Library
Lesson 138: Sa Mga Hebreo 11


Lesson 138

Sa Mga Hebreo 11

Pambungad

Itinuro ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan ang tungkol sa pananampalataya. Nagbanggit siya ng mga halimbawa ng mabubuting kalalakihan at kababaihan mula sa Lumang Tipan na nanampalataya kay Jesucristo at dahil dito ay nakagawa ng mga himala, nakapagtiis ng hirap, at nakatanggap ng malalaking pagpapala.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Sa Mga Hebreo 11:1–6

Itinuro ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan ang tungkol sa pananampalataya

Basahin ang sumusunod na kuwento tungkol sa isang dalagita mula sa Pilipinas. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung paano nanampalataya ang dalagitang ito.

Ikinuwento ng isang dalagita mula sa Pilipinas na isang araw ng tag-init ay kinailangang pumunta sa malayo ang tatay niya para magtrabaho. Kapag natanggap na niya ang kanyang suweldo, ipinapadala niya ito sa kanyang pamilya. Isang Sabado, nagastos ng pamilya ang lahat ng pera at dalawang tig-20 pesos na lang ang natira. Nang tingnan ng dalagita ang listahan ng mga kailangan ng kanyang pamilya, alam niyang wala silang sapat na pambili para sa lahat ng nakalista at para sa pamasahe papuntang Simbahan kinabukasan. Tinanong niya ang kanyang ina kung ano ang dapat gawin. Sinabi nito na bilhin niyang lahat ang mga bagay at ang Diyos na ang maglalaan ng pamasahe nila.

Ipinagdasal ng dalagita na mabili niyang lahat ang nasa listahan at na may matira pa ring pamasahe para sa pagpunta sa Simbahan kinabukasan. Inuna niyang bilhin ang uling para makapagluto ang pamilya. Nagulat siya nang malamang nadoble ang presyo ng isang supot ng uling na mula 5 piso ay naging 10 piso. Dahil alam niyang kailangan nila ng uling para makapagluto, bumili siya ng dalawang supot na uling sa halagang 20 piso. Ipinagdasal pa nang mas taimtim ng dalagitang ito na makapunta pa rin sa simbahan ang kanyang pamilya. Habang nagdarasal, may bumulong sa kanya: “Bilhin mo ang mga kailangan ninyo. Huwag kang mag-alala.” Kaya nagpatuloy siya na 20 piso na lang ang pera. (Mula sa video na “Pure and Simple Faith,” LDS.org.)

  • Sa paanong mga paraan nagpakita ng pananampalataya ang dalagitang ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 11:1 at ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Sa Mga Hebreo 11:1 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa pananampalataya.

  • Ayon sa talata 1, ano ang pananampalataya? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.)

Ipaliwanag na ginamit ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Sa Mga Hebreo 11:1 gayundin ang iba pang mga naisulat (Alma 32:21; Lectures on Faith) para ipaliwanag ang tatlong sangkap na batayan ng pananampalataya kay Jesucristo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bednar.

Elder David A. Bednar

“Binibigyang-diin ng mga aral na ito ang tatlong sangkap na batayan ng pananampalataya: (1) pananampalataya bilang katiyakan ng mga bagay na inaasam na totoo, (2) pananampalataya bilang katibayan ng mga bagay na hindi nakikita, at (3) pananampalataya bilang alituntunin ng paggawa sa lahat ng marurunong na nilalalang. Inilalarawan ko ang tatlong sangkap na ito ng pananampalataya sa Tagapagligtas bilang sabay-sabay na pagharap sa bukas, paglingon sa nakaraan, at pagsisimula sa paggawa sa kasalukuyan” (“Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Ensign, Set. 2007, 62).

Isulat sa pisara ang sumusunod: Katiyakan—pagharap sa bukas; Katibayan—paglingon sa nakaraan; Paggawa—pagsisimula sa paggawa sa kasalukuyan. Ipaliwanag na itinuro ni Elder Bednar na ang tatlong sangkap na ito na batayan ng pananampalataya—katiyakan, katibayan, at paggawa—ay magkakasamang kumikilos habang hinaharap natin ang bukas, nililingon ang nakaraan, at gumagawa sa kasalukuyan.

  • Ano ang ipinagkaiba ng pananampalataya kay Jesucristo sa simpleng paniniwala lamang sa Kanya?

