Library
Aralin 89: Mga Gawa 10–11


Lesson 89

Mga Gawa 10–11

Pambungad

Ipinahayag ng Diyos kay Pedro sa isang pangitain na dapat ipangaral ang ebanghelyo sa mga Gentil. Itinuro ni Pedro ang ebanghelyo kay Cornelio at sa buong sangbahayan nito at kalaunan ay inayos ang pagtatalo-talo sa mga Banal na Judio tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga Gentil. Ang gawain ng Panginoon ay patuloy na sumulong sa kabila ng pag-uusig.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Gawa 10

Ipinahayag ng Diyos kay Pedro sa isang pangitain na dapat ipangaral ang ebanghelyo sa mga Gentil

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay isang kaibigan ang nagtanong ng: “Narinig ko na noong 1978 ay nagbago ng katayuan ng Simbahan ninyo na nagtulot sa lahat ng kalalakihan na matanggap ang priesthood anuman ang lahi nila. Kung naniniwala kayo na ang inyong Simbahan ay pinamamahalaan ng Diyos, at ang Diyos ay hindi pabagu-bago, paano nangyari iyan?”

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal kung paano nila sasagutin ang kaibigang ito. (Paalala: Tiyakin na nasagot ng mga estudyante ang tanong tungkol sa pagbabago sa gawain ng Simbahan sa halip na magbigay ng haka-haka sa mga posibleng dahilan kaya may restriksyon sa pagkakaloob ng priesthood. Huwag ding magbigay ng espikulasyon kung bakit nagkaroon ng restriksyon sa priesthood, dahil hindi naman ipinahayag ang mga kadahilanang ito [tingnan sa Opisyal na Pahayag 2].)

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga doktrina at mga alituntunin sa pag-aaral nila ng Mga Gawa 10–11 na makatutulong sa kanila sa pagsagot ng mga tanong tungkol sa paano pinamumunuan, pinapatnubayan, binabago, at pinamamahalaan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan.

Ipaliwanag na hanggang sa panahong iyon sa Bagong Tipan, ang ebanghelyo ay ipinangaral, maliban sa ilang eksepsyon, sa mga Judio lamang ayon sa utos ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 10:5–6). Gayunman, sinabi rin ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na matapos mapasakanila ang Espiritu Santo ay ipangangaral nila ang ebanghelyo “hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa” (Mga Gawa 1:8). Nabasa natin sa Mga Gawa 10 ang tungkol sa malaking pagbabago sa pamamahala ng Simbahan na magpapabilis sa paggawa nito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 10:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga detalye tungkol sa isang Gentil na nagngangalang Cornelio. (Maaari mong ipaliwanag na si Cornelio “ay matatakutin sa Diyos” (talata 2). Ang mga may takot sa Diyos ay mga Gentil na sumasamba sa Panginoon ngunit hindi mga proselyte, o naging miyembro sa relihiyon ng mga Judio, at kung gayon ay hindi sinusunod ang buong batas ni Moises.)

  • Ano ang propesyon ni Cornelio? (Siya ay isang senturion sa hukbong Romano, na namamahala sa isandaang kawal.)

Ipaalala sa mga estudyante na bago ang panahong ito, ang isang Gentil ay hindi maaaring sumapi sa Simbahan ni Cristo nang hindi muna sumasapi sa Judaismo, dahil ang ebanghelyo ay itinuturo lamang sa mga Judio.

  • Bagama’t hindi makakasapi si Cornelio sa Simbahan bilang isang Gentil, paano niya ipinakita ang kanyang pananampalataya sa Diyos?

Sabihin sa dalawang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 10:3–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari kay Cornelio. (Ipaliwanag na ang “oras na ikasiyam ng araw” [talata 3] ay mga alas-3 n.h.)

  • Ayon sa talata 4, ano ang sinabi ng anghel kay Cornelio tungkol sa kanyang mga panalangin at mga paglilimos?

  • Ano ang ipinagawa ng anghel kay Cornelio?

Ibuod ang Mga Gawa 10:7–8 na ipinapaliwanag na nagsugo si Cornelio ng tatlong tao sa Joppe upang hanapin si Pedro. (Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang layo ng Cesaria sa Joppe, maaari mong patingnan sa mga estudyante ang mapang “Ang Banal na Lupain Noong Panahon ng Bagong Tipan” [Mga Mapa sa Biblia, blg. 11].)

