Lesson 53
Lucas 15
Pambungad
Ang mga Fariseo at mga eskriba ay dumaing tungkol sa pakikisalamuha ng Tagapagligtas sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan. Tumugon ang Tagapagligtas sa kanila sa pagbibigay ng talinghaga ng nawawalang tupa, ng nawawalang barya, at ng alibughang anak.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Lucas 15:1–10
Ibinigay ni Jesus ang talinghaga ng nawawalang tupa at ng nawawalang isang putol na pilak o barya
Simulan ang klase sa pagtatanong sa mga estudyante kung nawalan na sila ng isang bagay na mahalaga sa kanila.
-
Ano ang handa ninyong gawin para mahanap ito? Bakit?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng espirituwal na “nawawala” ang isang tao? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ito ay maaaring tumukoy sa mga taong hindi pa natatanggap ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo o hindi kasalukuyang namumuhay ayon sa mga turo ng ebanghelyo.)
Sabihin sa klase na mag-isip ng isang taong kakilala nila na maaaring espirituwal na nawawala. Sabihin sa kanila na pagnilayan ang nadarama nila tungkol sa taong ito.
Ipaliwanag na ang Lucas 15 ay naglalaman ng mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa mga taong espirituwal na nawawala. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga katotohanan sa Lucas 15 tungkol sa nadarama ng Ama sa Langit sa mga taong espirituwal na nawawala at ang mga responsibilidad natin sa kanila.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 15:1–2. Sabihin sa klase sa tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ang nagsilapit kay Jesus at ano ang dinaing ng mga Fariseo at mga eskriba tungkol dito.
-
Sino ang mga nagsilapit sa Tagapagligtas? Bakit nangagbulung-bulungan o dumaing ang mga Fariseo at mga eskriba?
-
Ano ang ipinapakita ng pagbubulung-bulungan na ito tungkol sa mga Fariseo at mga eskriba?
Ipaliwanag na nagsalita sa kanila ang Tagapagligtas sa pagbibigay ng tatlong talinghaga: isa ay tungkol sa nawawalang tupa, ang isa ay tungkol sa nawawalang isang putol na pilak o barya, at ang isa pa ay tungkol sa nawawalang anak. Ang mga talinghagang ito ay nilayong magbigay ng pag-asa sa mga makasalanan gayundin upang kondenahin ang pagpapaimbabaw at pagmamalinis ng mga eskriba at mga Fariseo. Sabihin sa mga estudyante na pansinin kung bakit ang paksa sa bawat talinghaga ay tungkol sa pagkawala at kung paano ito nakita.
Isulat sa pisara ang sumusunod na chart o ibigay ito sa mga estudyante bilang handout. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa isang estudyante na pag-aralan ang Lucas 15:3–7 at sa isa namang estudyante ang Lucas 15:8–10. Ipabasa sa mga estudyante ang naka-assign na mga talinghaga sa kanila, na inaalam ang mga sagot sa mga tanong na nasa kaliwang column. (Ang pangatlong talinghaga ay tatalakayin kalaunan sa lesson.)
Mga Talinghaga ng Nawawalang Tupa, ng Isang Putol na Pilak o Barya, at ng Anak
Manwal ng Bagong Tipan para sa Seminary Teacher—Lesson 53
Ano ang nawawala? | |||
Bakit ito nawala? | |||
Paano ito nahanap? | |||
Anong mga salita o kataga ang naglalarawan sa reaksyon nang nahanap ito? |
© 2016 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan.
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang naka-assign na talinghaga sa kanila, at sabihin sa kanilang mga kapartner ang mga sagot nila sa mga tanong na nasa chart. Kapag tapos na ang mga magkakapartner sa bawat grupo, papuntahin ang ilan sa pisara at isulat sa chart ang kanilang mga sagot o (kung hindi mo isinulat ang chart sa pisara) ipabahagi ang kanilang mga sagot sa klase.
-
Ano ang kaibhan ng pagkawala ng tupa sa pagkawala ng isang putol na pilak o barya? (Ang tupa ay nawala nang hindi sinadya, samantalang ang putol na pilak o barya ay nawala dahil sa kapabayaan ng may-ari nito [tingnan sa David O. McKay, sa Conference Report, Abr. 1945, 120, 121–22].)
-
Ayon sa talata 7 at 10, ano ang kinakatawan ng nahanap na isang putol na pilak o barya at tupa? (Kumakatawan ang mga ito sa isang makasalanan na nagsisi at bumaling sa Diyos.)
-
Ano ang ating responsibilidad sa mga nawawala, kahit ano pa ang dahilan ng kanilang pagkawala?
Isulat ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag sa pisara: Kapag tinulungan natin ang iba na magkaroon ng hangaring magsisi, …
-
Batay sa reaksyon ng mga taong nahanap ang mga nawawala, ano ang idurugtong ninyo para makumpleto ang pahayag na nasa pisara? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag tinulungan natin ang iba na magkaroon ng hangaring magsisi, nagagalak tayo at natutuwa ang kalangitan. Kumpletuhin ang nakasulat na alituntunin sa pisara. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa kanilang mga banal na kasulatan sa tabi ng Lucas 15:1–10.)
-
Paano ninyo o ng isang taong kilala ninyo tinulungan ang isang taong espirituwal na nawawala na magkaroon ng hangaring magsisi o lumapit sa Ama sa Langit? Kailan kayo tinulungan ng isang tao? (Paalalahanan ang mga estudyante na huwag magbahagi ng anumang napakapersonal o napakapribadong bagay.)