  • Paano nailarawan sa kuwento ng dalagitang Filipina ang tatlong sangkap na ito ng pananampalataya na inilahad ni Elder Bednar?

  • Ano ang nangyayari kapag nananampalataya tayo kay Cristo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 11:2–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga halimbawang ginamit ni Pablo upang ilarawan ang maaaring mangyari kapag nanampalataya ang mga tao kay Jesucristo.

  • Ano ang maaaring mangyari kapag nanampalataya ang mga taong ito kay Jesucristo?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Sa Mga Hebreo 11:6, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa pananampalataya.

  • Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa pananampalataya?

  • Batay sa itinuro ni Pablo, ano ang dapat nating gawin para malugod sa atin ang Diyos? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking malinaw na maipapahayag na para malugod sa atin ang Diyos, dapat tayong manampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng paglapit sa Kanya, paniniwala sa Kanya, at paniniwala na gagantimpalaan Niya ang mga masigasig na naghahanap sa Kanya. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa talata 6.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang katapusan ng kuwento ng dalagitang Filipina. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang nangyari nang nagpakita ng pananampalataya kay Jesucristo ang dalagita.

Nang kumukuha na ang dalagita ng pambayad sa nabili niya, may nakapa siya na malaking bungkos ng papel sa bulsa. Nang tingnan niya ito may karagdagang limang 20 pisong papel na nakabalot sa natitirang 20 pisong papel. Sa sandaling iyon ay alam niyang may pambili na siya ng mga kailangan ng kanyang pamilya at pamasahe para sa pagpunta sa simbahan. Inilahad ng dalagitang ito na sa karanasang iyon ay nadama niya ang tulong ng Diyos at ang pagmamahal ng Diyos sa kanya. Pag-uwi niya ng bahay nagpasalamat siya sa Ama sa Langit sa himalang iyon. (Mula sa video na “Pure and Simple Faith” LDS.org.)

  • Anong nangyari dahil nanampalataya ang dalagitang ito kay Jesucristo?

  • Paano makatutulong sa dalagita ang karanasang ito na manampalataya pa rin sa hinaharap? (Dahil nakita niya ang katibayan na tinulungan siya ng Diyos sa karanasang ito, makatitiyak siya na tutulungan siyang muli ng Diyos sa hinaharap. Dahil sa katibayan at katiyakang natanggap niya, makakakilos siya sa kasalukuyan nang may pananampalataya. Kung patuloy siyang kikilos, ang pagkilos na ito nang may pananampalataya ay magpapalakas sa kanyang pananampalataya.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang panahon na nanampalataya sila. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga karanasan.

  • Paano nakapagbigay sa inyo ang karanasang iyan ng katibayan na tutulungan kayo ng Diyos sa hinaharap?

Sa Mga Hebreo 11:7–40

Nagbanggit si Pablo ng mga halimbawa ng mabubuting tao mula sa Lumang Tipan na sumampalataya

  • Ano ang ilang sitwasyon na nararanasan ninyo ngayon o haharapin balang araw na kakailanganin ninyong manampalataya kay Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga katotohanan Sa Mga Hebreo 11:7–40 na makatutulong sa kanila na malaman ang mga pagpapalang matatanggap nila kapag nanampalataya sila kay Jesucristo.

Isulat sa pisara ang mga salitang sa pananampalataya at ipaliwanag na nagbanggit si Pablo ng mga halimbawa ng mabubuting tao sa Lumang Tipan na sumampalataya upang tiyakin sa kanyang mga tagapakinig na pagpapalain din sila dahil sa pagsampalataya nila. Ipabasa nang mabilis sa mga estudyante ang Sa Mga Hebreo 11, na hinahanap ang mga katagang “sa pananampalataya.” Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga katagang ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 11:7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano nagpakita ng pananampalataya sa Diyos si Noe. (Maaari mong ipaliwanag na ang kahulugan ng mga katagang “dala ng banal na takot” ay kumilos si Noe nang may pag-asa at katiyakan ayon sa patnubay ng Diyos.)

  • Paano nagpakita ng pananampalataya sa Diyos si Noe?

  • Aling mga sangkap ng pananampalataya na inilarawan ni Elder Bednar (katiyakan, katibayan, at pagkilos) ang naipakita sa talang ito ni Noe?

