Library
Lesson 94: Mga Gawa 17


Lesson 94

Mga Gawa 17

Pambungad

Matapos lisanin ang Filipos, itinuro nina Pablo at Silas ang ebanghelyo sa Tesalonica at Berea. Ang pag-uusig mula sa mga hindi naniniwala sa mga bayang ito ay naging dahilan para mapilitan si Pablo na tumakas patungong Atenas, kung saan, sa Areopago o Burol ni Marte (Mars’ Hill), itinuro niya sa mga tao ang tungkol sa likas na katangian ng Diyos.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Gawa 17:1–15

Tinangka ng ilang Judio sa Tesalonica na pigilan si Pablo sa pangangaral ng ebanghelyo

Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang maipapayo nila sa mga tao sa mga sumusunod na sitwasyon:

  1. Isang binatilyong miyembro ng Simbahan ang nakikinig sa isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na nagsalita tungkol sa kahalagahan ng kasal at pamilya sa plano ng Ama sa Langit. Ipinahayag ng ilan sa kaibigan ng binatilyo ang hindi nila pagsang-ayon sa mga turo ng Apostol. Gustong malaman mismo ng binatilyo kung totoo ang mga turo ng Apostol.

  2. Nag-aalinlangan ang isang dalagita sa kahalagahan ng pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath. Karamihan sa kanyang mga kaibigan ay namimili at natutulog kapag araw ng Linggo at hindi mahalaga sa kanila ang pagsisimba. Ipinaliwanag ng kanyang ina ang mga pagpapala na nagmumula sa paggalang sa Panginoon sa araw ng Linggo, pero nahihirapan pa rin ang dalagita na maniwala na mahalagang panatilihing banal ang araw ng Sabbath.

Sabihin sa klase na alamin sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 17 ang mga alituntuning makatutulong sa kanila na malaman mismo sa kanilang sarili ang kahalagahan ng mga mensaheng natatanggap natin mula sa mga tagapaglingkod ng Panginoon.

Ipaliwanag na sina Pablo at Silas ay naglakbay patungo sa Tesalonica, kung saan nagturo sila sa sinagoga ng mga Judio. (Maaari mong ipahanap sa mga estudyante ang Tesalonica sa Mga Mapa sa Biblia, blg. 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang MIsyonero” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.) Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 17:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang ginamit ni Pablo para turuan ang mga Judio.

  • Ano ang ginamit ni Pablo para maturuan ang mga Judio?

Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pinatunayan (talata 3) ay ipinakita o ipinahayag. Ginamit ni Pablo ang mga banal na kasulatan upang ipahayag o ipakita na si Jesus ang Cristo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 17:4–5, at sabihin sa klase na alamin kung paano tumugon ang mga tao sa Tesalonica sa mga turo ni Pablo. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng nakikampi ay nakitipon o nakiayon.

  • Paano nagkaiba ang mga reaksyon ng mga tao sa mga turo ni Pablo?

Ibuod ang Mga Gawa 17:6–9 na ipinapaliwanag na sinikap ng mga taong hindi naniniwala na mahanap sina Pablo at Silas. At nang hindi nila sila matagpuan, nagpunta ang mga tao sa mga pinuno ng Tesalonica at sinabing kinakalaban ni Pablo ang awtoridad ni Cesar.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 17:10–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung saan pumunta sina Pablo at Silas sa kanilang pagtakas. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ayon sa talata 12, ano ang naging reaksyon ng mga Judio sa Berea sa mga turo ni Pablo?

Kopyahin ang sumusunod na hindi kumpletong equation sa pisara:

__________________________ + _____________________________ = Paniniwala

  • Ayon sa talata 11, ano ang unang ginawa ng mga tao na humantong sa paniniwala nila sa mga turo ni Pablo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag sa unang bahagi ng equation: Tinanggap nila ang mga salita ni Pablo nang buong pagsisikap o kahandaan ng pag-iisip.)

