Pambungad sa Unang Sulat ni Pablo sa mga Taga Tesalonica
Bakit kailangang pag-aralan ang aklat na ito?
Ang Unang Sulat sa mga Taga Tesalonica ay pinaniniwalaang ang pinakauna sa mga sulat ni Pablo na mayroon tayo ngayon at maaaring ang pinakalumang aklat sa Bagong TIpan. Ang mga turo ni Pablo sa sulat na ito ay nakatuon una sa lahat sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, kabilang na ang mga paghihirap na daranasin ng mga tagasunod ni Jesucristo bago ang Kanyang pagbabalik (tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 3:3), ang Pagkabuhay na Mag-uli ng mga Kristiyano sa Ikalawang Pagparito (tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 4:13–14), at ang panahon ng Ikalawang Pagparito ni Cristo (tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 5:1–2). Sa pamamagitan ng pag-aaral nila sa aklat na ito, matututuhan ng mga estudyante ang tungkol sa Ikalawang Pagparito at mahihikayat na manatiling matapat sa Panginoon.
Sino ang sumulat ng aklat na ito?
Si Pablo ang sumulat ng I Mga Taga Tesalonica (tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 1:1; tingnan din sa 2:18).
Kailan at saan ito isinulat?
“Isinulat ni Pablo ang mga liham sa mga taga Tesalonica mula sa Corinto sa kanyang pangalawang pangmisyonerong paglalakbay,” mga A.D. 50–51 (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, mga,” scriptures.lds.org).
Para kanino ito isinulat at bakit?
Isinulat ni Pablo ang I Mga Taga Tesalonica sa mga miyembro ng Simbahan sa Tesalonica. Ang Tesalonica ay ang may pinakamalaking populasyon at pinakamaunlad na bayan sa sinaunang kaharian ng mga Griyego ng Macedonia dahil sa dalawang mahalagang katangian nito: ang bayan ay itinayo sa pinakamagandang daungan sa Dagat ng Aegean, at ito ay matatagpuan sa pangunahing daanan na konektado sa Roma at Asia.
Sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, ginabayan ng Espiritu si Pablo at ang kanyang mga kasama—sina Silas, Timoteo, at Lucas—na maglakbay sa Dagat ng Aegean patungong Macedonia (tingnan sa Mga Gawa 16:6–12). Ito ang naging simula ng pangangaral ng ebanghelyo sa Europa. Pagkatapos magturo sa Filipos (tingnan sa Mga Gawa 16:12–40), naglakbay sina Pablo at Silas sa Tesalonica.
Nagturo sina Pablo at Silas sa Tesalonica, ngunit pinalayas sila sa bayan ng mga pinunong Judio (tingnan sa Mga Gawa 17:1–9). Kalaunan, inulat ni Timoteo kay Pablo na ang mga Banal sa Tesalonica ay nanatiling tapat sa kabila ng mga pang-uusig at lumalawak ang kanilang mabuting impluwensya (tingnan sa Mga Gawa 18:5; I Mga Taga Tesalonica 1:7–8; 3:6–8).
Ang mga naging miyembro sa Tesalonica ang ilan sa mga unang Europeong tumanggap sa ebanghelyo, at nakaranas sila ng pang-uusig dahil dito. Marami rin silang mga katanungan tungkol sa Ikalawang Pagparito. Samakatwid, sa kanyang sulat sa mga taga-Tesalonica, sumulat si Pablo ng mga salitang naghihikayat at nagpapalakas at sinagot ang mga tanong nila tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Ano ang ilan sa mga naiibang katangian ng aklat na ito?
Isa sa mga pangunahing tema ni Pablo sa kanyang Unang Sulat sa mga Taga Tesalonica ay ang Ikalawang Pagparito. Nagtuon siya sa bahaging gagampanan ng mga matwid sa mga kaganapan sa Ikalawang Pagparito, lalo na ng mga Banal na namatay bago ito maganap (tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 2:19; 3:13; 4:13–17; 5:1–10). Hindi tulad ng karamihan sa iba pang sulat ni Pablo, hindi naglalaman ang I Mga Taga Tesalonica ng anumang pananalita na pinagsasabihan ang mga Banal sa Tesalonica at sa halip ay naglalaman ito ng papuri at habilin para sa kanila.
Outline
I Mga Taga Tesalonica 1–3 Nagpahayag si Pablo ng malaking pasasalamat sa mga Banal sa Tesalonica. Ipinaalala niya sa mga mambabasa ang kanyang mabuting paglilingkod sa kanila at nagpahayag ng kagalakan sa kanilang katapatan. Hinikayat niya ang mga Banal na lumago sa pag-ibig sa isa’t isa at sa lahat ng tao.
I Mga Taga Tesalonica 4–5 Sinabi ni Pablo sa mga Banal na manatiling banal at dalisayin ang kanilang mga sarili. Ipinaliwanag niya na sa pagbabalik ng Panginoon, ang mga Banal na naging matapat sa kanilang patotoo kay Cristo, kapwa yaong namatay na at yaong mga nabubuhay pa, ay babangon at sasalubungin ang Panginoon. Pinaalalahanan ng Apostol ang mga miyembro ng Simbahan na maghanda at magbantay sa araw ng pagdating ni Cristo.