  • Sa paanong paraan naipakita ang mga ito?

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na banal na kasulatan: Sa Mga Hebreo 11:8–10, 11–12, 17–19, 20–22, 23–28, 29–31. Hatiin sa anim na grupo ang klase, at bigyan ng isang reperensyang babasahin ang bawat grupo. (Kung maliit lang ang klase mo, bigyan ang bawat estudyante ng tig-iisang reperensya, o pagpartner-partnerin ang mga estudyante at bigyan ang bawat magkapartner ng higit sa isang reperensya na babasahin.) Ipabasa sa bawat grupo ang ibinigay na reperensya sa kanila nang sabay-sabay, na inaalam ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong (maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito):

Sino ang nagpakita ng pananampalataya?

Sa paanong mga paraan naipakita ang tatlong sangkap ng pananampalataya (katiyakan, katibayan, at paggawa)?

Anong mga sitwasyon ang kinakaharap natin ngayon na nangangailangan ng gayunding pananampalataya?

Pagkaraan ng sapat na oras, sabihin sa isang estudyante mula sa bawat grupo na ibahagi sa klase ang mga sagot nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 11:13–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang matututuhan natin mula sa mga halimbawa nina Abraham, Sara, at iba pa tungkol sa pagpapakita ng pananampalataya. Ipaliwanag na ang “lalong magaling na lupain” (talata 16) ay tumutukoy sa buhay na walang hanggan.

  • Ayon sa talata 13, ano ang nangyari kina Abraham at sa asawa niyang si Sara at sa iba pang matatapat na tao?

  • Bakit sila nanatiling tapat kahit hindi nila natanggap ang lahat ng pangako ng Diyos sa buhay na ito? (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng makita ang mga ipinangakong pagpapala “na mula sa malayo” ay umasa at magtiwalang matatanggap ang mga pagpapala sa kabilang buhay.)

  • Paano tayo matutulungang manatiling tapat o nananampalataya ng kanilang mga halimbawa?

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na kataga: Kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, magagawa nating … Sabihin sa mga estudyante na kopyahin ang mga katagang ito sa kanilang notebook o scripture study journal.

Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Sa Mga Hebreo 11:32–40. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Pagsasalin ni Joseph Smith ng Sa Mga Hebreo 11:32–40, at ipaliwanag na sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng talata 35, ang mga katagang “lalong mabuting pagkabuhay na maguli” ay ginawang “unang pagkabuhay na mag-uli.” Ipaliwanag na binago ng Joseph Smith Translation ang talata 40 sa ganito: “Nagbigay ang Diyos ng lalong mas mabuting bagay para sa kanila sa pamamagitan ng kanilang paghihirap, dahil kung walang paghihirap, hindi sila magiging perpekto.” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano nila makukumpleto ang mga katagang isinulat nila. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita o kataga sa kanilang mga banal na kasulatan na kapansin-pansin sa kanila.

Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang mga kataga batay sa mga talata 32–40. Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na nais magbahagi na ibahagi ang isinulat nila. Ibuod ang mga sagot ng mga estudyante sa pagsulat sa pisara ng sumusunod na alituntunin: Kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo, matitiis natin ang paghihirap, makagagawa ng mga himala, makatatanggap ng mga banal na pangako, mapalalakas ang ating patotoo tungkol sa Kanya, at makasusulong sa pagiging sakdal.

  • Ano ang ilang paraan na makapagpapakita tayo ng pananampalataya kay Jesucristo?

  • Anong mga pagpapala ang nakita ninyong dumating sa buhay ng isang tao dahil sumampalataya ang taong iyon?

Sabihin sa mga estudyante na isiping muli ang mga sitwasyon na inaasahan o aasahan silang manampalataya kay Jesucristo.