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang ibig sabihin ng “tinanggap nila ang salita ng buong pagsisikap [o kahandaan ng pag-iisip],” magdala ng bola at papuntahin ang dalawang estudyante sa harap ng klase. Sabihin sa unang estudyante na maghandang saluhin ang bola, at sabihin sa isa pang estudyante na ihagis ang bola sa unang estudyante. Pagkatapos, itanong sa klase kung paano nila masasabi na nakahanda ang unang estudyante na saluhin ang bola.

Kasunod nito, anyayahan ang unang estudyante na ipakita kung paano maging hindi handa sa pagsalo ng bola at gawin iyon habang muling inihahagis ng isa pang estudyante ang bola. Sabihin sa estudyante na ihagis ang bola (nang marahan lang para hindi makasakit). Itanong sa klase kung paano nila masasabi na hindi nakahanda ang unang estudyante na saluhin ang bola. Pabalikin na sa kanilang mga upuan ang dalawang estudyante.

Sabihin sa klase na ipakita kung paano maging handa sa pagtanggap ng mga salita ng mga tagapaglingkod ng Diyos. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na ipakita kung paano maging hindi handa sa pagtanggap ng mga salita ng mga tagapaglingkod ng Diyos. (Halimbawa, maaaring isara ng mga estudyante ang kanilang mga banal na kasulatan, makipag-usap sa katabi, o magambala ng mga electronic device.)

  • Maliban sa kanyang panlabas na anyo, ano pa kaya ang maaaring mangyari sa puso at isipan ng isang taong handang tumanggap ng mensahe ng ebanghelyo?

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa pangalawang blangkong patlang sa equation na nasa pisara.

  • Ayon sa talata 11, ano pa ang ginawa ng mga tao na humantong sa paniniwala nila sa mga turo ni Pablo? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag sa pangalawang bahagi ng equation: Sinaliksik nila ang mga banal na kasulatan araw-araw upang maunawaan ang mga salita ni Pablo.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa Mga Gawa 17:10–12 na makapagpapalakas ng ating paniniwala sa mga salita ng mga tagapaglingkod ng Diyos? (Maaaring iba-iba ang mga sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung tatanggapin natin nang buong kahandaan ng pag-iisip ang mga salita ng mga tagapaglingkod ng Diyos at sasaliksikin ang mga banal na kasulatan araw-araw, lalakas ang ating paniniwala sa kanilang mga salita.)

Pag-aralang muli ang mga sitwasyon sa simula ng lesson na ito.

  • Paano makatutulong ang alituntuning ito sa mga taong nabanggit sa mga sitwasyon?

  • Sa paanong paraan makakaimpluwensya ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw sa ating kakayahang maniwala sa katotohanan?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na nasaksihan nila ang katotohanan ng alituntuning ito. Maaari mong anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi ang mga karanasan nila.

Hikayatin ang mga estudyante na tanggapin ang mga salita ng mga propeta, mga lider, mga titser, at mga magulang nang may “kahandaan ng pag-iisip” at basahin ang mga banal na kasulatan araw-araw.

Ibuod ang Mga Gawa 17:13–15 na ipinapaliwanag na nang marinig ng mga Judio sa Tesalonica na si Pablo ay nangangaral sa Berea, pumaroon sila para guluhin ang mga tao sa Berea. Kinailangang muling tumakas ni Pablo, kaya naglakbay siya papunta sa Atenas.

Mga Gawa 17:16–34

Nangaral si Pablo sa Areopago o Burol ni Marte

Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang Mga Larawan sa Biblia, blg. 29, “Atenas,” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Ipaliwanag na ang larawang ito ay nagpapakita ng isa sa ilang templo sa Atenas na ginamit noon para sa pagsamba sa mga diyos-diyosan. Nasa loob ng mga templong ito ang mga estatwa ng mga diyos-diyosang ito na gawa ng tao. Nasa labas nito ang mga dambana o altar kung saan ginagawa ang pag-aalay ng mga sakripisyo sa mga huwad na diyos na ito.