Ipaliwanag na habang naglalakbay ang mga taong ito patungo sa Joppe, si Pedro ay nagkaroon ng isang kamangha-manghang pangitain habang nanunuluyan sa bahay ng isang lalaking nagngangalang Simon. Bigyan ng isang papel ang bawat estudyante. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mga Gawa 10:9–16 at ipadrowing ang nakita ni Pedro sa pangitain tulad sa pagkakalarawan sa mga talatang ito. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na gamitin ang idinrowing nila upang ipaliwanag sa isang kaklase ang nangyari sa pangitain ni Pedro. Kasunod ng aktibidad na ito, itanong:

  • Sa pangitain, ano ang iniutos na kainin ni Pedro?

  • Ayon sa talata 14, ano ang unang tugon ni Pedro sa utos na ito? (Ipaliwanag na sa ilalim ng batas ni Moises, ipinagbabawal sa mga Judio ang pagkain ng mga hayop na itinuturing na marumi o karumaldumal [tingnan sa Levitico 11].)

  • Ayon sa talata 15, ano ang sinabi ng Panginoon tungkol sa karumaldumal na hayop na iniutos Niyang kainin ni Pedro?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 10:17–20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari habang iniisip mabuti ni Pedro ang kahulugan ng kanyang pangitain.

  • Anong mga kataga sa talata 17 ang nagpapahiwatig na hindi kaagad naunawaan ni Pedro ang kahulugan ng kanyang pangitain?

  • Sino ang dumating habang pinag-iisipan ni Pedro ang kanyang pangitain?

  • Ano ang ipinagawa ng Espiritu kay Pedro?

Ibuod ang Mga Gawa 10:21–24 na ipinapaliwanag na sinabi ng tatlong tao kay Pedro ang tungkol sa pangitain ni Cornelio. Nang sumunod na araw, si Pedro at ang iba pang mga disipulo ay sinamahan sila upang makita si Cornelio.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mga Gawa 10:25–28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ni Pedro nang dumating siya sa bahay ni Cornelio.

  • Ayon sa talata 28, ano ang sinabi ni Pedro tungkol sa pakikipag-ugnayan sa isa’t isa ng mga Judio at Gentil?

  • Ano ang naunawaan na ni Pedro?

Ibuod ang Mga Gawa 10:29–33 na ipinapaliwanag na sinabi ni Cornelio kay Pedro ang tungkol sa kanyang pangitain. Tinipon din ni Cornelio ang kanyang pamilya at mga kaibigan upang maturuan sila ni Pedro.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 10:34–35. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nalaman ni Pedro.

  • Paano ninyo ibubuod ang nalaman ni Pedro?

Ibuod ang Mga Gawa 10:36–43 na ipinapaliwanag na itinuro ni Pedro kay Cornelio at sa kanyang sambahayan ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang mabubuting gawa, Pagpapako sa Krus, at Pagkabuhay na Mag-uli. Nagpatotoo si Pedro na ang mga yaong maniniwala kay Jesucristo ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 10:44–48. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang epekto ng mga turo ni Pedro sa mga Gentil na ito. Ipaliwanag na ang mga katagang “silang sa pagtutuli” (talata 45) ay tumutukoy sa Judiong disipulo na sumama kay Pedro mula sa Joppe.

  • Ayon sa mga talata 44–46, ano ang mga epekto ng mga turo ni Pedro sa sangbahayan ni Cornelio?

  • Bakit namangha ang mga Judiong naroon sa pagkakataong ito?

  • Sa mga karanasan ni Pedro na nakatala sa Mga Gawa 10, ano ang inihayag sa kanya ng Panginoon tungkol sa mga Gentil? (Ang ebanghelyo ay dapat ipangaral sa mga Gentil, at maaari silang binyagan sa Simbahan ni Jesucristo.)

handout iconUpang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga doktrina na matututuhan natin mula sa Mga Gawa 10, hatiin sila sa mga grupo na may tigdadalawa o tigtatatlong katao. Bigyan ang bawat grupo ng isang kopya ng sumusunod na handout, o isulat sa pisara ang mga tanong na ito. Sabihin sa mga estudyante na pag-usapan nila sa kani-kanilang grupo ang sagot sa mga tanong.

handout

Mga Gawa 10

Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 89

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa tala tungkol kina Pedro at Cornelio tungkol sa paraan ng pamamahala ng Panginoon sa Kanyang Simbahan?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa katotohanang paunti-unting ipinahayag ng Panginoon ang katotohanan kay Pedro sa halip na biglaan o minsanan lang?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa tala na ito tungkol sa maaaring gawin ng Panginoon sa mga tagubiling ibinigay Niya sa nakaraan?