Hikayatin sila na magtakda ng mithiing manampalataya sa Panginoon sa mga sitwasyong iyon. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang mithiin sa pagkumpleto ng mga katagang “Nang may pananampalataya, gagawin ko ang …”

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Sa Mga Hebreo 11:1. “Ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita”

Ipinaliwanag Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tatlong sangkap na batayan ng pananampalataya:

“Binigyang-kahulugan ng Apostol na si Pablo ang pananampalataya bilang ‘siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay [at] ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita (Sa Mga Hebreo 11:1). Inihayag ni Alma na ang pananampalataya ay hindi ganap na kaalaman, sa halip, kung mayroon tayong pananampalataya, tayo ay ‘umaasa … sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo’ (Alma 32:21). Dagdag pa rito natutuhan natin sa Lectures on Faith na ang pananampalataya ‘ang unang alituntunin sa naihayag na relihiyon, at ang batayan ng lahat ng pagkamakatwiran’ at ito rin ‘ang alituntunin ng paggawa sa lahat ng marurunong na nilalang’ [Lectures on Faith (1985), 1].

“Binibigyang-diin ng mga aral na ito ang tatlong sangkap na batayan ng pananampalataya: (1) pananampalataya bilang katiyakan ng mga bagay na inaasam na totoo, (2) pananampalataya bilang katibayan ng mga bagay na hindi nakikita, at (3) pananampalataya bilang alituntunin ng paggawa sa lahat ng marurunong na nilalang. Inilalarawan ko ang tatlong sangkap na ito ng pananampalataya sa Tagapagligtas bilang sabay-sabay na pagharap sa bukas, paglingon sa nakaraan, at pagsisimula ng paggawa sa kasalukuyan.

“Ang pananampalataya bilang katiyakan ng mga bagay na inasaam ay nakaayon sa hinaharap. …

“Ang panampalataya kay Cristo ay hindi maihihiwalay sa, at nagbubunga ng, pag-asa kay Cristo para sa ating pagkatubos at kadakilaan. At ang katiyakan at pag-asa ang nagiging daan para puntahan natin ang dulo ng liwanag at lakbayin ang kadiliman—umaasa at nagtitiwala na ang liwanag ay lilitaw at magbibigay ng tanglaw sa ating daraanan [tingnan sa Boyd K. Packer, “The Candle of the Lord,” Ensign, Ene. 1983, 54]. Ang kumbinasyon ng katiyakan at pag-asa ang nagpapasimula ng paggawa sa kasalukuyan.

“Ang pananampalataya bilang katibayan ng mga bagay na hindi nakikita ay lumilingon sa nakaraan at nagpapatunay sa ating pagtitiwala sa Diyos at pananalig sa katotohanan ng mga bagay na hindi nakikita. Nalakbay natin ang kadiliman na may katiyakan at pag-asa, at natanggap natin ang katibayan at katunayan habang ang liwanag ay tunay na lumitaw at tumanglaw sa atin. Ang patunay na natatanggap natin pagkatapos subukin ang ating pananampalataya (tingnan sa Eter 12:6) ay katibayan na nagpapalaki at nagpapatibay ng ating katiyakan.

“Naiimpluwensiyahan ng katiyakan, paggawa, at katibayan ang bawat isa sa tuloy-tuloy na paraan” (“Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 18–19).

Sa Mga Hebreo 11:4. “Si Abel ay naghandog sa Dios ng lalong mabuting hain”

“Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith kung bakit katanggap-tanggap sa Diyos ang handog ni Abel at ang kay Cain ay hindi: ‘Sa pamamagitan ng pananampalataya sa pagbabayad-sala o plano ng pagtubos na ito, si Abel ay nag-alay sa Diyos ng isang hain na tinanggap, na mga panganay ng kawan. Inalay ni Cain ang bunga ng lupa, at hindi ito tinanggap, sapagkat hindi niya ito magawa nang may pananampalataya; hindi niya kayang magkaroon ng pananampalataya, o hindi makapagpakita ng pananampalataya na salungat sa plano ng langit. Kailangan ay pagbuhos ng dugo ng Bugtong na Anak ang tumubos sa tao, dahil ito ang plano ng pagtubos at kung walang pagbuhos ng dugo ay walang kapatawaran [ng kasalanan]. At dahil isinagawa ang sakripisyo para pamarisan kung saan malalaman ng tao ang dakilang sakripisyo na inihanda ng Diyos, kapag nag-alay ng sakripisyong taliwas doon ay walang pananampalatayang iiral, dahil ang pagtubos ay hindi isinagawa sa gayong paraan, ni ang kapangyarihan ng pagbabayad-sala ay hindi isinagawa sa gayong paraan, dahil dito hindi maaaring magkaroon ng pananampalataya si Cain’ (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 56–7)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 486).