Ibuod ang Mga Gawa 17:16–21 na ipinapaliwanag na labis na nag-aalala si Pablo tungkol sa pagsamba sa diyos-diyosan sa Atenas, at nagturo siya sa mga sinagoga at mga pamilihan doon. Pagkatapos ay inanyayahan si Pablo ng mga pilosopo upang ipaliwanag ang kanyang “bagong aral [o doktrina]” (talata 19) sa panghukumang konseho, na nagpulong sa Areopago o Burol ni Marte (Mars’ Hill).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 17:22–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang napansin ni Pablo sa isa sa mga altar ng mga Ateniense.

  • Ano ang nakita ni Pablo sa isa sa mga altar ng mga Ateniense?

Ipaliwanag na nakatala sa talata 22 na pinuri ni Pablo ang mga Ateniense sa pagsasabing sila ay “lubhang relihioso,” na ibig sabihin ay “maingat sa mga banal na bagay.” Ang altar para “sa isang Dios na hindi kilala” (talata 23) ay pagpapakita ng pagsisikap ng mga Ateniense na paglubagin ang loob ng isang diyos na hindi kilala o sinumang diyos na hindi kilala sa pangalan. Tila ipinapakita nito na ayaw nilang masaktan o balewalain ang sinumang diyos.

Ituro ang huling pangungusap ng Mga Gawa 17:23, at itanong:

  • Bakit binanggit ni Pablo ang altar para “sa isang dios na hindi kilala”? (Ginamit niya ito upang simulang ituro ang ideya tungkol sa tunay na Diyos, na ang Ama sa Langit, ang Diyos na hindi nila kilala.)

Pagpartner-partnerin o hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante. Sabihin sa bawat grupo na maghanap sa Mga Gawa 17:24–31 ng maraming katotohanan hangga’t kaya nila tungkol sa Diyos na hindi kilala ng mga tao sa Atenas. Habang naghahanap sila, isulat ang bawat numero ng talata (24–31) sa pisara. Pagkatapos ng sapat na oras, palapitin ang ilang estudyante sa pisara upang isulat ang katotohanang natukoy ng kanilang grupo sa tabi ng numero ng talata kung saan nila ito nakita. (Para matulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang katotohanan sa Mga Gawa 17:27, ipaliwanag na mababasa sa Joseph Smith Translation ng talatang ito na “Upang kanilang hanapin ang Panginoon, kung handa nilang hanapin siya, sapagkat hindi siya malayo sa bawat isa sa atin”).

Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na markahan ang bawat isa sa mga katotohanang ito sa kanilang mga banal na kasulatan. Maaaring kabilang sa mga katotohanang isinulat nila sa pisara ang sumusunod:

  • Talata 24: Nilikha ng Diyos ang sanglibutan.

  • Talata 25: Ang Diyos ang nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay.

  • Talata 26: Pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng buhay.

  • Talata 27: Kung handa tayong hanapin ang Diyos, malalaman natin na hindi Siya malayo sa bawat isa sa atin.

  • Talata 28: Tayo ay lahi o mga anak ng Diyos.

  • Talata 29: Nilikha tayo sa larawan ng Diyos.

  • Talata 30: Iniutos ng Diyos na magsisi ang lahat.

  • Talata 31: Ang Diyos ang hahatol sa atin; Bubuhayin ng Diyos ang lahat ng tao mula sa kamatayan.

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang katotohanan sa pisara na mahalaga sa kanila. Sabihin sa ilan sa kanila na ibahagi ang katotohanang napili nila at bakit ito mahalaga sa kanila.

Tukuyin ang doktrinang “Tayo ay lahi ng Diyos.”

  • Ano ang ibig sabihin ng maging “lahi” ng Diyos? (Tayo ay mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit.)

  • Bakit napakahalagang maunawaan ang doktrinang ito? (Makatutulong ito na malaman natin ang ating walang-hanggang kahalagahan sa Ama sa Langit at ang ating potensyal na maging katulad Niya.)

  • Anong mga problema o kalituhan ang maaaring dumating kapag hindi natin naunawaan ang doktrinang ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawa. Sabihin sa klase na pakinggan kung bakit dapat nating tandaan na una sa lahat ay dapat nating makita ang sarili natin bilang mga anak ng Diyos.

