Home-Study Lesson:
Ang Plano ng Kaligtasan–Pambungad at Konteksto ng Bagong Tipan (Unit 1)
Pambungad
Layunin ng lesson na ito na ihanda at hikayatin ang mga estudyante na pag-aralan ang Bagong Tipan sa pamamagitan ng pagpapakilala sa kanila sa isang importanteng tema ng mga turo ni Jesucristo at ng Kanyang mga sinaunang Apostol. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Bagong Tipan, matututuhan nila kung paano tumugon sa paulit-ulit na paanyaya ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya at tanggapin ang Kanyang tulong at patnubay sa ating buhay.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Pambungad sa Bagong Tipan
Ang Bagong Tipan ay tumutulong sa atin na mapalapit kay Cristo
Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano ang ilang mabibigat na pasaning nararanasan ng mga kabataan ngayon?
Magdala ng kahon o backpack na walang laman at mabibigat na bagay na ilalagay sa kahon o backpack, tulad ng malalaking bato o libro. Papuntahin ang isang estudyante sa harap ng klase, at ipahawak sa kanya ang kahon o ipasuot ang backpack. Ipasagot sa klase ang tanong na nakasulat sa pisara, at ipasulat sa isang estudyante ang mga sagot ng iba pang mga estudyante sa pisara. Pagkatapos ng bawat sagot, maglagay ng mabigat na bagay sa kahon o backpack hanggang mapuno ito.
-
Ano ang mararamdaman ninyo kung kailangan ninyong buhatin nang maghapon ang ganitong kabigat na bagay?
Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang mga hamon o problemang idudulot sa tao ng ilan sa mga pasaning nakalista sa pisara.
Ipaliwanag na itinuturo sa atin ng Bagong Tipan ang mga ministeryo ni Jesucristo noong narito pa Siya sa mundo at pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli, pati na ang Kanyang mga turo, himala, pagbabayad-sala, at pagdalaw sa mga disipulo ng simbahan noon. Makikita sa lahat ng Kanyang mga turo at pakikitungo ang katotohanang paulit-ulit na binabanggit na makatutulong sa atin na makayanan ang ating mga pasanin.
Ipaliwanag na mababasa sa Mateo 11 ang isang halimbawa ng pangunahing temang ito na madalas na makikita ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral ng Bagong Tipan sa taong ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 11:28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang paanyaya ng Tagapagligtas sa taong may mabibigat na pasaning dinadala.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng nangagapapagal at nangabibigatang lubha?
-
Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na kailangan nating gawin para matanggap ang Kanyang kapahingahan? (Gamit ang sariling mga salita ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag tayo ay lumapit kay Jesucristo, bibigyan Niya tayo ng kapahingahan.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng lumapit kay Jesucristo?
Para matulungang maunawaan ng mga estudyante ang ibig sabihin ng paglapit kay Cristo, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 11:29–30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga tagubilin ng Tagapaglitas para sa kanilang mga nagnanais na lumapit sa Kanya.
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang dapat nating gawin para mapalapit kay Cristo?
Magdrowing sa pisara ng larawan ng pamatok ng baka, o magpakita ng larawan ng isang pamatok.
Ipaliwanag na ang pamatok ay isang barakilan (beam) na yari sa kahoy na ginagamit para pagsamahin ang dalawang baka o iba pang mga hayop para sabay nilang mahatak ang isang kargada.
-
Ano ang gamit at pakinabang ng pamatok? (Kahit mabigat ang pamatok, natutulungan nito ang dalawang hayop na mapagsama ang kakayahan at lakas nila, at dahil dito ay mas nadaragdagan ang kanilang kakayahang gumawa.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pasanin natin ang pamatok ng Tagapagligtas?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano natin mapapasan ang pamatok ng Tagapagligtas at kung ano ang mga pagpapalang matatanggap natin sa paggawa nito.
“Pinagtatabi ng pamatok ang mga hayop upang sabay silang makagalaw para matapos ang isang gawain.
“Isipin ang kakaibang paanyaya ng Tagapagligtas sa bawat isa na ‘pasanin ninyo ang aking pamatok.’ Sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan, pinapasan natin ang pamatok at nakikiisa tayo sa Panginoong Jesucristo. Ibig sabihin, inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na umasa at makipagtulungan sa Kanya, kahit lahat ng pagsisikap natin ay hindi katumbas at hindi maihahambing sa Kanya. Kapag tayo ay nagtiwala at nakipagtulungan sa Kanya sa paghatak sa ating pasan sa paglalakbay natin sa buhay na ito, tunay na ang Kanyang pamatok ay malambot at magaan ang Kanyang pasan.
“Hindi tayo nag-iisa at hindi natin kailangang mag-isa kailanman. Makakasulong tayo sa buhay sa araw-araw sa tulong ng langit. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas makatatanggap tayo ng kakayahan at ‘lakas [nang higit sa sarili nating kakayahan]’ (‘Panginoon, Kayo’y Laging Susundin,’ Mga Himno, blg. 164)” (“Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 88).