Pagkatapos ng sapat na oras, palapitin ang ilang estudyante sa pisara upang isulat ang mga katotohanang natukoy ng kanilang grupo. Tiyakin na ang mga sumusunod na katotohanan ay makikita sa kanilang isinulat:

Pinamamahalaan ng Diyos ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang propeta, ang senior na Apostol.

Maaari tayong tumanggap ng paghahayag at pag-unawa nang paunti-unti kapag sinusunod natin ang Panginoon.

Maaaring baguhin o dagdagan ng Diyos ang mga tagubiling ibinigay Niya sa nakaraan ayon sa Kanyang karunungan at sa mga pangangailangan ng Kanyang mga anak.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano ipinakita ang pangatlong katotohanan na nasa listahan sa pahayag ni Elder Christofferson.

Elder D. Todd Christofferson

“Sa karanasang ito at paghahayag kay Pedro, binago ng Panginoon ang kaugalian sa Simbahan at higit na ipinaunawa ang doktrina sa Kanyang mga disipulo sa pamamagitan ng paghahayag. Kaya nga ang pangangaral ng ebanghelyo ay lumaganap sa buong sangkatauhan” (“Ang Doktrina ni Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 88).

Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipang muli ang sagot na isinulat nila sa tanong ng kanilang kaibigan. Hikayatin sila na idagdag ang mga ideyang natutuhan nila sa pag-aaral ng Mga Gawa 10, at hayaan silang ibahagi ang mga ideyang ito sa klase.

Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na bagama’t maaaring baguhin ng Diyos ang mga kaugalian ng Simbahan at dagdagdan ang ating pang-unawa sa doktrina sa pamamagitan ng patuloy na paghahayag (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9), ang Kanyang kabanalan, mga katangian, mga tipan, mga doktrina, at plano ay hindi kailanman nagbabago. Ang malaman ito ay makatutulong sa atin na manampalataya sa Diyos at magtiwala na Kanyang pamumunuan ang Kanyang Simbahan ayon sa Kanyang kalooban at sa mga pangangailangan ng Kanyang mga anak.

Mga Gawa 11:1–18

Naayos ni Pedro ang pagtatalo ng mga Banal na Judio tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga Gentil

  • Sa inyong palagay, ano ang nadama ng ilang Judio na miyembro ng Simbahan nang mabalitaan nila ang pakikipag-ugnayan ni Pedro sa isang Gentil? (Ang pakikipag-ugnayan ni Pedro sa isang Gentil ay isang malaking pagbabago sa nakaugalian, at ilang miyembro ang nahirapang tanggapin ang pagbabagong ito.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 11:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang naging reaksyon ng mga disipulo na ginawa ni Pedro.

  • Ano ang reaksyon ng mga disipulo sa ginawa ni Pedro?

Ibuod ang Mga Gawa 11:4–15 na ipinapaliwanag na inilahad ni Pedro sa mga disipulo ang mga pangitaing natanggap niya at ni Cornelio. Sinabi niya sa kanila na tinanggap ni Cornelio at ng buong sangbahayan nito ang mga turo ni Jesucristo at pagkatapos ay naranasan ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa gayon ding paraan kung paano ito naranasan ni Pedro at ng iba pang mga disipulo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Gawa 11:16–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang huling sinabi ni Pedro sa mga disipulo.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng sinabi ni Pedro, “Sino baga ako, na makahahadlang sa Dios?” (talata 17). (Hindi sasalungat si Pedro sa kalooban ng Diyos na bigyan ng pagkakataon ang mga Gentil na tanggapin ang ebanghelyo, magsisi, at magpabinyag.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Mga Gawa 11:18, na inaalam kung paano tumugon ang mga disipulo sa paliwanag ni Pedro.

  • Paano tumugon ang mga disipulo nang nalaman nila na pinamumunuan ng Diyos si Pedro?

  • Anong alituntunin ang itinuturo ng talang ito kung paano natin sasang-ayunan at susundin ang mga namumuno sa Simbahan? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang iba’t ibang alituntunin, ngunit tiyaking mauunawaan nila na kapag alam natin na pinamumunuan ng Diyos ang mga namumuno sa Simbahan, buong tiwala natin silang masasang-ayunan at masusunod. Ang alituntuning ito ay pinagtibay sa makabagong banal na kasulatan, na nagsasabing inihayag ng Diyos ang Kanyang kalooban sa mga mayhawak ng mga susi ng priesthood sa pamumuno [tingnan sa D at T 28:2, 7; 42:11; 107:65–66].)

  • Paano ninyo nalaman na ang mga namumuno sa Simbahan ay pinamumunuan ng Diyos?

  • Anong payo mula sa mga propeta ang pinili ninyong sundin dahil alam ninyong pinamumunuan ng Diyos ang mga propeta?

Anyayahan ang mga estudyante na magtakda ng mithiin na magkaroon ng mas malakas na patotoo na ang mga namumuno sa Simbahan ay pinamumunuan ng Diyos.

Mga Gawa 11:19–30

Ang gawain ng Panginoon ay patuloy na sumulong sa kabila ng pag-uusig

Ibuod ang Mga Gawa 11:19–30 na ipinapaliwanag na dahil sa pang-uusig, ilang disipulo ang nakalat sa iba’t ibang dako ng rehiyon ngunit buong katapatang nangaral ng ebanghelyo ni Jesucristo saanman sila maparoon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mga Gawa 10:21–24. Kinailangang magpapunta ng mga tao si Cornelio kay Pedro upang matanggap ang mga ordenansa ng ebanghelyo

“Ang makakita ng isang anghel o madalaw ng mga sugo mula sa langit ay hindi maghahatid ng kaligtasan; kundi ang pagsunod sa mga kautusan. Hinangad ni Cornelio na maligtas, at upang matamo ito, kinailangan niyang sundin ang mga tuntunin nito. Ang anghel na nagpakita at nagbigay ng mga paunang tagubilin kay Cornelio ay maaari nang magsabi sa kanya ng dapat niyang gawin, ngunit sinabi nitong papuntahin niya sa kanya si Pedro, na may hawak ng awtoridad sa lupa. Ito ang pamamaraan sa kaharian ng Diyos. Gayon nga iyon, tulad ng napansin ni Joseph Smith: … ‘Sinabi ng anghel sa butihing matandang si Cornelio na dapat niyang papuntahin si Pedro sa kanya upang malaman kung paano maligtas: Makapagbibinyag si Pedro, at hindi ang mga anghel, hangga’t may nabubuhay na mga legal na pinunong mayhawak ng mga susi ng kaharian, o awtoridad ng priesthood” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 128; idinagdag ang italics]” (The Life and Teachings of Jesus and His Apostles [Church Educational System manual, 1979], 252).

Mga Gawa 10:45. Ang kaloob na Espiritu Santo

Sa Mga Gawa 10:45, ang mga katagang “ang kaloob na Espiritu Santo” ay tumutukoy sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, na ibinuhos sa mga Gentil na ito. Naiiba ito sa kaloob na Espiritu Santo, na natanggap natin sa pamamagitan ng kumpirmasyon matapos binyagan (tingnan sa Mga Gawa 8:14–17; Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 113).

Mga Gawa 11. Pinamamahalaan ng Diyos ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang propeta, ang senior na Apostol

Nagsalita si Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kaayusan ng pagtanggap ng paghahayag para sa Simbahan:

“May kaayusan sa paraan ng paghahayag ng Panginoon ng Kanyang kalooban sa sangkatauhan. Lahat tayo ay may karapatang humingi sa Panginoon at tumanggap ng inspirasyon sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu kung ito ay para sa ating tungkulin. Ang mga magulang ay maaaring tumanggap ng paghahayag para sa kanilang sariling pamilya, ang bishop para sa kanyang ward, at ang Unang Panguluhan para sa buong Simbahan. Gayunman, hindi tayo makatatanggap ng paghahayag para sa pangangasiwa ng ibang tao. Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith:

“‘Salungat sa pamahalaan ng Diyos na ang sinumang miyembro ng Simbahan, o sinuman na makatanggap ng tagubilin para sa mga taong may awtoridad na mas mataas kaysa sa kanila’ [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 229]” (“We Believe All That God Has Revealed,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 85–86).

Mga Gawa 11. Ang paghahayag ay kadalasang dumarating nang paunti-unti kapag kumikilos tayo nang ayon sa nalalaman natin

Inihalintulad ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang paunti-unting paghahayag sa pagsikat ng araw:

“Ang unti-unting pagliliwanag na nagmumula sa papasikat na araw ay parang pagtanggap ng mensahe mula sa Diyos nang ‘taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin’ (2 Nephi 28:30). Kadalasan, ang paghahayag ay dumarating nang paunti-unti at ibinibigay ayon sa ating hangarin, pagkamarapat, at paghahanda. Ang gayong pakikipag-ugnayan mula sa ating Ama sa Langit ay dahan-dahan at marahang ‘magpapadalisay sa [ating mga] kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit’ (D at T 121:45). Mas karaniwan kaysa bihira ang ganitong paraan ng paghahayag” (“Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 88).