Pambungad sa ang Mga Gawa ng mga Apostol
Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?
Idinurugtong ng ang Mga Gawa ng mga Apostol ang tala ng buhay at ang mga turo ni Jesucristo sa apat na Ebanghelyo sa mga isinulat at ginawa ng Kanyang mga Apostol. Inilalarawan ng aklat ng Mga Gawa kung paano patuloy na pinamamahalaan ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng inspirasyon ng Espiritu Santo sa mga mayhawak ng mga susi ng priesthood. Inihayag ng Espiritu Santo ang katotohanan sa mga Apostol, na namumuno at nagtuturo naman sa Simbahan. Gumawa rin ng mga himala ang mga Apostol sa pangalan ni Jesucristo. Sa kanilang pag-aaral ng aklat na ito, malalaman ng mga estudyante kung paano nagsimulang lumaganap ang Simbahan ni Jesucristo mula sa Jerusalem “hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa” (Mga Gawa 1:8). Makatutulong din sa mga estudyante ang pag-aaral ng aklat na ito na makita ang karunungan sa pagsunod sa mga propeta at mga apostol ngayon at makapagbibigay-inspirasyon sa kanila na buong tapang na tumayo bilang mga saksi ni Jesucristo.
Sino ang sumulat ng aklat na ito?
Si Lucas ang may-akda ng ang Mga Gawa ng mga Apostol bilang “ikalawa sa dalawang bahaging gawa. … Ang unang bahagi ay kilala bilang Ebanghelyo Ayon kay Lucas” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Gawa ng mga Apostol, Mga” scriptures.lds.org; tingnan din sa Lucas 1:1–4; Mga Gawa 1:1).
Kailan at saan ito isinulat?
Isinulat ang Mga Gawa pagkatapos ng Ebanghelyo Ayon kay Lucas (tingnan sa Mga Gawa 1:1), na malamang na isinulat sa huling kalahati ng unang siglo A.D. Hindi natin alam kung saan ito isinulat.
Para kanino ito isinulat at bakit?
Isinulat ni Lucas ang aklat ng Mga Gawa sa isang lalaking nagngangalang Teofilo (tingnan sa Mga Gawa 1:1).
Ano ang ilang kakaibang katangian ng aklat na ito?
Nakatala sa aklat ng Mga Gawa ang pagsisimula at paglaganap ng Kristiyanismo, simula sa kabisera ng lalawigan ng mga Judio na Jerusalem at nagtapos sa Roma, ang bantog na kabisera ng imperyo. Naganap sa loob ng mahigit 30 taon ang mga pangyayaring inilarawan sa Mga Gawa (mga A.D. 30–62) at nakatuon lamang sa ministeryo ni Pedro (tingnan sa Mga Gawa 1–12) at ni Pablo (tingnan sa Mga Gawa 13–28). Kung wala ang aklat ng Mga Gawa, magiging limitado lamang sa nakatala sa mga sulat sa Bagong Tipan ang kaalaman natin tungkol sa naunang kasaysayan ng Simbahan. Bukod pa riyan, nagbibigay ang Mga Gawa ng mahalagang pangkasaysayang konteksto para sa mga sulat ni Pablo.
Naging mahalaga sa pag-unlad ng kakasimulang Simbahan ang pagbabalik-loob ni Pablo (Mga Gawa 9) at ang kanyang magkakasunod na misyon, ang pangitaing natanggap ni Pedro tungkol sa pagtanggap ng Simbahan sa mga Gentil na hindi pa sumapi sa Judaismo (Mga Gawa 10:9–16, 34–35), at ang mga doktrinang itinuro sa kumperensya sa Jerusalem (Mga Gawa 15).