-
Ano ang nagsisilbing “pamatok” sa pagitan natin at sa Tagapagligtas na si Jesucristo?
-
Ayon kay Elder Bednar, ano ang mga biyayang matatanggap natin kapag kasama natin sa pamatok ang Tagapagligtas?
Ituro na ang ipinangako ng Tagapagligtas na “kapahingahan” sa Mateo 11:28–29 ay hindi nangangahulugan na aalisin Niya ang ating mga problema o pagsubok. Kadalasan, binibigyan tayo ng Tagapagligtas ng kapayapaan at lakas na kailangan natin para makayanan o matiis ang ating mga pagsubok, kaya gumagaan ang mga pasanin natin. Kung mananatili tayong tapat kahit may mga hamon tayo sa buhay, ang ganap na kapahingahang matatanggap natin ay ang kadakilaan sa piling ng Diyos (tingnan sa D at T 84:23–24).
Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung paano sila binigyan ng kapahingahan ng Tagapagligtas noong lumapit sila sa Kanya. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase.
Anyayahan ang mga estudyante na magtakda ng mga mithiin tungkol sa mga paraan na mapapalapit sila kay Jesucristo sa buong taon ng pag-aaral nila ng Bagong Tipan. Hikayatin silang isama sa mga mithiin ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa araw-araw at pagbabasa ng buong aklat ng Bagong Tipan ngayong taon.
Maikling Buod ng Bagong Tipan
Ang mga aklat sa Bagong Tipan ay nagpapatotoo na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at ang ating Tagapagligtas
Isulat sa pisara ang mga pangalan ng mga manunulat ng apat na Ebanghelyo: Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. Ipaliwanag na bawat isa sa mga disipulong ito ni Jesucristo ay nagtala ng mga pangyayari at mga turo mula sa buhay ng Tagapagligtas. Ang kanilang mga tala ay tinatawag na Mga Ebanghelyo. Ang ibig sabihin ng salitang ebanghelyo ay “mabuting balita.” Ipaliwanag na binago sa Pagsasalin ni Joseph Smith ang pamagat ng bawat Ebanghelyo at ginawang patotoo, “Ang Patotoo ni Mateo.”
-
Bakit nakatulong ang pagkakaroon ng hindi lamang isang ebanghelyo o patotoo tungkol sa buhay at mga turo ni Jesucristo?
Ipaliwanag na bagama’t magkakaiba ang apat na Ebanghelyo sa ilang detalye at pananaw, ang lahat ng ito ay nagsasalaysay ng mga pangyayari sa buhay at ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Judio dito sa mundo. Ang apat na Ebanghelyo ay nagpapatotoo na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at ang Tagapagligtas ng mundo. Patingnan sa mga estudyante ang chart na “Ang Buhay ni Jesucristo sa Mundo,” sa pagtatapos ng Unit 1: Day 4 lesson. Ipagamit sa kanila ang chart para matukoy ang ilang mahahalagang pangyayari sa ministeryo ng Tagapagligtas sa mundo.
-
Ayon sa chart, gaano katagal ang ministeryo ng Tagapagligtas sa mundo?
-
Saan madalas naroon ang Tagapagligtas noong panahon ng Kanyang ministeryo?
Ipagamit sa mga estudyante ang chart na ito para mas maunawaan nila ang konteksto ng apat na Ebanghelyo sa kanilang pag-aaral ng Bagong Tipan.
Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang pahina ng Mga Nilalaman o Table of Contents ng Biblia. Ipaliwanag na ang Mga Ebanghelyo ay nagsasalaysay ng ministeryo ng Tagapagligtas, samantalang ang mga aklat mula sa Mga Gawa hanggang Apocalipsis ay nagtatala ng ministeryo ng mga sinaunang Apostol ni Cristo matapos ang Kanyang Pagkapako sa Krus, Pagkabuhay na Mag-uli, at Pag-akyat sa Langit. Ang mga Apostol na ito ay naglakbay sa buong lupain ng Israel at sa Imperyo ng Roma para ituro ang ebanghelyo at magtatag ng mga sangay ng Simbahan. Sa pag-aaral ng mga ginawa at isinulat ng mga Apostol na ito, mapapalakas natin ang ating pananampalataya sa Tagapagligtas at malalaman kung paano matatanggap ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. Makikita rin natin kung gaano ang pagkakatulad ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa sinaunang simbahan ni Jesucristo.
Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo sa Bagong Tipan, at sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan na magbibigay ng pagpapala sa kanila sa kanilang pag-aaral ng buhay at mga turo ni Jesucristo at ng Kanyang mga Apostol sa Bagong Tipan.
Susunod na Unit (Mateo 1–5)
Ipaliwanag na pag-aaralan ng mga estudyante sa susunod na unit ang ilan sa mga detalye ng pagsilang ng Anak ng Diyos. Pag-aaralan din nila ang mga turo ni Jesucristo tungkol sa kung paano tunay na magiging masaya sa buhay na ito at maging perpekto tulad ng Ama sa Langit.