Lesson 76
Juan 16
Pambungad
Pagkatapos ng hapunan ng Paskua, nagpatuloy si Jesucristo sa pagtuturo sa Kanyang mga disipulo. Sinabi Niya na malapit na Siyang pumunta sa Kanyang Ama at na darating ang Espiritu Santo, o ang Mang-aaliw, at gagabayan sila sa buong katotohanan. Ipinropesiya ni Jesus ang Kanyang sariling kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uuli at ipinahayag na nadaig Niya ang sanglibutan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Juan 16:1–15
Itinuro ni Jesucristo ang gawain ng Espiritu Santo
Papuntahin ang isang estudyante sa harapan ng klase. Piringan ang estudyante upang hindi siya makakita. Matapos piringan ang estudyante, sabihin sa ibang mga estudyante na ilagay sa kahit saang lugar sa silid ang kanilang mga banal na kasulatan. Pagkatapos, itanong sa nakapiring na estudyante kung gaano kahirap ang maghanap ng isang partikular na mga banal na kasulatan sa silid at buksan ito sa isang partikular na pahina. Itanong sa estudyante kung makatutulong kaya kapag may taong handang gumabay sa kanya.
Sabihin sa nakapiring na estudyante na pumili ng isang estudyante na gagabay sa kanya. Sabihin sa napiling estudyante na gabayan ang nakapiring na estudyante sa tinukoy na set ng mga banal na kasulatan at tulungan siyang mahanap ang isang partikular na pahina. Pagkatapos magawa ang mga ito, ipaliwanag na noong nasa daigdig si Jesucristo, ginabayan at tinuruan Niya ang Kanyang mga disipulo. Personal Niyang ginabayan sila upang maunawaan ang mga katotohanang itinuro Niya.
Ibuod ang Juan 16:1–4 na ipinapaliwanag na matapos kumain si Jesus ng hapunan ng Paskua kasama ang Kanyang mga disipulo, sinabi Niyang darating ang oras na mapopoot sa kanila ang mga tao at maniniwala ang mga ito na isang paglilingkod sa Diyos ang pagpatay sa kanila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 16:5–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo at ang nadama nila tungkol dito.
-
Ano ang naramdaman ng mga disipulo tungkol sa ipinahayag na lilisan na si Jesus at na uusigin sila?
Sabihin sa estudyanteng gumagabay sa nakapiring na estudyante na bumalik sa kanyang upuan. Itanong sa nakapiring na estudyante:
-
Ano ang pakiramdam na maging mag-isa muli na walang kaibigang tumutulong sa iyo?
Bigyan ng upuan ang nakapiring na estudyante, at sabihin sa kanyang umupo (ngunit huwag tanggalin ang piring).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 16:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ang ipinangako ni Jesus na ipadadala kapag wala na Siya.
-
Sino ang ipinangako ni Jesus na darating kapag lumisan na Siya? (Ipadadala ni Jesus ang Mang-aaliw, o ang Espiritu Santo.)
Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang nararapat, na ginamit sa talata 7, ay kapaki-pakinabang o makabubuti. Ipaliwanag na “hindi gaanong nagpadama ang Espiritu Santo sa mga Judio sa mga panahong narito sa mundo si Jesus (Juan 7:39; 16:7)” (Bible Dictionary, “Holy Ghost”). Upang matulungan ang klase na maunawaan kung bakit hindi gaanong nagpadama ang Espiritu Santo, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Hangga’t kasama ng mga disipulo si Jesus, hindi nila kailangan ang palagiang paggabay ng Espiritu, kakailanganin nila ang Espiritu matapos lumisan ni Jesus” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 753).
Ibuod ang Juan 16:8–12 na ipinapaliwanag na isa sa mga gawain ng Espiritu Santo ay sumbatan ang sanglibutan tungkol sa kasalanan nito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 16:13, at sabihin sa klase na alamin ang iba pang mga gawain na isasakatuparan ng Mang-aaliw sa buhay ng mga disipulo matapos lumisan si Jesus.
-
Anong mga gawain ang isasakatuparan ng Espiritu Santo sa buhay ng mga disipulo ng Panginoon matapos Siyang lumisan? Paano makikinabang ang mga disipulo mula sa tulong at gabay na ibibigay ng Espiritu Santo?
