Library
Pambungad sa Sulat ni Pablo Kay Tito


Pambungad sa Sulat ni Pablo Kay Tito

Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?

Ang Sulat ni Pablo Kay Tito, tulad ng sulat niya kay Timoteo, ay naglalaman ng mga di-nagmamaliw na tagubilin mula kay Apostol Pablo para sa isang lokal na pinuno ng Simbahan. Isinulat ni Pablo na ang “pagasa sa buhay na walang hanggan” ay unang ipinangako ng Diyos sa buhay bago rito sa mundo “buhat pa ng mga panahong walang hanggan” (Kay Tito 1:2). Itinuro niya na dapat asamin ng mga Banal ang “mapalad na pagasa” ng kadakilaan at ng Ikalawang Pagparito (Kay Tito 2:13). Isinulat din ni Pablo kay Tito ang tungkol sa “paghuhugas sa muling kapanganakan” at sa “pagbabago sa Espiritu Santo,” na tumutukoy sa ordenansa ng binyag at nakadadalisay na epekto ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, na kapwa paghahanda sa pagiging “tagapagmana … ayon sa pagasa sa buhay na walang hanggan” (Kay Tito 3:5, 7). Sa pag-aaral ng binigyang-inspirasyong tagubiling ito kay Tito, mapalalakas ng mga estudyante ang kanilang pananampalataya na ang mga doktrina at ordenansa ng ebanghelyo ang nagbibigay ng pag-asa para sa buhay na walang hanggan.

Sino ang sumulat ng aklat na ito?

Isinulat ni Pablo ang aklat ng Kay Tito (tingnan sa Kay Tito 1:1)

Kailan at saan ito isinulat?

Malamang na ginawa ni Pablo ang Sulat Kay Tito sa pagitan ng pagsulat niya ng I at II Kay Timoteo na mga A.D. 64-65 (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga,” scriptures.lds.org). Ginawa ni Pablo ang Sulat Kay Tito pagkatapos ng unang pakakakulong ni Pablo sa Roma. Hindi sinabi ni Pablo kung nasaan siya nang ginawa niya ang Sulat kay Tito.

Para kanino ito isinulat at bakit?

Isinulat ni Pablo ang liham kay Tito, na tinatawag ni Pablo na “aking tunay na anak ayon sa pananampalataya ng lahat” (Kay Tito 1:4). Si Tito ay Griyego (tingnan sa Mga Taga Galacia 2:3) at nagbalik-loob o sumapi sa ebanghelyo dahil mismo kay Pablo (tingnan sa Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Titus”). Matapos magbalik-loob, sinamahang maglingkod ni Tito si Pablo para ipalaganap ang ebanghelyo at iorganisa ang Simbahan (tingnan sa Bible Dictionary, “Titus”). Tumulong siyang tipunin ang mga abuloy para sa mahihirap sa Jerusalem (tingnan sa II Mga Taga Corinto 8:6, 16–23) at sinamahan din si Pablo sa konseho sa Jerusalem (tingnan sa Mga Taga Galatia 2:1). Pinagkatiwalaan ni Pablo si Tito na dalhin sa Corinto ang unang sulat ni Pablo para sa mga Banal na nakatira doon (tingnan sa II Mga Taga Corinto 7:5–15). Sumulat si Pablo kay Tito upang palakasin siya sa kanyang tungkulin na pamunuan at pangalagaan ang sangay ng Simbahan sa Creta sa kabila ng oposisyon (tingnan sa Kay Tito 1:5, 10–11; 2:15; 3:10).

Ano ang ilan sa mga naiibang katangian ng aklat na ito?

Ang sulat na ito ay isa sa mga Sulat na pastoral (sulat sa isang pastor, o lider, sa Simbahan), tulad ng I at II Kay Timoteo (tingnan sa Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Pauline Epistles”). Nagbibigay ang Sulat Kay Tito ng mga pinakaunang katibayan na ang Simbahan ay itinatag sa isla ng mga Griyego sa Creta sa Dagat ng Mediterania (tingnan sa Kay Tito 1:5). Si Tito ay may responsibilidad na tumawag ng mga bagong bishop o obispo sa isla. Binanggit ni Pablo ang mga espirituwal na kwalipikasyon para sa mga obispo (tingnan sa Kay Tito 1:6–9). Bilang karagdagan, nagbigay si Pablo ng mga partikular na payo sa mga lalaki, babae, at mga alipin o tagapagsilbi tungkol sa tamang pag-uugali ng mga Banal (tingnan sa Kay Tito 2:2–10).

Outline

Kay Tito 1 Tinagubilinan ni Pablo si Tito na i-orden ang mga pinuno ng Simbahan at pagkatapos ay binanggit ang mga kwalipikasyon ng mga obispo. Sinabihan niya si Tito na itama ang mga maling paniniwala at pinagsabihan ang mga huwad na guro na “nangagpapanggap na nakikilala nila ang Diyos; nguni’t ikinakaila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa” (Kay Tito 1:16).

Kay Tito 2 Hinikayat ni Pablo si Tito na turuan ang mga nakatatandang miyembro ng Simbahan na maging uliran o halimbawa sa mga nakababatang Banal. Hiniling din niya kay Tito na turuan ang mga tagapagsilbi na magpasakop sa kanilang mga panginoon o pinagsisilbihan. Ipinaliwanag ni Pablo ang paraan na dapat mamuhay ang mga disipulo para makapaghanda sa pagbabalik ng Panginoon. Inilarawan ni Pablo ang naganap na pagtubos sa pamamagitan ni Jesucristo.

Kay Tito 3 Itinuro ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan na maging mabubuting mamamayan at matwid na mga tagasunod ni Jesucristo. Sa pamamagitan ng pagbibinyag, matatanggap natin ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoon.