagtatanggol sa pananampalataya.
Mga Taga Filipos 2 Hinikayat din ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan na magkaisa at magtuon sa halimbawa ni Jesucristo, na nagpakababa sa pagparito sa mortalidad, bilang halimbawa ng pag-ibig, pagsunod, at pagpapakumbaba. Balang araw, kikilalanin ng bawat isa si Jesucristo bilang Panginoon. Tinagubilinan ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan na kumilos para sa kanilang sariling kaligtasan.
Mga Taga Filipos 3 Nagbabala si Pablo hinggil sa mga Judaizer. Inilarawan niya ang dati niyang buhay bilang isang Fariseo at kung paano niya buong pusong isinuko at isinakripisyo ang lahat upang sundin si Jesucristo. Pinayuhan niya ang mga Banal na tularan ang kanyang halimbawa sa pagsulong tungo sa kaligtasan. Ipinaliwanag ni Pablo na babaguhin ni Jesucristo ang ating mga mortal na katawan at gagawin itong maluwalhating katawan na tulad ng sa Kanya.
Mga Taga Filipos 4 Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na palaging magalak sa Panginoon. Pinayuhan niya sila na palitan ang kanilang mga pag-aalala ng panalangin at pasasalamat, na ipinapangako na matatamasa nila ang kapayapaan ng Diyos, na di-masayod ng pag-iisip. Pinayuhan ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan na isipin ang mga bagay na matapat, matwid, tunay, dalisay, kaaya-aya, magandang balita, at marangal. Sinabi niyang magagawa niya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Jesucristo, na nagpapalakas sa kanya.