Lesson 64
Juan 5
Pambungad
Ang Tagapagligtas ay dumalo sa isang pista (marahil ang Paskua) sa Jerusalem at pinagaling ang maysakit na lalaki sa tangke (o pool) ng Betesda. Itinuro ni Jesucristo na kumakatawan Siya sa Ama sa Langit at ipinaliwanag kung bakit kailangang igalang ng mga tao ang Anak ng Diyos. Inilarawan din Niya ang iba pang mga saksi na nagpatotoo sa Kanyang pagkadiyos at kabanalan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Juan 5:1–30
Pinagaling ni Jesus ang maysakit na lalaki sa araw ng Sabbath at itinuro ang tungkol sa kaugnayan Niya sa Ama.
Magpakita ng larawan ng mga piraso ng isang basag na palayok o pinggan (o maaari kang magdrowing sa pisara ng larawan ng basag na pinggan).
Sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang kamay kung nakabasag na sila ng anumang mahalagang bagay. Ipaliwanag na bilang mga anak ng Ama sa Langit, napakahalaga natin. Gayunman, dahil sa mga pagpili o mga pagsubok na nakakaharap natin, may mga oras na tila nadarama natin na nanghihina tayo o wala tayong halaga.
-
Ano ang ilang mga paraan na maaaring maramdaman ng isang tao na nanghihina siya sa espirituwal, pisikal, o emosyonal? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang katotohanan sa pag-aaral nila ng Juan 5:1–9 na makatutulong sa atin na mapanatag at makadama ng pag-asa kapag tayo ay pinanghihinaan.
Ibuod ang Juan 5:1 na ipinapaliwanag na pagkatapos magministeryo ni Jesus sa Galilea, naglakbay Siya patungong Jerusalem upang dumalo sa pista ng mga Judio, na marahil ay ang Paskua (tingnan sa Juan 5:1). Habang nasa Jerusalem, pumunta Siya sa isang tangke malapit sa templo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 5:2–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ang mga naroon sa paligid ng tangke (o pool).
-
Anong klaseng mga tao ang naroon sa tangke ng Betesda? (Ipaliwanag na ang mga salitang maysakit, bulag, pilay, at natutuyo [talata 3] ay naglalarawan sa mga taong may sakit, mahina, o may kapansanan.)
-
Ano ang hinihintay ng mga maysakit na ito? (Ipaliwanag na maaaring may bukal na paminsan-minsan ay dumadaloy sa tangke kaya bumubula ang ibabaw ng tubig, na maaaring nakapagbigay ng kaunting kaginhawahan sa karamdaman ng mga taong ito [tingnan sa Bible Dictionary, “Bethesda”].)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Walang alinlangan na ang tangke ng Betesda ay isang bukal na ang tubig ay nakagagaling. Ngunit anumang haka-haka na bumababa ang isang anghel at kinakawkaw o pinagagalaw ang tubig, para gumaling ang unang taong makalulusong dito ay pawang pamahiin lamang. Ang mga pagpapagaling na gawa ng himala ay hindi sa ganitong paraan nangyayari (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:188).
-
Ano ang itinuro ni Elder McConkie tungkol sa paniniwalang may anghel na bumababa at pinagagalaw ang tubig para gumaling ang unang taong lulusong dito?
-
Ano sa tingin mo ang tanawin sa tangke, na naroon ang maraming taong umaasa na mapapagaling ang unang taong makakalusong dito?
Sabihin sa ilang mga estudyante na magsalitan sa pagbasa ng Juan 5:5–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung sino ang nakita ng Tagapagligtas na nakahiga malapit sa tangke.
Ipakita ang larawang Pinagagaling ni Cristo ang Maysakit sa Betesda (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 42; tingnan din sa LDS.org).
-
Paano inilalarawan ng mga talatang ito ang lalaking nakita ng Tagapagligtas?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 5:8–9, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas sa lalaki. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Sabihin sa kanila na maaari nilang markahan ang katagang “gumaling ang lalake” (talata 9).
Isulat sa pisara ang salitang Betesda. Ipaliwanag na ang Betesda ay maaaring isalin bilang “bahay ng awa” (Bible Dictionary, “Bethesda”.) Isulat sa pisara ang kahulugang ito satabi ng Betesda. Ipaliwanag na ang awa ay pagkahabag o kabaitan. Ang pinakadakilang ginawa dahil sa awa ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
-
Bakit angkop ang Betesda sa pangalan ng lugar na ito, lalo na pagkatapos pagalingin ng Tagapagligtas ang lalaki?
-
Sa anong mga paraan tayo maaaring katulad ng lalaking ito na nasa gilid ng tangke ng Betesda?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa pagpapagaling ng Tagapagligtas sa lalaking ito? (Iba-iba man ang isagot ng mga estudyante, tiyaking mabibigyang-diin na sa pamamagitan ng kapangyarihan at awa ni Jesucristo, maaari tayong mapagaling nang lubos.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag ni Elder Merrill J. Bateman, na ipinahayag ito noong siya ay naglilingkod bilang Presiding Bishop. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano tayo lubos na mapapagaling ng Tagapagligtas:
“Tulad ng pilay na lalaki na nasa Tangke ng Betesda na nangangailangan ng isang taong mas malakas sa kanya upang siya ay mapagaling (tingnan sa Juan 5:1–9), tayo rin ay umaasa sa mga himala ng pagbabayad-sala ni Cristo kung mapagagaling ang ating mga kaluluwa mula sa pighati, kalungkutan, at kasalanan. … Sa pamamagitan ni Cristo, ang mga bagbag na puso ay mapapagaling at ang pagkabalisa at kalungkutan ay mapapalitan ng kapayapaan” (“The Power to Heal from Within,” Ensign, Mayo 1995, 13).
-
Ano ang ilang paraan na maaari tayong mapagaling nang lubos sa pamamagitan ng awa ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala? (Maaari mong ipaliwanag na mapapagaling tayo nang lubos sa buhay na ito o sa kabilang buhay.)
-
Ano ang dapat nating gawin upang makatanggap ng awa at pagpapagaling sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?
Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang mga pagkakataon kung saan nasaksihan o naramdaman nila ang kapangyarihan, awa, o pagkahabag ni Jesucristo na tumulong sa kanila o kaninuman na pinanghihinaan sa espirituwal, pisikal, o emosyonal man. Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Alam ko na ang Tagapagligtas ay maawain at mahabagin dahil …
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang idurugtong nila sa pahayag na ito. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga sagot.
Ibuod ang Juan 5:10–16 na ipinapaliwanag na natagpuan kalaunan ng Tagapagligtas ang lalaki sa templo at pinayuhan siyang “huwag ka nang magkasala” (Juan 5:14). Nang nalaman ng mga pinunong Judio na ang lalaki ay pinagaling ni Jesus sa araw ng Sabbath, inusig nila at pinagtangkaang patayin ang Tagapagligtas.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 5:17–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang iba pang dahilan kung bakit nagalit ang mga pinunong Judio kay Jesus.
Ipaliwanag na tulad ng nakatala sa talata 17, itinuro ng Tagapagligtas sa mga pinunong Judio na sa pagpapagaling sa lalaki, ginawa Niya ang gawain ng Ama sa Langit. Pagkatapos ay nagturo ang Tagapagligtas tungkol sa Kanyang kaugnayan sa Ama.
-
Ayon sa talata 18, ano ang isa pang dahilan kung bakit nagalit kay Jesus ang mga pinunong Judio? (Naniniwala sila na si Jesus ay nagkasala ng panlalapastangan [o blasphemy] dahil sinabi Niya na ang Diyos ay Kanyang Ama at samakatwid ay nagsabing kapantay Niya ang Diyos.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa kanyang kaugnayan sa ating Ama sa Langit? Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Ipabasa nang malakas at magkasabay sa bawat magkakapartner ang Juan 5:19–22, 26–27, 30. Sabihin sa kanila na hanapin ang mga sagot sa tanong na ito.
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na magreport tungkol sa nahanap nila. Ibuod ang kanilang mga sagot sa tanong sa pagsulat sa sumusunod na katotohanan sa pisara: Sa lahat ng Kanyang ginagawa, si Jesucristo ay kumakatawan sa Ama sa Langit at hinahangad na sundin ang Kanyang kalooban. Ipaliwanag na inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na gawin din ang gayon.)
-
Bakit mahalagang maintindihan na sa lahat ng Kanyang ginagawa, si Jesucristo ay nagsisilbing perpektong kinatawan ng ating Ama sa Langit?
Juan 5:31–47
Nagturo si Jesus tungkol sa maraming saksi na nagpapatotoo sa Kanyang pagkadiyos at kabanalan
Magdala sa klase ng isang maliit na mani na nasa balat pa nito (maaari ding gamitin ang isang gisantes). Ilagay ang mani sa iyong kamay upang hindi ito makita ng mga estudyante. Ipaliwanag na may hawak kang isang bagay na hindi pa kailanman nakita ng mata ng tao. Sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang kamay kung naniniwala sila sa iyo. Sabihin sa isang estudyanteng hindi nakatitiyak kung totoo ito na pumili ng ilang kaklase na titingin sa bagay na ito. Ipakita ang bagay na ito sa mga estudyanteng ito, at sabihin sa kanila na sabihin sa klase kung nagsasabi ka ng totoo.
-
Paano pinalalakas ng pagkakaroon ng mahigit sa isang saksi ang katotohanan ng anumang pahayag?
Ipakita sa klase ang mani, at ipaliwanag kung paanong hindi pa kailanman nakita ng sinuman ang loob nito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 5:31. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang sariling patotoo sa Kanyang kaugnayan sa Ama sa Langit. Sabihin sa mga estudyante na magreport tungkol sa nalaman nila.
Ituro na nilinaw ng Joseph Smith Translation ang mga talata 31 at 32: “Kung ako’y nagpapatotoo sa aking sarili, gayon pa man ang patotoo ko ay katotohanan. Sapagkat hindi ako nag-iisa” (Joseph Smith Translation, John 5:32–33). Ipaliwanag na itinuro ng Tagapagligtas sa mga Judio na mayroong iba pang magpapatotoo sa kanila maliban sa Kanya.
Isulat sa pisara ang sumusunod na mga scripture reference: Juan 5:32–35; Juan 5:36; Juan 5:37–38; Juan 5:39; Juan 5:45–47. I-assign ang bawat reference sa isa o mahigit pang mga estudyante. Ipabasa sa kanila ang mga talatang ito at alamin ang iba pang mga saksi sa pagkadiyos at kabanalan ni Jesus. Tulungan ang mga estudyante na gumawa ng listahan ng mga saksing ito sa pagsasabi sa kanila na isulat sa pisara ang mga nalaman nila katabi ng bawat reference.
Ipaliwanag na sa kabila ng pagkakaroon ng maraming saksi ni Jesucristo, ang mga pinunong Judio ay hindi naniwala sa pagkadiyos at kabanalan ni Jesus. Ituro na sa talata 39 na nang magsalita si Jesus tungkol sa mga banal na kasulatan, sinabi Niya, “Sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan.”
-
Anong maling paniniwala ang tinutukoy ni Jesus sa mga Judio? (Ipaliwanag na naniniwala ang maraming Judio sa panahon ni Jesus na makatatanggap sila ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan lamang ng pagbabasa nila ng mga banal na kasulatan. Nabigo silang maunawaan na ang layunin ng mga banal na kasulatan ay ang ituon sila kay Jesucristo. Parang ganito ang sinabi Niya, “Iniisip ninyo na mayroon kayong buhay na walang hanggan, ngunit saliksikin ninyo ang mga banal na kasulatan, dahil ang mga ito ay nagpapatotoo sa akin.”)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 5:40. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang kailangang gawin ng mga Judio upang makatanggap ng buhay na walang hanggan.
-
Bagama’t pinag-aralan ng mga Judio ang mga banal na kasulatan, ano ang ayaw nilang gawin na makatutulong sa kanila na maging karapat-dapat na makatanggap ng buhay na walang hanggan?
-
Ayon sa mga itinuro ng Tagapagligtas sa talata 39 at 40, ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang buhay na walang hanggan? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Tanging sa paglapit kay Jesucristo lamang natin matatanggap ang buhay na walang hanggan. Isulat sa pisara ang mga alituntuning ito.)
Ipaalala sa mga estudyante na kasama sa buhay na walang hanggan ang pagiging katulad ng Ama sa Langit at pamumuhay magpakailanman kasama ang ating mga karapat-dapat na kapamilya kapiling Siya.
-
Ano ang ibig sabihin ng lumapit kay Jesucristo? (Ang lumapit kay Cristo ay pagsampalataya sa kanya, pagsisisi ng ating mga kasalanan, at pagsunod sa Kanyang mga kautusan.)
-
Bakit kinakailangang lumapit kay Jesucristo upang matanggap ang buhay na walang hanggan?
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga paraan kung paano makatutulong ang mga saksing nakalista sa pisara sa isang tao upang mapalapit sa Tagapagligtas.
-
Kailan nakatulong sa inyo ang isa sa mga saksi ni Jesucristo para mapalapit kayo sa Kanya?
Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung ano ang magagawa nila upang mas lubos na mapalapit sa Tagapagligtas nang sa gayon ay matanggap nila ang buhay na walang hanggan.
Magtapos sa pagpapatotoo sa mga katotohanang itinuro sa Juan 5.