Tulad ng nakatala sa Lucas 24:49, itinagubilin ng Tagapagligtas sa mga Apostol na sisimulan lamang nila ang kanilang paglilingkod pagkatapos silang “masangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas.” Nakatala sa Mga Gawa ang pagkakaloob ng kapangyarihang ito sa pamamagitan ng Espiritu Santo at inilarawan ang mga kagila-gilalas na resulta nito, simula sa pagbabalik-loob ng libo-libo sa araw ng Pentecostes (tingnan sa Mga Gawa 2). Sa buong aklat ng Mga Gawa, binigyang-diin ni Lucas ang patnubay ng Espiritu Santo sa mga indibiduwal at sa mga kongregasyon. Ang mga katagang “masangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas” ay tila nangangahulugan din na ang mga Apostol ay “tumanggap ng kaalaman, mga kapangyarihan, at mga natatanging pagpapala, na karaniwang ibinibigay lamang sa Templo ng Panginoon” (Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:859).
Outline
Mga Gawa 1–2 Nagministeryo si Jesucristo sa Kanyang mga disipulo nang 40 araw matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli at pagkatapos ay umakyat na sa langit. Sa pamamagitan ng inspirasyon, tinawag ng mga Apostol si Matias upang punan ang katungkulang nabakante sa Korum ng Labindalawang Apostol. Ang Espiritu Santo ay saganang ipinagkaloob sa araw ng Pentecostes. Matapang na pinatotohanan ni Pedro ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, at mga tatlong libong tao ang nagbalik-loob.
Mga Gawa 3–8 Pinagaling nina Pedro at Juan ang isang lalaking isinilang na pilay. Sina Pedro at Juan ay dinakip dahil sa pangangaral at pagpapagaling sa pangalan ni Jesucristo at nailigtas mula sa bilangguan. Tumawag ang mga Apostol ng pitong kalalakihan na tutulong sa kanilang paglilingkod; isa sa mga kalalakihang ito, si Esteban, ay nagpapatotoo sa harapan ng kapulungan ng mga Judio, at ipinapatay ng mga miyembro ng kapulungan. Nangaral si Felipe sa buong Samaria.
Mga Gawa 9–12 Nagbalik-loob si Saulo at nagsimula sa kanyang paglilingkod. Sa pamamagitan ng paghahayag, nalaman ni Pedro na dapat ipangaral ang ebanghelyo sa mga Gentil. Ipinapatay ni Herodes Agripa I si Apostol Santiago (ang kapatid ni Juan) at ibinilanggo si Pedro.
Mga Gawa 13–15 Tinawag sina Saulo at Bernabe na maging mga missionary. Dumanas sila ng oposisyon mula sa mga Judio at tinanggap ng ilang Gentil. Nagpulong ang mga lider ng Simbahan sa Jerusalem at napagpasiyahang hindi na kailangang tuliin (o patuloy na sundin ang batas ni Moises) ang mga nagbalik-loob na Gentil kapag sumapi sila sa Simbahan. Lumisan si Pablo (na tawag na ngayon kay Saulo) para sa kanyang pangalawang pangmisyonerong paglalakbay, kasama si Silas.
Mga Gawa 16–20 Pinalakas nina Pablo at Silas ang maraming simbahan na unang itinatag. Sa Areopago o Burol ni Marte (Mars’ Hill) sa Atenas, ipinangaral ni Pablo na “tayo nga’y lahi ng Dios” (Mga Gawa 17:29). Natapos ni Pablo ang kanyang pangalawang misyon at umalis para sa kanyang pangatlong misyon sa buong Asia Minor. Nagpasiya si Pablo na bumalik sa Jerusalem.
Mga Gawa 21–28 Sa Jerusalem, si Pablo ay dinakip at patuloy na nagpatotoo tungkol kay Jesucristo. Muling nagpakita ang Panginoon kay Pablo. Nagbalak ang maraming Judio na patayin si Pablo. Sa Cesarea, nagpatotoo siya kina Felix, Festo, at Agripa. Nasira ang sinasakyang daong o barko ni Pablo habang papunta siya sa Roma. Nangaral ng ebanghelyo si Pablo habang nakabilanggo sa isang bahay sa Roma.