Lucas 15:11–32
Itinuro ni Jesus ang talinghaga ng alibughang anak
Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang sumusunod na sitwasyon: Isang dalagita ang nakagawa ng mabibigat na kasalanan at hindi na nagdarasal at nagsisimba. Nakadama siya ng pagnanais na simulan ang pagdarasal at pagsunod sa mga pamantayan ng Panginoon, pero nag-alala siya na baka ayaw na Niya na bumalik siya.
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung may kilala sila na parang ganito ang sitwasyon. Ipaliwanag na ang pangatlong talinghaga sa Lucas 15 ay kuwento tungkol sa isang alibugha (ibig sabihin ay maaksaya at maluho) na anak, sa kanyang nakatatandang kapatid, at sa kanilang ama. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng talinghagang ito na makatutulong sa mga taong nakadarama na wala na silang pag-asa at hindi na makababalik pa.
Hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may tigtatatlong katao. Bigyan ang bawat grupo ng isang kopya ng sumusunod na chart. Ipabasa nang malakas sa mga magkakagrupo ang Lucas 15:11–32. Mag-assign ng isang estudyante na pag-isipan ang talinghaga mula sa pananaw ng alibughang anak, ang pangalawang estudyante naman ay pag-iisipan ito mula sa pananaw ng ama, at ang pangatlong estudyante ay pag-iisipan ito mula sa pananaw ng nakatatandang kapatid.
Matapos magbasa ang mga estudyante, sabihin sa kanila na pag-usapan nilang magkakagrupo ang mga tanong sa handout.
Sabihin sa mga estudyante kung ano ang ilalagay nila sa pangatlong column (Lucas 15:11–32) na nasa chart sa pisara o sa unang handout. Isulat sa pisara ang mga sagot ng estudyante, o sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang mga handout.
-
Bakit nawawala ang alibughang anak? (Kumpara sa tupa at isang putol na pilak o barya, nawala ang alibughang anak dahil sa pagrerebelde nito.)
-
Sa pagkaunawang ang ama sa talinghagang ito ay kumakatawan sa Ama sa Langit, ano ang matututuhan natin tungkol sa pagtugon ng Ama sa Langit sa mga taong bumabalik sa Kanya sa pamamagitan ng pagsisisi? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung babalik tayo sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagsisisi at paghingi ng tawad sa Kanya, Siya ay magagalak at malugod tayong tatanggapin. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Paano makatutulong ang alituntuning ito sa mga taong nakadarama na sila ay espirituwal na nawawala?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang nakaaantig na larawan ng sabik at nagmamahal na ama ng binatang ito na patakbong sinalubong siya at pinaghahagkan ay isa sa mga tagpong nakakabagbag-damdamin at puno ng pagkahabag sa lahat ng banal na kasulatan. Ito ay nagsasabi sa bawat anak ng Diyos, alibugha o anupaman, na talagang nais ng Diyos na makabalik tayo nang ligtas sa Kanyang piling” (“The Other Prodigal,” Ensign, Mayo 2002, 62).
Ipaalala sa mga estudyante ang nakatatandang kapatid.
-
Bakit kaya nagalit ang nakatatandang kapatid?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Holland, at sabihin sa klase na pakinggan kung bakit nagalit ang nakatatandang kapatid.
“Ang anak na ito ay hindi gaanong galit sa pagbalik ng kanyang kapatid ngunit sa pagiging masaya ng kanyang mga magulang dahil dito. Dahil akala niya ay hindi siya pinahahalagahan at marahil medyo naawa sa kanyang sarili, ang masunuring anak na ito—at talaga namang masunurin siya—ay saglit na nakalimot na hindi niya kailanman naranasan ang marumihan o magdalamhati, matakot o masuklam sa sarili. Sandali niyang nalimutan na lahat ng bisiro sa rantso ay sa kanya at gayon din ang lahat ng kasuotan sa damitan at lahat ng singsing sa taguan. Sandali niyang nalimutan na ang kanyang katapatan ay nagantimpalaan at palaging gagantimpalaan. …
“… Kailangan pa niyang maging mahabagin at maawain, na napakahalagang katangian upang makita na ang pagbabalik na ito ng kanyang kapatid ay hindi upang makipagkumpetensya sa kanya. Kapatid niya ito. …
“Ang bunsong kapatid na ito ay talagang naging bilanggo—bilanggo ng kasalanan, kahangalan, at namahay na parang isang baboy. Ngunit bilanggo rin ang nakatatandang kapatid. Hindi pa siya nakaaalis sa kanyang sariling bilangguan. Siya ay talagang nakadarama ng matinding pagkainggit” (“The Other Prodigal,” 63).
-
Ayon kay Elder Holland, bakit nagalit ang nakatatandang kapatid?
-
Ano ang kailangan nating alalahanin kapag nakita natin na kinaaawaan at pinagpapala ng Diyos ang mga yaong nagsisisi at nagbalik sa Kanya?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talinghagang ito tungkol sa pagiging mas katulad ng ating Ama sa Langit? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Magiging mas katulad tayo ng ating Ama sa Langit sa pagpapakita ng pagkahabag at kagalakan kapag nagsisi ang ibang tao.)
Rebyuhin ang mga alituntuning natutuhan ng mga estudyante mula sa mga talinghaga sa Lucas 15. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano kaya nila magagamit ang mga alituntuning ito upang sabihan ang mga Fariseo at mga eskriba na dumaing o bumulung-bulong nang sumalo si Jesus sa pagkain sa mga makasalanan.
Ipaalala sa mga estudyante ang tungkol sa tao na pag-iisipan nila sa simula ng klase na maaaring espirituwal na nawawala. Hikayatin sila na mapanalanging pag-isipan kung paano nila matutulungan ang taong iyon na magsisi at mas mapalapit sa Ama sa Langit. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang sagot sa sumusunod na tanong:
-
Ano ang isang paraan na magagamit ninyo ang inyong natutuhan sa araw na ito?