-
Ayon sa talata 13, ano rin ang magagawa ng Espiritu Santo para sa atin sa panahong ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Magagabayan tayo ng Espiritu Santo sa buong katotohanan at maipapahayag sa atin ang mga bagay na darating.)
-
Ano ang ilang paraan na gagabayan tayo ng Espiritu Santo sa katotohanan?
-
Sa anong mga paraan maaaring maipahayag sa atin ng Espiritu Santo ang mga bagay na darating? (Kung kailangan, ipaliwanag na sa pamamagitan ng Espiritu Santo, makapagbibigay ang Diyos ng katiyakan, pag-asa, pananaw, babala, at gabay para sa ating hinaharap.)
Maglagay ng isang bagay (isang gantimpala) sa isang istante o upuan o kahit saan sa silid. Sabihin sa nakapiring na estudyante na hanapin ang bagay. Sabihin sa isa pa na ibulong sa nakapiring na estudyante ang direksyon upang matulungan siyang mahanap ang gantimpala. Pagkatapos mahanap ng estudyante ang bagay, sabihin sa kanya na alisin ang piring. Pabalikin ang dalawang estudyante sa kanilang upuan. Itanong sa klase:
-
Kailan ninyo nadama na ginabayan kayo ng Espiritu Santo sa katotohanan? Paano ninyo nakilala na ang Espiritu Santo ang gumagabay sa inyo?
Maaari mong ibahagi ang isang karanasan sa buhay mo na ginabayan ka ng Espiritu Santo. Upang matulungan ang mga estudyante na ipamuhay ang katotohanang napag-aralan nila, hikayatin silang mamuhay sa mga paraan na mag-aanyaya sa paggabay ng Espiritu Santo sa kanilang buhay.
Ipaliwanag na tinukoy sa Juan 16:13 na ang Espiritu Santo, na ang gawain ay patotohanan ang Ama at ang Anak, ay “hindi magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain.” Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 16:14–15, at sabihin sa klase na alamin kung kaninong mga mensahe ang ipararating sa atin ng Espiritu Santo.
-
Kaninong mga mensahe ang ipararating sa atin ng Espiritu Santo? (Matapos sumagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Inihahayag ng Espiritu Santo ang mga katotohanan at mga tagubilin na nagmumula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.)
-
Bakit nakatutulong na malaman na kapag nangungusap sa atin ang Espiritu Santo, Siya ay nangungusap para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Ipaliwanag sa mga estudyante na “ang pakikipag-ugnayan (ng Espiritu Santo) sa inyong espiritu ay may hatid na higit na katiyakan kaysa anumang pakikipag-ugnayang matatanggap ng inyong likas na mga pandamdam” (Tapat sa Pananampalataya [2006], 26). Ang ibig sabihin nito ay ang Espiritu Santo ang ating pinakamahalagang gabay sa pag-aaral ng katotohanan; mas mahalaga ang impluwensya Niya kaysa sa mga katibayang nakikita, sa mga opinyon ng iba, o sa pangangatwiran ng mundo. Tulad natin, kailangang matutuhan ng mga disipulo ng Tagapagligtas na umasa sa Espiritu Santo bilang gabay sa pisikal na pagkawala ng Panginoon.
Juan 16:16–33
Tinalakay ng Tagapagligtas ang Kanyang paglisan mula sa mortalidad at ipinahayag na nadaig Niya ang sanglibutan
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pangyayari na kailangan nilang magpaalam sa kanilang pamilya o kaibigan.
-
Ano ang sinabi ninyo upang mapanatag ang isa’t isa noong magpaalam kayo?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 16:16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi pa ni Jesus sa mga disipulo na maaaring nagpanatag sa kanila habang iniisip nila na lilisan Siya. Sabihin sa klase na ibahagi ang nalaman nila.
Ipaliwanag na sa Juan 16:17–19, mababasa natin na hindi naunawaan ng mga disipulo ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin Niya na lilisan na Siya ngunit muli nila Siyang makikita.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 16:20–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Panginoon na madarama ng Kanyang mga disipulo kapag umalis Siya at ang madarama nila kapag muli Siyang nakita nila. Maaari mong kailanganing ipaliwanag na ang mga katagang “babae … (na) manganganak” ay tumutukoy sa isang ina na nahihirapan sa panganganak.