Elder Dallin H. Oaks

“Mag-ingat kung paano ninyo ilalarawan ang inyong sarili. Huwag ninyong ilarawan o tukuyin ang inyong sarili sa mga katangiang pansamantala lamang. Ang nag-iisang katangian lamang na dapat maglarawan sa atin ay na tayo ay anak na lalaki o babae ng Diyos. Ang katotohanang iyan ay mangingibabaw sa lahat ng iba pang mga katangian, kabilang ang lahi, trabaho, mga katangiang pisikal, mga karangalan, o kahit sa kinaaanibang relihiyon” (“How to Define Yourself,” New Era, Hunyo 2013, 48).

  • Bakit mahalagang tandaan una sa lahat na tayo ay mga anak ng Diyos?

Tukuyin ang alituntuning “Kung handa tayong hanapin ang Diyos, malalaman natin na hindi Siya malayo sa bawat isa sa atin.”

  • Sa paanong paraan natin makikila ang Diyos at mas mapapalapit sa Kanya?

  • Paano naaapektuhan ng pagkaunawa natin sa ating kaugnayan sa Diyos ang ating hangarin na hanapin Siya?

  • Kailan ninyo nadama na malapit sa inyo ang Ama?

Ibuod ang Mga Gawa 17:32–34 na ipinapaliwanag na magkakaiba ang naging reaksyon ng mga Ateniense sa pagbanggit ni Pablo ng “tungkol sa pagkabuhay na maguli” (talata 32). Ang ilan sa kanila ay nilibak si Pablo, gusto naman ng iba na makinig pa, at may ilang taong naniwala.

Maaari kang magpatotoo na makikilala at mauunawaan ng mga estudyante ang Diyos, kahit hindi Siya kilala ng maraming tao. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang Isang Kilalang Diyos sa kapirasong papel o card at magsulat ng mga paraan kung paano nila hahanapin ang Diyos at paano sila magiging malapit sa Kanya. Hikayatin silang ilagay ang papel na ito kung saan maipapaalala nito ang kanilang mga mithiin.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Gawa 17:18. Mga Epicureo at mga Estoico

“Sa Atenas, nakaharap ni Pablo ang mga pilosopong Epicureo at Estoico (tingnan sa Mga Gawa 17:18). Ang Epicureonismo ay ipinangalan kay Epicurus (341–270 B.C.). Ayon sa kanyang pilosopiya, ang pagkakaroon ng mundo ay nagkataon lamang at walang layunin o plano. Naniniwala ang mga Epicureo na ang mga diyos, kung mayroon ngang mga diyos, ay hindi isinasali ang kanilang sarili sa buhay ng mga tao at na ang kaligayahan ay matatagpuan sa kawalan ng mga alalahanin at pasakit, at sa sapat na pagtatamasa ng kasiyahan.

“Nagsimula ang estoicismo sa mga turo ng isang lalaking nagngangalang Zeno (333–264 B.C.). Itinuro ng estoicismo na nilikha ang lahat ng bagay, inayos, at inilagay sa kaayusan dahil sa banal na kadahilanan. Naniniwala ang mga Estoico na pinagkalooban ang tao ng bahagyang katalinuhan na maaaring mapaunlad at dapat nilang pagsikapang makaayon sa banal na kaayusan ng mga bagay-bagay, madaig ang silakbo ng damdamin, at mamuhay nang malinis at matwid” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 315–16; tingnan din sa Bible Dictionary, “Epicureans,” “Stoics”)

Mga Gawa 17:11. “Tinanggap nila ang salita nang buong pagsisikap”

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:

“Kapag mas itinuon natin ang ating puso’t isipan sa Diyos, mas maraming liwanag mula sa langit ang magpapadalisay sa ating kaluluwa. At tuwing kusa at masigasig nating hinahangad ang liwanag na iyon, ipinapakita natin sa Diyos ang ating kahandaang tumanggap ng mas marami pang liwanag. Unti-unti, ang mga bagay na dating malabo, madilim, at malayo ay nagiging malinaw, maliwanag, at pamilyar sa atin” (“Pagtanggap ng Patotoo sa Liwanag at Katotohanan,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 22).