-
Ano ang mararamdaman ng mga disipulo kapag wala na si Jesus? Ano ang ipinangako Niyang mangyayari pagkatapos niyon?
Ipaliwanag na makikita muli ng mga disipulo si Jesus pagkatapos Niyang mabuhay na muli. Bagama’t labis ang kanilang kalungkutan sa pagkamatay Niya, ang kagalakang madarama nila sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay magiging walang hanggan.
Ibuod ang Juan 16:23–32 na ipinaliliwanag na itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na direktang manalangin sa Ama sa Langit sa Kanyang pangalan (pangalan ni Cristo) at tiniyak sa kanila ang pagmamahal ng Ama sa kanila at sa Kanya.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 16:33, at sabihin sa klase na alamin ang mga salita at mga kataga na ginamit ng Tagapagligtas upang panatagin ang Kanyang mga disipulo.
-
Anong mga salita at mga kataga ang ginamit ng Panginoon upang panatagin ang Kanyang mga disipulo?
-
Ayon sa talata 33, bakit tayo magkakaroon ng kaligayahan at kapayapaan kahit narito tayo sa daigdig na puno ng pagdurusa at kamatayan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Sapagkat nadaig ni Jesucristo ang sanglibutan, mapalalakas natin ang ating loob at magkakaroon ng kapayapaan.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng nadaig ni Jesucristo ang sanglibutan?
Ipaliwanag na bilang Bugtong na Anak ng Ama, namuhay si Jesucristo nang walang kasalanan, dinaig ang lahat ng tukso ng mundo. Naranasan din Niya ang bawat sakit at paghihirap at nagbayad-sala para sa mga kasalanan nating lahat. Sa pamamagitan ng Kanyang buhay, Kanyang pagdurusa at kamatayan, at Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, nadaig Niya ang lahat ng hadlang sa atin na maging malinis, makahanap ng kapayapaan, at mamuhay muli kasama ang ating Ama sa Langit at ang mga mahal natin sa buhay.
-
Sa anong mga paraan makatutulong ang kaalaman na nadaig ni Jesucristo ang sanglibutan upang mapalakas natin ang ating loob at magkaroon ng kapayapaan?
Bigyan ang mga estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag, at sabihin sa klase na alamin ang paliwanag kung bakit kaya nating mapalakas ang ating loob sa kabila ng mga pagsubok at paghihirap sa mundong ito.
“Lakasan natin ang ating loob habang hinaharap natin ang mga hamon sa buhay. Bagama’t nabubuhay tayo ngayon sa mas lalong nagiging mapanganib na panahon, minamahal at pinapatnubayan tayo ng Panginoon. Palagi Siyang nariyan sa ating tabi kapag ginagawa natin ang tama. Tutulungan Niya tayo sa oras ng pangangailangan. … Ang buhay natin ay maaari ding maging puno ng kagalakan habang sinusunod natin ang mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo.
“Sinabi ng Panginoon, ‘Laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan’ [Juan 16:33]. Ang kaalamang ito ay dapat magdulot sa atin ng malaking kaligayahan. Siya ay nabuhay at Siya ay namatay para sa atin. Siya ang nagbayad ng ating mga kasalanan. Nawa’y tularan natin ang Kanyang halimbawa. Nawa’y ipakita natin ang ating malaking pasasalamat sa Kanya sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanyang sakripisyo at pamumuhay sa paraang magiging karapat-dapat tayo na makabalik at makasama Niya balang-araw” (“Patnubayan Nawa Kayo ng Diyos Hanggang sa Muli Nating Pagkikita,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 110–11).
-
Kailan nakatulong sa inyo ang kaalamang dinaig ni Jesucristo ang sanglibutan upang maging malakas ang loob ninyo at magkaroon kayo ng kapayapaan?
Sabihin sa mga estudyante na lakasan nila ang kanilang loob at ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Magpatotoo na kapag ginawa nila ito, makadarama sila ng kapayapaan at pag-asa dahil sa nagbayad-salang sakripisyo at Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoon.